Konti na lang at malapit nang mabuo ang imahe ng babaeng kinopya ni Van mula sa isa sa mga larawang nasa photo gallery ng cellhpone na nakapatong sa maliit na mesita sa gilid niya.
Tingin. Marka. Tingin. Marka.
Bawat detalye, metikulosa niyang kinokopya. Ito lang ang bagay na masasabing magaling siya kaya pinagbubutihan niya.
Isa, dalawa, tatlo pang tarak ng mga karayom.
Viola!
Another masterpiece has been created. Buhay na buhay niyang na-capture ang magandang mukha ni "Dear Michelle" sa outer layer ng balat ng kustomer na si Brando.
"Tapos na ba?"
Simula kanina nang nagsimula ang tattoo painting ay mahigpit nitong hawak ang armrest ng recliner na kinahihigaan nito. Ke laki-laki ng katawan, takot pala sa karayom. Halos maluha-luha pa ito kanina nang magsimula ang session nila.
Kung bakit ba naman kasi nagpadala sa pressure at buong mukha pa ng kasintahan nito ang pinagaya sa kanya. Mabuti sana kung 'di maghihiwalay ang mga ito. Ang kaso, sa loob ng dalawang taong pagtatattoo niya ay maraming beses na ring may bumabalik sa shop nila upang ipabura ang marka ng ink na noong una ay testamento ng walang hanggang pagmamahalan ngunit kalaunan ay itinuturing na ngang sumpa pag nagkalabuan na.
"Siya na ba talaga?"
"Sigurado ka ba talaga?"
Madalas ay tanong niya sa mga kustomer. Kapag nagkabulelyasuhan, minsan ay nadadamay pa siya sa pagpapalaser para lang mabura ang tattoo.
"Tapos na."
Sinimulan niyang ligpitin ang mga gamit. Tinanggal ang mga karayom mula sa tattoo machine at inilagay sa isang lalagyan at inilagak sa malapit na sink. Mamaya ay isa-sanitize niya ang mga iyon kasama ang ilan pang gamit.
"Applyan mo na lang ng petroleum jelly para di mamaga. Pag nakaramdam ka ng pangangati, tawagan mo kaagad ako."
Tinanggal niya muna ang gloves at ang suot na goggles at kumuha mula sa drawer ng kaisa-isang natirang business card ng part bar at part tattoo shop na pinagtatrabahuhan niya. Kahit ganito lang ang trabaho niya, maingat siya sa mga kliyente. Kaya nga, customers keep coming back for more. Aside sa magaling nga raw siya.
"Ang galing mo ha," si Brando na sinipat-sipat sa salamin ang tattoo sa bisig nito.
Fine Arts student siya. Di nga lang siya gumradweyt. Dito sa pagtatattoo niya ibinubuhos ang angking talento. Inaaba ng mga kamag-anak niya pero para sa kanya marangal na trabaho at ang higit na mahalaga ay masaya siya. Para na rin siyang nagpipinta, human skin nga lang ang kanyang canvass.
"Dahil magaling ka, magtitip ako ng malaki. Kopyang-kopya mo ang mahal ko."
Akmang iaabot nito sa kanya ang bills na hinugot sa pitaka ngunit tinanggihan niya.
"Centralize ang tip namin dito, bosing." Itinuro niya ang cashier na nasa main bar.
Ngumisi ang lalaki. "Loyal ka sa amo mo ha."
"Ang bait-bait kasi, nakakakunesensyang kupitan."
When everyone seems to fail her, si Chad ang naniwala sa kanya, ang nagbigay sa kanya ng oportunidad. Kaya, lahat ay gagawin niya para matawag na worthy sa tiwalang pinagkakaloob nito sa kanya.
Kailanman, she will never fail him.
Tumunog ang telepono.
Speak of the devil. Napangiti siya nang mabasa ang nakaregister na pangalan sa cellphone.
"Brod," kaagad na bungad ni Chad sa kabilang linya. Maingay ang background. Nasa gig si Chad kaya ganoon ang ingay na naririnig niya. "Ikaw na munang bahalang magsara ng bar ha. Hindi ako makaalis dito. Kausap pa ng road manager ang isa sa mga representatives ng toothpaste na possibly ay gagawan namin ng jingle."
May banda si Chad. Sa katunayan, ito ang gitarista at katuwang na nagko-compose para sa banda.
"Yes, brod, akong bahalang tumulong kay Peter."
"Maaasahan talaga kita."
"Ikaw pa, malakas ka sa akin, eh."
"Kaya nga labs na labs kita."
Panandalian siyang napatda sa sinabi nito. Alam niyang walang kahulugan kay Chad ang sinabi nito pero iba ang epekto niyon sa kanya. Every time. He never faltered to make her heart go frantic. Pero tanging siya lang ang nakakaalam.
Masagwang malaman ng iba na ang isang kagaya niya ay may nililihim pala.
Di sinasadyang napalingon siya sa full-body size na salamin sa kanyang harapan.
Itim na t-shirt, tattered pants na tinernuhan ng sneakers ang kabuuang outfit ng babaeng nakatingin pabalik sa kanya. If babae nga siyang tingnan ng karamihan. Maiksi ang buhok, hindi lang basta maiksi, may pagka-mohawk din iyon pero mas maliit na portion nga lang ang naaahitan at ang pinakagitna at siya na ring pinakamahaba ay itinali niya sa pinakaituktok ng kanyang ulo. Nong minsang magpagupit siya, bigla na lang ganoong hairstyle ang ginawa ng hairstylist. Sanay siya sa maiksing buhok ngunit naninibago siya sa ganitong hairstyle.
"Wow, mas nagmukha ka pang astig ah!" si Chad na ginulo pa ang buhok niya. "Bobby, you have done an awesome job!" thumbs up sign pa nito sa naggupit sa kanya. Kaya imbes na singhalan si Bobby ay nakisakay na rin siya, nakitawa kahit pa sa kaloob-looban ay ayaw niya.
But she is Van del Rosario, she could carry disappointments and pretend she is okay. Even if most of the time ay napipingasan din ang damdamin niya.
"Hey, buddy, are you still there?"
"O-oo."
"Pagkatapos mo diyan, can you come over? Alam mo na kung saan ang gig namin."
Marami-rami din ang nagpapatattoo sa kanya, napagod din siya dahil tinutulungan pa niya sina Peter pero basta't para kay Chad, oo kaagad ang magiging sagot niya.
"Of course, I will."
"See you later, buddy!"
Nawala na ito sa kabilang linya. Pero siya, nakatutok pa rin sa tenga ang cellphone at nakatingin sa repleksyon niya sa salamin.
Yes, she is his buddy. Kainuman. Kaibigan. Sumbungan ng mga frustrations. To Chad, she is one of the boys. She will never be considered a woman.