"HELLO, Ma'am. I'm Akira. If you don't mind, puwede ko po bang mahiram ang ilang minuto mo?" sambit ko nang may malawak na ngiti sa labi.
Nang tumango ang babaeng hinarang ko sa gitna ng mall ay iginiya ko siya patungo sa booth na nasa gilid lang. Sinuri naman niya ng tingin ang mga product na naka-display rito.
"Ito po ang aming produkto, ang Elegant Cosmetics. Katulad ng pangalan ng aming produkto ay paniguradong magmumukha kayong elegante kapag ginamit nyo ang product namin," panimula ko at kumuha ng isang lipstick sa booth. Inilahad ko ito sa harapan ng babaeng costumer.
"The latest product released this month, Choco Lipstick. And yes, based on its name, it is made of chocolate. Kaya naman makakasigurado ang mga gagamit nito na ito ay safe at hindi toxic. At dahil chocolate ito, kahit aksidenteng makuha ng mga bata ang lipstick na ito ay hindi ito magiging banta sa kalusugan nila. Kung tutuusin, puwede nila itong kainin dahil gawa ito sa purong chocolate," mahabang paliwanag ko.
Nakita ko sa mukha ng babae ang pagkamangha sa naging paliwanag ko. Mas lumapad naman ang ngiti ko at binuksan ang lipstick na hawak ko. Para mas maipakita ang kagandahan ng produkto ay naglagay ako nito sa aking pulso.
"As you can see, it's a matte lipstick. May iba't ibang shades din kami na maaari mo pong pagpilian. Kaya bukod sa pagiging safe nito sa kalusugan, siguradong babagay ito sa fashion nyo."
Nang matapos kong sabihin ang mga kailangan kong sabihin tungkol sa produktong nilalako ko ay nakangiti kong pinukol ng tingin ang costumer.
"I like it," aniya.
Mas lalong nabuhayan ako. "If you want to have our products, please go to her. She's the one who will assist your orders," imporma ko at isinenyas si Rosa na hindi nalalayo sa akin. Siya ang naka-assign para sa mga costumer na bibili ng produkto namin.
"Got it, thanks."
Nakangiting umalis ang babaeng costumer sa harapan ko na kaagad namang sinalubong ni Rosa para asikasuhin ang magiging order nito. Nang masiguro kong ayos na ang costumer ay saka ako muling nagtingin-tingin sa paligid para humanap ulit ng panibagong costumer na maaalok ko ng produkto namin.
Dahil puro cosmetics ang itinitinda namin, mga babae ang target costumers ko. Mapa-teenanger man ito o may edad na.
Hindi madali ang ganitong trabaho. Kailangan mong pakiharapan nang maayos ang mga tao. Kailangan ay magkaroon sila ng good impression sa 'yo para mas tumaas ang tiyansang bumili sila ng produktong iaalok mo. Kaya bukod sa magiliw na ngiti sa labi, kailangan din matutunan kung paano itrato nang maayos ang isang costumer.
Hindi lang pag-aalok ng produkto sa costumer umiikot ang trabaho ng isang promodiser na kagaya ko. Bukod kasi sa mga nabanggit ko, kailangan ko rin pag-aralan ang produktong iaalok ko para kapag kaharap ko na ang costumer ay maayos at malinaw ko itong maipapaliwanag sa kanila. Idagdag pa ang ilang oras na pagtayo nang walang upuan. Ang tanging pahinga lang na kagaya kong promodiser ay kapag sumapit na ang lunch break o ang break time.
"Hello, Miss. Interesado ako sa produkto nyo. Puwede mo ba akong tulungang mamili kung ano ang dapat kong bilhin sa mga ito?"
Tumaas ang kilay ko nang tumambad ang isang lalaki sa harapan ko. Palihim ko siyang pinukol ng masamang tingin dahil sa kalokohan niya.
"Stop it, Aaron. Nasa trabaho ako," usal ko sa kaibigan na bigla na lang sumulpot sa harapan ko.
"Sorry." Nag-peace sign pa ang loko.
Napailing ako at naglakad na pabalik sa booth. Ramdam ko naman ang pagsunod niya sa akin.
"Why are you here?" tanong ko sa kaibigan. Tinanguan ko naman si Rosa nang bigyan niya ako ng ngiti nang magtama ang tingin namin. Siya ang partner ko sa produktong hawak ko ngayon.
"Magla-lunch break ka na, kaya naisipan kong daanan ka," tugon ni Aaron.
"May fifteen minutes pa ako bago ang lunch break." Inangat ko ang pulsuhan at ipinakita ang relong nasa bisig ko.
Sunod-sunod siyang tumango. "I'll wait you here."
Humalukipkip ako nang mapansin ko ang paggilid ni Aaron sa booth. Doon siya tumayo para hindi makaabala sa akin habang nagtatrabaho pa rin ako.
Ilang saglit ko pang pinagmasdan ang kaibigan bago muling ibinalik ang atensiyon sa trabaho. Nagpatuloy ako sa paglalako ng produktong hinahawakan namin ni Rosa. Todo ang ngiti ko sa bawat costumer na dumadaan sa booth. Kulang na lang ay mapunit na ang labi ko sa kangingiti.
Nang sumapit na ang lunch break ay inaya ko na si Aaron na magtungo sa food court para kumain. Kahit na mas gusto ni Aaron ang mga restaurant o fastfood, wala siyang nagagawa kundi sumama sa akin kapag inaaya ko siya sa food court lang. Ito lang kasi ang afford ko. Gagahulin naman kami sa oras kung sa restaurant niya kami kakain. Bukod doon, ayaw ko rin ang panay panlilibre niya sa akin.
"Bakit ka pala nagpunta rito?" tanong ko nang maka-ukupa na kami ng table na para sa dalawang tao. Magkaharap kami ni Aaron habang hinihintay namin ang pagdating ng order namin.
May ngiti ang sumilay sa labi niya bago sinagot ang tanong ko.
"I have a good news."
Tumaas ang kilay ko at sumandal sa bangko ko. "Ano naman?"
Bumakas sa akin ang pagtataka nang mapansing may kinuhang kung ano si Aaron sa bulsa ng pantalon niya. Nang ilabas niya 'yon mula sa bulsa at tumambad sa harapan ko ay napag-alamanan kong ang phone niya iyon. Saglit niyang kinalikot ito bago inilahad sa harapan ko.
Kahit na naguguluhan ay inabot ko ang phone niya. Natigilan ako at nabato sa kinauupuan nang makita kung ano ang meron dito.
"Last night, I saw Trisha's post. Nakalagay sa caption niya ang "it's time to go home", isang malinaw na patunay na malapit na siyang umuwi rito sa Pilipinas," paliwanag ni Aaron. Bakas sa boses niya ang matinding saya habang sinasabi niya ang tungkol sa bagay na 'yon.
Ssglit kong sinulyapan ng tingin si Aaron bago ibinalik ang tingin sa phone. Gaya ng sinabi ni Aaron, sa isang picture na ipinost ni Trisha ay iyon ang nakalagay na caption. Kahit ako ang makabasa nito ay iyon ang isisipin ko tulad ng iniisip ni Aaron.
"Hinihintay mo pa pala siya," sambit ko nang walang buhay. Pati ang balikat ko ay bumagsak sa nalaman.
"Oo naman, 'di ba't nangako ako noon?"
Nang magbalik ako ng tingin kay Aaron ay tumambad sa akin ang malawak na ngiti sa labi niya. Tila kumikinang pa ang mga mata niya sa sobrang kasiyahan dahil sa nalamang malapit na umuwi si Trisha.
"Hinihintay mo pa rin ang pagbabalik niya, kahit higit limang taon ka na niyang iniwan?" muling tanong ko dahilan para matigilan siya.
Hindi tumupad si Trisha sa sinabi niya kay Aaron. Kahit na naka-graduate na siya sa kolehiyo ay nanatili pa rin siya sa ibang bansa kasama ang mga magulang niya. Base sa narinig kong balita kay Nanay Ysay, ang housekeeper ng pamilya ni Trisha, ay nanatili si Trisha sa ibang bansa para magsanay sa isang kilalang restaurant. Pagiging chef kasi ang kinuha niyang kurso sa kolehiyo.
"Hindi naman na mahalaga 'yon sa akin." Nagkibit-balikat si Aaron. "Ang mahalaga ay babalik na siya. Babalikan na niya ako."
Blangko ang mukha kong tinitigan si Aaron, pero kinalaunan ay napabuntong hininga na lang. Ibinalik ko na ang phone niya at tumayo mula sa kinauupuan ko dahilan para bumakas sa kanya ang pagtataka.
"Where are you going?" kunot-noong tanong niya.
Pinilit ko ang sariling ngumiti sa harapan niya. "Nakalimutan kong may gagawin pa pala ako, kaya hindi ako sa 'yo makakasabay na mag-lunch."
"Pero 'yong order natin--"
"I have to go," putol ko sa sinasabi niya. Saglit pa kaming nagkatitigan ni Aaron bago ko napagpasyahang talikuran na siya.
Nang hindi na nakaharap sa kanya ay saka lang bumakas sa mukha ko ang matinding sakit. Kahit pakiramdam ko ay mabigat ang mga paa ko, pinilit ko ang sariling maglakad palayo sa kanya.
Sa mga taong wala si Trisha sa tabi ni Aaron ay tanging ako ang nanatili sa tabi niya. Ako ang hindi siya iniwan. Ako ang kasama niya. Ako ang naging karamay niya sa nagdaang mga taon. Pero sa kabila ng mga ito, si Trisha pa rin pala ang hinihintay niyang bumalik. Kahit pala ako ang nasa tabi niya ay wala pa rin akong puwesto sa puso niya.
Tumigil ako sa paglalakad at nasapo ang dibdib nang maramdaman ang paninikip nito. Para bang may pumipiga ng puso ko. Ang mga mata ko naman ay nag-iinit na, pero tila wala nang luha ang mailabas dahil parang buong buhay ko ay palagi na lang akong umiiyak. Posible bang naubusan na ako ng luha dahilan para wala na akong maiyak pa?