Chapter 6: Ikaw ang Safe Place Ko

3029 Words
CHAPTER 6: Ikaw ang Safe Place Ko BUMALIK ako ng kubo at nadatnan kong nandoon na si Aling Nora, nililigpit niya ang mga gamit sa mesa. Sinabihan niya ang tatlong lasing na umaalis na, at ibinigay na namin sa mga ito ang tirang alak. Nang bumalik ang mama ni Arjay sa bahay nila para kumuha ng unan at kumot, tsaka naman nagpaalam ang tatlo. "Tara na mga 'tol, baka makaisturbo pa tayo sa dalawang binatang 'yan," pangiti-ngiting sabi ng lasing na maitim at matabang lalaki sa kanyang mga kasama. "Moja nga pala ang pangalan ko." Nagawa pang magpakilala matapos niyang maging malisyoso sa harap ko. "Tres po," pakilala ko naman bilang paggalang. "Salamat dito, utoy sa alak," sabi naman ng lasing na may tattoo. "Tanod ako rito, ako si Elmer," pakilala niya. "Kagawad ako sa barangay na ito. Kapag may nagloko, hanapin mo ako, si Kagawad Boboy!" pagmamalaki naman ng lasing na maitim na lalaki. Halos mata at ngipin niya na lang ang makikita. Mabuti at nakaputi siya ng damit. "Sige po," tugon ko at tuluyon na silang nagpaalam. Naririnig ko pa sa malayo ang usapan nila, at kami ang pinag-uusapan nila ni Arjay. "Mag-jowa siguro ang anak ni Nora at ang tisoy na 'yon, ano?" sabi ng nagpakilalang Moja at sumang-ayon naman ang dalawang kasama niya. Malamang daw mana si Arjay sa Uncle niyang si Andoy. Mga pasaway. Pero nagpapasalamat ako sa pagdating nila kanina. Malamang kundi dahil sa kanila, isa na sa amin ang patay ni Troy. At 'di ko masasabi kung sino sa aming dalawa. Dala na ni Aling Nora ang mga unan at kumot pagkabalik niya. Pinaunan niya ang isa kay Arjay at kinumutan na niya rin. Nilapag niya naman ang isa pang unan at kumot sa kabilang pahabang upuan na gawa sa kawayan na siyang hihigaan ko. Lumapit sa 'kin si Aling Nora. "Tres, isuot mo muna 'to. Damit ni Arjay 'yan, kasya naman siguro sa 'yo." Inabot niya sa 'kin ang kulay pulang damit. "Maraming salamat po," sabi ko. Isinuot ko ito at sakto lang sa 'kin. "Maraming salamat din. Salamat sa opportunity na ibinigay mo sa anak ko. Pasensya na kung nagmumukha akong pera, pero kasi kailangan talaga namin 'yon. Praktikalan na. Ayaw ko na rin kasing - " Napahinto siya. Alam ko ang inisip niya, bagay na lihim kong nalaman na ayaw nilang ikuwento pa sa iba dahil ang bagay na iyon ay personal para sa kanila. "Maraming salamat talaga," nasabi na lamang niya at mahigpit niya akong niyakap. Napangiti ako. Ngayon na lamang ako ulit nakaramdam ng yakap ng isang ina. Nang magpaalam na si Aling Nora, pinatay ko na ang ilaw. Hindi ako nahiga sa pahabang upuan. Nakatayo lang ako malapit kay Arjay upang bantayan siya. Nakatayo lang ako, hanggang sumapit ang umaga. Sa pagdilat niya, nakangiti akong tumambad sa kanya. "Mahina," nakangiting bati ko sa kanya na may pang-iinsulto. Napangisi lang siya at hinila ako palapit sa kanya. Napaupo ako sa tabi niya, yumakap siya sa balikat ko at inihilig ang kanyang ulo sa likod ko. "Dark, sakit pa ng ulo ko. Timpla mo ako ng kape," request niya. "Anong nangyari kagabi?" "Wala akong ginawa sa 'yo, ah! 'Di kita ginapang. 'Di kita minanyak, Dark!" tanggi ko. Pero binalak ko. Natutukso akong halikan siya sa labi kagabi, pero pinigilan ko. At pa'no ko magagawa 'yon, kung binabanggit niya ang pangalan ni Selena habang natutulog siya. Para akong tanga kagabi, para akong nakaharap sa taong sinasaksak ang dibdib ko nang paulit-ulit. "Loko-loko!" natatawang sabi niya. "Ang alam ko kasi, sinundan kita kasi ang tagal mong bumalik? Wala na akong maalala? Pa'no ako napunta rito? At ba't damit ko ang suot mo?" Inalis ko ang kanyang kamay na nakapatong sa aking balikat at seryoso ko siyang nilingon. Umiling-iling ako sa harap niya. "Bakit?" pagtataka niya. Seryoso akong nagkuwento sa kanya. "Kagabi, sinundan mo ako. Nakaupo ako sa tabing-dagat. Niyakap mo ako, tapos pinahiga mo ako sa buhangin at hinubaran mo ako. Tinapon mo ang damit ko sa dagat tapos pinaghahalikan mo ako sa leeg pati sa lips. Sabi mo 'wag akong papalag kaya hinayaan kita. Sabi mo pa salamat at dumating ako sa buhay mo. Grabe, Dark, binaboy mo ako kagabi. Pero nagustuhan ko." "Ulol! Loko-loko!" natatawang sabi niya. Hineadlock niya ako at ginulo-gulo ang buhok ko. Obvious naman kasi na 'di totoo ang mga sinabi ko. Dumaan ang tatlong lasing kagabi, at mukhang lasing pa rin sila kahit nag-umaga na. "Sabi sa inyo, tama ako," sabi ng mataba na nagpakilalang Moja kagabi. Tumango-tango lang ang dalawang kasama niya at umalis na sila na susuray-suray. "Problema ng mga tropang uhaw na 'yon?" pagtataka ni Arjay. Natawa na lang ako. Naririnig ko sa malayo ang usapan ng tatlong lasing at kami ang pinag-uusapan nila. "Mag-jowa talaga," pagbibida na naman no'ng Moja. "Wala naman masama mga pre kung nagkakagustuhan sila. Eh, sa kung tumibok ang puso mo sa kapwa mo may lawit, may magagawa ka ba?" tinig ng nagpakilalang si Kagawad Boboy. "Sabagay uso na 'yon ngayon," pagsang-ayon naman no'ng Elmer. Inayos namin ni Arjay ang mga unan at mga kumot. "Galing mo gumawa ng kuwento, Dark, ah. Muntik akong maniwala, eh," sabi niya. "Pero totoong sinabi mo sa 'kin, na nagpapasalamat kang dumating ako sa buhay mo," saad ko. Napaupo siya at nag-isip. "Hindi ko na matandaan?" "Marami kang hindi natatandaan, Dark," seryosong sabi ko sa kanya habang nakatingin kami sa isa't isa. Ang tayo noon, sana kahit pa'no maligaw sa isipan mo. Kahit ang una man lang nating pagkikita. Nais kong sabihin sa kanya ang mga bagay na 'yon. ---------- NANG MAKAPAGHANDA na kami at nakapag-impake na ng damit niya si Arjay, nagpaalam na kami sa mama at kapatid niya. At maging kina Mang Ramon at Mang Andoy. "Pre, sandali," tawag sa 'kin ni Mengil, pasakay na kami ni Arjay sa motor. Seryoso ang mukha niya na awtomatikong may namuong katanungan sa aking isipan. Nagkatinginan pa kami ni Arjay bago ako lumapit kay Mengil. "Bakit, pre?" tanong ko. Hindi siya agad nakasagot at parang nagho-hold back siya sa gusto niyang sabihin. "Wala, pre. Ingat kayo ni insan. At... sana, puwede akong dumalaw sa inyo?" Ngumiti ako. "Syempre, welcome ka do'n. Tagay tayo 'pag napadaan ka. Kantahan tayo," tugon ko sa kanya. Oo, isa akong bampirang mahilig kumanta. Hindi ko inasahan nang bigla akong yakapin ni Mengil. "Thank you, pre," sambit niya. Napatango na lang ako. "Mukhang mami-miss ka ni insan, ah?" ani Arjay nang nakasakay na kaming dalawa sa motor at sinusubukan niyang paandarin ito. "Mami-miss ko rin naman siya," sagot ko. "Ba't 'di na lang siya ang gawin mong tour guide mo?" biglang sabi niya. "Ayaw mo ba?" Umandar ang motor, 'di niya sinagot ang tanong ko. Ngunit ba't napapangiti ako sa naging asal niya? Humawak ako sa baywang niya. "Ikaw ang gusto kong kasama," sambit ko. Nakita ko sa side mirror na napangiti siya. Nang marating namin ni Arjay ang bahay ko, tinour ko siya sa loob. Sa baba, naroon ang living area, dining area, kitchen, powder room at service area kung saan puwedeng maglaba. May isang kuwarto rin na ginawa kong gym kung saan may mga gym equipments na. Sabi ko sa kanya puwede niya 'yon gamitin. Nagulat pa siya na may gym ako sa bahay. Sabi niya pa, hindi talaga mahahalata sa akin na gano'n ako. Napangisi na lang ako, alam ko ang tinutukoy niya, pasaway. Sa second floor may tatlong room, may dalawang guest room kung saan ang isa ang magiging niyang kuwarto at ang master bedroom na siyang kuwarto ko. "Kahit gusto kita, ayaw ko na may pumapasok sa kuwarto ko," sabi ko sa kanya. Nagtatalo ang isip ko kung sasabihin ko sa kanya 'yon. Pero nag-aalala ako na baka mabuksan niya ang ref kapag makapasok siya at makita ang laman noon na mga tumbler na may lamang dugo ng mga tao. "Yes sir-boss-amo," tugon niya. "Sa taas anong meron?" "May dalawang kuwarto do'n kung saan naroon ang mga gamit nina mama at papa. Naka-lock ang mga 'yon," sagot ko. Pero sa totoo lang, bakante lamang ang mga kuwartong iyon at walang laman. Pakilala ko sa kanila, nasa Canada ang parents ko at sa Catanduanes balak mag-retire kapag matapos na ang kanilang trabaho. "Yaman n'yo pala talaga sir," aniya. "Tumigil ka nga, Dark," natatawang tugon ko sa kanya. "Iba kasi ang pakiramdam, eh. Parang nakakailang bigla?" "Magkaibigan tayo. Ako ang parang maiilang kapag ganyan ka." Inakbayan niya ako. "So, puwede kong gawin 'to?" "Syempre naman. Kahit yakapin mo pa ako." Ginulo niya ang buhok ko. "Um! Advance mag-isip!" Natatawa kaming bumaba ng hagdan. "Promise, puwede 'yon," pilit ko pa. "Loko-loko!" natatawang tugon niya lang sa 'kin. Napakamot-ulo na lang ako nang marating namin ang kitchen. Pailing-iling siya habang tinitingnan ako na parang sobrang disappointed siya sa 'kin. Kompleto ang gamit sa kusina ngunit walang ni isang ingredients na magagamit sa pagluluto. "'Yong mga manok lang talaga na bili mo sa 'min ang meron ka rito? Pati bigas wala ka?" aniya. "Dark, balak ko naman mamili," depensa ko. "Ako na ang mamimili," presenta niya. "Samahan na kita." "'Wag na." Lumapit siya sa 'kin. "Parang wala ka pang tulog, eh? Pahinga ka na lang muna." Tumango ako at inabot ko sa kanya ang pera. "Para sa araw na ito lang ang bibilhin ko at mga puwede nating madala sa tour natin bukas. Tsaka na tayo mag-grocery, Dark." "Okay, Dark," pagsang-ayon ko. Hinatid ko siya sa pinto. "I-lock mo ang mga pinto, ah," paalala niya. "Okay. Ingat ka." Inabot ko sa kanya ang susi ng bahay. "Baka makatulog ako," sabi ko. "Sige, pahinga ka muna." Lumabas na siya at naglakad papalabas ng gate. "Walang kiss?" pabirong pahabol ko. "Kiskis mo sa pader!" sigaw niya. Napangiti ako. At naisip ko na ang sarap talaga magmahal - kahit pa ikaw lang ang nagmamahal. Pero naniniwala ako, na mamahalin niya rin ako. Kahit pa hindi bumalik sa alaala niya ang pagmamahalan namin noon. Nagising ako nang may marinig akong nagdo-doorbell sa gate. Nang i-check ko ang oras, wala pang isang oras mula nang umalis siya. Pasaway, iniwan ko kayang bukas ang gate. At kaya nga ibinigay ko sa kanya ang susi para pumasok na lang siya. "Bukas 'to, ah," ani ko pagkabukas ko ng gate. Ngunit hindi si Arjay ang tumambad sa 'kin. "Anong ginagawa mo rito?" tanong ko sa dumating. "Gusto kong humingi ng sorry. Hindi kasi naging maganda ang una nating pagkikita," sagot niya. "Ayos lang. Mukhang hindi naman na tayo magkikitang muli," sabi ko. Ngumisi siya. "Mukhang malabo 'yon." May inabot siya sa 'kin "Para sa 'yo. Alam kong magugustuhan mo 'yan, especialty ng family namin 'yan. Welcome gift namin para sa 'yo, sa pagdating mo sa islang ito." Kinuha niya ang kamay ko at pinahawakan sa akin ang dala niyang nakalagay sa puting plastic bag nang hindi ko pinansin ang inaabot niya. "Kabastusan ang hindi pagtanggap sa regalo," nakangiting sambit niya. Nagbabanta siya. Hindi. Nagbabanta ang buong pamilya niya. Na parang sinasabi nila sa 'kin na teritoryo nila ang islang ito. Hindi na ako gumawa ng kung ano, dahil nakita kong nasa likuran na ni Troy si Arjay. Nakita niya rin ang pagdating ni Arjay. Tumango siya sa amin at nagpaalam na, mabilis niyang pinaharurot ang kanyang motor. Pumasok kami, nakasunod sa akin si Arjay. "Nagpa-deliver ka?" narinig kong tanong niya, pero tuloy-tuloy lang ako hanggang marating namin ang kusina. "Manok 'yan?" muling tanong niya habang nagliligpit na siya ng mga napamili niya. "Wala 'to," sagot ko. "Patingin nga," pagpupumilit niya. "Wala nga, 'to!" napalakas ang boses ko. "Grabe, manok lang?" Naramdaman ko sa tono niya ang pagtatampo. Tahimik niyang nilapag sa harap ko ang sukli ng perang pinamili niya. Unang araw namin dito sa bahay, ayaw kong magkaroon kami agad ng 'di pagkakaunawaan. 'Di ko alam kung ano ang laman ng dala ni Troy ngunit may iba akong naaamoy - amoy na natutukso ako at alam kung magugustuhan ko. Lumapit ako sa Arjay, nilapag ko sa harap niya ang lalagyang dala ni Troy. "Buksan mo," utos ko sa kanya. Ayaw kong makaramdam siya ng ilang sa akin. Kung ano man ang laman ng dala ni Troy, nais kong malaman niya 'yon. At para alam niya ang mga pisibleng mangyari. Alam kung hindi ko siya maiiwas sa nakatakdang maganap. Hindi ko alam kung ano 'yon, ngunit alam kong parte kaming dalawa sa bagay na 'yon. Seryoso kaming nakatingin sa isa't isa. Itim na plastic container ang laman ng plastik at ang takip ay may logo ng Igang's Chicken House. Inangat niya ang takip, napaatras ako nang parang sumampal sa akin ang amoy ng dugo ng tao. Napagmasdan ko ang laman, sariwang dugo ng tao at mga hiwa ng hilaw na karne ng manok. Pinigilan ko ang aking sarili, napatikom ang aking bibig dahil tumutubo ang aking pangil. Napayuko rin ako dahil baka hindi ko maiwasan ang pagpula ng aking mga mata. "Gago 'yon, ah!" galit na reaksyon ni Arjay. Agad niyang isinara ang lalagyan. At napuna ko na balak niyang umalis. "Saan ka pupunta?" tanong ko. "Susundan ko ang gago na 'yon!" nakikita ko ang galit sa kanyang mga mata. Hinawakan ko ang kamay niya upang pigilan siya. "Dark, 'wag na," awat ko sa kanya. "Hindi puwede, Dark. Hindi biro ang ginawa nila. Sinong matinong tao ang magbibigay ng sariwang dugo? Anong klaseng trip 'yon?" Hindi sila tao, Dark. "Kung prank man 'yon, 'di magandang biro 'yon!" Galit na galit talaga siya. "May mga CCTV ang poste sa labas, puwede natin hingin sa barangay na 'to ang kopya. Puwede natin ipa-barangay ang gago na 'yon!" Namumula ang mga mata niya sa galit. "Galit ka ba sa kanya dahil sila na ni Selena?" Estupidong tanong, na hindi ko mawari kung bakit lumabas sa bibig ko. Sumama ang tingin niya sa 'kin. "Anong kinalaman dito ni Selena?" Hinawi niya ang kamay ko. Tinalikuran niya ako at tahimik siyang naglakad pabalik ng kusina. Tinapon niya sa lababo ang dugo at itinapon sa basurahan sa labas ng gate ang laman na karne ng manok. Hindi kami nagkibuan kahit nagkasalubong kami. Bumalik ako sa kuwarto ko. Napaisip ako kung mali ba talaga ang naging tanong ko sa kanya? "Diyos ko naman!" pahiga akong bumagsak sa kama ko. Lumipas ang halos isang oras, kumatok siya sa pinto ng aking kuwarto. "Luto na. Kain na tayo." Narinig kong sabi niya. Naramdaman ko ang agad na pag-alis niya na hindi hinintay ang pagtugon ko. Nadatnan kong nakahanda na ang mesa. Tahimik siya. At tahimik kaming nagsimulang kumain. Mukhang kumakapal ang pader at hindi ako makahinga sa pagtulak nito sa akin. "Sorry kanina," mahinang sambit ko. Tiningnan ko siya, tumango siya sa akin na walang sinambit na salita. "Sorry na, Dark. Ayaw ko lang kasing mapahamak ka nang dahil sa 'kin." Nilapag niya ang kutsarang hawak niya at hinawakan niya ang kamay ko na nakapatok sa mesa. Ang init ng kanyang palad. "Hindi na malamig ang kamay mo. Kanina, sobrang lamig nito nang hawakan mo ako at naramdaman ko na nanginginig ka kaya nagalit ako. Dark, walang kinalaman si Selena do'n." Ipinatong ko ang kamay ko sa kamay niyang nakahawak sa 'kin. "Alam ko. Kaya sorry na. Akala ko lang naman, eh." Binawi niya ang kanyang kamay at dinampi niya sa baba ko. "Akala ka pa d'yan. 'Di baleng ako ang pagtripan nila, 'wag lang ang malalapit sa 'kin, dahil hindi ako tatahimik lang. Dark, bago ka lang dito at mag-isa ka lang. Kaibigan kita, kaya puprotektahan kita. Gusto ko maramdaman mo safe ka." Bumilis ang pintig ng puso ko sa sinabi niya. Napangiti ako kasabay ng pagdaloy ng luha mula sa aking mga mata. "Sobrang touch ka naman?" Nagpunas ako ng luha. "Gago, hindi," sambit ko. Napatitig ako sa kanya. Sa buong buhay ko, iisa lang ang taong nais akong protektahan, siya 'yon. At noon pa man, ninais niya na akong maging ligtas, siya bilang si Joana 300 years ago. Na piniling mamuhay sa kagubatan kasama ko upang maprotektahan ako. "Salamat, Dark," sambit ko. Ipinangako ko na gano'n din ako sa kanya. Puprotektahan ko siya sa lahat. Hindi ko hahayaang may manakit sa kanya. Walang pader na makakapigil sa 'kin. Itinuloy namin ang pagkain namin habang pinaplano ang tour namin bukas. ---------- KINAGABIHAN, maaga kaming nagpasya ni Arjay matulog para nasa kondisyon kami sa travel namin bukas, sabi niya. Hinanda namin ang mga camera ko. Gusto kong ma-save ang bawat memory naming dalawa. Kung sa kanya simpleng biyahe lamang iyon bilang tour guide ko, sa akin ay maituturing ko iyong kayamanan. Ilang daang taon kung hinintay na muli siyang makasama. At hangga't maaari ay iiwasan ko ang ibang bampira, dahil hangad ko lamang ay makasama siya nang mapayapa. Sana'y pagbigyan ako ng Diyos sa aking simpleng kahilingan. Sabay kaming umakyat para pumasok sa kanya-kanya naming silid. Nagkatitigan kami nang kapwa na kami nasa tapat ng aming kuwarto na magkatapat lang. Bakit ganito ang nararamdaman ko? Nasa iisang bahay kami, at kaming dalawa lamang ang narito. Bakit ako tila natutuyuan ng lalamunan at umiinit ang aking pakiramdam? "Sige, Dark, bukas na lang," sambit niya. "A, s-sige," tugon ko. Halos sabay kaming nagbukas ng pinto at magkasabay rin pumasok sa aming mga silid. Napasandal ako sa pinto. Ang bilis ng t***k ng aking puso, napahawak pa ako sa aking dibdib. Pangatlong gabi na namin itong magkasama, ngunit bakit ako nagkakaganito? Napaupo ako sa sahig na walang ibang laman ang isipan kundi siya lamang. = NANG MGA sandaling iyon, nakasandal rin si Arjay sa pinto ng kanyang kuwarto. At napaupo siya na malalim ang iniisip. Maraming gumugulo sa kanyang utak, isa na roon ang matagal na niyang napapanaginipang lalaki at babae sa kakahuyan, ngunit malabo ang mukha ng mga ito at hindi niya nakikilala. Sa kanyang panaginip, yakap sa bisig ng binata ang dalaga at kapwa luhaan ang mga ito na tila namamaalam sa isa't isa. At mula nang makilala niya si Tres, muli na naman niyang napanaginipan ang eksenang iyon sa kakahuyan. Gumugulo rin sa kanyang isipan ang kanyang nararamdaman - nararamdamang hindi niya maintindihan. = TUMAYO AKO AT binuksan ko ang pinto ng aking kuwarto. Humakbang ako palabas, ilang hakbang lang, nasa tapat na ako ng kuwarto ni Arjay. Inangat ko ang aking kamay at kumatok. Agad nagbukas ang pinto na ikinagulat ko. Napalunok ako nang tumambad siya sa akin. "Dark?" "Ha? A, ano..." "Ano?" "Goodnight, Dark," sambit ko. "Goodnight, din Dark," tugon niya. Tumalikod ako at muling pumasok sa aking kuwarto. At muling napasandal sa pinto nang maisara ko ito. Narinig kong pumasok na muli siya sa kuwarto niya. Diyos ko naman! Tinungo ko ang kama ko at pahiga akong bumagsak rito. Nilingon ko ang painting ni Joana at pinagmasdan siya. "Pasaway ka," nasabi ko sa kanya. ---------- = SA LABAS ng bahay ni Tres, may binatang nakamasid at nakakuyom ang mga kamao. May galit sa dibdib ng binata na may masamang banta. =
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD