Chapter 4 - Curse

2269 Words
ISA na namang nakakapagod na araw ang natapos sa akin. Katulad ng daily routine ko, ang buong araw ko ay nasa mall at nagtatrabaho. Buong maghapon akong nakatayo at ini-aalok sa mga costumer ang mga produktong hawak ko. Kaya tuwing sumasapit ang gabi, ngalay na ngalay ang mga paa ko sa katatayo. Kaso hindi naman ako puwedeng magreklamo. This is my job. Napahikab ako habang kinukuha ang mga gamit ko sa loob ng locker. Nakapagpalit na rin ako damit, hindi na naka-uniform. Kinuha ko na ang bag ko at isinukbit ito sa balikat ko. Ang sunod kong kinuha ay ang phone ko at tiningnan kung may nag-message ba sa akin. Nagkaroon ng gatla ang noo ko nang makitang may tatlong message ako. And it’s from unregistered number. “Hey, it’s me.” “Bakit ‘di ka nagrereply?” “Oh. Are you on your work? Okay, I’ll pick you up later.” Isinarado ko na ang locker ko habang nakakunot pa rin ang noo. Sino ang taong ‘to? Hindi naman maaaring si Aaron ‘to. Simula nang huling pagkikita namin ni Aaron kung saan ay may pinakilala akong boyfriend sa kanya ay bigla na lang siya ‘di nagparamdam. Kahit text o tawag ay wala akong natatanggap mula sa kanya. Siguro ay dahil sinabi kong nagseselos sa kanya ang 'boyfriend' ko kaya siguro ay tinigilan na niya ako. Sa huli, nagtipa na lang ako ng ire-reply sa unregistered number na ‘to. “Who’s this?” and I tapped the send button. Inilagay ko na sa bulsa ng pantalon ko ang phone ko at lumabas na ng locker room. Halos lahat ng store na nadadaanan ko ay sarado na, ‘yong iba naman ay nagsasara pa lang. Nakaramdam ako ng panlalamig nang paglabas ko ng mall ay umihip ang malamig na hangin. Bahagyang malalim na ang gabi kaya malamig na ang ihip nito. Napatigil ako sa paglalakad nang maramdaman kong mag-vibrate ang phone ko na nasa bulsa ng pantalon ko. Kinuha ko ‘yon at muling napakunot ang noo nang makita sa screen ang unregistered number, tinatawagan ako ngayon. “Hello, who’s this?” bungad ko nang sagutin ko ang tawag. “It’s me,” sambit ng tao sa kabilang linya. Mas lalong nangunot ang noo ko. Parang pamilyar ang boses niya sa akin pero hindi ko maalala kung sino ang nagmamay-ari nito. “Sasabihin mo kung sino ka o papatayan kita ng tawag?” medyo pikon ko nang tanong. Sa tingin niya ba ay makikilala ko siya sa simpleng ‘it’s me’ niya lang? “Ang init talaga ng ulo mo, ‘no?” At ngayon ay tila inaasar na ako ng taong nasa kabilang linya. “Sino ka ba kasi?” “Turn your back,” biglang utos niya. Saglit akong natigilan bago ginawa ang sinabi ng taong kausap sa kabilang linya kahit na sa totoo lang ay naguguluhan ako sa sinabi nito. Pagtalikod ko ay sumalubong sa akin ang isang pamilyar na lalaki, nakatayo ilang hakbang lang ang layo mula sa akin. “Hell no...” wala sa sarili kong bulalas habang nanlalaki ang mga mata. A smirk appeared on his lips. “Shocked, huh?” Sino ang hindi masha-shock? Nasa harapan ko ‘yong lalaking pinagpanggap kong boyfriend ko noon sa harapan ni Aaron! Siya rin ang kausap ko ngayon sa phone! Pinatay na niya ang tawag at inilagay sa bulsa ang phone niya saka naglakad patungo sa akin. Ako naman ay nabato lang sa kinatatayuan, hindi makakilos. Nakatanga lang sa harapan niya dahil sa gulat. “Hi, long time no see,” bati niya nang makalapit sa akin. Aakalain mong magkaibigan kami dahil sa paraan ng pagkakabati niya sa akin. Napahakbang ako paatras habang nanlalaki pa rin ang mga mata. “You...” Hindi ko maituloy ang gusto kong sabihin dala ng gulat. He smiled. “Yeah, it’s me, your babe.” And then, he laughed. Napanganga na lang ako sa harapan niya. What the hell is happening now? “Paano... paano mo nakuha ang number ko? At ano ang ginagawa mo rito?” sunod-sunod kong tanong nang makabawi na mula sa pagkagulat. “Nandito ako para maningil sa utang mo sa akin.” My jaw dropped. “Anong ibabayad ko sa ‘yo? Hindi mo naman kailangan ng pera dahil mukhang mayaman kang tao.” Bigla siyang sumeryoso. “Bakit? Ikaw nga, may utang sa akin pero hindi naman pera.” Napairap ako. “What’s your point?” “Hindi pera ang bayad sa utang mo, pagpapanggap din.” Bahagya akong naguluhan sa sinabi niya. “Paanong pagpapanggap?” Napailing siya at napatingin sa paligid. “Puwede bang pumunta muna tayo sa isang tahimik na lugar kung saan ay makakapag-usap tayo nang maayos?" Dahil sa sinabi niya ay napatingin din tuloy ako sa paligid. Kahit na gabi na at iilan na lang ang tao sa kalsada, maingay pa rin ito dahil sa mga sasakyan. “Okay,” pagpayag ko. Tumango siya. “Okay, I’ll just call my driver to—” “No,” I cut him off. “Hindi kita kilala at wala akong tiwala sa ‘yo, kaya maglalakad lang tayo.” Hindi porket kinakausap ko siya ay magkaibigan na kami! Ni hindi ko nga alam ang pangalan niya. “Okay, okay,” pagsang-ayon niya. “But where are we going?” Palihim akong napangiti nang may maisip. “May alam akong lugar.” Naglakad na ako kaya dali-dali na siyang sumunod sa akin. Nasa likuran ko siya. “Paano mo nga pala nakuha ang number ko?” pag-uulit ko sa tanong ko kanina na hindi niya sinagot. Binilisan niya ang lakad niya at tumabi sa akin. “I have my ways,” tanging sagot niya. “Hindi ka naman siguro stalker, ‘no?” tanong ko at natawa sa sariling tanong. Hindi naman ako nakakaramdam ng takot sa kanya, nagtataka lang talaga ako kung paano niya nakuha ang number ko. Naiintindihan ko naman kung paano niya nalaman kung saan ako nagtatrabaho. Sa mall kami unang nagkita at noong gabing ‘yon ay suot-suot ko ang uniform ko. Sa hula ko ay roon niya nalaman ang trabaho ko. Kung tutuusin, puwedeng hindi ko na siya pansinin at balewalain na lang. Pero ayaw kong gawin ‘yon. May utang na loob ako sa kanya. At ugali ko ang bayaran o suklian ang utang na loob ko sa isang tao. That’s why I’m doing this now. Sinasamahan at kinakausap ang lalaking ‘di ko naman kilala. “Why? Are you scared of me?” he asked jokingly. “Should I?” Mahina siyang natawa at sunod-sunod na umiling. “Hindi naman akong tangang tao. Hindi ako sasama sa 'yo at makikipag-usap kung pakiramdam ko ay may gagawin kang masama sa akin,” kapugkuwan ay seryoso kong sambit. Napatango-tango na lang siya. Tumigil na ako sa paglalakad at ganoon din siya. Napansin kong tila naguguluhan ang kasama kong lalaki nang tumingin sa hinintuan naming lugar. “Uhm.” Bumaling ang tingin niya sa akin. “What’s this place?” Sa pagkakataong ito ay ako naman ang naguluhan sa itinanong niya. “Hindi mo alam kung anong tawag sa lugar na ‘to?” medyo gulat kong tanong. He nodded his head. “This is my first time to go in this kind of place." Nangunot ang noo ko sa sinabi niya. Ganito ba kayaman ang lalaking ‘to para hindi niya alam kung anong klaseng lugar ang pinuntahan namin? “This place is called lugawan,” sambit ko at pumasok na sa loob ng lugawan. Naguguluhan man siya, sumunod pa rin siya sa akin. Naupo kami sa may bakanteng table na para sa dalawang tao. Pinaghintay ko na lang siya sa table namin at sinabing ako na lang ang o-order ng kakainin namin dahil mukhang wala siyang alam sa ganitong lugar. Nang pabalik na ako sa table namin ay napatigil ako at pinagmasdan ang lalaki. Parang isang bata siyang nawawala habang nakaupo at palinga-linga sa paligid, tila pinag-aaralan ang kapaligiran niya. Pati ang ibang costumer ay pinagmamasdan niyang kumain. Umiiling akong nagpatuloy na sa paglalakad at naupo sa kaharap niyang upuan. Nakuha ko ang atensiyon niya dahil sa ginawa kong 'yon. “Ito ba talaga ang first time mong magpunta rito?” pagbubukas ko ng usapan. “Yeah,” medyo nahihiya niyang tugon. “Madalas kasi sa mga restaurant kami kumakain ng pamilya ko, o ‘di naman ay sa mga fastfood chain.” Tumango na lang ako bilang tugon sa sinabi niya. Napatigil kami sa pag-uusap nang dumating na ang order naming lugaw na may lamang tuwalya, puso, at nilagang itlog. Um-order din ako ng dalawang mainit na kape. “Safe ba ‘tong kainin?” inosente niyang tanong habang pinagmamasdan ang lugaw na nasa harapan niya. Natawa ako. “Of course. Hindi ka mamamatay kapag kinain mo ‘yan. Walang lason ‘yan.” Nagtagal ang titig niya sa akin na tila hindi naniniwala sa sinabi ko. Napairap ako at sinenyasan na siyang kumain na. May pagdadalawang isip pa rin sa mukha niya, pero kinuha niya pa rin ang kutsara. Saglit niyang inihipan ang lugaw para lumamig bago ito kinain. Napatitig naman ako sa mukha niya nang makita kong talagang parang nilalasahan niya ang pagkain. Napakaseryoso niya habang kumakain ng lugaw. “It tastes good, huh," nakangiti na niyang sambit at muling sumubo ng lugaw. Bahagya pa siyang napaso dahil nakalimutan niya itong ihipan. Napailing na lang ako sa parang bata kong kasama at kumain na lang din. Mukha namang masyadong nasarapan ang kasama kong lalaki dahil nag-order pa muli siya, at lahat ng laman na puwedeng ilagay sa lugaw ay in-oder niya rin. Napapatingin pa nga sa amin ang ibang costumer dahil sa kasama ko, parang bata kasi na tuwang-tuwa sa lugaw. At syempre, hindi niya pinalagpas ang mami. Nang matapos kami sa pagkain ay siya ang nagbayad. Hindi na ako umalma pa dahil alam kong malaki ang babayaran namin dahil sa dami ng kinain niya. “Keep the change,” sabi niya sa tindera at inabot ang buong isang libo. Gusto ko sana siyang pigilan, pero huwag na lang. Pera naman niya ‘yon. Isa pa, natuwa ang tindera dahil sa laki ng sukli sa isang libo. Sigurado akong malaking bagay na ‘yon para sa tindera. Lumabas na kami sa lugawan at naupo sa kahoy na upuan na nandito sa labas. Dito naming napiling mag-usap. Nang kumakain kasi kami kanina ay hindi kami nakapag-usap dahil masyado siyang nag-enjoy sa pagkain. “Safe naman palang kumain sa mga ganito, ‘no?” Panimula niya ng usapan. Natawa ako sa sinabi niya. "Oo naman.” Bigla siyang natahimik at may kung anong emosyon akong nakita sa mga mata niya na mabilis din naglaho. Nag-iwas siya ng tingin sa akin at muli nang nagsalita. “By the way, ‘yong pag-uusapan nga pala natin," pag-iiba niya ng usapan. Tumango ako. "Ano bang gagawin ko para makabayad sa ‘yo?” Nagkibit-balikat siya. “Just pretend to be my girlfriend. That’s it.” Napatingin ako sa kanya habang nakanganga. “Ano? Seryoso?” Tumango siya at ibinaling na rin ang tingin sa akin. “Yeah, I’m serious.” Nangunot ang noo ko. “Bakit ko naman ‘yon gagawin? Anong dahilan?” Nang marinig ang tanong ko ay umiling siya. “Noong ako ang nagpanggap bilang boyfriend mo, hindi ako nagtanong kung bakit.” Bigla ay tumawa siya. “Just kidding.” Pinagtaasan ko lang siya ng kilay. Hindi nakitawa sa pagbibiro niya. Nang makita ang reaksiyon ko ay bumuntong hininga siya at sumeryoso na. “May family reunion kami na gaganapin sa sabado, kaya kailangan ko ng ka-date. Hindi puwedeng wala akong ka-date lalo na’t nandoon pa naman ang lahat ng kamag-anak namin," paliwanag niya. Parang hindi ako naniniwala sa dahilan niya. Parang napakababaw. Pero anong magagawa ko? May utang ako sa kanya. “Isang gabi ka lang naman magpapanggap. Pagkatapos niyon, okay na. Bayad ka na sa utang mo sa akin," dagdag niya at ngumiti. Inalis ko sa kanya ang tingin ko at napabuga ng hangin. “Fine, payag na ako. Para din makabayad na ako ng utang na loob ko sa ‘yo.” “Wala nang atrasan ‘to, sigurado ka na ba?” Tumango ako. “Oo, isang gabi lang naman.” Naramdaman ko ang pag-alis niya sa tabi ko at tumayo sa harapan ko mismo. I saw him smiling from ear to ear. “I think, we’re friends now?” Napatitig ako sa kanya bago marahan na tumango. “Gabi na, ihahatid na kita sa bahay nyo," bigla ay alok niya. Umiling ako na ikinakunot ng noo niya. “Bakit ayaw mo?” naguguluhan niyang tanong. Nagkibit-balikat ako. “Hindi ko pa rin alam ang pangalan mo.” Tumaas ang kilay ko nang umakto siyang parang nasasaktan, may pahawak-hawak pa siya sa dibdib niya. “Oh... That hurts. Alam ko ang pangalan mo pero hindi mo ako kilala," pagdadrama niya. Nagkasalubong ang kilay ko. Bakit pakiramdam ko ay isip-bata ang isang ito? "Kasalanan ko ba 'yon? Kanina pa tayo magkasama, pero hindi ka nagpapakilala sa akin," tanging nasabi ko na lang. "Then, let me introduce myself." Tumayo siya nang tuwid at inilahad ang kamay sa harapan ko. “Hi, I’m Curse Montealegre.” Napatitig muna ako sa kanya bago tinanggap ang pakikipagkamay niya. “Akira... Akira Levesque.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD