“IKAKASAL ka na rin?” magkahalong tuwa at pagkamanghang tanong ni Aya sa kaibigan niyang si Jena. Nasa isang coffee shop sila kasama ang isa pa nilang kaibigan na si Lettie. Weekend kaya wala silang pasok. Dahil matagal-tagal na rin silang hindi nakakalabas na magkakaibigan ay naisip naman nilang magbonding sa araw na iyon.
Matamis na ngumiti si Jena at ipinakita ang kaliwang kamay nitong may diamond ring. “Nag propose sa akin si Woody nang mag dinner date kami kagabi,” sabi nitong napahagikhik pa. Ang tinutukoy nito ay ang boyfriend nito na boss din nito na si Woody Sandejas. Head ng Designs Department ng Valencia Furnitures na siyang kumpanyang pinapasukan nila si Woody.
Noong bagong pasok pa lamang si Woody sa kumpanya nila ay kinailangan nito ng temporary secretary at si Jena ang napili nito para sa posisyon na iyon. Noong una ang akala nila ni Lettie ay nadevelop lamang ang dalawa habang magkatrabaho. Pero kalaunan ay inamin din sa kanila ni Jena na nagkakilala na ito at si Woody bago pa man magtrabaho ang binata sa kumpanya. Magkahalong tawa at kilig pa nga ang naging reaksyon nila nang ikuwento nito sa kanila ang naging unang pagkikita ng mga ito.
Sa ngayon ay permanent secretary na ito ni Woody at tuluyan nang umalis sa General Affairs Department na siyang departamento nila. Pero kahit ganoon ay matibay pa rin ang pagkakaibigan nila at sabay-sabay pa ring kumakain tuwing lunch break of merienda kapag hindi ito kasama ni Woody. Iyon lang hindi na iyon kasing dalas ng dati.
“Ang sweet,” hagikhik din ni Lettie. Isa pa ang kaibigan niyang ito na naguumapaw sa kaligayahan. Kailan lang ay ito ang ikinasal sa simbahan sa walang iba kung hindi ang presidente ng pinapasukan nilang kumpanya na si Damon Valencia. Pero bago iyon ay lihim na palang mag-asawa ang mga ito at isinekreto lamang ng mga ito. Arrange marriage kasi ang nangyari sa mga ito at hindi talaga magkakilala. Habang mag-asawa ang mga ito ay saka lamang nadevelop ang pagmamahalan ng mga ito. Hayun nga at malaki na ang tiyan nito para sa panganay na anak ng mga ito.
Napangiti siya sa magkahalong emosyon. Natutuwa siya para sa mga kaibigan niya dahil nahanap na ng mga ito ang inaasam na happy ending. Ngunit kasabay niyon ay nakakaramdam siya ng inggit at lungkot. Ang ibig sabihin lang kasi ng planong pagpapakasal ni Jena ay siya na lamang sa kanilang tatlo ang maiiwang single. Siguradong mas mapapadalas na ang mga asawa na ng mga ito ang magiging kasa-kasama ng mga ito.
Nakakahiya mang aminin ay hindi siya magaling makipagkaibigan at si Lettie at Jena lamang masasabi niyang pinakamatalik na kaibigan niya. Medyo matalas kasi ang dila niya kung minsan at ang mga ito lang ang mga babaeng nakakatolerate ng kaprankahan niya. Kapag pareho ng may asawa ang mga ito ay mababago na siyempre ang priyoridad ng mga ito. Pagkatapos ay nalalapit na rin ang pagmamaternity leave ni Lettie ayon na rin sa kagustuhan ni Damon. Si Jena, siyempre magiging lovey dovey ito kay Woody. Where will that left her then? Mabuti siguro kung gaya ng mga ito ay may kapareha siya. Ang kaso ay kahit iyon wala siya.
“Kailan naman ang kasal ninyo?” tanong niya kay Jena.
“Wala pa kaming definite date. Pero maglalaan ako ng at least six months para sa preparasyon. Pag-uusapan pa namin ni Woody kung dito kami sa manila magpapakasal o sa probinsya. Para kasing nagpaparamdam sila papa na doon niya ako gustong magpakasal. Tapos kailangan pa naming bisitahin ang mga magulang ni Woody sa Amerika. Ang sabi niya tatapusin lang niya iyong major project na inaasikaso namin ngayon tapos magli-leave kami kahit one week lang,” nakangiti pa rin na sabi nito.
“Ay mauuna pa ang honeymoon niyo kaysa sa kasal?” tudyo ni Lettie na ikinapula ng mukha ni Jena pagkatapos ay pilyang humagikhik ito.
“Hay naku sana lang may partner na rin ako pagdating ng kasal mo,” pabirong sabi niya kahit totoo iyon sa kaniya. Bakit ang suwerte ng mga kaibigan niya samantalang siya ay laging malas sa lalaki? Tuloy kahit siya ay may pinakamaraming naging boyfriend sa mga ito ay siya din ang pinakamaraming beses nakaranas ng break-up. Naiinggit siya kay Lettie na si Damon ang naging first at last romance nito. Naiinggit din siya kay Jena na sa kabila nang tagal nito sa paghahanap ay nakita na rin nito ang future husband nito. E siya?
Sa tingin naman niya ay hindi siya choosy. Iyon nga lang masyado siyang level headed. Naniniwala siya mula noon na pantay ang puso at utak niya. Tuwing may nagugustuhan siyang lalaki, hindi siya iyong tipong nakikinig lang sa puso niya. Awtomatikong gagana rin ang utak niya at aanalisahin ang sitwasyon. Pag-aaralan niyang mabuti ang cons at pros kung sakaling makipagrelasyon siya sa lalaking iyon. Kapag hindi pabor ang utak niya sa puso niya ay aayaw siya. O kaya naman kung gusto ng utak niya pero ayaw ng puso niya ay tatanggi pa rin siya. She enters relationship and loves someone with both her heart and mind’s consent. Hindi siya iyong tipong natatanga sa pag-ibig. Yet, all her relationship were a failure. Kung hindi siya pinagpapalit sa iba ay nasasakal naman siya at siya ang nakikipaghiwalay.
“Makikita mo rin siya Aya. Ikaw pa. E sa ating tatlo ikaw ang pinaka-cool, pinakamatalino, pinakasexy at pinakamaganda,” nakangiting sabi ni Lettie.
Natawa siya at naitirik ang mga mata sa sinabing iyon ni Lettie. Maraming nagsasabi niyon sa kaniya. Pero alam naman niya na sa huli hindi naman talaga mahalaga ang mga katangiang iyon sa pakikipagrelasyon. Kahit siya hindi itsura ng lalaki ang tinitingnan niya.
Bumuntong hininga siya. “Bakit ba kasi walang matinong lalaking dumarating sa buhay ko? Lahat luko-luko. Ang gusto ko lang naman ay lalaking responsible at magiging kasundo ko. Hindi naman ako naghahanap ng sobrang guwapo dahil nadala na ako sa nakaraan kong boyfriend na ipinagpalit ako sa matrona. Hindi rin naman ako umaasang makakakuha ako ng sobrang yaman. Basta masipag at kaya akong buhayin ayos na iyon. All I need is someone who is compatible with me and I can be with for the rest of my life. Buti pa kayong dalawa,” himutok niya sa mga ito.
“Don’t worry handa kami ni Lettie na suportahan ka gaya ng ginawa mong pagsuporta sa amin. Though huwag lang gagana ang sakit mo,” sabi naman ni Jena.
Napakunot noo siya. “Sakit?” litong tanong niya. May sakit ba siya?
Nagtinginan ang mga ito. Pagkatapos ay si Jena ang muling nagsalita. “Iyong sakit mo na inoover-analyze mo lahat. Iyong masyado kang maingat at lohikal,” paglilinaw nito.
Napataas ang kilay niya. “Kailan pa naging sakit iyan? Dati sabi niyo sa akin isa sa mga strong points ko ang pagiging logical,” litong tanong na naman niya.
Bahagyang ngumiti si Jena. “You see Aya, I realized it when I fell in love with Woody, na minsan hindi rin maganda kung inaalisa natin ang lahat ng bagay. Iyong nagwoworry agad tayo sa mga possibilities kahit wala pa nga. Take me for example, hindi ba ingat na ingat ako na huwag mainlove kay Woody dati? Kasi nga hindi siya ang ideal man ko. He was even four years my junior. Ayoko kaya ng mas bata sa akin. Ang dami-dami kong naiisip na disadvantages ng age gap namin. Wala pa naniniwala na ako na hindi magwowork out ang relasyon namin kung sakali. That it is possible that he will find someone new, someone younger and he will surely leave me.
“Kaya tuloy in-overlook ko lahat ng ginagawa niya para sa akin. Kahit na-iinlove na ako sa kaniya tinikis ko ang nararamdaman ko. Nagpapakalohikal ako, nagpapaka paranoid. Tuloy hindi lang ako ang nahirapan, I have hurt him too in the process. Hanggang sa maisip ko bigla, what the hell! I don’t care if he’s younger than me. I don’t care of future possibilities. Wala namang mangyayari kung mag-aalala ako. Gusto kong maging masaya. Mahal ko siya, mahal niya rin ako. Kung ano man ang mangyari sa hinaharap, I just have to trust him. I should just believe that our love will last and so Iet my feelings go. As of now masaya pa naman kaming dalawa. Magpapakasal na nga kami,” mahabang paliwanag nito.
Saglit na hindi siya sumagot at inabsorb muna ang mga sinabi nito. Tumingin siya kay Lettie. “Ganoon din ba ang tingin mo?” tanong niya rito.
Tumango ito. “Well, unlike Jena, hindi ako nagkaroon ng pagkakataong mag-analyze ng ganiyan kasi nga biglaan ang pagpapakasal ko. Para akong nasuong sa gera na hindi ako prepared at walang armas. Tapos Damon was still a stranger to me then. Hindi rin ako sigurado sa maaring mangyari. Pero alam niyo naman na hindi tulad ninyong dalawa hindi naman ako mahilig mag-over analyze. So, as for me umpisa pa lang I let my feeling show kasi mag-asawa naman na talaga kami. May mga pagkakataon man na nagwoworry ako nagiging maayos naman ang lahat. Come to think of it, I didn’t use logic from the start. Wala yata ako ‘non,” natatawang sabi pa nito.
Muli ay hindi siya nakasagot. Pagkatapos ay napabuntong hininga siya. “So, there’s something wrong with me kaya ako single,” mahinang nausal niya. Natahimik ang mga ito.
“Hindi naman sa ganoon Aya. I guess you being too careful and analytic when it comes to men only means one thing,” maingat na basag ni Jena sa katahimikan.
Napatingin siya rito. “Ano?”
“Ibig sabihin lang ‘non hindi ka pa talaga naiinlove. Akala mo lang love na ang nararamdaman mo kapag comportable ka sa boyfriend mo. I think what you had with your past boyfriends were just companionship.”
“Paano mo naman nasabi iyan?” kunot noong tanong na naman niya. Bigla niyang narealize na parang nabaligtad yata ang sitwasyon. Dati siya ang laging nagpapaliwanag sa mga ito. Ngayon ay mukha siyang teenager na binibigyan ng mga ito ng love advice.
Ngumiti si Lettie. “Kasi nga lohikal ka pa. Kasi kapag na inlove ka nakakawala ng katinuan. Kapag na inlove ka malilimutan mo ang logic. Hanggang sa hindi mo na naririnig ang sinasabi ng utak mo at puso mo na lang ang naririnig mo. Until you ignore all the warning bells in your head and just listen to your heart. Kapag nangyari iyon sa iyo saka mo lang malalaman na talagang na inlove ka na,” paliwanag nito.
Napaisip naman siya sa mga sinabi ng mga ito. Nagbuga siya ng hangin. “Okay, I get it. Promise, the next time I like a guy hindi ko na siya ioover analyze,” sabi na lamang niya.
Ngumiti ang mga ito. “Gusto lang naming maging masaya ka rin gaya namin Aya,” sabi ni Jena.
Ngumiti na rin siya sa mga ito. “I know that.”
PAPADILIM na pero noon pa lamang magsisimula ang araw para kay Brett. Katulad ng normal na buhay niya ay nakaporma na siya upang magtungo sa Embassy, isang high class dance club na sentro ng mga party ng mga tao sa alta sosyedad. Sa gabing iyon ay kaarawan ng isa sa mga kaibigan niyang si Hendrick at doon gaganapin ang exclusive party nito.
Matapos niyang masigurong maayos na ang itsura niya na hindi naman niya ineffortan ay sumisipol pa niyang kinuha ang wallet niya at kumpol ng susi bago siya lumabas ng unit niya. Hanggang sa elevator ay maganda pa rin ang mood niya. Tila naririnig na niya ang mga mahaharot na tugtugin sa club na pupuntahan niya at hindi niya mapigilang ihum iyon. He could also imagine the hot women in there and wonders who among them he will be in bed tonight. Ah he was feeling good.
Hindi na nagpakita pa sa kaniya si Nina Arroyo mula nang maka-one night stand niya ito. Ang balita niya ay nangibang bansa ito ayon na rin sa nais ng ama nito upang mamatay daw ang isyu tungkol sa kanilang dalawa. Agad namang nangyari iyon dahil kahit siya ay hindi sumasagot kapag iniinterview siya ng press. Besides wala naman siyang pakielam doon dahil hindi tulad nito at ng ama nito hindi siya isang public personality.
I will be careful who to hook up to this time. Ayaw na niyang makakuha ng babaeng kagaya ni Nina. Gusto niya ng babaeng mabilis niyang maididispatya na parang walang nangyari. Sa totoo lang ay ayaw na ayaw niya ng ganoong babae. Mas lalong ayaw niya ng nagger at pakielamera at may pakiramdam siya na once hinayaan niyang mapalapit sa kaniya ng husto ang isang babae ay ganoon ang kahahantungan niyon.
Kaya ayaw niya ng seryosong relasyon. Ayaw niya na may babaeng kakapit sa kaniya ng husto na para bang pag-aari siya nito. Ayaw niya ng babaeng kukuwestyunin ang mga ginagawa niya. Ayaw niya ng babaeng aastang boss niya. Sapat na ang mga magulang niya at lolo niya sa nanenermon sa kaniya. Ayaw na niyang may dadagdag pa sa magpaparindi ng tainga niya.
Speaking of his grandfather, mula noong araw na bigla itong sumulpot sa unit niya kasama ang mama niya ay hindi na ito nagpakita ulit. Noong una ay kabado pa siya sa maari nitong gawin. Naisip niya noon na baka ipa-cut nito lahat ng credit cards at atms niya. Tingin niya kasi ay iyon ang worst na maari nitong gawin para parusahan siya sa sakit ng ulong ibinigay daw niya rito.
Pero walang nangyaring ganoon. Naisip niya na since nawala rin naman kaagad ang isyu nila ni Nina ay baka nawala na rin ang init ng ulo ng lolo niya. After all hindi naman iyon ang unang beses na nangyari iyon. Hindi nga niya maintindihan kung bakit hindi pa ito nasasanay sa kaniya.
Anyways, hindi na iyon mahalaga. What is important to him is that his grandfather had stopped bothering him. Nang bumukas sa basement ang elevator ay mabilis na siyang umibis at dumeretso sa kinahihimpilan ng BMW Sports car niya. He will party all night without any care to the world, as he always does for the past years of his life.