CHAPTER 1
Nagmamadaling bumaba ng hagdanan si Kane. Tinanghali na kasi siya sa paggising at ayaw niyang ma-late sa unang araw ng klase.
Mabilis na nagpunta si Kane sa kusina kung saan naroon naman ang kanyang nanay. Kumuha ito ng isang tostadong pandesal na nakahain sa mesa at mabilis na kinagatan iyon saka inubos.
“Anak, hindi ka ba muna kakain ng almusal?” tanong ni Belen, ang ina ni Kane.
Marahang umiling-iling si Kane.
“Hindi na po, Ma. Male-late na kasi ako,” magalang na sagot ni Kane.
“Late ka na naman kasi siguro natulog, ‘no?” nangingiting tanong ni Belen.
Napangiti na lamang si Kane sa sinabi ng kanyang ina.
“Sige na Ma at papasok na ako,” pagpapaalam ni Kane na nilapitan ang ina at ginawaran ito ng mabilis na halik sa pisngi.
“Ito ang baon mo.” Iniabot ni Belen ang pera na kinuha naman ni Kane.
“Salamat, Ma. Sige po, ba-bye!” pagpapaalam muli ni Kane.
“Mag-ingat ka at good luck sa first day,” wika ni Belen saka ngumiti.
Mabilis na tumango-tango si Kane at kaagad na itong umalis sa kusina at lumabas ng apartment type nilang bahay.
Naabutan ni Kane sa labas ng kanilang gate si Owen na nakatayo sa tapat. Ang best friend s***h kapit-bahay s***h kaklase niya ulit ngayong taon sa school. Binuksan niya ang gate.
Nakasimangot si Owen na nakatingin sa kanya. Nakahalukikip pa ang mga braso nito.
“Alam mo naman na tapos na ang bakasyon pero nagpuyat ka na naman sa pagbabasa ng BL story,” nagsusungit na sabi nito.
Napangiti naman si Kane. Napakamot din ito sa batok.
“Pasensya naman. Ang sarap naman kasing magbasa.”
“Alam mo ba na halos nagmukha na akong tuod dito na nakatayo at naghihintay sayo?” naiinis na tanong ni Owen. “Naku! Kung hindi lang kita best friend since first year eh binigwasan na kita diyan!” dugtong pa niya at iminuwestra pa ang kanang kamay na manununtok.
“Oo na! Tara na nga at baka mahuli pa tayo,” natatawang sabi na lamang ni Kane. Hindi na pinansin ang inis ng kaibigan.
Marahang napailing-iling na lamang si Owen. Sabay na silang naglakad papunta sa sakayan ng jeep.
Mabuti na lang at mapupuno pa lang ‘yung jeep na una sa pila kaya naman kaagad na nakasakay sina Kane at Owen. Sa kaliwa sila malapit sa babaan pumwesto at magkatabi sila.
“Kumpleto naman ang dala mong gamit?” mahinang tanong ni Owen.
“Oo naman. Inihanda ko na ito nu’ng isang linggo pa,” sagot ni Kane saka tiningnan nito ang bagpack na nakapatong sa kanyang hita.
“Ikaw ba? Hindi ka na nagbabasa?” tanong ni Kane sa kaibigan.
“Kagabi,” sagot ni Owen saka ngumiti.
“Ang sarap kasing magbasa eh,” nangingiting sabi ni Kane. “Nakakabitin ang bakasyon,” dugtong pa niya saka ngumuso.
“Sus! Ang sabihin mo tinatamad ka pa!” sambit ni Owen saka ngumiti ng nakakaloko.
Natawa din si Kane.
“Edi ikaw na masipag,” wika ni Kane saka ngumiti.
Napailing-iling na lamang si Owen.
Pamaya-maya ay napuno na ang jeep. Nakuha ng lalaking nasa tapat nila ang atensyon ni Owen. Kaagad na siniko nito si Kane sa tagiliran.
“Bakit?” nagtatakang tanong ni Kane. Kunot ang noo nito.
“Tingnan mo iyong nasa harapan natin,” bulong ni Owen.
Nangunot lalo ang noo ni Kane. Sinundan niya ang tinitingnan ni Owen.
“Grabe! Siya yata ‘yung naaamoy kong sobrang bango,” malanding bulong ni Owen na parang inasinan ang katawan dahil biglang kinilig.
Hindi nagsalita si Kane at nakatingin lamang siya sa lalaking nasa harapan nila at nakatingin sa labas.
“Ang gwapo… parang anghel,” bulong pa ni Owen na nakagat pa ng madiin ang ibabang labi. “Mukhang ang bata pa niya pero yummy na… edi siya na,” malanding dugtong pa niya.
Tama si Owen, gwapo nga ang lalaking nasa harapan nila. Mukha itong anghel na bumaba sa lupa dahil sa maamo nitong mukha.
Hindi nagsasalita si Kane. Nakatitig lamang siya sa lalaking mukhang hindi naman sila napapansin. Aminado si Kane na gwapo nga ang lalaki. Maganda ang korte at hugis ng mukha. Gupit at ayos estudyante ang makapal nitong buhok na kulay itim at halatang may nakalagay na wax. Ang kapal ng itim na itim nitong kilay. May kahabaan ang mga pilik-mata nito na bumagay sa mapungay nitong mga mata. May katangusan ang ilong at ang labi, may kaliitan at pinkish ang kulay.
“Artista kaya siya?” bulong naman ni Kane. ‘Yun kasi ang tingin niya.
“Baliw. Edi sana kilalang-kilala natin siya,” mahinang singhal naman ni Owen. “Grabe! Ang gwapo talaga niya,” sabi pa nito.
Hindi na namalayan ng dalawa na umandar na ang jeep at tumatakbo na ito sa daan.
Hindi lamang gwapo ang lalaki, matangkad din ito. Ang haba kasi ng legs at ang katawan, tama lang, hindi mataba at hindi rin naman sobrang payat. Maputi at makinis din ang balat nito.
“Look, mukhang sa school rin natin siya papasok,” bulong ni Owen.
Tiningnan ni Kane ang suot ng lalaki. Napatingin rin siya sa suot na uniporme. Oo nga, parehas ‘yung patch na nakalagay sa bulsa ng puti nilang polo.
“Ngayon lang kaya siya papasok sa school natin? Ngayon ko lang kasi siya nakita,” mahinang wika ni Owen.
“Baka,” pabulong na sagot naman ni Kane.
“Ahhh… alam ko na!” sabi ni Owen na tila may light bulb na lumabas sa ulo niya dahil may naisip siyang bright idea. “Magpapansin tayo,” bulong pa nito.
“Ano bang sinasabi mo diyan?” tanong ni Kane. Mukhang may pinaplano na naman ang loko-loko niyang kaibigan.
“Ito at ibubulong ko sayo ang plano,” saad ni Owen saka ngumiti ito ng nakakaloko.
Ayaw mang pakinggan ni Kane kung ano ang sinasabing plano ni Owen ngunit na-curious siya kaya pinakinggan din niya.
Kaagad na nilayo ni Kane ang sarili kay Owen nang marinig nito ang plano.
“Baliw ka ba? Nakakahiya ‘yan,” napapailing na sabi ni Kane saka tiningnan ang iba pang pasahero. Doon niya napansin na napapatingin rin pala ang mga ito sa lalaki.
Umiwas si Kane sa tingin ng iba pang pasahero at muling tiningnan si Owen.
“Sige na. Malay natin, ‘di ba? Makuha natin ang atensyon niya at makipagkilala siya sa atin,” pangungumbinsi ni Owen sabay kindat.
Mariing napailing-iling si Kane. Hay! Umiiral na naman ang pagiging bisexual ng kanyang kaibigan.
“Ay! Ang KJ mo na naman,” bulong ni Owen na hindi mapigilang mainis sa kaibigan.
“Kasi naman, nakakahiya ‘yang plano mo,” bulong naman ni Kane. Ayaw niya talagang gawin ang gusto ng kaibigan dahil sa nakakahiya nga naman talaga at siguradong pagtitinginan sila.
“Ano namang nakakahiya dun? Ia-abot mo lang naman ang pamasahe mo sa akin kasabay nang pagsigaw mo sa pangalan ko,” wika ni Owen sa mahinang boses. “O baka naman gusto mo ay pangalan mo ang isigaw ko?” bulong pa nito saka ngumiti nang nakakaloko.
“Oy hindi kaya,” mahinang pagtanggi ni Kane. Oo, naga-gwapuhan siya sa lalaki pero hindi siya kagaya ni Owen na malakas ang loob.
“Edi tulungan mo ako sa plano ko.”
Hindi nagsalita si Kane. Nakatingin lamang siya kay Owen.
“O? Ano? Tutulungan mo ba ako o hahayaan mo ako sa ere?” tanong ni Owen.
Nagdadalawang-isip si Kane. Pamaya-maya ay napabuntong-hininga na lamang siya.
“Oo na,” surrender ni Kane na ikinagisi ni Owen.
“Orayt! Kaya love kita, e,” natutuwang sabi ni Owen.
Nandiri naman ang mukha ni Kane. Love daw siya.
“Okay. Gawin mo lang ‘yung simpleng sinabi ko sayo. ‘Yun lang naman para makuha ang atensyon niya. Game?” tanong ni Owen nang pabulong.
“Oo na,” mahinang sabi ni Kane.
“Okay… in one… two… three…”
At nagsimula ang eksena ng dalawa.
“Oy! Kane Villareal! Ako na ang mag-aabot ng pamasahe mo!” malakas na sigaw ni Owen na ikinalaki ng mga mata ni Kane.
Marahang pinalo ni Kane ang kaliwang braso ni Owen.
“Uy! Wala sa usapan natin na isisigaw mo ang buong pangalan ko,” bulong na pagsaway ni Kane.
Masamang tiningnan ni Owen si Kane. Sinasabi pa nang tingin nito na umayos ka at gawin mo ang parte mo sa plano.
Napakamot naman sa ulo si Kane. Napailing-iling ito saka huminga nang malalim.
“Teka lang Owen Landicho… ito na nga, oh!” malakas na sigaw din ni Kane. Mas malakas ang boses niya kapag pangalan ang binanggit.
Napangiti naman si Owen. Lihim niyang tiningnan ang lalaking nasa harapan. Napasimangot siya kaagad. Paano naman kasi parang wala itong narinig dahil nasa labas pa rin ang tingin.
“Bilisan mo na, Kane Villareal!!!” Mas lumakas ang sigaw ni Owen.
“Teka lang!!!” malakas na hiyaw ni Kane na nagmamadali nang kumuha ng pera sa coin purse niya.
“Hay! Ang bagal mo naman Kane!!!” Kunwari ay naiinis si Owen.
“Ito na nga!!! Sandali lang!!!” Patuloy na nakikisakay si Kane sa trip ni Owen.
Pamaya-maya ay ini-abot na ni Kane ang pera kay Owen.
“Oh! Ayan na, Owen Landicho!!!” sigaw ni Kane.
“Salamat Best friend!!!” sigaw muli ni Owen.
Hindi alintana ng mag-bestfriend na nakatingin na sa kanila ang mga kasamang pasahero, pati na nga rin iyong driver sa harapan na tinitingnan sila mula sa salaming nakasabit sa harapan ng jeep nito.
“Mga bingi ba sila?” tanong ng matandang babae sa katabi niya.
“Ewan.” Nagkibit-balikat ang binata.
“Nabingi ang tenga ko sa kanila, ah.” Reklamo ng dalagita.
“Kung makasigaw parang walang kasamang ibang tao.” Napapailing na wika naman ng isang nanay.
“Hayaan mo na. Ganyan na ang mga kabataan ngayon.” Nagbuga na lamang ng hininga ang isang tatay.
“Ito po bayad namin!!!” sigaw ni Owen.
“Hindi mo naman kailangang sumigaw,” wika ng katabing babaeng pasahero ni Owen.
Tiningnan ni Owen ang katabi niya. Nag-aalangan siyang ngumiti.
“Sorry po,” parang bata na wika ni Owen.
Mabagal na napailing-iling na lamang ang babae at kinuha ang inaabot ni Owen saka inabot rin nito sa kapwa pasahero hanggang sa mapunta na sa driver.
Napahinga nang malalim si Kane ng matapos ang plano. Ganu’n din si Owen.
“Grabe! Bingi yata siya, best friend,” bulong ni Owen na nakatingin sa lalaki.
Napatingin si Kane sa lalaki.
“Oo nga. Hindi man lang siya nagtaka at tumingin kahit sandali para alamin kung sino ang sumisigaw,” bulong nito.
“Wala lang siguro siyang pakiealam. Hay! Mukhang suplado pa yata si Prince Charming,” bulong muli ni Owen.
Hindi naalis ang tingin ni Kane sa lalaki. Sa tingin niya rin ay suplado nga ito. O baka naman wala lang itong pakiealam sa mga nangyayari sa paligid niya kaya ganu’n.
“Pero ang gwapo talaga niya kahit hindi siya ngumingiti,” pabulong na wika Owen na tila nagde-daydream pa. “Kahit hindi niya tayo pinansin, hindi naman ako nanghinayang na gumawa tayo ng effort,” malanding bulong pa niya.
Marahang napatango-tango na lamang si Kane. Sang-ayon siya sa sinabi ng kaibigan.
Pamaya-maya ay kumatok-katok ang lalaki sa kisame ng jeep.
“Para!” pasigaw nitong sabi.
“Sh*t! Ang lalim at lamig ng boses,” malanding bulong na naman ni Owen.
“Oo. Tama na muna ‘yan at bababa na rin tayo,” pagsaway na ni Kane sa kaibigan.
“Ay ganun?” sabi ni Owen.
Nang huminto ang jeep sa gilid ng daan ay kaagad nang bumaba ang lalaki. Sumunod naman sina Kane at Owen.
“Confirmed, sa school nga natin siya nag-aaral,” nangingiting sabi ni Owen habang nakasunod ang tingin sa lalaki na patawid na ngayon sa pedestrian lane papunta sa eskwelahan.
“Baka naman transferee siya,” saad ni Kane. Ngayon lang kasi niya talaga nakita ang lalaki.
“Sure ‘yan, kasi kung noon pa natin siya schoolmate, hindi siya makakaligtas sa aking mga mata,” wika ni Owen saka ngumisi.
Mabagal na napailing-iling naman si Kane sa sinabi ni Owen.
“Infairness, ang tangkad nga niya at ang cool pa maglakad,” sabi ni Owen. Sa tantya niya ay mga nasa five-eight ito.
Nakatingin lamang si Kane sa naglalakad na lalaki na nakapamulsa pa ang dalawang kamay at sa isang balikat lang nakasabit ang bagpack.
“Ikaw, umamin ka nga, crush mo na siya, ‘no?” tanong ni Owen.
Bahagyang kumunot ang noo ni Kane. Tiningnan niya si Owen.
“Anong crush ka diyan? Ngayon ko nga lang siya nakita tapos crush kaagad?” magkasunod na tanong ni Kane saka umiwas nang tingin sa kaibigan.
Tiningnan ni Owen ang kaibigan. Napangiti ito ng nakakaloko.
“Tara na nga at mahuhuli na tayo sa flag ceremony,” pag-aaya na ni Kane.
“Oo na,” sabi ni Owen na inayos ang pagkakasukbit ng bagpack sa kanyang balikat.
Inayos rin ni Kane ang bagpack sa magkabila niyang balikat saka sabay na silang naglakad patawid ni Owen.
Nang makatawid ay hinugot na nila ang ID sa kanilang mga bulsa at isinuot iyon saka tumakbo papasok ng eskwelahan.
Samantala…
Mabagal na napapailing naman si Yale Sebastian habang naglalakad papunta sa quadrangle ng eskwelahan.
“Halatang nagpapapansin ang mga iyon,” mahinang sabi niya sa sarili. Ang tinutukoy niya ay ‘yung dalawang lalaking magkaibigan na nagsisigawan sa jeep para lang mag-abot ng bayad.
Nakaagaw-pansin sa pandinig niya ang dalawang iyon, lalo na ‘yung isa na may malalim na boses na isinigaw ang pangalan ng kaibigan para iabot ang hinihinging pamasahe niya. Hindi nga lang niya nakita ang mukha dahil hindi nga niya tiningnan.