Nag-teleport sila sa isang malaking compound. Kulang pa nga ang salitang malaki para i-describe kung gaano kalawak ito. May fountain sa gitna, at paglagpas ng fountain ay mayroong malaking tila palasyong kulay puti.
"Ito ang Demigod Cytheria Academy. Dito tumutuloy at nag-aaral ang mga Demigod. Mas ligtas dito para sa atin kaysa doon tayo sa labas makihalubilo sa mga tao. Mas ligtas din para sa kanila kung narito ang mga Demigod na may mapanganib na kapangyarihan, malayo sa kanila." Huminga muna si Jared bago nagpatuloy sa pagpapaliwanag. "Ang Cytheria Mystical University ay pag-aari din ng Demigod Cytheria Academy, pero para 'yon sa mga ordinaryong tao."
"Kailan mo nalaman ang kapangyarihan mo?" tanong ni Athena. Namumula pa rin ang pisngi nito dahil sa tinamong pagsampal sa sarili.
Muntik nang mapatawa si Stephanie paglingon dito pero pinigilan niya. "Isa nga palang Goddess ang kaharap ko." Isang pitik lang nito, bubulagta na siya. "No'ng nag-eighteen ako. Pero no'ng una, hindi ko pa kontrolado, saka mga lalake lang ang parang baliw at hibang, pero lately, lahat ng kasarian na. Saka kaya ko na silang i-manipulate... pasensya na nga pala kanina, Athena. Medyo napikon lang ako," hinging paumanhin nito.
"Ayos lang kahit masakit pa rin ang pisngi ko. Kasalanan ko rin naman. Oo nga pala, medyo delikado ang kapangyarihan mo. Pwedeng magamit ng masasamang nilalang laban sa kabutihan. Maaari mo bang ilihim muna ang taglay mong sumpa sa mukha mo? Sabihin mo na lang na unknown power ka pa."
"Sige po, wala namang kaso 'yon. Mas mabuti din 'yon para 'di nila ako pangilagan."
Kumumpas si Athena. Naglabas ito ng magandang salamin sa mata. "Ito ang gamitin mo, para naman magmukha kang disenteng tao. May protective barrier ito. Kahit hindi ka magmukhang manang ay hindi gagana ang sumpa ng mukha mo."
Inabot naman ito ni Stephanie, hinubad ang malaking salamin na suot niya at saka isinuot ang bigay ni Athena.
"Alisin mo na rin ang wig mo. Ang pangit eh." Natatawang pintas ni Athena kay Steph.
Nag-aalangan man ay hinubad na rin ni Steph ang wig niya. Lumugay ang napakagandang buhok ng dalaga. Halos kalahati ng likod ang haba ng makintab at kulot-kulot na buhok niya.
Naglabas si Athena ng hand mirror. Iniabot 'yon kay Steph. "Oh, nakita mo na? Napakaganda mong dalaga. Kung maaari lang, aangkinin na kitang anak ko eh, ang kaso sigurado akong hindi kita anak dahil wala pa naman akong pinatulang mangingisdang tao."
Napayuko si Steph. "Sino kaya ang ina ko kung ganoon? Bakit ako iniwan nang basta na lang?"
"May iba ka pa bang kapangyarihang natuklasan bukod sa sumpa ng iyong mukha?"
"Wala na po. Mayro'n pa po ba dapat?"
"Meron pa 'yan, pero hindi mo pa lang nadi-discover. Lalabas din 'yan lalo na at nandito ka sa Academy. O, paano, mauuna na ako sa inyo. Jared, ikaw na ang bahala sa kanila. Napakatahimik nitong isa, boring kasama. Buti pa si Steph at masarap kausap. Hmp! Mukhang alam ko na kung sino ang tatay mo, Luis. Steph, since wala ka pang mama, ako muna ang tawagin mo 'pag kailangan mo ng tulong, okay?" Saka ito agad naglaho.
"Mabait naman pala ang mama mo, Jared."
"Mabait naman talaga 'yon, matalino pa. May pagka-bully lang minsan pero mabait talaga siya," pagbibida ni Jared sa mama niya. "Halika na, pumasok na tayo sa loob. Ipapakilala ko kayo sa school director," aya ni Jared sa dalawa. Sumunod naman sila.
"Ang tahimik naman nitong Antipatikong ito. Parang timang lang," bulong ni Steph.
"Narinig kita," maikling tugon ni Luis.
"Eh 'di good," sagot naman ni Steph. Inirapan niya ito.
Pumasok ang tatlo sa main entrance ng building. Napa-wow na lang sina Steph at Luis sa nakitang nakakamanghang kagandahan ng palasyo ng school. Puti at pula ang disenyo nito sa loob. Puti ang kabuuan at pula ang pang-highlight. May wall lantern din ang bawat haligi ng palasyo. Nakakapagtaka lang na apoy ang nagsisilbing ilaw ng mga lantern pero wala naman itong mga kandila. Parang nakalutang sa gitna ng lantern case iyong apoy.
Kumanan sila at dumiretso sa pinakadulo ng hallway. Tumigil sila sa pinto na may karatulang "Director's Office". Kumatok si Jared dito.
"Come in." Narinig nilang tinig ng lalake sa loob.
Pinihit ni Jared ang gintong seradura ng pinto. Bumukas iyon at tumambad ang isang napaka-gwapong lalake na nakaupo sa swivel chair at busy sa mga papel na nakapatong sa working table nito. Hindi ito mukhang school director. Mukha itong model ng fashion magazine. Ang naiisip niya sa school director ay nakakalbo, mataba at matanda na.
"Director Glaucus," tawag ni Jared dito.
"Glaucus?" tanong ni Steph. "Mahina ako sa Greek Mythology pero siya ba 'yung kumain ng magical herb para maging immortal?"
"Ipinangalan lang siya doon. Demigod din si Director Glaucus. Si Apollo ang tatay niya." Isinara ni Jared ang pintuan.
"Maupo kayo." Ngumiti ang director sa kanila.
Magkatabi sina Jared at Steph sa kaliwa at sa harap naman ni Steph si Luis. Hindi pa rin niya ito binabati o tinitingnan.
"Director, nakita ko silang naka-enroll sa Cytheria Mystical University. Pareho po silang Demigod, confirmed po ni Pinky. Unknown parents."
"I see. Then, welcome to Demigod Cytheria Academy!" Ibinuka pa nito ang mga braso.
"Gano'n lang po 'yon? Wala po kaming tuition? Wala na pong entrance exam?" paninigurong tanong ni Steph.
"Walang gano'n dito. Hindi kailangan ng school natin 'yon para mag-operate ito. Suportado kayo ng lahat ng gods and goddesses na mayro'ng mortal children."
"P-paano po kaming wala pang idea kung sino ang parents namin? Sino po ang susuporta sa amin?"
"Under kayo ng charity foundation ng school. Syempre, donated by gods and goddesses pa rin. Kaya wala kayong dapat intindihin. Okay?" Sumenyas pa ito ng okay.
"O-okay po. Sabi nyo eh."
"Sige na Jared, pakisamahan na sila sa room nila. Kukunin ko na lang sa Cytheria Mystical University ang records nila. Dorm 3, room 512 itong si... ano'ng pangalan mo, hija?"
"Steph po."
"Steph. And you are?" baling na tanong nito kay Luis.
"Luis."
"Ayun. Dorm 3, Room 512 si Steph. Dorm 3, Room 510 si Luis. Sa Monday na ang start ng klase. Ibibigay ko na lang kay Jared ang class schedule n'yo. Jared, ikaw na ang bahala sa kanila. Kargo mo sila."
"Okay po, sige. Salamat po." Inaya na ang dalawa para magtungo sila sa dorm nila.
Lumakad sila pabalik sa sentro ng palasyo, pero this time hindi sila lumabas sa main door kundi sa katapat nitong back door na medyo malayo ang distansiya. Kailangan nilang kumanan at lumakad nang ilang metro papunta roon. Lumabas sila ng back door. Nakita niya ang napakagandang garden mula sa terrace ng palasyo. Kailangan pang bumaba ng hagdan patungo sa garden. Mas mababa ito kumpara sa palasyo.
Nasa kanang bahagi ay dalawang malalaking building, sa kaliwa ay may dalawa ulit na building, at sa katapat ng palasyo ay isa ulit building na iba ang itasura kumpara sa apat na building sa gilid. Mas intricate ang design ng structure nito.
"Dorm 1 and 2 dito sa kaliwa, Dorm 3 and 4 itong sa kanan. Dorm 5 iyong sa gitna," saad ni Jared.
"Ano ang kaibahan ng mga dorm na 'yan?"
"Dorm 1, para sa mga bagong salta na Demigods pero kilala na o kinilala na ng immortal parents nila. Sama-sama sa isang silid ang magkapareho ng immortal parent. Tatlong Demigods sa isang room. Sa Dorm 2, mga kilala na din ang immortal parents nila pero medyo matagal na sila rito at permanente nang nakatira. Sa Dorm 3, unknown parents. Marami-rami kayo doon. Dorm 4, extension ng mga may unknown parents. Dorm 5, para sa mga mortal kids ng prime Gods and Goddesses like Zeus, Poseidon, Hades, Hestia, Hera and Demeter. Mga anak ng Titans na si Cronus at Rhea. Kumbaga ibang level sila, pero hindi sila kumpleto d'yan. Si Lady Hera ay walang anak na mortal. Wala rin si Hestia since she pledged to be a virgin deity. Iilan lang ang estudyante d'yan. Ang maraming anak lang d'yan at si Demeter. May tig-iisa naman ang Big-3."
"I see. So madami palang hindi kine-claim na anak."
"Parang gano'n na nga," malungkot na saad ni Jared.
"Saang Dorm ka?"
"Dorm 2."
"Matagal ka na rito?"
"Since birth. Hindi naman ako pinabayaan ni Mama. Iniwan niya agad ako rito pagkasilang niya sa akin."
"Buti ka pa... pero teka, virgin goddess si Athena. Paanong..."
"Huwag mo nang alamin. Ayoko ring isipin kung paano ako ginawa at saan ako lumabas," natatawang sabi ni Jared.
Napaawang na lang ang bibig ni Steph.
Patuloy silang naglakad sa mahabang terrace ng likod ng palasyo papunta sa building 3 sa kanan. Pumasok sila sa entrance ng building.
"Bale backdoor ito ng building para shortcut papunta dito sa Academy, sa iba pang building at sa mystic garden, pero ang main entrance nito ay 'yung sa kabilang side, paglabas mo no'n ay tracking field at stadium tapos ay iyong Wretched Forest na. Huwag kayong pupunta roon. Tapos 'yung sa kabilang side naman ng building 1 and 2, may dalawang swimming pool. 'Yung building 5 walang entrance sa kabila dahil Wretched forest na rin ang likod no'n," mahabang paliwanag ni Jared.
"Wow! Kabisadong-kabisado mo na ang lugar na to ha!" bilib na bilib na sabi ni Steph habang paakyat sila ng staircase. Walang elevator sa building nila kahit hanggang 5th floor ang building at sila 'yung nasa pinakataas. Wala namang kibo si Luis na patingin-tingin lang sa paligid.
Nakarating sila sa hallway ng 5th floor. Nilakad nila ang mahabang pasilyo hanggang sa nakarating sa pinakadulo. Magkatapat ang 512 at 510. May 511 sa corner na pinapagitnaan ng dalawang room.
"Huwag kayong mang-abala d'yan sa nasa corner room. Mainitin ang ulo ng nag-o-occupy n'yan. At isa lang siya," paalala ni Jared.
"Wow ha, special? Solo niya talaga 'yang malaking room na 'yan?" Mukhang mas malaki ito di hamak kaysa sa kanilang magkakahilerang silid.
"May hinala na sila kung sino ang immortal parent niya pero hindi pa rin siya kine-claim kaya nandito pa siya."
"Okay. Wala naman akong pake sa kanya. Ito ba ang room ko?" Kinatok ni Steph ang room niya. Walang sabi-sabi namang binuksan ni Luis ang 510 at basta na lang pumasok saka isinara ang pinto. Napanganga na lang si Jared.
"Hindi kaya kapatid ni Luis 'yung sinasabi mong nandito sa 511? Mainitin din ulo ng pangit na 'yon eh." Turo sa 510.
Bumukas ang pinto ng 510. "Naririnig kita kahit sarado ang pinto. Dahan-dahan ka sa pagsasalita mo," banta ni Luis.
"Pakialam ko din sa 'yo? Buti nga 'yon at dinig mo." Saka ito inirapan. Nagbukas naman ang pinto ng room 512. May magandang babae ang nagbukas nito na blonde ang buhok at berde ang mga mata.
"Yes?" Nakangiti ito.
"Roommate n'yo, Leah, si Steph. Ikaw na ang bahala sa kanya," pakilala ni Jared sa kanila.
"No problem!" Agad na hinila nito si Steph saka isinara ang pinto. Napakamot na lang si Jared sa ulot saka naglakad palayo.
"Halika, pasok ka. Hayaan mo na 'yong si Jared, malaki na 'yon." Nagmamadaling hinila si Steph. "Ang ganda-ganda mo naman! Striking beauty! I wonder kung kaninong anak ka."
"Salamat. Ikaw din ang ganda mo. Blonde hair with green eyes tapos nagta-Tagalog? Ang weird." Tumawa si Steph.
"Oo nga eh. Kaya nga madalas akong tuksuhin noon sa labas na anak-araw, inanakan daw ng tatay ko ang kanong nanay ko. Pero at least ngayon mas peaceful dito. Accepted ang may kakaibang itsura."
"Gaano ka na katagal dito?" curious na tanong ni Steph.
Nagbilang sa daliri si Leah. "Five years na."
"Gano'n na katagal tapos di ka pa rin naki-claim ng kung sino mang tatay mo? Grabe siya ha! Sa ganda mong 'yan kung ako ang nanay mo ike-claim agad kita!" Nakapameywang pa si Steph.
"Alam ko namang maganda ako, ikaw naman." Napatakip pa ng kamay sa bibig si Leah. "Pero okay lang kahit 'di niya ko i-claim. Masarap tumira dito. Buhay prinsesa tayo, girl."
"Sino pa ang kasama natin dito?"
"Ah, si Leigh. O 'di ba pareho halos kami ng pangalan, magkaiba lang ng spelling. 'Di ko alam kung nasaan 'yon. Pero mabait din 'yon like me," sabi nitong nagbubuhat ng sariling bangko.
Napatawa na lang si Steph. Mukha ngang mababait ang makakasama niya sa room.