Chapter 18: Ina BUMABA AKO SA tapat ng cover court ng barangay namin. Mula rito ay lalakarin ko pa papunta sa bahay. Hindi na ako puwedeng bumalik sa bahay ni Tres, ngunit ayaw ko rin umuwi. Lagpas na alas-onse ng gabi at wala nang mga taong naglalakad sa kalsada. Napakatahimik ng paligid, tanging ingay ng mga insekto ang maririnig. Pumasok ako sa court, nilapag ko ang gamit ko at naupo sa sementadong upuan. Mas lalo kong naramdaman ang katahimikan na kabaliktaran ng aking utak. Magulo. Hindi ko maintindihan. Nakakaloko. Nakakagago. Naupo lang ako. Wala na ang luha sa mga mata ko. Ngunit hindi ko pa rin masabi kung okay na ang pakiramdam ko. Naguguluhan ako. Nasasaktan? Hindi ko alam. Pero paulit-ulit kong naririnig ang tinig ni Tres at mga pang-iinsulto niya