NASAAN na ba si Jena? Paulit-ulit na tanong ni Aya habang nakatutok ang tingin niya sa entrance ng cafeteria ng kumpanya nila. Lunch break na at sinamantala niya na marami pang ginagawa si Brett para magpunta ng cafeteria mag-isa at makausap si Jena. Kailangan niya talaga ng mapaglalabasan niya ng mga saloobin niya sa mga oras na iyon.
Napabuntong hininga siya at muling tumingin sa cellphone niya. Nagtext siya kay Jena upang tanungin ito kung nasaan na ito. Isesend na lang niya iyon nang may maramdaman siyang papalapit sa kaniya. Hindi na niya isinend ang text niya dahil malamang si Jena na ang lumalapit sa kaniya. Mabilis na nag-angat siya ng tingin.
Tumalon yata ang puso niya sa pagkagulat nang makilala kung sino ang ngayon ay nasa harap na niya at walang pagdadalawang isip na hinatak ang upuang katabi ng kaniya at pabagsak na umupo doon. Napagitad siya nang magbunggo ang mga braso nila.
“Bakit mo ako iniwanan? You are supposed to take care of me right?” aroganteng tanong ni Brett na may bahid ng inis. “Damn and I can’t believe I am doing stuffs like that. I hate it,” reklamo pa nito.
Nalukot ang mukha niya. “Ang dali-dali lang ng ginawa mo no! Nagencode ka lang. Nagrereklamo ka na agad. At bakit parang ang bilis mo? Base sa nakita kong ibinigay na papel sa iyo ni Mrs. Ramos hindi ka pa dapat tapos,” aniya rito.
Ngumisi ito. “Oh that. It seems like unlike you there are lots of good natured women in your office who willingly took my load of work,” proud pang sabi nito na ikinainit ng ulo niya.
“Hindi mo dapat ibinibigay sa iba ang trabaho mo. Hindi ba ang sabi ng lolo mo dapat magtrabaho ka ng mabuti para sa sarili mo. Meaning, hindi ka dapat umasa sa ibang tao gaya ng ginagawa mo dati,” sermon niya rito.
Mukha namang hindi ito apektado dahil hindi nawala ang pagkakangiti nito. “But they were too enthusiastic to help. Who am I to refuse their offer? Come on Aya don’t give a fuss about everything. Kung may dapat nagrereact ng ganiyan dapat ako iyon. I should have been inside my unit at this time, sleeping on my waterbed in an airconditioned room. Pero nandito ako at ginagawa ang mga bagay na hindi ko naman dapat ginagawa,” sabi pa nito.
Hindi siya nakapagsalita. Hindi dahil sa speech nito kung hindi dahil sa pagbanggit nito sa pangalan niya. Iyon ang unang beses na tinawag siya nito sa pangalan. Nang manggaling dito ang pangalan niya ay nagtunog sosyal iyon dahil tuwing nagtatagalog ito ay laging may twang. Halatang anak mayaman na bihira magtagalog. Sa totoo lang ay may prejudice siya sa mga lalaking konyo magsalita. Pero bakit ito ay parang gusto pa niyang marinig itong magsalita ng ganoon? Nababaliw na yata siya.
Nakatitig pa rin siya rito nang marinig niyang may tumawag sa kaniya. Napakurap siya at lumingon sa entrada ng cafeteria. Nakita niya si Jena na palapit. Ngumiti ito nang magsalubong ang mga tingin nila. Pagkuwa’y bumakas ang pagtataka sa mukha nito nang mapatingin sa lalaking katabi niya.
“Aya, sorry late ako. Akala ko naiinip ka ng mag-isa rito may kasama ka pala,” bati sa kaniya ng kaibigan niya at bumaling kay Brett. “Hello, kung tama ang pagkakatanda ko pinsan ka ni Damon tama? I think nagkita na tayo dati pero hindi ako magtataka kung hindi mo na matandaan,” nakangiting tanong nito sa lalaki.
Ngumiti rin si Brett. Pero napansin niya na iba iyon sa ngiting ibinigay nito sa kaniya kanina na nagpatunaw ng mga laman loob niya. It was akin to a professional smile na nakikita niya sa mga celebrity at politiko. In fact, napansin niya na ganoon ito ngumiti kahit sa iba. Baka naman ganoon talaga ito ngumiti at namalikmata lang siya kanina? Posible din iyon.
“Yeah, that’s me. And you are one of this fierce woman’s friend I guess,” sabi pa nitong itinuro pa siya.
Lumawak ang ngiti ni Jena at naging mapanudyo. “Mali ka ng iniisip sa sitwasyon Jena,” mabilis na sansala niya sa iniisip ng kaibigan niya. Umangat ang kilay nito at umupo sa katapat niyang silya. Bumaling siya kay Brett. “Pwede mo ba kaming iwang dalawa?”
Umangat ang makakapal na kilay nito. “Why?”
Pinaningkitan niya ito ng mga mata. “Mag-uusap kami ano pa ba?”
Ngumiti ito ng mapang-inis. “Hindi ako aalis dahil alam kong ako ang pag-uusapan ninyo. It’s okay, if it will come to you I will not take anything to heart,” sabi pa nitong may mapanudyong ngiti sa mga labi.
Hindi makapaniwalang napatitig na lang siya rito. Hindi ba marunong mahiya ang lalaking ito? Magsasalita na sana siya nang bigla itong tumawa na tila aliw na aliw. Lalo siyang napamaang dito. “Just kidding. Do you know how funny you look when you’re so pissed like now?” nakangising sabi nito at pinisil pa ang pisngi niya bago tumayo. “Pupuntahan ko muna si Damon. I bet he’s still working his workaholic butt in his office I need to talk to him about this crazy scheme of our grandfather,” paalam nito at umalis na.
Wala pa ring masabing napasunod siya ng tingin dito hanggang sa makalabas ito ng cafeteria patungo sa elevator. Pagkuwa’y napansin niya na lahat ng dinadaanan nito ay naglilingunan at napapasunod ng tingin dito pero hindi ito lumingon kahit isang beses lang. Hanggang sa bumukas ang elevator. Papasok na ito doon nang bigla itong lumingon. Napaatras siya ng masalubong niya ang mga mata nito. Hindi gumalaw ang mga labi nito ngunit tila nakita niyang ngumiti ang mga mata nito. Pagkatapos ay tuluyan na itong sumakay ng elevator.
“He likes you,” untag ni Jena sa kaniya nang hindi pa rin niya inaalis ang tingin sa elevator.
Napakurap siya at lumingon sa kaibigan niyang nakangiti. Nag-init ang mukha niya. “Mali ka. Gustong gusto lang niya akong inisin dahil nakasalalay sa akin ang pagkalift ng parusa niya,” aniya rito. Umangat ang kilay nito na tila nagtatanong. Inaya niya muna itong umorder ng lunch bago nagtungo sa pinakadulong lamesa upang walang masyadong makarinig sa kanila. Pagkatapos ay sinabi niya rito lahat. Maliban siyempre sa pagkakataong hinalikan siya ni Brett. Hindi niya kayang sabihin iyon kahit kanino.
“Hmm, so sa inyo siya nakatira ngayon? At sobrang coincidence naman na kakilala ng mga magulang mo ang lolo nila ha. The prince of high society titira sa lugar ng mga commoners? Wow,” komento ni Jena.
Napabuga siya ng hangin. “Oo. At ako ang naatasang maging yaya niya,” sarkastikong sabi niya. Tumitig sa kaniya si Jena. “What?” kunot noong tanong niya.
Ngumiti na naman ito. “Still, I think the prince likes you,” giit pa rin nito.
Pagak siyang tumawa. “Bakit mo naman nasabi aber? E ultimong mga magulang ko sinasabing hindi ako papatulan ni Brett. Kaya nga laging ako ang pinapaasikaso sa kaniya dahil buo ang tiwala ng mga magulang ko na hindi ako pagtatangkaan ng lalaking iyon,” aniyang pilit itinago ang munting pait na naramdaman niya sa sinabi niya. Uminom siya ng juice upang palisin iyon ng tuluyan.
“Talaga bang hindi ka niya pinagtangkaan kahit isang beses lang?” tanong ni Jena na muntik ng magpasamid sa kaniya.
“Hindi!” marahas na kaila niya na hindi sinasalubong ang tingin nito.
Nangalumbaba ito. “Pero iba ang trato niya sa iyo. Hindi mo ba napansin na iba siya ngumiti sa iyo kaysa sa akin? Yung ngiti niya sa akin pormal na ngiti. O mas tamang sabihing fake. Yung sa iyo may halong warmth. Alam ko dahil ganoon ako tingnan ni Woody at ganoon din tumingin si Damon kay Lettie,” paliwanag nito.
Hindi siya nakasagot at napatingin lang dito. Ibig bang sabihin ay hindi lamang niya guni-guni ang napansin niya kanina? Napailing siya. “Imposible. Malamang umaakto lang siyang mabait para mapatawad siya kaagad ng lolo niya at ibalik na sa kaniya ang dating buhay niya. Siguro akala niya kapag inireport ko kay lolo Mel na mabait na siya ay makakabalik na siya sa dating buhay niya,” giit niya.
“At ikaw lang ang tinitingnan niya. Aya iba talaga ang attitude niya sa iyo. Ni hindi nga niya tiningnan kahit sino sa mga empleyadong nakasunod ang tingin sa kaniya no!”
Napabuntong hininga siya at napasandal. “Jena, iyon ay dahil ako lang ang kilala niya rito. Stop it okay? Malabo ang iniisip mo. Besides hindi ko rin siya gusto. Wala lang talaga akong choice dahil humingi ng pabor si lolo Mel,” sabi niya pero kahit siya ay duda sa sagot niya.
Tumahimik naman ito at bahagya pang sumimangot. “Bahala ka nga,” ingos nito. “Ayan ka na naman eh. Napag-usapan na natin dati na bawasan mo ang pagiging lohikal mo eh,” dugtong nito.
Idinaan na lamang niya sa tawa ang komento nito at itinuon ang atensyon sa pagkain. Iba naman kasi si Brett. Hindi ito normal na lalaki kaya lohikal o hindi ay imposible ang sinasabi ni Jena.
Pagkatapos ay bigla niyang naalala. Hindi pa nga pala kumakain si Brett. Hindi pa rin ito nakakapag-almusal dahil late sila dumating sa opisina kanina. Baka gutom na ito.
Naipilig niya ang ulo at napakunot noo. Bakit ba niya inaalala masyado ang lalaking iyon? Hindi dapat. Mabilis niyang inalis dito ang takbo ng isip niya. Walang dahilan para alalahanin niya ito. Always remember that Aya para walang problema.
“JUST why in hell do I have to do this?” iritableng bulalas ni Brett.
Nilingon ito ni Aya. Nakatalikod ito sa kaniya at nagkakalkal ng mga folders. Nasa loob sila ng Data stockroom ng General Affairs Department. Maramign folders sa harapan nito at binubuklat nito iyon.
Napabuntong hininga siya. “Dahil late tayo. Sabi ko sa iyo mahigpit si Mrs. Ramos eh. Pinag-oover time niya ang mga empleyadong late o kaya hindi maayos ang naging trabaho. At para sabihin ko sa iyo ito ang unang beses na napagovertime ako. Dahil iyon sa iyo,” sagot niya at ibinalik ang tingin sa mga folders na dinodouble check niya upang masigurong tama ang ilalabas nilang folder.
“Nadudumihan ako. Damn, bakit ba nila pinapahanap ang mga luma ng papeles na ten years ago pa?” reklamo pa rin nito.
Napasulyap siyang muli rito. Mula nang bumalik ito galing sa opisina ng presidente nila ay salubong na ang mga kilay nito at madilim ang mukha. Hindi na tuloy ito malapitan ng mga empleyadong kaninag umaga lang ay nginingitian pa nito at maayos na hinaharap. Napapaisip tuloy siya kung ano ang pinag-usapan nito at ng pinsan nito at naging ganoon kasama ang mood nito. Pero wala siyang karapatang magtanong kaya nanahimik na lang siya.
Iyon lang, mukhang hindi nararamdaman ni Mrs. Ramos ang pangit na mood nito dahil bago mag alas singko ay sinabi nitong magovertime daw silang dalawa dahil may mga papeles na kailangan ang Designs Department na dapat nilang hanapin.
“Kailangan daw ng Designs Department ng mga designs ng kitchen bedroom furniture noong 2010 dahil maraming customer ang nagrerequest ng ganoong design. Kaya kailangan natin hagilapin ang catalogues at rough drafts ng taong iyon,” sabi na lamang niya.
Humarap ito sa kaniya at kumunot ang noo. “But it is the company’s policy not to repeat a design. Kaya nga lumaki ang Valencia Furnitures ay dahil sa policy na iyan. Rich people don’t want to see their furnitures in someone else house you know. Ganoon din sa mga resorts. The clientele values their individuality and originality at iyon mismo ang ibinibigay sa kanila ng Valencia. Anong kalokohan iyang naiisip nilang gawin?” mahabang sabi nito na may bahid ng inis.
Napamaang siya rito. For a moment ay parang ibang Brett ang narinig niyang magsalita. Parang nawala sa paningin niya ang isang spoiled na anak mayamang walang ginawa sa buhay kung hindi ang magpasarap at magubos lang ng pera na kinikita ng kumpanya. “Hindi ko alam na marami ka palang alam sa kumpanya,” nasabi niya ng malakas.
Natigilan ito at muling tumalikod. “Don’t underestimate me. Even if I haven’t work my whole life, I still graduated from an Ivy League school in the States,” aroganteng sagot nito.
Nanlaki ang mga mata niya at nawala na ang atensyon niya sa ginagawa niya. “Anong course mo?” tanong niya. Guilty siya na hindi niya naisip kahit kailan ang posibilidad na nakagraduate ito sa prestihiyosong unibersidad at sa ibang bansa pa. Ang nakita lang niya sa mahabang panahon ay ang kung ano ito sa mga glossy magazines at tabloid.
Ilang segundo ang lumipas bago ito sumagot. “Marketing. Valencia Furnitures was my undergrad thesis. Before, marami ng kliyente ang kumpanya pero hindi pa ito ganoon kalaki dahil kaunti pa lang ang nakukuha nilang malalaking kliyente. My thesis was all about a new marketing scheme to make Valencia one of the biggest furniture company in the country. My timeline was eight years. Grandpa decided to use my thesis kahit na may mga board na hindi pabor doon. Masyado raw idealistic iyon at class restrained. Pero iginiit iyon ni grandpa at itinuloy ang pag-utilize sa paper ko. It took the company five years to make it where it is now,” paliwanag nito.
Napatitig lang siya sa likod nito. Magkahalong pagkamangha at paghanga ang nararamdaman niya habang nagsasalita ito. Alam niya na hindi ito nagsisinungaling. Nasa tono nito iyon. “Anong marketing strategy iyon?” tanong niyang hindi na naitago ang paghanga.
Nagkibit balikat ito. “The policy that I just said. Na gawing limited lang ang designs. Like for this bedroom set for example.” Humarap ito sa kaniya at itinaas ang isang rough draft ng bedroom set. “Kung tama ang pagkakatanda ko the company only did thirty of this set. At dahil limited siya, mas mabilis siyang naibenta sa mas malaking halaga. Simple psychology of the rich. Ayaw nilang nauungusan at gusto nila kakaiba sila. Kaya pag may nakikita silang limited edition hindi sila magkamayaw sa pagbili para mauuna sila.”
“Wow,” nausal niya. “Ang galing mo. Bakit hindi mo ginamit iyan ng maayos? Kung tumulong ka sa Valencia Furnitures noon pa baka sa buong Asia na number one ang kumpanya!” aniya rito.
Muli ay natigilan ito. Sandaling tila nakita niyang may kumislap na pait sa mga mata nito ngunit agad din iyong nawala. Ibinaba nito ang hawak at nagsimulang humakbang palapit sa kaniya. “Hindi lang ang thesis ko ang dahilan kung bakit successful ang Valencia,” sabi nito at tumigil sa mismong harapan niya. Awtomatikong napaatras siya pero naramdaman na niya ang lamesang kinapapatungan ng mga folder sa likuran niya. Napatitig siya sa mga mata nito. Ngayon ay mas malinaw na niyang nakikita ang pait sa mga mata nito.
“You see, two years after they utilized my marketing strategy, Damon entered the company. I said the company will reach the top in eight years remember? He did it just three years after he entered the company. Siya ang magaling. Kaya nga siya ang presidente ng kumpanya ngayon,” sarkastikong sabi nito.
May kirot siyang naramdaman sa dibdib niya sa nakita niyang pait sa mukha nito habang sinasabi iyon. He has inferiority complex. Marahil nawalan ito ng ganang magtrabaho para sa kumpanya dahil tingin nito ay may mas magaling naman dito at mas kayang pamunuan ang kumpanya. Pero sigurado siya na importante din dito ang Valencia Furnitures. Dahil kung hindi ay bakit iyon ang ginawa nitong thesis nito?
Hindi niya naisip na posible palang makaramdam ng ganoon si Brett Hart Valencia. At may pakiramdam siya, na marami pang bahagi ng pagkatao nito na hindi alam ng kahit na sino. May makulit na bahagi niya ang nais alamin ang mga pinakatatagong bahaging iyon ni Brett.
Wala sa loob na umangat ang isang kamay niya at humawak sa pisngi nito. Natigilan ito at napatitig sa kaniya. Bahagya siyang ngumiti. “I still think you are great,” aniya rito.
May kumislap na kung ano sa mga mata nito. Pagkatapos ay nakita niyang lumunok ito at bumaba ang tingin sa mga labi niya. Naramdaman niya ang pagliliparan ng mga paru-paro sa sikmura niya sa antisipasyon. Hindi siya nito binigo. Bumaba ang mukha nito sa kaniya at walang salitang sinakop ang mga labi niya.