Chapter 7: Ang Kuneho At Tigre

3572 Words
CHAPTER 7: Ang Kuneho At Tigre PAGKAGISING KO, naamoy ko na ang mabangong niluluto sa kusina mula sa kuwarto ko. Pagbaba ko, nadatnan kong busy si Arjay sa pagpiprito ng manok. Sinalubong niya ako. "Good morning!" nakangiting bati niya at inakay ako paupo, inangat niya pa ang upuan upang umupo ako. "Saya mo, ah?" komento ko. "Siyempre, first day ko sa trabaho," sagot niya. "Coffee, boss?" Nakangiting tumango na lang ako kahit ayaw ko talagang uminom ng kape. Ayaw kong sirain ang mood niya. "Nangialam na ako sa mga gamit, pati itong coffee-maker," saad niya. Sa totoo lang magsisilbing display lang ang mga 'yan, buti napapakinabangan. "Okay lang, lahat na nandito ituring mong sa 'yo," sagot ko. "Pati ako." Natahimik ako. Unconsciously, parang nagagamit ko ata ang mga nababasa kong banat at pick up lines sa mga librong tinapon ko na. Nakangiting lumapit siya sa 'kin at nilapag sa harap ko ang kape. "Banat ka na naman, Dark," sabi niya kasabay nang paggulo sa buhok ko. "Waley ba?" tanong ko. Ngumisi lang siya at tinuloy ang ginagawa niya. "Talab, 'no?" pagbibiro ko. "Loko-loko," sabi niya lang. Gusto ko pa sanang tuksuhin siya at magbigay ng mga banat, pero tumahimik na lang ako at pinilit inumin ang kapeng hinanda niya. Naalala ko ang sinabi niya, na lalayo siya kapag naramdaman niyang nagugustuhan niya na rin ako, dahil hindi kami puwede. Dahil sa parehong kasarian namin. Natatanong ko sa sarili ko habang nakatitig sa tasa ng kape, kung pa'no ko ba matatawid ang pader na 'yon? Pagkatapos naming kumain ng almusal, hinanda na ni Arjay ang mga babaunin namin, may adobong manok at prito, may kanin at mga chips. May dalawang litro rin kaming tubig. Nilagay niya ang mga ito sa compartment sa likod ng motor. Tapos umakyat na kami at tinungo ang kanya-kanyang kuwarto upang magbihis. Sa kuwarto ko, natutukso akong buksan ang ref na may mga dugo ng tao. Pero pinigilan ko ang aking sarili. Parang droga kasi sa aming mga bampira ang dugo, na once tumikim, hahanap-hanapin. Sabay kaming halos lumabas ng kuwarto na kapwa nakabihis na ng pang-alis. Naka-short kami pareho, itim ang suot ko at maong ang kanya. T-shirt na purple ang suot kong damit at itim na hoody jacket. Bilin niya sa 'kin na mag-jacket para 'di raw ako mangitim sa biyahe. Hindi naman tatalab ang sikat ng araw na masunog ang balat ko, pero siyempre susundin ko siya. Pulang sando naman ang suot niya at may itim din siyang hoody jacket. Inabot niya sa 'kin ang baon niyang extra na damit at tsinelas na nakabalot ng plastic. "May baon kang tsinelas?" tanong niya. "Meron," sagot ko habang nilalagay sa bag ko ang mga gamit niya. Napag-usapan naming ako na lamang ang magdadala ng bag para 'di abala sa kanya habang nagda-drive siya. At kaya kami may baong damit dahil balak naming mag-overnight sa isang beach resort. "Saya mo, ah?" puna niya sa 'kin. Hindi kasi mawala ang ngiti ko mula pa kanina pagkababa namin ng hagdan kahit habang sinisiguro namin na naka-off lahat at walang mga nakasaksak na gamit sa bahay. At hanggang sa pasakay na kami sa motor, nando'n pa rin ang ngiti ko. "Siyempre," sagot ko lang sa kanya at sumampa na ako sa motor. "Kumapit ka nang maayos, Dark," paalala niya. Niyakap ko siya. "Ganito ba?" "Loko-loko!" natatawang sabi niya. Pinaandar ni Arjay ang motor at 'di pa rin mawala ang ngiti sa labi ko. Diretso ang biyahe namin hanggang marating namin ang Bato bridge, huminto kami para kumuha na rin ng picture at makapagpahinga siya saglit sa pag-drive. Hinarap namin ang ilog at sabay huminga nang malalim. Ang oras ay 6:20 na ng umaga, maliwanag na at makikita ang ganda ng lugar. "Dark?" ani ko at bigla ko siyang kinunan ng picture gamit ang camera na nakasabit sa leeg ko habang kontento siyang pinagmamasdan ang scenery. Umakbay siya sa 'kin. "Selfie tayo," sabi niya. Ibinigay ko sa kanya ang cellphone ko. At nag-picture kami nang apat na beses sa iba't ibang puwesto. Napangiti ako nang tingnan ko ang mga photos, ang lapit ng mukha namin sa isa't isa. Pero biglang nawala ang ngiti ko nang may biglang dumating, apat na binatang sakay ng tig-iisa nilang motor. Pamilyar sa akin ang apat, sila ang mga bully na pinagtripan si Arjay nang una kaming magtagpo. Bumaba ang apat sa motor nila at lumapit sila sa amin. Napansin ko ang pagtahimik ni Arjay at tiningnan niya ako. Alam ko ang nais niyang ipahiwatig, naglakad siya patungo sa motor namin at sinundan ko siya. "Teka, saan kayo pupunta?" tawag sa 'min ng tila astang lider ng apat. Sa tingin ko siya si Francis, ang anak ng mayor sa bayang ito ng Virac. At nakompirma kong ang ungas na ito nga ang Francis, nang marinig ko ang isa sa tatlo nitong kasama na nagbubulungan. "Nakahanap na naman nang mapagtitripan si Francis," natatawang sabi ng nakasumbrero sa tatlo. May nakakainsultong titig ang apat sa amin na sinabayan ng kanilang pagngisi na parang pinapamukha sa amin na makakaya-kaya nila kami. Sa ganyang asta nila, kung wala lang si Arjay rito, sinipsip ko na ang dugo nila at itinapon ang kanilang bangkay sa ilog. "Nagmamalaki ka dahil hindi na namin katulong ang mama mo? Kahit pagbali-baliktarin ang mundo, alipin pa rin namin kayo, gago!" pagyayabang ni Francis. Diretso niyang binitawan ang mga salitang 'yon sa harap ni Arjay. Nakita kong napakuyom si Arjay. Naririnig ko ang galit sa kanyang dibdib na pilit niyang nilalabanan. Humakbang ako at hinarap ko si Francis. "Pre, may problem ba?" tanong ko. Nakakairitang reaksyon lang ang binigay na sagot sa 'kin ng hambog. Naramdaman ko ang paghawak ni Arjay sa braso ko. "Tara na," mahinang sambit niya at hinila ako pasakay sa motor. Hinabol kami ng mayabang na si Francis. "Sandali, picturan mo kami," utos nito at inabot ang cellphone kay Arjay, na kinuha naman niya, pero alam kong labag sa loob niya 'yon. "Para naman may silbi ka sa pagtatagpo natin dito," humirit pa ang loko. Pumwesto sa kani-kanilang motor ang apat at nag-pose. Humakbang si Arjay para kunan ng picture ang mga hambog. Nagmasid lang ako sa nangyayari. Pero sa totoo lang, nais ko nang ihampas ang mga motor nila sa kanilang ulo hanggang maghiwalay ang mga ito sa kanilang katawan. Naging sunod-sunuran si Arjay sa utos ng apat. May pagkakataong isa-isa pa itong nagpakuha ng litrato at kung saan-saan pumwesto. Gumagapang na ang galit sa katawan ko, nakikita ko na sa isip ko na hinahati ko na ang mga katawan nila at tinatanggal ang lahat nilang laman-loob sa katawan. Napakuyom na lamang ako upang pigilan ang sarili. Nang matapos sa pantitrip ang apat, lumapit sila kay Arjay at kinuha ni Francis ang cellphone sa kanya. At nag-abot ang gago ng bente pesos kay Arjay. Napangisi ako at sinisigaw ko sa sarili ko na relax lang. Sinasagad ng gagong 'to ang pasensiya ko. Patawarin ako ng Diyos kung sakaling makagawa ako ng kagagohan ngayon. Tumalikod si Arjay na hindi pinansin ang inabot ni Francis. Agad siyang sumakay sa motor. "Tara na Dark," yaya niya sa 'kin. Nakatayo lang ako, pinagmasdan ko ang asal ng apat. "Bobo ampota!" natatawang saad ni Francis. "Bobo mo, Arjay. Mag-picture lang 'di mo pa alam gawin?" pang-iinsulto pa nito. Humalakhak na rin ang tatlo. Natawa na rin ako nang malakas. Napansin ko ang pagtataka ng apat na ungas. Hindi ako nakikitawa sa kanila, natatawa ako dahil nasagad na nila ang pasensiya ko. Muling lumapit si Francis sa amin at inaabot muli ang cellphone nito kay Arjay. "Ulitin mo picture mo sa 'min, tanga," natatawang pang-uuto nito. Lumalangitngit na ang mga ngipin ko tanda ng pagpipigil ng inis. Ngumiti ako at kinuha ang cellphone. "Ako na tanga. Mukha kasi kayong mga walang ligo kaya pa'no aayos ang picture. Kung 'di ba naman kayo gago?" sambit ko na ikinagulat ni Francis. Napansin ko rin ang pag-iba ng timpla ng tatlo nitong kasama. "Dark, anong ginagawa mo?" narinig kong mahinang tanong ni Arjay na binalewala ko. Humakbang ako at dinaanan ko si Francis na naiwang napangisi na lang na tila sinasabi sa akin na ang lakas ng loob ko. "Hoy, boy," tawag ko kay Francis nang lingunin ko ito. "Akala ko ba magpapa-picture kayo?" nakangiting tanong ko. Binaling ko ang tingin ko kay Arjay, sinasabi ko sa kanya na relax lang siya at ako na ang bahala. Dahil hindi ako tatahimik lang kapag nakita kong may nangmamaliit sa aking minamahal. Hindi ako papayag na ang mundo ko ay gawing impyerno ng ibang tao. Binunggo ako ni Francis nang harapin niya ako. "Kilala mo ba kung sinong kinakalaban mo?" ngitngit na tanong niya. Nanlalaki ang mga butas ng ilong niya sa galit. Ngunit nginisian ko lang ang loko, nakakainsultong ngiti ang tinugon ko sa kanya bago ako nagsalita. "Pakialam ko ba sa bulok mong pagkatao at sa walang kuwenta mong buhay?" sagot ko sa kanya. Tinulak niya ako at sinadya kong bitawan ang cellphone niya. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang pagbagsak sa semento ng cellphone. "Gago ka, ah! Hindi mo ba alam kung gaano kamahal 'yan?!" galit na sigaw niya at agad dinampot ang cellphone niya na mukha namang gasgas lang ang tinamo. "Engot ka kasi tinulak mo ako, pasensiya na, kasalanan mo 'yan," sambit ko na kunwari ay nag-aalala. "Hindi mo ba alam kung magkano ang halaga nito!!!" galit na galit na sigaw sa harap ko ni Francis. Muli ngumiti lang ako sa kanya. "Mas mahalaga pa sa pagkatao mo?" sabi ko. Sinagad ko na ata ang galit niya. Kinuwelyuhan niya na ako at nakaamba na ang isang kamay niya na suntukin ang mukha ko. Lumapit na sa amin ang tatlo niyang kasama na nakahandang sumaklolo. Si Arjay, naramdaman ko rin na bumaba ng motor at lumapit sa likuran ko. Kinuha ko ang cellphone ko sa aking bulsa na alam kong mas expensive pa sa pinagmamalaking mobile phone ni Francis, sinadya kong makita niya ito na nagre-record ng video. "Mga tagabayan ng Virac, alam kong kilala ninyo ang binatang ito. Pinagtripan niya kami ng kaibigan ko at binabantaan niya kaming bugbugin," pagsisimula ko, nakatutok sa amin ni Francis ang front camera ng cellphone ko. "Kasama niya ang tatlo niya pang barkada, apat po sila at dalawa lang kami." Tinutok ko sa tatlo sa likuran ni Francis camera. Patulak na bumitaw sa akin si Francis. "Anong ginagawa mo?!" pasigaw na tanong niya na pilit umiiwas sa camera. "Ayaw niyang magpakuha, sinisigawan niya ako para takutin. Pero karapatan ko 'to. Wala kaming ginagawa sa kanila ng kaibigan ko pero bigla na lang silang sumugod. Ganito ang tunay na ugali ng anak ng mayor ng bayang ito!" Kinunan ko silang apat. "Ayan po ailang apat mga tagabayan ng Virac!" "Ibigay mo sa 'kin 'yan!" sigaw ni Francis. Pinilit niyang agawin sa akin ang cellphone ko pero naitulak ko siya. Napalakas ata ang tulak ko, hindi ko natyansa ang lakas ko dahil na rin siguro sa inis ko. "Kakasuhan kita ng pagnanakaw kapag nakuha mo ang cellphone ko," pananakot ko kay Francis. Inakay ng isa niyang kasama si Francis. "Tara na 'tol, baka gulo lang 'to," sabi nito. Sa palagay ko, ngayon lang may naglakas ng loob gawin ang ginagawa ko sa kanila, nakikita ko sa kanila ang kaba. Takot pala mapahiya ang mga gagong ito pero gumagawa ng kagaguhan. Totoo ngang ang mga taong mahilig manakot, sila talaga ang may maraming kinatatakutan. Agad silang sumakay sa kanilang motor. "Subukan mo lang i-upload 'yan, makikita mo hanap mo! Sa tingin mo, kaya mo pamilya ko? Ulol! Humanda ka!" pananakot ni Francis. "Nakahanda ako kahit anong oras, ungas!" sagot ko. Nag-middle finger pa si gago bago sila umalis papunta sa direksyon kung saan din kami papunta. Natawa ako. At narinig ko na rin ang pagtawa ni Arjay. Pinagtawan na lang naming dalawa ang nangyari. Pero bigla rin siyang sumeryoso nang lapitan ko siya. "Loko-loko ka. 'Di mo dapat ginawa 'yon," sabi niya. "Huwag mong sabihing huwag kong pakialaman ang wala akong kinalaman. Dahil may kinalaman ako sa nangyari kanina. Kung hindi kita kinuhang tour guide, 'di wala ka sana rito at hindi nag-krus ang landas ninyo ng hambog na 'yon," sabi ko. "Makikita ko raw hinahanap ko, eh nahanap ko na." "Tara na, banat ka na naman," iyon lang ang sinabi niya at umalis na kami. Saglit na minuto lang, narating namin ang Bato Church, na tanaw na rin kanina sa tulay. Ang Saint John the Baptist Church, na pinakamatandang simbahan sa lalawigang ito ng Catanduanes, nakaharap ito sa Bato river. Bumaba kami at kinunan ko ng picture ang simbahan gamit ang camera. "Dark, kunan mo ako," pakiusap ko kay Arjay, binigay ko sa kanya ang cellphone ko. Naglakad ako malapit sa simbahan, sarado ito pero labas pa lang ramdam mo na ang pagkabanal ng lugar. Kinunan ako ni Arjay, may nakaharap, may nakatalikod. Sinabihan ko rin siya na mag-selfie kaming dalawa na siya namang sinunod niya. "Ang dami na," sabi niya at naupo kaming dalawa. "Ayos, ah. Ganda ng kuha, ah. Parang professional. Pumapangit lang talaga ang picture depende sa kinukunan at sa camera. China phone ata gamit no'n?" sambit ko. Nakaupo kami sa upuang bato sa ilalim ng puno. Ginulo niya ang buhok ko. "Loko-loko," sambit siya. "Salamat, Dark." Nilingon ko siya. "Saan?" Bumuntong hininga siya. "Pero bakit mo ba ginawa 'yon? May mga bagay kasi na dapat iwasan mo na lang, lalo na wala namang kuwentang patulan. Dahil baka mas gumulo pa." "Minsan sa kakaiwas natin, doon mas nagugulo ang buhay natin," sagot ko sa sinabi niya. Tumahimik siya at muling humugot ng malalim na hininga. "Tapang mo, Dark. Sana may tapang din ako tulad mo..." Diretso ang tingin niya, na nakatanaw sa kawalan. "Saan ka ba natatakot?" tanong ko. "Sa lahat," sagot niya. May luha na namumuo sa mga mata niy. Pero pinilit niyang ngumiti at hinarap ako. "Pero kung sinuntok ka ni Francis kanina, malamang nasa presinto na tayo ngayon," patangu-tangong sabi niya na may tonong pagyayabang na. "Bakit?" tanong ko. "Siyempre, papapulis natin siya, sinuntok ka niya, eh. Sasamahan kita sa presinto!" malakas na sagot niya. Natawa ako sa kalokohan niya. At muling nagtawanan kaming dalawa. Ang sarap lang talaga sa pakiramdam na kasama ko siya. Kahit maghapon kaming mag-usap na walang saysay, basta kasama ko siya, okay ako do'n. Sobrang mahal ko na talaga siya. Na noon pa man, mahal na mahal ko na. Inakbayan niya ako. "Kung may nangyaring masama sa 'yo kanina, ipagtatanggol kita," biglang sambit niya. Natahimik ako. Naramdaman ko sa puso ko ang sinabi niya. Tumayo ang mga balahibo ko at may namuong luha sa aking mga mata. Kapwa kami saglit na natahimik dalawa at bigla niyang binawi ang pagkakaakbay niya sa 'kin. Narinig ko ang mabilis na pagtibok ng puso niya. "Kaya ko ginawa 'yon, dahil gusto kitang ipagtanggol. Ayaw kong sa harap ko, maliitin ka ng kahit sino. Alam mong gusto kita, Dark. Babanggain ko lahat para sa 'yo." sersoyong sabi ko. Hindi lang basta mga binitawang salita ko 'yon, iyon ay pangako. "Hindi ka na-turn off na naging duwag ako?" tanong niya habang nakatitig kami sa isa't isa. "Mas lalo kitang minahal," sagot ko. "Alam kong umiwas ka lang na mapahamak tayong dalawa. At alam kong hindi lang tayo ang iniisip mo, kundi pati ang mama mo at kapatid mo. Maging sina Mang Andoy at Mang Ramon, at si Mengil. Ang buong pamilya mo ay iniisip mo. Ayaw mo silang mapahamak o madamay sa mga posibleng gulo." "Matagal ko nang gustong patulan ang mga 'yon. Wala lang talagang laban ang pamilya namin sa kanila." May lungkot na tila matagal nang kinikimkim sa tinig niya. "Kung tayo lang ba ang mapapahamak, makikipagbugbugan ka sa kanila kanina?" "Walang tayo, Dark," diretsong sagot niya. Pang-asar ang loko! "Panira ka, Dark!" pasigaw na sabi ko na tinawanan niya lang. Tumayo siya. "Tara na," yaya niya. Hindi ako tumayo at tiningnan lang siya nang masama. "Bahala ka d'yan, iiwan kita," pananakot niya. "Hindi pa tayo, iiwanan mo ako?" sagot ko na tinawanan niya lang ulit. Naglakad ako palapit sa simbahan at humawak sa nakasarang pinto. Nag-sign of cross ako at nagdasal nang nakapikit. Naramdaman ko ang paglapit niya. Ipinagdasal ko na maging maayos ang lahat. Pagdilat ko, nakatia kong nakapikit siya at taimtim na nananalangin. Pinagmasdan ko siya, para siyang himala na dumating sa buhay ko na ayaw ko nang muli pang mawala. Pagdilat niya, 'di ko nabawi ang pagtitig ko sa kanya. "Tara na?" Tumango ako sa sinabi niya at inunahan ko na siyang maglakad. Matalas ang pandinig ko bilang isang bampira, pero 'tayo na' ang narinig ko sa sinabi niya. Diyos ko naman! Habang nasa biyahe kami, hiniling ko na sana ay matupad ang aming mga dasal. ---------- NARATING namin ang lugar ng Binurong point. Iniwan namin nag motor kung nasaan ang registration area at nag-trek kami na inabot ng 20 minutes. Napa-wow ako sa tumambad sa akin. Marami na akong magagandang lugar ma napuntahan, pero iba rin ang gandang handog ng Binurong point. Tanaw mo ang malawak na karagatan at ang sarap ng hangin, at sobrang nakakamangha ang mga rock formation na maririnig ang musika ng paghampas ng mga alon. Parang iginuhit na painting ang lugar na namamayani ang kulay berdeng damuhan at asul na karagatan at kalangitan. Kapwa 'di maalis sa labi namin ni Arjay ang ngiti. Siguro nakadagdag pa para sa akin sa ganda ng lugar na kasama ko siya. Nagpasya kaming maupo lang muna at busugin ang aming mga mata sa ganda ng tanawin. Inaliw na rin namin ang aming sarili na pagmasdan ang ibang namamasyal na ini-enjoy ang ganda ng Binurong point habang kumakain kami ng potato chips. "Bakit Binurong point ang tawag dito?" tanong ko. Tiningnan niya ako, kumuha siya ng chips at seryosong nagkuwento habang ngumunguya. "Noong unang panahon," pagsisimula niya na gusto kong tawanan. "May rabbit at tiger na magkaibigan, sina Binu, isang rabbit at Torong na isang tiger." "Kuneho at tigre?" tanong ko. Tumango siya at seryoso ang mukha niya. "Oo. Patapusin mo ako," sabi niya. Tumango na lang ako. "Magkaiba ang pangkat nila, obviously, kuneho at tigre nga, pero matalik silang magkaibigan. Malalim ang pagkakaibigan nila, sa punto na pinupuna na sila ng karamihan. Pero ipinaglaban nila ang kanilang nararamdaman. Dahil masaya sila, sa tingin nila walang mali silang nagagawa. Isang araw, galit na sumugod ang pangkat ng mga kuneho sa kuta ng mga tigre kasama ang ilang pangkat ng hayop, sa dahilang isa sa mga kuneho ay kinain ng gutom na tigre. Mula ng araw na 'yon, nagkaroon ng batas na bawal nang maging magkaibigan ang kuneho at tigre. Hindi matanggap nina Binu at Torong ang batas na iyon, ipinagpatuloy nila ang kanilang pagkakaibigan. Pagkakaibigan na mas lumalim pa ngunit ipinagbabawal." Tumayo siya, sumenyas siya sa akin at naglakad kami patungo sa parte ng Binurong point na isa sa pinakamagandang spot, pahabang rock formation na mas malapit na sa dagat. Mataas itong bangin ngunit napakaganda ng view. Habang naglalakad kami, nagpatuloy si Arjay sa kanyang kuwento. "Itinuring silang makasalanan ng lahat ng pangkat ng mga hayop. Nagtago sina Binu at Torong na parang kreminal, tumakas sila sa lahat dahil nais nilang ipaglaban ang kanilang nararamdaman. Nais lang nilang maging masaya, iyon ang nasa isip nila. Ngunit hindi nila inisip na bawal nga ang nais nila, lahat ng nakapaligid sa kanila ay mali ang tingin sa kanilang pagkakaibigan. Isang araw, tinugis sila ng lahat ng pangkat ng mga hayop dahil tingin ng mga ito ay nakakalason sila ng isip ng mga kabataan. Sa pagtakas nina Binu at Torong, narating nila ang lugar na ito." Kasalukuyan kaming nasa dulo na ng pahabang bato, dagat na ang nasa ibaba at may malalaking tipak na bato na hinahampas ng alon. "Wala na silang matakbuhan. Ayaw na nilang magkahiwalay pa, kaya mas pinili nilang wakasan ang kanilang buhay na magkasama. Dahil sa palagay nila ay wala nang saysay ang kanilang buhay kung magkalayo silang dalawa. Tumalon sila rito, tinangay sila ng karagatan at mula noon ay hindi na sila natagpuan pa. Ang lugar na ito ang huling punto ng buhay nina Binu at Torong. Mula noon, tinawag na itong Binurong point, hango sa kanilang pangalan na Binu at Torong." Bumuntong-hininga siya sa pagtatapos ng kanyang kuwento. "Gawa-gawa mo lang 'yan, 'no?" tanong ko na napasalubong ang mga kilay. Nakangiting tumingin siya sa 'kin. "Oo," sagot niya diretsong sagot niya. "Loko-loko," sambit ko. Pinagmasdan ko ang karagatan at ninamnam ang malakas na ihip ng sariwang hangin. Ang imbento niyang kuwento ay halos katulad ng kuwento naming dalawa noon ni Joana, tinugis kami ng mga tao at tumakas dahil hindi sang-ayon ang lahat sa aming pagmamahalan. Pagmamahalang nauwi sa kanyang kamatayan at pagkamatay ng pagkatao ko. Hindi ko alam kung naisip ba ni Arjay ang kuwento iyon dahil kahit paano ay naalala niya ang aming nakaraan, o talagang loko-loko lang siya. At ang kuwento niya, alam kong may pinupunto siya, tungkol sa maling nararamdamang ng dalawang nilalang. Na kahit ipilit ay hindi magiging tama dahil labag iyon sa batas at sa paniniwala ng iba. Nilingon ko siya at pinagmasdan. Hindi nila kuwento ni Selena ang kuwento ng kuneho at tigre, dahil kapwa sila bumitaw sa isa't isa sa kabila ng kanilang nararamdaman. "Dark?" tawag ko sa kanya. "Um?" "Sino ka kina kuneho at tigre?" tanong ko. Napaisip siya. "Siguro? Siguro, ako 'yong rabbit? Baka tinakot lang no'ng tigre si rabbit na kakainin siya nito kaya siya napilitang sumama?" sagot niya. "At ikaw si tigre, na gusto akong kainin," sabi niya sa 'kin. Tapos tumawa siya. "Kunan kita d'yan," sabi niya habang kinikuha sa leeg ko ang camera. Natatawa pa rin siyang naglakad palayo para kunan ako ng picture. "Kung ako 'yong tigre, hihintayin kong kusang magpakain si kuneho! Hindi ko siya pipilitin!" sigaw ko sa kanya. "Puwesto na, dami mong sinasabi!" natatawang sigaw niya sa 'kin. Loko-loko. Iba tuloy naisip ko. Habang kinukunan niya ako, inaanalisa ko ang kuwento nina kuneho at tigre, parang sinasabi niya sa 'kin na 'wag ipilit ang bawal dahil hindi maganda ang kahihinatnan. Pilit niyang pinapatibay ang pader na namamagitan sa aming dalawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD