"AKIRA Levesque! Nakikinig ka ba sa mga sinasabi ko?"
Halos mapatalon ako sa gulat nang bigla na lang tumaas ang boses ng team leader ko, ang namumuno sa aming mga promodiser.
Naguguluhang nag-angat ako ng tingin sa kanya mula sa pagkakayuko ko.
"Po?"
Parang hindi makapaniwala ito sa sinabi ko at inis na napailing. Napangiwi ako at yumuko na lang muli. Mas nainis ko yata siya nang dahil sa ginawa ko.
"Anong nangyayari sa 'yo, Akira? Ilang araw ka nang tulala, wala sa sarili, at kahit oras ng duty mo ay nakatulala ka pa rin! Kung may problema ka man sa buhay, please lang, iiwan mo 'yan sa bahay nyo!" bulyaw na naman nito sa akin, asar na asar na talaga. Kanina pa niya ako sinesermunan dahil sa pagiging palpak ko sa trabaho, pero heto ako, lutang at wala sa sarili.
"Sorry po talaga, TL," paulit-ulit kong hingi ng tawad, hiyang-hiya sa mga inaakto ko. Pati sa personal kong problema, nadadamay ang trabaho ko.
"Ano, magtatrabaho ka na ba nang maayos o tatanggalin na kita?" Singhal na naman niya.
Nag-angat ako ng ulo at sinalubong ang masamang titig niya sa akin.
"Magtatrabaho na po nang maayos."
"Good! O, sige, pwede ka nang umalis at nang makapagpahinga ka na. Para bukas, hindi ka na tutulala ulit sa oras ng trabaho." Halata pa rin sa boses niya ang inis sa akin.
Nagpasalamat ako at ilang beses pang humingi ng tawad sa team leader bago umalis sa locker room. Tanging kaming dalawa na lang ang natitira dahil ang ibang kasamahan ko ay nakapag-out na, habang ako naman ay pinaiwan niya para sermunan.
Panay ang buntong-hininga ko habang naglalakad palabas ng mall. Hindi ko masisisi ang team leader namin sa panenermon niya sa akin, alam ko naman kasing mali talaga ako. Dapat ay tutok ako sa trabaho ko at masigla, hindi 'yong nakatulala. Pero anong ginawa ko? Wala sa sarili akong nagtrabaho.
Napapansin kong ilang araw na akong ganito, tulala at tila wala sa sarili. Nagsimula ito nang malaman kong babalik na si Trisha rito sa Pilipinas. Masyadong gumulo sa akin ang tungkol sa bagay na 'yon.
Napatigil ako sa paglalakad nang marinig ko ang pagri-ring ng phone ko na nasa loob ng bag ko. Kaya't kinuha ko 'yon sa loob nito at natigilan nang makita ang pangalan ni Aaron sa screen ng phone, tinatawagan ako.
Muli akong napabuntong-hininga sa pamomoblema at napahilot sa sintido ko.
"Aaron..." mahinang usal ko.
Ilang araw ko na rin iniiwasan ang kaibigan simula nang magkausap kami tungkol sa pagbabalik ni Trisha. Kahit ang text at tawag niya ay hindi ko tinutugon. Napagpasyahan kong ilayo na ang sarili ko sa kanya habang nakakaya ko pa. Oo nga't mahal ko siya, pero napapagod din ako. Nagsasawa. Kaya sa tingin ko ay ito na ang tamang panahon para tapusin ang kahibangan ko. Tanggap ko na, kahit kailan ay hindi ako magagawang mahalin ng bestfriend ko ng higit sa kaibigan.
Nang kusang mamatay ang tawag, in-off ko ang phone ko at ibinalik na sa bag. Muli akong nagpatuloy sa paglalakad palabas ng mall, pero kaagad din napatigil nang 'di kalayuan sa exit ay may nahagip ang paningin ko. Namilog ang mga mata ko nang makumpirma kong si Aaron ang lalaking nakatayo sa tabi ng exit at mukhang may hinihintay.
Dali-dali akong tumalikod at nagtago sa gilid kung saan ay hindi niya ako makikita. Hindi na dapat magtagpo pa ang landas naming dalawa. Nakapagdesisyon na akong layuan siya, kaya dapat ay panindigan ko 'yon.
Natatarantang akong nag-isip ng paraan kung paano makakalabas ng mall nang 'di kami nagkikita sa exit, at ang tangi kong naisip ay ang dumaan sa ibang exit para hindi kami magkatagpo.
Umalis na ako sa pinagtataguan ko at naglakad na papasok muli ng mall. Malayo-layo ang isa pang exit, pero no choice ako kaya kahit malayo ay mas pipiliin kong doon dumaan kaysa magkatagpo ang landas namin ni Aaron.
"Akira!"
Napapikit ako nang marinig ko ang pagtawag ni Aaron sa akin, nakita na ako. Kamalas-malasan nga naman, kung kailan ay naglalakad na ako palayo ay saka niya pa ako nakita.
"Akira!"
Nataranta ako nang tawagin na naman niya ako. Sa sobrang pagkataranta ko ay mas binilisan ko ang lakad ko, pero biglang napatigil nang bumangga ako sa isang matigas na bagay. Bumagsak ako sa sahig dahil sa lakas ng impact nito.
"Aray!" daing ko. Tumama ang puwitan ko sa sahig dahil sa biglaang pagkabagsak ko.
"Miss, are you okay?" nag-aalalang tanong ng nabunggo ko, na tao pala.
"Kuya, mukha ba akong okay?" inis at sarkastiko kong tanong.
Nang tumingala ako para makita ang mukha ng lalaking nabunggo ay napatigil ako nang tumambad sa harapan ko ang isang lalaking aakalain mong isang modelo o artista dahil sa taglay nitong kagwapuhan. Matangos ang ilong, may kakapalan ang kilay, manipis ang labi at mala-puso ang korte nito, at ang panghuli ay may perpektong panga. Pero ang mas nakakaagaw ng pansin sa mukha niya ay ang kulay kayumanggi niyang mga mata.
Yes, he's handsome pero kinulang siya ng common sense!
Inilahad niya ang kamay niya sa akin, at dahil nahihirapan akong tumayo dahil nakasuot ako ng heels ay tinanggap ko ang kamay niyang nakalahad kahit na labag sa loob ko.
"Tatanga-tanga kasi," mahinang bulong ng lalaki sa kanyang sarili na narinig ko naman.
Nag-init ang ulo ko sa sinabi ng lalaki lalo na nang maisip na mukhang para sa akin ang sinabi niya. Handa na sana akong bungangaan siya nang marinig ko ang boses ni Aaron, tinatawag na naman ako.
"Akira, are you okay?" tanong ni Aaron nang makalapit sa akin. Bakas ang pag-aalala sa kanya. Malamang ay nakita niya ang katangahan ko.
Muli na naman akong nataranta dahil sa presensiya ni Aaron sa paligid ko. Hindi ko alam kung sasagutin ko ba ang tanong niya o tatakbo na lang palayo. Ayaw ko nang makita pa siya! Kailangan kong layuan siya nang tuluyan na akong maka-move on!
Napatingin ako sa lalaking nabunggo ko nang mapansin ko ang paninitig nito sa akin at kay Aaron na nasa tabi ko. Bahagyang nanlaki ang mga mata ko nang may maisip na ideya. Sigurado akong sa gagawin kong ito ay hindi ko na kailangang layuan si Aaron dahil kusa na itong lalayo sa akin.
"Babe," usal ko at hinawakan sa siko ang lalaking ni pangalan ay hindi ko alam. Kunot-noong pinukol niya ako ng tingin. Kahit si Aaron ay nabakasan na ng pagkagulo ang pagmumukha.
"Babe, sorry na. Please. Huwag ka nang magtampo," sambit ko. Ramdam ko ang matinding kahihiyan sa ginagawa ko, pero wala nang urungan ito. Kailangan kong gawin ito para hindi na ako mahirapang iwasan si Aaron.
"Is he your boyfriend, Akira?" puno ng pagkagulo at pagkakuryusidad na tanong ni Aaron. Nagpalipat-lipat pa ang tingin niya sa akin at sa lalaking hawak ko.
Humugot ako ng malalim na hininga bago sunod-sunod na tumango bilang tugon sa tanong ng kaibigan.
"Yes... He's my boyfriend." Humigpit ang hawak ko sa siko ng estrangherong lalaki, lihim na nananalangin na sana ay sakyan niya ang ginagawa kong palabas. Bumagsak naman ang mga mata niya sa kamay kong nakahawak sa kaniya at bahagya akong pinagtaasan ng kilay. Ramdam ko ang malakas na pagkalabog ng dibdib ko dala ng sobrang kaba.