CHAPTER 2

3084 Words
GABI na nakauwi si Aya sa kanila kaya inaasahan na niya na tahimik na sa compound nila nang dumating siya. Kaya naman nagtaka siya nang maabutan niyang maingay at may ibang tao doon partikular sa parte ng three-door aparment complex na pag-aari nila. Sa bakuran nila ay may maliit na truck na nakabukas sa likuran kung saan ibinababa ng ilang lalaki ang mga gamit doon at ipinapasok sa pinakadulong pinto ng apartment. Kakabakante lang niyon. Ang dating nangungupahan doon ay isang college student na umalis na dahil nakagraduate na at nag-abroad. Iyon ang pintong pinakamalapit sa bahay nila. Napakunot noo siya. Diyata’t may bago silang boarder na alanganing oras pa naisipang maglipat ng bahay? Ang mas nakakapagtaka ay wala namang nababanggit tungkol doon ang nanay niya. Madaldal at palakuwento ang kaniyang ina kaya wala itong naililihim sa kaniya. Lahat sinasabi nito kaya kung may bago silang boarder ay malamang nasabi na dapat nito iyon kanina pang umaga. Lalong napakunot ang noo niya nang malipat naman ang tingin niya sa itim na mercedes benz na kahilera ng truck. Kung sino man ang bagong boarder nila ay mukhang mayaman. Pero teka, kung afford nito ang mamahaling sasakyan na iyon bakit naman sa apartment nila na nasa middle class compound ito mangungupahan? Unless… masama itong tao. At baka pinupwersa nito ang mga magulang niya para iparenta rito ang apartment nila. Sa naisip ay napabilis ang lakad niya patungo sa bahay nila. Marahas na binuksan niya ang pinto ng bahay nila. “Ma! Pa” malakas na tawag niya sa mga magulang niya. “Aya! Dumating ka na pala. Bakit ka ba sumisigaw?” sagot ng nanay niya na sumungaw mula sa kusina. Mukha namang maayos ang kalagayan nito kaya nakahinga siya ng maluwag. “May naglilipat po ng ganitong oras sa apartment natin?” tanong niya rito. Bahagya itong natigilan at alanganing ngumiti. “Ah, oo. Halika rito at may ipapakilala kami sa iyong bisita,” sabi nito. Nacurious naman siya sa kung sino ang may-ari ng mercedez na nakapark sa compound nila kaya lumapit siya sa kaniyang ina at pumasok ng kusina nila. Naabutan niyang nakapuwesto sa dining table nila ang papa niya at isang matandang lalaki habang may tig-isang umuusok na tasa ng kape sa harapan. Nagkagulatan sila ng matanda nang magsalubong ang mga mata nila. Kilala niya ito. “Mr. Valencia?” manghang bulalas niya. Hindi siya maaring magkamali. Ito si Melchor Valencia, ang patriach ng Valencia Furnitures at ang grandfather-in-law ni Lettie. Ilang beses na niya itong nakita. Nakausap niya rin ito noong kasal ni Lettie sa simbahan. Anong ginagawa nito sa bahay nila at mukhang abala pa ito sa pakikipag-usap sa mga magulang niya na tila matagal ng magkakakilala ang mga ito? Ngumiti ang matanda habang bakas pa rin ang pagkabigla. “Aba, ikaw si Aya tama? Ang isa sa mga kaibigang matalik ni Lettie? Ito ang anak ninyo Armando?” tanong nito sa kaniyang ama na halatang gulat din. “Oho. Ah, totoong sa kumpanya ninyo nagtatrabaho ang anak namin pero hindi ko alam na kilala ninyo siya Boss,” nakangiting sabi ng papa niya. Tumawa si Mr. Valencia. “Wow, this is a coincidence isnt it?” Napakunot noo siya. Boss? Nang muling bumaling sa kaniya ang matandang Valencia ay lumawak na ang ngiti nito at tila nabasa ang tanong sa isip niya. “Hindi ba naikuwento sa iyo ng mga magulang mo na dati silang nagtatrabaho sa akin noong isang maliit na pagawaan pa lamang ng mga muwebles ang ngayon ay Valencia Furnitures? Silang dalawa ang una kong naging katulong sa negosyo ko. Hindi pa sila mag-asawa noon,” masiglang kwento nito. Biga ay naalala niya ang tungkol doon. Napatingin siya sa mga magulang niya na pawang nakangiti. Madalas ngang maikuwento ng mga ito noon sa kaniya na nagkakilala daw ang mga ito sa trabaho noon. “Naikukuwento ho nila pero hindi ko naisip na kayo ang boss na sinasabi nila. Hindi rin nila nasabi sa akin na kakilala nila ang may-ari ng pinapasukan kong kumpanya,” nasabi niyang humatak na rin ng upuan at umupo doon. Tumawa ang mama niya. “Ayaw lang naming isipin mo na dahil lang kakilala namin ang may-ari ay hindi mo na pagbubutihan ang pagtatrabaho,” sabi nito. Sumimangot siya. “Hindi ako ganiyan mama. Besides, si Lettie ay asawa ng presidente namin no! Hindi naman kami nagtatamad-tamad sa trabaho,” aniya rito na ikinatawa ng papa niya at ng bisita nila. “Pero ano ho ang ginagawa ninyo dito Mr. Valencia? Alanganin naman ang oras ng pagbisita ninyo sa mga magulang ko,” takang tanong niya. Saglit na natigilan ito pagkuwa’y nasiguro niyang kumislap ang mga mata nito na tila may naisip na kung ano. “Just call me lolo Mel, Aya. Masyadong pormal ang Mr. Valencia at nagretiro na naman ako sa pagiging businessman kaya hindi na bagay sa akin ang ganiyang tawag,” magaan na sabi nito. “Okay, lolo Mel,” pagtatama niya. Lumawak ang ngiti nito. “Good. At kaya ako nandito ay dahil humingi ako ng pabor sa mga magulang mo. Hindi ba itinatanong mo sa mama mo kung sino ang bagong lilipat sa apartment ninyo?” Tumango siya. “Ang pangalawa sa pinakamatanda kong apo na si Brett ang titira diyan simula bukas. Iyon lang hindi pa niya alam iyon,” sabi nito. Natigilan siya. Isang imahe ng lalaki ang naisip niya. A man with to die for built, a handsome face fit for a Demigod and a popularity like a celebrity came to her mind. Of course, she knew Brett Hart Valencia. Sinong normal na babaeng mahilig magbasa ng mga magazines ang hindi nakakakilala dito? Palagi itong laman niyon. Palagi din itong present sa mga party na mga taga-alta sosyedad lamang ang maaring dumalo, palaging may kaakbay, kayakap at kung minsan ay kahalikang magagandang babaeng katulad nito ng posisyon sa lipunan. He was hailed by the paparazzi as the high society’s prince. Dahil sa yaman at perpektong itsura ay nakukuha nito ang lahat ng gusto nito. Kinaiinggitan ito ng mga normal na lalaki at pinapantasya ng halos lahat ng babae. Iyon lang, sa kabila niyon, kilala din ito sa pangit na reputasyon nito. Dahil lumaking spoiled ay madalas itong nasasabak sa g**o at intriga. Dati nga ay naiisip niya na malamang namumuti na ang buhok ng mga magulang nito sa kunsumisyon dito. Saan ka naman kasi nakakita ng lalaking nasa late twenties na ay hindi pa nagtatrabaho kahit kailan? At ang nakakaloka ay inaamin nito iyon kapag may interview ito. Ah, he was an arrogant prince way out of her league. To think na titira ito sa abang apartment nila? Weird. “Ano namang hong dahilan at titira sa lugar namin ang gaya ng lalaking iyon lolo Mel? Hindi siya bagay dito,” nasabi niya bago pa niya mapigilan ang sarili niya. Napaubo ang mga magulang niya. Napangiwi siya nang makitang napatitig sa kaniya ang matanda. Bakit hindi siya nakapagpigil? Apo nito ang tinutukoy niya kaya malamang magagalit ito sa kaniya sa sinabi niya! “Kilala mo ang apo ko?” tanong nito himbis na magalit sa kaniya. Na-caught off guard siya pero agad ding sumagot. “May normal na babae bang hindi ba nakakakilala kay Brett Hart Valencia?” balik tanong niya. Bumakas ang curiousity sa mukha ng matanda. “So, do you like him?” Napanganga siya sa tanong nito. “Lolo Mel, do you want an honest answer?” maingat na tanong niya kahit gusto niyang humalakhak sa tanong nito. Amused na ngumiti ito.  “Go on.” Huminga siya ng malalim. “Honestly, I don’t like him. Sure, magandang lalaki siya walang magsasabing hindi. Pero bukod doon wala na akong makitang maganda sa kaniya. He is irresponsible and always playing around. Ang ginagawa lang niya ay paiksiin ang buhay niya sa pagpupuyat sa gabi-gabing party at bisyo. He is living like a gigolo sa dami ng babaeng ikinakama niya. Puro sakit ng ulo lang at eskandalo ang ginagawa niya. Matanda na siya pero hindi pa siya nagtatrabaho kahit kailan. I bet wala din siyang kaalam-alam kung paano mabuhay ang normal na tao. Sigurado rin ako na hindi niya alam kung paano alagaan ang sarili niya o kahit maglinis ng sarili niyang bahay o magluto ng sarili niyang pagkain. I am also one hundred percent sure na hindi pa niya nararanasang magcommute o magpunta sa palengke. Malamang hindi siya sanay tumira sa bahay na walang airconditioner. O maligo sa maliit na banyo na walang bathtub o shower. Really there is nothing good about him,” mahabang sabi niya. “He is rich,” pagsusupply ni lolo Mel. Umasim ang mukha niya. “Hindi kaniyang pera ang ginagastos niya kung hindi sa inyo. Umaasa siya sa perang dugo’t pawis na pinaghihirapan naming mga empleyado at ni Damon.” Lumawak ang ngiti nito.  “Pero sapat na para sa ibang babae na magandang lalaki siya hija.” Napaismid siya. “Ewan ko ba sa mga babaeng iyon. Well, bonus ang itsura sa lalaki pero kung iyon lang ang maipagmamalaki ng isang lalaki hindi bale na lang. Besides, kahit ang itsura niya ay dapat din niyang ipagpasalamat sa inyo lolo Mel.” Ang lakas ng tawa nito. Maging ang mga magulang niya ay hindi naiwasang matawa. “I like your daughter Armando, Belen,” nakangising baling nito sa mga magulang niya. “I knew it. Tama ang desisyon kong dito dalhin ang batang iyon.” Nalito na naman siya. “Ano hong ibig ninyong sabihin?” Bahagyang nawala ang ngiti nito at mukhang naging problemado. Nagbuga ito ng hangin. “Well, nasabi mo na lahat ng problema ko sa apo ko Aya. And you are right, matinding sakit siya ng ulo para sa akin. Ayoko rin namang buong buhay niya ay ganiyan siya. It is time to teach him a lesson and to change him. Hindi na siya bata. At ayokong ganiyan siya habambuhay. Kaya humihingi ako ng pabor sa mga magulang mo at sa iyo na rin,” seryosong sabi nito. Napalunok siya at hinintay ang susunod nitong sasabihin. “Tulungan ninyo akong turuan ng leksiyon ang apo ko. Mula bukas, dito na siya titira. Aalisin ko ang lahat ng yamang tinamasa niya mula pa noon. I would like to ask you to look over him and help him become a better person.” Napamaang siya rito. “Ano ho?!” Parang nahilo yata siya sa gusto nitong sabihin sa kaniya. Wala naman sila sa koreanovela. Pero bakit parang ganoon ang nangyayari sa kaniya sa mga oras na iyon? Besides, may pag-asa pa bang mabago ang lalaking iyon? He has been living like that for more than twenty years. Bumuntong hininga ito at ginagap pa ang mga kamay niya. “Please hija. Bear with him and his bad attitude for me. Nakikita kong kaya mong gawin iyon. Hindi naman ito permanente. Hanggang sa sa tingin ko lang ay natuto na siya at narealize na niya ang mga kamalian niya. I would like to be a good grandfather to him. Naayos ko ang buhay ng apo kong si Damon at gusto ko ring mapaayos ang buhay ni Brett. Please help me Aya,” pakiusap nito. Napatingin siya sa mga magulang niya na parehong tumango. Mukhang nakapagdesisyon na ang mga ito na tumulong sa planong pagdidisiplina ni lolo Mel sa pasaway nitong apo. Tuloy napabuntong hininga na lamang siya. “Okay. Gagawin ko ho ang makakaya ko,” sumusukong sabi niya. Lumiwanag ang mukha nito. “Great. Salamat. Napakabuting bata. Sana pagkatapos ng lahat ng ito ay maging gaya mo na ang apo ko,” nasisiyahang sabi nito. Napabuga na lang siya ng hangin dahil nagiba na ng usapan ang mga ito. Napasubo yata siya.   NAALIPUNGATAN si Brett sa pakiramdam na may mga nakamasid sa kaniya. Agad na naramdaman niya ang pamilyar na pagkirot ng ulo niya na tila binibiyak iyon. Sanay siyang malasing ngunit tila mas matindi ang sakit ng ulo niya sa mga oras na iyon. Pati katawan niya masakit na para bang sumabak siya sa suntukan. May paputol-putol na eksenang dumadaan sa isip niya ngunit malabo iyon.  In his blurry mind, he saw himself armwrestling with a couple of big guys in black. Iyon yata ang dahilan kung bakit masakit ang katawan niya. Wait, ibig bang sabihin niyon ay napaaway siya kagabi? “Gising na ba siya?” narinig niyang pabulong na tanong ng boses ng may edad na babae. Pilit niyang idinidilat ang mga mata pero dahil kumikirot ang ulo niya ay hindi niya iyon magawa ng maayos. “Shh, huwag kang maingay. Tingin ko kailangan niya pang magpahinga. Bakit naman kasi sa ganoong paraan siya dinala dito. Minsan talaga weirdo mag-isip iyong si Boss,” sabi naman ng isang tinig lalaki. “Kung maayos siyang dinala dito e di hindi na parusa ang tawag doon,” paismid namang sabi ng isang tinig babae. “Shhh,” saway dito ng dalawang nag-uusap na tingin niya ay malapit sa kaniya. Sa hindi niya malamang dahilan ay tuluyan siyang nagising sa boses na iyon ng babae. It sounded clear, strong and feminine at the same time. Hindi siya partikular sa boses pero may kung ano sa tinig nito ang umagaw ng atensyon niya. Napadilat siya. Nakita niya ang may edad na babae at babaeng nakamasid sa kaniya. Tila nagulat ang mga ito nang dumilat siya dahil bahagyang napaatras ang mga ito. Bago ngumiti ang babae. “Good morning hijo,” bati pa nito sa kaniya na tila ba normal nitong ginagawa iyon. Napakunot noo siya. “Who are you people?” tanong niya sa paos na tinig. Nananakit ang lalamunan niya. Dumeretso ng tayo ang lalaki at tumikhim. “Ah dahil gising na siya ang mabuti pa ay tatawagin ko na si Boss. Mas maganda kung siya ang magpapaliwanag sa kaniya.” Iyon lang at mabilis itong umalis. “Sasamahan na kita Armando,” sabi naman ng babae at lumabas din. Napakunot noo siya at hirap na bumangon.  Nagitla siya nang makita niya kung nasaan siya. Obviously ay wala siya sa unit niya. Bagkus ay nasa isang maliit na silid siya. Ang kama na kinahihigaan niya ay maliit at kasya lamang ang isang tao. Sa tingin niya ay isa ang kamang iyon sa dahilan kung bakit masakit ang katawan niya. Matigas iyon para sa taste niya. Walang kalaman-laman ang silid. Sa isang panig ay may pinto na palagay niya ay ang banyo. Sa isang panig ay may cabinet. Sa gitna ay may maliit at napakasimpleng sala set. Maliit ang telebisyon hindi tulad ng twenty inch LCD screen niya sa unit niya. Walang aircon at ang nagpapalamig lamang sa kaniya ay ang maliit na electric fan sa paanan niya. “Where the hell am I?” manghang usal niya. Sa nakikita niya ay hindi basta silid ang kinaroroonan niya. Tila iyon isang miniature na bahay. Miniature dahil mas malaki pa ang kuwarto niya sa unit niya kumpara sa lugar na iyon. Ang pader ay hindi fully furnished at ang sahig ay semento lamang na kulay pula. Everything looks so cheap. Muling kumirot ang ulo niya kaya napahawak siya sa ulo niya. Nasaan ba talaga siya at paano siya nakarating doon? At sino ang mga taong ito? Hindi kaya nakidnap siya? Yeah, that makes sense. Unti-unti niyang naaalala ang mga nangyari kagabi. Nakalabas na siya ng Embassy kasama ang isang babae, pareho silang lasing pero alam niya na kaya pa niyang magmaneho. Palapit na siya sa sports car niya nang may dalawang malaking lalaki ang sumulpot mula sa kung saan at hinawakan siya sa magkabilang balikat. Nagpumiglas siya pero may itinakip na panyo ang isa sa mga ito sa bibig at ilong niya. He smelled an awful scent at nahilo siya. Then he passed out. Bigla siyang naalarma. Naalala niyang may binabanggit na boss ang matandang lalaki kanina. Ang sabi nito ay tatawagin nito iyon. So he was really kidnapped! Lalong sumakit ang ulo niya. “Damnit it hurts,” nausal niya. “Kung sumasakit ang ulo mo tuwing nagigising ka mula sa magdamag na paglalasing e di itigil mo. That’s simple logic,” sabi ng boses ng babaeng kanina ay nagpagising sa diwa niya. Natigilan siya nang maramdaman niyang may inilapag sa lamesang nasa gilid ng kama. “O, inumin mo itong aspirin para mawala iyan,” pautos pang sabi nito. Noon siya nag-angat ng tingin. His eyes met a set of brown and fierce eyes. Malamig ang tingin nito sa kaniya ngunit hindi nakaligtas sa kaniya ang kislap ng disgusto sa mga mata nito. Ang paningin niya ay dumako sa mukha nitong walang make-up. Ang mga kilay nito ay tila iginuhit. Ang ilong nito ay matangos at ang mga labi nito ay makurba at mukhang likas na mamula-mula. May maliit na nunal ito sa ilalim ng kanang mata nito. Bumaba ang mga mata niya sa katawan nito. From her slender neck, down to her firm breast and small waist na hindi itinago ng simpleng t-shirt na suot nito, pababa sa balakang nito at mahubog na hita at binti na nakaexpose sa maiksing shorts nito, hanggang sa mga paa nitong nasasapinan ng simpleng flats. Tumagal ang tingin niya sa mga paa nito. She has the prettiest pair of feet he had ever seen in a woman. Maganda ang hugis niyon at malinis na mamula-mula. Hindi naka-nail polish ang mga kuko nito sa paa pero wala siyang nababakas na dumi doon. “Ano sa tingin mo ang ginagawa mo at pinapasadahan mo ako ng tingin ng ganiyan? Bastos ka ah,” iritableng tanong nito na muling nagpaangat sa mga mata niya sa mukha nito. Nakakunot ang noo nito at bakas ang animosity sa mukha.  Sure, she’s pretty. Pero sanay siyang makakita ng magagandang babae. But there is something different with this woman. For one thing, wala siyang nababakas na paghanga sa mga mata nito na madalas niyang makita sa lahat ng babae kapag nakita siya. At ang katotohanang ni hindi ito namula o nagswoon matapos niya itong titigan ng matagal ay isang malaking sorpresa sa kaniya. Usually, makasalubong lang niya ang mga mata ng isang babae ay halos hihimatayin na iyon. Pero hindi ganoon ang babaeng ito. Bukod doon, she looks familiar to him. Parang nakita na niya ito pero hindi lang niya matandaan kung saan. “Who are you?” tanong niya ritong hindi inaalis ang tingin sa mukha nito. Umangat lang ang kilay nito. Noon muling bumukas ang pinto.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD