CHAPTER 2

2038 Words
Diretsong nakapila sa malawak na quadrangle ng St Louie High School ang mga estudyante. Sa harapan nakapila ang mga grade seven habang sa dulo naman ang mga grade twelve kung saan naroon sina Kane at Owen. “Tingnan mo sila, parang mga bulateng inasinan,” bulong ni Owen sa kaibigan na si Kane. Tinitingnan kasi nito ang mga schoolmate nilang babae at binabae na kinikilig habang nakatingin sa lalaking nakita nila sa jeep. Sa pila rin nila ito nakapwesto. Mahinang natawa naman si Kane sa sinabi ni Owen. “Parang ikaw lang,” wika ni Kane na nasa likod ni Owen. “Oy! Hindi naman ako ganyan kiligin, ‘no!” Kontra ni Owen sa sinabi ni Kane. Agaw-atensyon ang gwapong lalaki lalo na sa batch nila. Panaka-nakang tinitingnan ito at namamagha sa taglay na kagwapuhan bukod pa sa ito ang pinakamatangkad sa lahat ng lalaki. “Sigurado, magiging crush ng bayan ‘yan,” sabi ni Owen. Hindi lamang ang mga nasa batch nila ang tumitingin kay pogi kundi pati na rin ang ibang estudyante sa mababang school level ay napapatingin dito. Nakatayo lang ito pero ang lakas na ng dating. Marahang napatango-tango naman si Kane sa sinabi ni Owen. Sang-ayon siya sa sinabi nito. “Hay! Kunsabagay, minsan lang magkaroon ng sobrang gwapo sa isang public high school,” nangingiting sabi ni Owen. “Grabe ka naman! Parang sinabi mo naman na ang pangit natin,” natatawang bulong ni Kane. “Sila iyon… hindi tayo,” wika ni Owen saka ngumisi. Mahina namang natawa ulit si Kane. Kunsabagay, may mga itsura naman sina Kane at Owen. Mestiso at makinis si Kane. Pabilog ang hugis ng mukha at bumagay naman dito ang makapal na itim na buhok nitong gupit estudyante. Bilog ang mga mata nitong tila nakikiusap. Makapal ang itim na kilay at may kahabaan ang pilik-mata. May katangusan ang ilong at natural na mapula ang labi. Slim ang pangangatawan at mas matangkad siya ng konti kay Owen. Five-six ang taas niya. Si Owen naman ay moreno ang makinis na balat. Pahaba ang hugis ng mukha. Itim ang gupit estudyante na buhok. Medyo makapal ang itim nitong kilay at may kahabaan ang pilik mata na bumagay sa chinito nitong mga mata. May katangusan din ang ilong at may kakapalan naman ang labi na medyo mapula. Slim ang pangangatawan na tama lang naman sa tangkad nitong five-five. Nakatingin lamang sina Kane at Owen sa matangkad na lalaki na parang walang kamalay-malay na pinagtitinginan siya. Nakatingin lang kasi ito sa harapan at hindi man lang tumitingin sa kapwa estudyante niya. Tila wala itong pakiealam sa mundo. “Sa tingin mo suplado talaga siya?” tanong ni Owen sa kaibigan. “Siguro… parang, eh.” Nagkibit-balikat si Kane. “Baka naman introvert lang siya,” sabi ni Owen. “Kadalasan kasi sa mga gwapo ganun.” Bahagyang kumunot ang noo ni Kane. Tumaas ang isang kilay niya. “Paano mo naman nasabi? May nakilala ka na bang gwapo na introvert?” tanong ni Kane. “Hmmm… wala pa naman,” sagot ni Owen saka ngumiti. “Sa BL stories marami,” dugtong pa niya saka mahinang tumawa. Napanguso naman si Kane saka napailing-iling. Pamaya-maya ay umakyat na sa stage ang principal ng eskwelahan. Sumunod dito ay ang teacher. Umayos sa pagkakatayo ang lahat. Pumailanlang sa buong paligid ang tunog hudyat na mag-uumpisa na ang pambansang awit kaya inilagay ng mga estudyante pati na rin ng mga guro ang kanilang kanang kamay sa dibdib. Nagsimulang tumutugtog ang pambansang awit at sinabayan naman ng kanilang pagkanta. Nang matapos ang kanta ay inalis na rin nila ang kanilang mga kamay sa dibdib. Umalis sa harapan ng stage ang guro na kumumpas para sa pambansang awit at ang pumalit sa kanya ay ang principal na may hawak na mic. Ngumiti ang principal at tiningnan ang lahat ng estudyante. “Magandang umaga, mga mag-aaral ng St Louie High School,” panimula ni Ginoong Ronaldo Marquez, ang principal na nasa late forties na ang edad. Nakatingin ang lahat sa principal kabilang na sina Kane at Owen. “Alam mo parang hindi tumatanda si Mr. Marquez, ‘no,” wika ni Owen. “Halata na ngang forty na siya, e.” “‘Yun na nga, parang na-stock siya sa pagiging forty years old,” bulong ni Owen. “Siguro umiinom ‘yan ng collagen… Parang kaedad lang niya sina Ian Veneracion, e.” Hindi naman maikakaila na gwapo ang principal lalo na siguro ng bata-bata pa ito. “Umpisa na naman ng bagong school year at natutuwa ako dahil nakikita kong maraming nadagdag na estudyante na pumasok ngayong taon,” panimulang litanya ng principal. “Ang lamig pa ng boses, parang nanghehele,” sabi pa ni Owen na diretso lamang ang tingin sa principal. Napangiti na lamang si Kane sa sinabi ni Owen. Dahil umpisa ng school year, maraming sinabi si Principal Marquez sa lahat. Nagpaalala rin ito sa mga school rules and regulations at syempre pinaalalahanan rin nito ang lahat ng estudyante na mag-aral ng mabuti. “Tingnan mo… mamaya uulitin ng mga magiging teacher natin ang mga sinabi ni Principal,” bulong ni Owen saka tumawa. Natawa naman si Kane. Lahat na lang ay may say si Owen. Muling tiningnan ni Kane ang gwapong lalaki na nasa kabilang linya pero nasa pwesto rin ng Grade Twelve. Napangiti siya ng tipid. Hindi niya maintindihan pero mayroon sa loob niya na natutuwa kapag nakikita ito. “Welcome School 2021-2022!” natutuwang sigaw ng principal matapos ang mahaba nitong speech na pinalakpakan naman ng lahat. --- Wala pa ang teacher sa classroom kaya kanya-kanyang ginagawa ang mga classmate nila Kane at Owen. Nakaupo ang magkaibigan sa bandang dulo ng classroom at tinitingnan ang gwapong kaklase nila. “Grabe! Hindi ko akalain na magiging classmate rin natin siya,” mahinang sambit ni Owen habang nakatingin sa gwapong lalaki na sa harapan nakaupo at nagbabasa lamang ng libro. “Oo nga. I’m sure na tuwang-tuwa ang mga kaklase natin,” sabi ni Kane. “Syempre tayo din,” malanding saad ni Owen saka tumawa nang mahina. Halos lahat ng classmate nila ay naging kaklase rin nila nu’ng nakaraang taon. Nabasawan lang ng iilan at nadagdagan naman ng bago kabilang na nga roon si Pogi. “Feeling ko tuloy tadhana na ang naglalapit sa mga landas namin,” kinikilig na sabi ni Owen. “Landas niyo talaga?” patanong na wika ni Kane. Kaagad na tiningnan ni Owen si Kane. “Edi landas niyo,” pilosopo na sabi nito. “Selos ka naman kaagad,” segunda pa nito saka ngumiti nang nakakaloko. “Oy! Hindi, a,” mariing pagtanggi ni Kane. Inayos nito ang suot na polo. Polong puti na short sleeve at short na hanggang itaas ng tuhod ang haba at kulay sky blue ang uniporme ng mga lalaki sa St Louie High School. Sa babae naman ay puting polo blouse at palda na hanggang gitnang tuhod ang haba at kulay sky blue din. “Sus! Kunwari ka pa. Alam ko na nagwagwapuhan at kinikilig ka rin sa kanya,” bulong ni Owen. Hindi naman lingid sa kaalaman ni Owen kung ano si Kane. Sila pa ba ang maglilihiman gayong parehas sila? Mas nailalabas nga lamang ni Owen ang tunay na siya kaysa kay Kane na kontrol nito ang kilos. Hindi naman sa nagtatago siya, mas gusto lang kasi niya na maging normal gaya ng ibang kalalakihan. Hindi nagsalita si Kane. Hindi niya maitatanggi na gwapo nga sa paningin niya ang lalaki pero hanggang dun lang iyon. Pamaya-maya ay umayos na nang upo ang lahat dahil dumating na ang magiging guro nila para sa Filipino. Unang subject nila para sa araw na ito. “Magandang umaga,” pagbati ni Bb. Patricia Minerva nang mailapag nito sa desk na nasa harapan ang mga dalang gamit. Halatang nasa trenta na ang edad pero maganda pa rin. ‘Yun nga lang ay wala pa ring asawa, kahit nga boyfriend ay wala. Marahil ay dahil busy ito sa pagiging guro o baka may iba pang dahilan. “Magandang umaga po,” pagbati ng lahat sa guro. Tipid na ngumiti si Bb. Minerva. “Bakit siya pa ang naging guro natin?” mahinang tanong ni Owen. Halata sa boses nito ang pagkadismaya. Halata rin sa mukha ni Kane ang pagkadismaya. Hindi man nila naging guro pa si Bb. Minerva pero kilala nila ito bilang isa sa pinakamasungit na guro sa paaralang ito. “Bago tayo mag-umpisa ay magpapakilala muna kayo sa akin isa-isa,” seryosong saad ni Bb. Minerva na naging sanhi nang bulungan ng mga estudyante. Para kasing grade school lang. “Magsitahimik kayo,” madiin na wika ni Bb. Minerva. “Ang ayoko sa lahat ay ang maingay sa klase ko,” nagtataray na sabi pa nito. Nagsitahimik naman ang lahat. Hindi man sumisigaw si Bb. Minerva pero kapag nagsasalita ito, puno ng otoridad at matatakot ka na lang kaya susundin mo siya. “Sige at mag-umpisa tayo sayo,” seryosong wika ni Bb. Minerva saka tinuro ang nasa harapan, kaliwang bahagi. --- “Grabe! Stress ako kaagad sa Filipino. Ang daming homework!” mariing reklamo ni Owen. Nangalumbaba ito sa mesang gawa sa bato. Nasa garden ang magkaibigan at magkatapat na nakaupo sa mga upuan na gawa sa bato. “Oo nga. Akala ko ay uulitin pa niya iyong mga sinabi nu’ng prinicipal kanina para tumatak sa isipan natin iyong school rules and regulations pero diretso kaagad siya sa lesson,” wika naman ni Kane. “Hay! Mabuti na lang at may maganda rin naman siyang ginawa at iyon ay ang magpakilala tayong lahat sa klase. Nalaman na rin natin sa wakas ang pangalan ni Pogi,” malanding sabi ni Owen na kinikilig na naman. “Yale Sebastian. Grabe! Katulad ng kapogian niya ay ang lakas din ng dating ng pangalan niya. Bagay na bagay sa kanya,” kinikilig na sabi pa nito. Napapailing na lamang ng mabagal si Kane habang nakatingin kay Owen na tila nagde-day dream. “Umamin ka nga sa akin, crush mo na ba siya?” tanong ni Kane kay Owen. Umayos nang upo si Owen. “Oo. Alam mo naman ako, maraming crush,” sabi nito. “Eh ikaw ba?” tanong pa nito. Umiling-iling ng dalawang beses si Kane. “Hindi,” sagot nito na tila labas sa ilong. “Weh?” hindi naniniwalang tanong ni Owen. “Hindi nga. Wala pa sa isip ko ‘yan at ang mas iniisip ko ngayon ay makapasa ngayong taon at makapasok sa college,” sagot ni Kane. “Sus! I’m sure naman na makakapasa tayo,” puno ng confidence na wika ni Owen. “Alam mo, nasa huling taon na tayo dito sa school kaya dapat sinusulit na natin kaya ikaw, magkaroon ka man lang ng crush kahit isa para naman may baunin kang kwento kapag college ka na.” Tipid na ngumiti na lamang si Kane. “Hay! Minsan talaga ang KJ mo,” nadidismayang sabi ni Owen saka umiling-iling. Napasimangot naman si Kane. “Hindi ah-” “Hindi daw,” sabi kaagad ni Owen. “Anyway, sa tingin mo kaya nakilala niya tayo?” tanong pa nito. “Nakilala?” nagtatakang tanong ni Kane. “Oo. ‘Di ba nagsigawan tayo sa jeep para magpapansin sa kanya?” “Hindi naman siya tumingin nun, ‘di ba? Parang wala nga rin siyang narinig.” “Baka naman kunwari lang iyon. Kanina kaya nung nagpakilala ako, tumingin siya sa akin sandali… pati na rin sayo,” saad ni Owen. Hindi napansin ni Kane iyon. “Bigla naman akong nahiya.” “At bakit ka naman mahihiya, ah?” tanong ni Owen. “Nakakahiya naman talaga iyon, kalalaki nating tao tapos nagpapansin tayo,” sabi ni Kane. “Sus! Wala sa gender ang kalandian!” sambit ni Owen saka tumawa. “Kahit sino pwedeng lumandi at sa kahit anong paraan pa ‘yan.” Natawa naman si Kane sa sinabi ni Owen. Ang kaibigan niya talaga. “Anyway, dun ako mamaya sa bahay niyo, ah. Sabay tayong gumawa ng mga assignments.” “Ano pa nga ba? Lagi mo naman ‘yun ginagawa,” nangingiting sabi ni Kane. Natawa naman si Owen sa sinabi ng kaibigan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD