Chapter Three

3644 Words
"ANO?!" gulat na tanong ni Cris kay Nicole. Napapikit siya, saka nahaplos ang isang tenga niyang sinigawan nito. "Grabe! Nasa tabi mo lang ako ah?" reklamo niya. "Nakakaloka ka kasi eh," sabi naman nito. "Ano naman ang nakakaloka sa sinabi ko?" nagtatakang tanong niya. Napailing si Cris. "Kung hindi ka ba naman kasi engot, 'te! Sinabihan ka lang naman pala ng 'I hope this night will not be the last'. Natakot ka na agad. Mabuti sana kung sinabakan ka agad ng 'Will you marry me, now na'!" tungayaw pa nito. Napalingon si Nicole sa paligid. Naroon kasi sila sa isang coffee shop ng umagang iyon. "Hinaan mo kaya boses mo," saway niya dito. Bahagya itong lumapit sa kanya. "Iyong totoo, Nicole? Ayaw mo ba talaga kay Glenn? My God! He's perfectly handsome, hindi lang iyon. Mukha pang mabait, galing sa disenteng pamilya. Ano ang ayaw mo sa kanya?" "Dahil lalaki siya. Iyon ang ayaw ko sa kanya." seryosong sagot niya. Sumeryoso ang mukha ni Cris. "Girl, is this about your sister again?" tanong nito. "Bakit ba ayaw mong hayaan lumigaya ang sarili mo? Hindi pare-pareho ang kapalaran ng mga tao. Huwag mong pangunahan ang tadhana. Hindi mo kailangan i-isolate ang sarili mo sa mga lalaki. Marami pang lalaki diyan na matino." Payo pa nito sa kanya. "Hindi ko siya pinapangunahan. Nag-iingat lang ako, naninigurado. Ayokong magaya sa Ate ko." Katwiran niya. "Nicole, why are you worrying too much about Glenn? Umamin ka nga sa akin? Are you attracted to him?" diretsong tanong nito. "I, uh, I... No!" kandautal niyang sagot. Nangingiti na umiling si Cris. "Look, we're best of friends. Madalas man tayong magkalayo dahil sa kakalayas mo ng Pilipinas. Still, kilala pa rin kita." Anito. "Ang mabuti pa, tigilan na lang natin ang usapan na 'to." Pag-iwas niya, pagkatapos ay uminom siya ng kapeng inorder niya. "Look girl, remember this day that I tell you this. Darating ang araw, kahit na anong pigil mo para huwag mong magustuhan ang isang lalaki. Hindi ka magtatagumpay, dahil ang pag-ibig, mahirap kalaban. Kahit na anong iwas mo, pigil mo at talikod mo dito. Kapag ang Diyos na mismo ang kumilos para sa inyong dalawa, wala kang magagawa. Mangyayari ang dapat mangyari. You're only twenty seven eight, don't close your door." Seryosong paliwanag nito. Binalik niya sa ibabaw ng mesa ang tasa ng kape. "I don't know, Cris. Ayoko lang umiyak ng dahil dito gaya ng Ate ko." Sabi pa niya. "Mabuti pa, umalis na tayo. Mag-shopping na lang tayo!" yaya pa nito sa kanya. "Ang gastos mong kasama!" natatawang sabi niya. Wala na siyang nagawa ng hilahin siya nito palabas ng coffee shop. Ayaw man niyang aminin, pero alam ni Nicole na tama ang mga sinabi ng kaibigan niya. Hindi niya alam kung kelan kakatok ang tawag ng pag-ibig sa kanya. Sana hindi pa ngayon. Nasa kalagitnaan sila ng pagsho-shopping ng mag-ring ang cellphone niya. Nagtaka siya dahil ang Mommy niya ang caller. Agad niyang sinagot ito. "Hello, Mama." Bungad pagsagot niya ng tawag dito. "Anak, umuwi ka muna dito." garalgal na wika ng Mama niya. Agad siyang nilukob ng pag-aalala. "Bakit po? Ano pong nangyayari?" nag-aalalang tanong niya. "Ang Ate mo, nagwawala na naman." umiiyak na sagot ng Mama niya. Nabitawan niya ang hawak na paper bag. Gulat na napalingon si Cris sa kanya. "O? Bakit?" nagtatakang tanong nito. "Uuwi na ako, Cris. Si Ate!" natatarantang sagot niya. Hindi na niya nahintay pang sumagot ang kaibigan. Mabilis siyang tumakbo papunta ng parking area ng mall na iyon, at agad na umalis. Habang nagmamaneho, hindi siya mapakali. Kung maaari lang na banggain niya lahat ng kotseng nakaharang sa dadaanan niya, para lang makauwi agad. Ginawa na niya. Makaraan ng thirty minutes, nakarating siya sa bahay nila. Nasa labas pa lang ay dinig na dinig na niya ang malakas na hiyaw ng Ate niya. Maging ang mga kapitbahay nila ay nagsilabasan na para makiusisa sa nangyayari. Tumakbo siya papasok ng bahay nila. Kasama na doon ang numero unong tsismosa at galit sa kanilang magkapatid. Si Maita. "Mama! Ate!" sigaw niya pagpasok sa loob. Sa second floor ng bahay nila niya natagpuan ang dalawa. Nasa isang sulok ang Mama niya, may dugo ito sa braso. Habang nagkalat ang gamit ng Ate niya sa labas ng silid nito. May basag na baso, mga pagkain na nagkalat sa sahig. Mabilis niyang dinaluhan ang Mama niya. "Ano po ang nangyari?" nag-aalalang tanong niya. Agad niyang binalot ng panyo ang sugat ng Mama niya. Pagkatapos ay binalingan niya ang kawaksi, "Manang, pakikuha naman po ang First Aid Kit." Utos pa niya dito. Mabilis naman itong tumalima. "Naaawa na ako sa Ate mo, Anak. Alam kong nahihirapan na siya. Ang mabuti pa siguro, kung ipa-confine na lang natin siya." Umiiyak na sabi nito. "Dinalhan ko siya ng pagkain. Tahimik naman siya noon una. Tinanong ko siya kung gusto n'yang manood ng TV. Tumango naman siya, pero ng makita niya ang binabalita, bigla siyang naghisterical. Binato niya yung pagkain, pati yung baso ng tubig, yung tv tinaob niya." paliwanag ng Mama niya. Habang hawak nito ang kaliwang dibdib nito. Base sa mabilis na paghinga nito, alam niyang naninikip ang dibdib nito. "Nasaan na siya?" tanong niya. "Nasa loob," "Dito lang kayo, Mama. Ako na po ang bahala sa kanya." Aniya. Huminga siya ng malalim bago pumasok sa silid na kapatid. Madilim sa loob, nakakalat sa buong paligid ang mga gamit na binato nito. Maliban sa laruan na palaging yakap nito. "Ate," mahinahon niyang tawag dito. Kagaya ng dati, hindi ito sumagot. Nang hanapin niya ito, nakaupo ito sa isang sulok malapit sa bintana. Nanlilisik ang mata habang tila may binubulong at pawis na pawis ito. "Ate," tawag ulit niya. Bahagya siyang nagulat ng bigla itong tumingin sa kanya. Nabalot ng awa ang puso niya. Hindi na niya napigilan ang mga luha mula sa pagpatak. Hinaplos niya ang mukha ng kapatid at niyakap niya ito ng mahigpit. Habang tila may binubulong pa rin ito. "Tulungan mo ako, Ate. Gusto kong hanapin ang kahit isa sa lalaking nanloko sa'yo! Nasaan sila?" umiiyak na tanong niya dito. "Wala na siya, wala na siya, wala na siya!" paulit-ulit na sabi nito, habang umiiyak at sunod-sunod ang pag-iling. "Tama na, Ate." Awat niya. Mayamaya, ang pangalan naman ng Albert ang paulit-ulit na tinatawag nito. Napapailing na binitiwan niya ito, saka hinawakan ang Ate niya sa magkabilang balikat. Inalog-alog niya ito. "Tama na, Ate! Huwag mo na siyang hintayin! Niloko ka niya!" sigaw niya dito. Lalong umiyak ang Ate niya. "Hindi! Hindi! Hindi!" paulit-ulit nitong sagot. "Wala na siya, Ate! Iniwan ka ni Albert! Niloko! Pinaglaruan! Bakit mo hinahayaan na magkaganito ka ng dahil sa mga lalaking 'yon!" Nagulat siya ng bigla siya nitong itulak. "Hindi mo siya maaagaw sa akin! Walanghiya kang babae ka!" biglang sigaw nito, saka siya sinugod. Akma siyang sasabunutan nito ngunit mabilis niyang nahawakan ang mga kamay nito. Pinilit niya itong ihiga sa kama, saka kinubabawan ito para mapigilan niya ang pagwawala nito. "Tama na! Ate Nessa! Tama na!" sigaw din niya. "Alam kong nahihirapan ka na! Ganoon din kami! Kaya tulungan mo kami, tulungan mo naman ang sarili mo! Huwag mong ikulong sa nakaraan ang buhay mo! Mahal na mahal ka namin ni Mama! Hindi lang ikaw ang nasasaktan, pati kami!" umiiyak na pakiusap niya dito. Nang kumalma ito, tumayo siya. Parang walang narinig na tumayo din ito sa kama, saka bumalik sa sulok at niyapos ulit ang laruan na iyon. Saka doon tahimik na umiyak. Parang dinudurog ang puso niya sa nasaksihan. Kitang-kita niya ang hirap sa mga mata ng kapatid niya. Gusto niyang tulungan mawala ang sakit sa dibdib nito, ngunit paano? "Tumawag na po kayo ng tulong para kay Ate," sabi niya sa Mama niya, paglabas ng silid ng kapatid. Lumuluha na rin ito. Alam niyang maging ito man ang nahihirapan na rin.  "Naalala ko na naman ang araw na may pumunta ditong lalaki at pinaalam sa akin ang kalagayan ng Ate mo." Anang Mama niya. "Noong una, ayokong maniwala. Nagalit pa nga ako sa kanya, Sinabi kong hindi magandang biro iyon. Pero binanggit niya ang pangalan ng Ate mo, pati kung saan siya nag-aaral. Abot hanggang langit ang dalangin ko na sana'y nagkakamali lang lalaking iyon sa impormasyon niya tungkol kay Nessa. Nang tanungin ko kung paano nila nalaman ang nangyari sa Ate mo, isang concern daw na classmates nito ang nagpahanap sa atin para malaman natin ang nangyari. Tumanggi magpakilala ang classmate nito. Hanggang sa ng araw din na iyon, nakatanggap ako ng tawag mula sa mismong Professor ng school ng kapatid mo. Kinompirma nito ang nangyari sa Ate mo, at para mas maniwala daw ako. Nag-send pa ito ng pictures sa e-mail ko. Halos madurog ang puso ko ng makita ko ang si Nessa sa mga larawan. Pagkatapos ay agad akong nagpa-book ng flight papunta sa America. Pagdating ko sa ospital, halos panikipan ako ng dibdib ng makita ko ang Ate mo. Humpak ang mga pisngi, namumutla, wala sa sarili. Ang dating ganda ng kapatid mo ay tila biglang naglaho. Nang makausap ko ang Professor nito, tinanong ko kung sino ang nagpahanap sa amin, ngunit maging ito ay hindi rin nagsalita." Kuwento ng Mama niya. Pinunasan ni Nicole ang luha niya. Mahirap tanggapin na nagkaganyan ang kapatid niya ng dahil sa dalawang lalaking tanging sarili lamang ang iniisip niya. Kaya pinangako niya sa sarili niyang hinding-hindi siya iibig.  HALOS madurog ang puso ni Nicole habang puwersahan na hinihila ng mga Nurses ang Ate Nessa niya, habang nakasuot ng stretch jacket. Pilit itong umaalpas at nagwawala. Ang dalawang nurses ay hirap na hirap sa pagdala dito palabas ng bahay. Hindi niya napigilan ang umiyak maging ang Mommy niya habang paulit-ulit sila nitong tinatawag. Umiiyak at nagmamakaawa ito na huwag siyang ibigay sa mga ito. Maging ang pangalan ng Albert na iyon ay tinatawag din nito. "Nicole! Huwag mo akong ibigay sa kanila! Ayoko sa kanila! Si Albert lang ang gusto ko! Si Gabriel! Tawagin mo siya! Yung tagapagtanggol ko! Nicole! Mama! Huwag n'yong kong ibigay sa kanila! No! No! No!" umiiyak na hiyaw nito. Habang sinasakay ito sa ambulansiya, abala din ang mga kapitbahay nila sa pagbubulungan. Hindi niya alam kung paano nakarating sa mga ito ang nangyari sa Ate niya. Noong una, pumapatol siya sa mga ito. Hanggang sa natutunan na rin niyang magbingi-bingihan. Kahit na madalas, nasasaktan siya dahil sa pang-iinsulto ng mga ito sa Ate niya, maging sa buong pamilya nila. "Kami na ni Manang Lita ang sasama sa ospital," anang Mommy niya, na ang tinutukoy ay ang kasambahay nila. Agad siyang pumayag. Hindi rin naman niya kakayanin ang patuloy na pagmamakaawa ng Ate niya sa kanya. Nang makaalis na ang mga ito. Agad din siyang sumakay sa kotse niya at umalis sa lugar na iyon. Habang nagmamaneho, walang patid ang pagtulo ng luha niya. Nasasaktan siya ng labis para sa kapatid niya. Maayos sana ang buhay nito ngayon, malamang, kung hindi ito sinamantala ng dalawang lalaking iyon. Doctor na sana ito. Marahil, may sariling pamilya na rin ito at masayang namumuhay ng maayos. Ngunit winasak ng dalawang iyon ang buhay ng kapatid niya. Hindi lang ang buhay nito ang apektado, maging silang kapamilya nito. Dahil doon, mas lalo siyang nakaramdam ng pagkamuhi sa mga nanloko sa Ate niya. Pinangako niya sa sarili na kapag nakita niya ang isa sa dalawang iyon. Ipaparamdam niya dito ang hirap at sakit na dinaranas ng kapatid niya ngayon. Ipapamukha niya dito ang naging resulta ng ginawa nito sa Ate niya. Dahil doon, mas lalo siyang naging determinadong kalimutan ang salitang "pag-ibig", at kung anong ibig sabihin nito. Hindi alam ni Nicole kung paano siya nakaraos sa gitna ng kalsada ng hindi siya nababangga. Parang lutang ang utak niya habang nagmamaneho, habang umiiyak. Basta ang tanging nais niya sa mga sandaling iyon ay makalayo pansamantala. Ang mailabas ang lahat ng galit niya at pansamantalang matakasan ang problema niya sa pamilya. Nang makaramdam ng pagod, lumiko siya sa isang parking area. Daig pa niya ang nakipagkarera sa kabayo, dahil humihingal siya. Gusto niyang sumigaw, ilabas lahat ng galit niya sa mga taong nanakit at nagpaluha sa Ate niya. Kung puwede lang niyang hindi intindihin ang Ate niya, matahimik lang siya. Ngunit, alam niyang hindi iyon maaari. Kapatid niya ito, at mahal niya ito. Hindi kailan man niya matitiis ito. Kaya kung kinakailangan niyang dalhin ang bigat ng nararamdaman nito, gagawin niya. Sinubsob niya ang mukha sa manibela at doon siya umiyak. Ayaw niyang ipa-confine sa mental hospital ang kapatid niya. Pero nagiging bayolente na ito, ayaw din naman niyang isaalang-alang ang kaligtasan ng Mama niya. Bakit nga ba siya binigyan ng ganitong klaseng pagsubok? Ang pamilya niya ang pinakamahalaga sa kanya. Kaya walang kasing sakit ang makita niyang unti-unti ay nagkakawatak-watak sila. Una, ang Daddy niya ng mamatay ito ng hindi na lang ito nagising isang umaga. Ngayon naman, ang Ate niya. Kaisa-isang kapatid niya na ngayon ay wala sa katinuan dahil sa ibang tao. Tulungan po ninyo akong makayanan ang lahat ng pagsubok na ito. piping dalangin ni Nicole. "ANO? Napuntahan mo na ba si Cinderella?" tanong agad ni Jefti kay Glenn, pagpasok niya sa opisina ng Mondejar Cars Incorporated. Naupo siya sa mahabang leather sofa na nagsisilbing receiving area sa opisina nito. Umiling siya. "Hindi pa," sagot niya. Si Jefti ang nagma-manage sa operations ng kompanya. "Hindi ko alam na uso pa pala ang fairytale sa mga panahon na 'to." Komento naman ni Daryl. Ito naman ang namamahala sa mga finances ng MCI. At base sa nakalipas ng ilang linggo, simula ng magbukas sila. Maganda ang naging pasok ng pera dito. "Ang alam ko lang na fairytale ay ang negosyo ni Marisse." Sabi pa ni Jefti. "Ano ba kasi ang sinabi mo sa kanya at bigla kang tinakbuhan?" tanong pa ni Daryl. Ang tinutukoy nito ay ang nangyari noong Opening Night ng MCI. Matapos niyang diretsahang sabihin ay Nicole na hindi sana iyon ang huli nilang pagkikita. Bigla itong umalis. Hinabol niya ito, ngunit hindi naman niya naabutan. Nang tanungin niya ang kaibigan nito na naiwan, hindi rin daw nito alam ang dahilan ng pagwo-walkout nito. Ang masama pa nito, hindi na naman niya ito nakausap ng maayos. Ayaw naman niyang puntahan ito sa bahay nito, dahil baka imbes na mapanatag ang loob nito sa kanya. Mas lalo itong matakot, at sisguradong magtataka iyon kung paano niya nalaman ang bahay nito. Hindi naman niya puwedeng sabihin na sadya niyang pinahanap ito. Napabuntong-hininga si Glenn, hindi na niya alam ang gagawin. Gusto niya si Nicole, ngunit paano niya maipaparamdam iyon sa dalaga? Kung sa tuwing nagkikita sila, ay umiiwas ito sa kanya. Bahala na, gagawa na lang siguro siya ng paraan para magkita ulit sila. "I just told her that I hope that night will not be the last. That's it! Pagkatapos, ayun, she ran away." Sagot pa niya. Tumawa si Jefti at Daryl. "Natakot siguro sa'yo," pang-aasar pa ng dalawa. Hindi niya pinansin ang mga ito. Mas inabala niya ang sarili sa pag-iisip kung ano ang sasabihin niya kay Nicole kapag nagkita ulit sila. Simula ng nakilala niya ito, hindi na siya pinatahimik ng maganda at maamong mukha nito. He must be crazy, he thought. Iyon ang unang pagkakataon na na-attract siya ng ganoon sa isang babae. He is too hard to please when it comes to liking a girl. Ayon nga ng mga pinsan niya masyado daw siyang pihikan. Kung may mga babae man siyang kasama madalas, iyon ay dahil sa kaibigan niya ito. Para sa kanya kasi, ang babaeng makakakuha ng atensiyon niya at makakapagpatigil ng mundo niya, ay ang mamahalin na niya habang buhay. At wala pang nakakagawa niyon, sa lahat ng nakilala niya. Tanging si Nicole lamang. "Makakausap ko rin siya ng maayos, you just have to watch me." Sabi pa niya. "Yeah, sabihin mo lang sa amin kung kakailanganin mo ang tulong ko. I can use my connections." Sabi pa ni Daryl. "No dude, thank you! I think I can manage." tanggi niya. "Why are you so frustrated? What so special with her? Marami naman ibang babae diyan na nagkakagusto sa'yo ah?" tanong pa ni Jefti. "Because, I like her. Oo, marami diyan. Ang problema lang, hindi sila si Nicole." Sagot pa niya. Nagkatinginan ang dalawa, saka siya nilapitan nito. Tinapik pa siya ni Daryl sa balikat, tapos si Jefti naman ay kinamayan siya. "This guy is in love, good for you." Saad ni Jefti. "Welcome to our world, insan." Sabi naman ni Daryl. Nangingiti na napailing siya. "Am I? Ang sabi ko lang, gusto ko pa lang siya." "Ganoon na rin 'yon! Magtya-tiyaga ka bang maghintay at sundan sundan siya kung hindi ka in love sa kanya?" "Nah! I gotta go, dumaan lang talaga dito. By the way, yung mga spare parts shop. Itatayo ko na lang 'yon malapit sa Repair Shop." Sabi pa niya. "Okay, update us." Sabi naman ni Daryl. "Hey! Sabi pala ni Lolo, hindi ka na daw nakakapag-carwash." Pahabol ni Jefti. "Babawi ako, promise! Busy lately sa ospital, palagi akong on-call." Sabi pa niya, pagkatapos ay lumabas na siya sa opisina. Magalang na nagpaalam sa kanya ang mga Sales Consultant na nakatayo at nag-aabang ng mga customer. Habang ang iba naman ay may kausap ng kliyente. Pagdating niya sa kotse niya na nakaparada sa parking lot, naagaw ang atensiyon niya ng babaeng nasa loob ng kotse nito malapit sa sasakyan niya. Nakasubsob ang mukha sa manibela, habang yumuyugyog ang balikat nito. Kung tama ang hula niya. Umiiyak ito. Lalapitan na sana niya ito, para tanungin kung ayos lang ito. Pero bigla itong lumabas ng kotse nito at tila lumanghap ng sariwang hangin. Ganoon na lang ang sayang naramdaman niya ng makilala ang babae. Nicole... PAGKATAPOS niyang ibuhos lahat ng luha, lumabas siya ng kotse niya para makalanghap ng hangin kahit paano. Napupuno ng galit ang dibdib niya. Pinangako niyang gagantihan ang mga taong nang-api sa Ate niya. Kailangan nilang pagbayaran ang perwisyong ginawa ng mga ito sa buhay nila. Ngunit ang pag-iisip niya ay biglang naputol ng may lumapit sa kanya. Handa na siyang singhalan ito, dahil wala siya sa mood makipag-usap sa kahit kanino, ngunit, natulala siya paglingon niya. Kagaya ng nauna at pangalawa niyang naging reaksiyon, parang huminto ang buong paligid. At tila isang Anghel na naglakad palapit sa kanya, ang guwapo na parang aparisyon ang naging dating sa kanya. Matapos niya itong takbuhan nung Opening Night ng Mondejar Cars Incorporated. Hindi na sila ulit nagkita nito. At bakit siya nakakaramdam na parang na-miss niya ito? "Glenn," anas niya. "Nicole," anito. "What are you doing here?" nagtatakang tanong niya dito. "Sinusundan mo ba ako?" Imbes na sumagot ay nakuha pa nitong ngumiti. "Ayoko ng sinusundan ako! Lalo na kung stranger!" pagsusuplada pa nito. Sa inis niya, tumawa pa ito. Saka tumayo sa tabi niya at sumandal sa kotse niya. "Ano ba kasing ginagawa mo dito?" naaasar niyang tanong. "Nicole Beatriz Santos, Flight Stewardess of Air Canada. Kung estranghero ako, hindi ko sana alam ang pangalan mo at kung saan ka nagta-trabaho." Nakangiting wika nito. "Oo na, sige na. Umalis ka na! Ayokong sinusundan mo ako!" pagtataboy pa niya dito. Tumawa ulit ito. "Hindi ba dapat ako ang magtanong sa'yo? Anong ginagawa mo dito?" Lalo siyang naasar dito. Parang ibig pa yata nitong palabasin na siya ang sumusunod dito. "Excuse me, anong ibig mong sabihin? Na ako ang sumusunod sa'yo?" nanggigigil na tanong niya. "I didn't say that. Pero baka nga ganoon ang isipin ko." Anito. "Ang kapal," bulong niya. "Just go, okay? Leave me alone." Pagtataboy niya ulit ito. "Ayoko," tanggi nito. "What? Bakit ba ayaw mo akong tigilan?" hindi makapaniwalang tanong niya. "Dahil sa amin ang lupang tinatapakan mo." Kampanteng sagot nito. "Ha?" Parang may sumipa sa dibdib niya ng lumingon ito sa kanya, sabay ngiti. Saka may tinuro sa bandang kanan nito. Ganoon na lang ang panlalaki ng mata niya, kasabay ng pagkapahiya niya dito at sa sarili niya. Nasa parking area pala siya ng Mondejar Cars Incorporated. Kung paano siya nakarating doon, hindi niya alam. Basta kanina, tanging nasa isip lang niya ay ang magmaneho ng magmaneho. Nang mapagod ay basta na lang siya pumarada doon. Hindi niya talaga napansin ito. Napapikit siya, saka sumandal din sa kotse niya. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya. Nakakahiya siya, tinarayan at tinaboy niya ito sa sarili nitong lupa. "I'm sorry," aniya dito. "Are you really that sorry?" tanong pa nito. Napadilat siya. "Oo naman. Hindi ko alam na wala pala ako sa lugar." Paliwanag pa niya. "Are you okay?" sa halip ay tanong nito. Natigilan siya. Sa isang iglap ay hindi niya alam ang isasagot dito. Marahil, nakita nito ang pag-iyak niya kanina. Mabilis siyang lumingon sa kabilang bahagi, saka pasimple niyang pinunasan ang mga luha sa mga mata niya. "Yes," pabulong niyang sagot. "Hindi iyon ang nakita ko kanina." Sabi pa nito. "I'll be fine." "Gusto mo bang mawala kahit sandali ang lahat ng problema mo? Puwede ka doon sumigaw kahit gaano kalakas. Walang magrereklamo." Sabi pa nito. Napatingin siya dito. "Saan?" tanong niya. "Basta, akong bahala sa'yo!" sagot nito. "Ayoko nga! Baka mamaya, kung saan mo ako dalhin eh." Aniya. Mataman siyang tinitigan nito, isang bagay na labis na nakapagpailang sa kanya. Iniwas niya ang paningin dito. "Bakit ba wala kang katiwa-tiwala sa kapwa mo? Alam mo? Kung tama ang hinala ko, takot ka sa lalaki. O kaya sa akin mismo." Sabi pa nito. "Hi-hindi ako takot sa'yo!" tanggi niya. "Really? Look Nicole, hindi ako kagaya ng iniisip mo. Hindi ako mapagsamantala. I was just trying to help you. Gusto ko kahit paano gumaan ang loob mo, because you look so devastated." Paliwanag pa nito. Wala sa loob na napahawak siya sa magkabilang pisngi niya, saka tumingin sa salamin ng bintana ng kotse niya. Tama ito, mukha nga siyang pinaglipasan ng panahon sa hitsura niya. Magulo ang buhok, at malapit ng humulas ang eyeliner niya dahil sa kakaiyak. "Don't worry, you're still beautiful." Seryosong wika nito. Napatingin siya dito, diretso sa mga mata nito. Then again, she was captured by the wonders of his gaze. Her heart started to accelerate. And that familiar emotion in his eyes was there again. Pilit man niyang ibaling sa iba ang paningin niya, ngunit may kung anong puwersa ang pumipigil sa kanya. Kasunod niyon ay ang kakaibang bulong ng puso niya na magtiwala dito. "Thanks," usal niya. "You said sorry a while ago, right?" anito. Tumango siya. "Okay, para tanggapin ko ang sorry mo. Sumama ka na lang sa akin. Para mapanatag ang loob mo, eto ang number ng pinsan kong pulis. Kapag may ginawa akong kalokohan. Siya mismo ang tawagan mo at ipahuli mo ako." Paliwanag pa nito. "Sige na nga. Saan ba tayo pupunta?" nakangiting sagot niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD