Chapter 3 -- Akira's Test of Courage

4604 Words
  Imperial Series III by Aya_hoshino -----Akira's POV------ Sa aking ika-labinwalong kaarawan, sinundo ako ni tita Demi at pinasakay sa helicopter. May gadget siyang kinabit sa ulo ko na parang headset kung saan naririnig ko ang mga salita niya pati dun sa piloto kahit malakas ang tunog ng makina nung sinasakyan naming chopper. Sabi niya dadalhin na niya ako ng Maynila... doon sa mga pinsan ko... pero... Nung nasa ere na kami ay muli niya akong pinaalalahanan. "Akira tandaan mo ang bilin ni Shekainah sa inyo, sa oras na dumating ka ng Maynila at nakita mo ang iyong mga pinsan ay hindi mo sila pwedeng lapitan o kausapin man lang. Lagi mong isaisip ang mga yun dahil isang maling kilos mo lang, maaaring buhay ng mga pinsan mo ang kapalit. Ayaw mo namang mangyari yun di ba?" Pananakot niya sa akin. Wala akong nagawa kundi ang sundin siya. "Opo tita Demi." Yun ang aking naging sagot. "Wag kang tumulad sa pinsan mong pasaway." Saad nito at habang nagsasalita ay nakadungaw sa ibaba ng helicopter. "Huh? Sino po?" Curios kong tanong. Biglang nag-iba ang facial expression ni tita Demi habang nagsasalita. "Wala yun. Kalimutan mo na." saad niya sa akin. Hindi ko na rin siya inusisa pa. Pagdating ng Maynila ay mga tauhan na niya ang nagdala sa akin sa harap ng gate ng bago kong school ang, MSU(Manila State University). Barya-barya lang ang pera ko pagdating doon at ang tanging hawak ko lang na papel ay ang aking scholarship certificate, na siyang magsisilbing ticket ko upang makapag-aral sa isang pang-mayamang unibersidad na tulad nito. Nakatayo lang ako sa harap ng gate ng school at nagmumuni-muni. Sigurado akong dinanas din ng mga pinsan ko ang dinaranas ko ngayon nung una silang dumating dito. Malamang wala ding laman ang bulsa nila nung dumating dahil ni singkong duling ay walang inabot ang mga mafia o pinaabot man lang ang aming mga magulang para sa amin. Pero para sa mga pinsan ko, sisikapin kong lampasan ang mga pagsubok na ito. Isinilid ko na sana sa aking bag ang aking certificate ng hablutin yun ng isang lalakeng naka-cap. "Hoy! Magnanakaw!" Nung hahabulin ko na yung magnanakaw ay pinigilan naman ako ng isa pang estranghero na may kasamang magandang babae. Mukhang mga estudyante din sila ng school at saktong napadaan nung manakawan ako. Napatingala  ako dun sa matangkad na lalakeng pumigil sa akin. "Tito Levi?" "Levi? Sino yan?" Balik-tanong niya sa akin at halata sa mukha niya ang pagtataka. "Ah, hindi pala kamukha mo lang yung tito ko nung kabataan niya." Biglang-bawi ko. Nagulat ako kasi kamukhang-kamukha niya si tito Levi na pinabata ng 19 years. Akala ko talaga dumating na ang savior namin. Ngunit hindi pa pala kaya kumawala na ako sa pagkakahawak niya at aktong hahabulin na yung magnanakaw ng pigilan niya ulit ako. "Sandali, wag mo nang habulin hayaan mo na lang. Alam mo ba ang modus ng mga magnanakaw ngayon? Pahahabulin ka nila at iiwan mo naman dito sa daan ang iba mo pang gamit mo pero pagbalik mo? Siguradong ang mga ito naman ang mawawala." Tukoy niya sa iba ko pang mga maleta na nasa may paanan ko. "Pakitingnan na lang ang mga gamit ko pare ha." Nagmadali na akong tumakbo at di na nagpapigil pa. Sa ngayon ay yung scholarship certificate ang mas mahalaga kesa sa mga damit ko sa maleta. Kahit tumatakbo palayo ay narinig ko pang binilin naman nung lalake ang mga gamit ko sa babaeng kasama niya. "Babe, pakibantayan." "Babe! Babe!" Panay naman ang tawag nung babae dun sa lalake pero tumakbo pa rin ito at sa bilis niyang tumakbo ay nauna pa siya sa akin. Mukhang seryosos siya na tulungan akong habulin yung magnanakaw. Dalawa na kami ngayong humahabol dun sa magnanakaw. Ilang liko din ang ginawa namin at ilang eskinita ang dinaanan hanggang sa ma-trap namin yung kawatan. "Kuya! Ibalik mo na yan, masamang magnakaw!" Sigaw nung estrangherong tumulong sa akin dun sa mama at naka-extend pa yung kamay niya upang dahan-dahang lumapit dun sa magnanakaw. Humugot ng kutsilyo yung masamang lalake at nagbanta. "Wag kayong lalapit kundi laslas iyang mga bituka niyo!" Ngunit lumapit pa rin yung lalakeng nagpapaka-bayani kaya inaktohan siya nito na sasaksakin buti na lang maagap siyang nakaiwas. Hanggang sa nahuli niya yung magnanakaw sa may palapulsuhan at binalibag hanggang sa tumilapon yung hawak niyang kutsilyo at pati yung bag ko na kinuha mula sa akin. Matapos niyang mapadapa sa sahig yung magnanakaw ay saka naman humabol ang mga guard ng eskwelahan at dinampot yung lalake. "Salamat bata, dati pa namin gustong hulihin ang taong to kasi nambibiktima ng mga estudyante ng MSU. Ngayon nahuli na rin siya sa wakas!" Humarap yung guard sa magnanakaw at tinapakan pa ito sa pisngi. "Sa kulungan ngayon ang bagsak mo!" Nagpalitan pa ng salita yung guardiya at yung kamukha ni tito Levi. "Kayo naman po kasi manong guard, hinay-hinay sa pagpapalaki ng tiyan para nakakahabol kayo ng mga tulad niyang magnanakaw." Pagbibiro niya dun sa guardiya ng school. "Di maiwasan ang bisyo hijo lalo at nasa linya ng ganitong serbisyo." Katwiran naman ni manong guard. "Alam ko po kasi pulis ang papa ko eh. Isa pa yung buntis! Hahaha." "Kaya naman pala bata magaling ka. Anak ka pala ng pulis." "Mga lolo ko din po pulis. Pano manong bahala ka na diyan may pasok pa kami eh." "Sige bata! Sabayan mo na yang kaibigan mo at mukhang namumutla pa rin dahil sa nangyari." Tukoy niya sa akin at tinapik pa nung gwardiya ang braso nung kamukha ni tito Levi. Pagkaalis ng gwardiya at nung magnanakaw ay pinulot nung lalakeng bayani ang tumilapon kong bag at inabot sa akin. "Salamat pare, muntikan ka na kanina." Saad ko sa kaniya matapos kong makuha ang aking gamit at natauhan na mula sa pagkakatulala. "Oo nga eh. Gaano ba karaming pera ang laman ng bag mo at hinabol mo talaga ang lalakeng yun?" Usisa niya sa akin. "Walang pera. Yung certificate ko lang ang di pwedeng mawala." Pag-amin ko. Napapalatak siya ng tawa. "Certificate?! Langya! Muntik na akong masaksak ng wala sa oras para lang pala sa isang certificate? Eh pwede ka lang naman humingi ng copy niyan ah!" "O nga noh? Nawala sa isip ko, nag-panic na kasi ako kanina eh." Hinging paumanhin ko. "Tsk! Hahahaha!" Mukhang idinaan na lang nung lalake sa tawa ang inis niya sa mga pangyayari. Inabot niya sa akin ang kanyang kamay at nagpakilala. "Zeki nga pala." "Ako naman si Akira." "Nice meeting you Akira." Tinapik niya rin ako sa braso. Habang naglalakad pabalik sa gate ng eskwelahan ay nagkwentuhan kaming dalawa. "Bakit mo ba ako tinulungan kanina eh ngayon lang naman tayo nagkakilala?" Tanong ko sa kaniya. "Haha, praktis kasi yun." Natatawa niyang sagot. "Praktis? Saan?" tanong ko naman. "Isa akong 2nd year criminology student" sagot niya. "Ahhhh... kaya naman pala! So balak mong sumunod sa yapak ng ama at mga lolo mo ha Zeki?" Di pa man niya nasasagot ang tanong ko ay sinugod na siya ng sapak ng babaeng kasama niya kanina na hula ko ay kaniyang girlfriend. "Zeki! Loko ka talaga!" Napa-squat si Zeki at di nakapanlaban sa girlfriend ng paghahampasin siya nito ng Hermes na bag. "Aray! Aray! Sidney naman!" "Umiral na naman yang pagpapaka-bayani mo! Pano kung sa susunod matodas ka na ha?!" Naglabasan na ang mga ugat sa leeg nung babae sa kaka-sapak kay Zeki. Ako naman ay walang magawa para awatin ito. Ang hirap naman kasing makealam sa away mag-syota. "Sidney sorry na babe! Di na mauulit!" Nagmamakaawang saad ni Zeki sa kaniyang nobya. "Eto na ang mga gamit nyo!"  Agad nag walk-out yung kasintahan niya kaya nakonsensiya ako. "Pare sorry, nag-away pa tuloy kayo ng girlfriend mo." Hinging-patawad ko kay Zeki. Di ko alam kung matatawa ako o hindi eh kasi ang tapang-tapang niya kanina nung hinahabol namin yung magnanakaw pero takot taman pala siya sa nobya niya. Tumayo na ng diretso si Zeki at inayos ang nagusot niyang damit. "Ayos lang yun, magpapalambing lang yun eh. Nga pala, saan ka ngayon papunta Akira? Mukhang dala mo yata lahat ng gamit mo." "Pupunta ako sa dorm ko." Sagot ko naman. "Talaga? Anong room number mo, ihahatid na kita dun." "Room 306 eh." Tipid kong sagot. "306? Haha! What a coincidence pare! Room mate pala kita!" Natutuwa nitong saad. "Talaga?!" Masayang-masaya din ako nung malaman ko ang magandang balitang yun. "Oo pareng Akira! Halika na! Mukhang nakatadhana talaga tayong maging magkaibigan hahaha. Mahaba-habang taon pa ang pagsasamahan natin eh." "Mukha nga pareng Zeki!" Kinuha na niya ang ibang maleta ko at naglakad na kami patungong dorm. "Ang ganda nitong dorm ah." Sumilip ako sa may bintana at may napuna sa malayo. "Zeki, dorm din ba yung nandun sa dulo?" "Oo pare pero abandonado na yun. Wag kang mag-iisip na gumawi sa lugar na yun ha." Biglang babala nito. "Bakit? Anong meron?" Biglang nananakot na ngayon ang itsura niya. "May multo daw kasi ng isang babae ang naririnig at nagpapakita dun." "Multo?" Nanlaki ang mga mata ko pagkarinig nun. Matatakutin pa naman ako sa multo. "Oo, isang di matahimik na kaluluwa ng isang babae." Sobrang nakakatakot talaga ang paraan ng pagkukwento ni Zeki. "Bakit di matahimik?" Usisa ko. "Nasunog daw kasi iyang dorm na yan kaya nagkaganyan ang itsura. Nakaligtas ang lahat maliban sa isang babae na hindi nakalabas ng kwarto kasi ikinulong sa banyo at pinagkatuwaan ng mga kasamahan niya sa sorority. Kaya nung magkasunog, siya lang ang... namatay. Saktong pinatayo ang bagong dorm na to kaya pinalipat na lang nila ang mga estudyanteng omuukupa doon, sa lugar na ito. Habang nirerenovate ang lumang dorm ay ilang construction worker na ang namamatay. Kaya hindi matapos-tapos ang paggawa sa dorm na yun. Ang sabi pa ng ilang guards na nagroroving may mga pagkakataong nakakarinig sila ng iyak ng isang babae dun na humihingi ng tulong at may isang senior student din yata na inatake nung multo. Kaya naman lahat ng estudyante, takot magpunta sa lugar na yun lalo na pag-gabi." Matapos sabihin yun ni Zeki ay nagsitayuan na ang mga balahibo ko. "Bakit kaya ganun, laging may ghost stories ang bawat school noh?" Tanong niya sa akin. "Hindi ko alam, ngayon pa lang ako nakapasok sa totoong school eh." Kwento ko naman. "Huh? Pano nangyari yun Akira?" Napayuko ako. "Home-schooled kasi ako." "Ah, orphan ka ba Akira?" "Oo, galing ako sa Angels Orphanage." Pagsisinungaling ko. "Kaya naman pala." Napakamot-kamot pa ito sa baba at tila nag-iisip ng malalim. Sunod kong sinuri ay ang loob ng aming kwarto. Double deck ang kama kaya naisip ko tuloy si kuya Cyrus. Kung double deck sana yung kama namin noon sa isla maiiwasan siguro akong masipa ng malikot na yun. :D Hay...kamusta na kaya sila? San ko kaya sila sisimulang hanapin? "Akira, kakain ako ng tanghalian sa labas, sama ka?" Aya sa akin ni Zeki. "Huh? Ah hindi na Zeki next time na lang. Kailangan ko pang hanapin ang ilang kakilala ko dito at magpapa-enrol na rin ako." Pagtanggi ko sa paanyaya niya. "Ganun ba? Sige pare maiwan na kita. Text mo ko kapag may kailangan ka ha." Nakipagpalitan nga siya sa akin ng cellphone number. Lumabas na ako ng kwarto matapos kong mag-arrange ng mga gamit ko.    Matapos magpa-enroll sa kurso kong business administration, naglakad-lakad na ako at nagmasid-masid sa paligid. Nakasalubong ko ang grupo ng mga basketball players na naka-attire pa at nanlaki ang mga mata ko ng isa si kuya Cyrus sa kanila. Masaya ako para kay kuya Cy. Natupad na rin ang pangarap niyang maging varsity player. Mukhang ang sport pa na basketball ang naging daan para makakuha siya ng scholarship at makapag-aral ng libre sa school na tulad nito. Matapos maglakad ang grupo ng mga basketball players sa hallway ay agad silang pinalibutan ng maraming mga fans. Sa dami ng tao na nakikipagsiksikan ay natutulak ako palapit kay kuya Cy. Halos magkadikit na nga ang siko namin kaya imposibleng di niya ako nakita. Tinampulan niya ako ng mabilis na tingin at muli na namang tumingin ng diretso. Dinaanan lang niya ako at ni 'hi' ni 'ho' wala siyang binigay. Ito na pala yun, ang laging bilin nina ate Kai at tita Demi sa amin, ang wag kilalanin ang isa't-isa. Pero okay na ako kahit dinedma niya ako. Naiintindihan ko naman na natatakot siyang mapahamak ako katulad ng kapatid niyang si Darius. Masaya na akong malamang nasa-paligid lang siya at alam kong tuwang-tuwa na rin yun di nga lang niya maipakita. Muli akong lumingon at pinagmasdan ang papalayo niyang likuran. Isang taon lang kaming di nagkita pero ang dami nang nagbago kay kuya Cyrus, tumangkad pa siya lalo ng ilang pulgada at mas nagkaroon ng korte yung mga muscles niya sa braso. Di naman niya pinabago ang kulay ng buhok niya kaya stand-out na stand-out pa rin siya sa pula niyang buhok. Halata ding sikat na sikat siya at kilala sa school. Pero sa grupo nila mukhang hindi siya yung leader. Yung nasa unahan ang leader pero mukhang si kuya Cyrus pa rin ang crowd favorite. Pero sa kabila ng kasikatan? Mukhang nanatili pa rin yung pagiging humble niya na siyang dahilan siguro kung bakit mas marami siyang tagahanga. Tatalikod na sana ako ng may babaeng kumuha naman ng atensiyon ko mula sa unahan. Balingkinitang babae, maliit, tsinita at pula rin ang buhok na tulad kay kuya Cyrus. Nag-buklat ito ng banner na may nakasulat na I Love you Cyrus! Walang iba kundi ang kapatid niyang si- Tiffany? Kinikilig ito na lumapit at humalik sa pisngi ni Cyrus at ang mga kasamahan niya ay ganun din ang ginawa. Nagpa-picture sila at nagawa pang sumelfie kahit nasa gitna ng daan. Samantalang yung grupo nina kuya Cyrus ay deadma naman sa pang-haharass ng mga grupo nina Tiffa na base sa mga suout nila ay alam kong natupad naman niya ang pangarap niyang maging cheerdancer. Bakit ganun? Akala ko ba nagkasundo na kaming lahat na di magpapansinan? I get it, nagpapanggap lang siguro si Tiffa na patay na patay kay Cyrus upang makalapit siya dito. Hmmm... magandang technique nga naman yung naisip nila. Ang galing, Imperial talaga! Siguradong hindi na sila pagdududahan ng mga kalaban dahil kung magpinsan o magkapatid sila magiging i****t yun. Kaya kung magiging affectionate si Tiffa kay Cyrus mababawasan ang pagdududa na magkadugo sila at may lahing Imperial. Mahusay na paraan. Talagang tinupad nila ang kanilang pangako sa isa't-isa na gagawan nila ng paraan upang magkasama pa rin sila. Napailing na lang ako at itinuloy na ang paglalakad palayo upang hanapin ang kinaroroonan ng iba ko pang mga pinsan. Pagdating sa bandang unahan ay nakita ko naman si kuya Earth na nag-mamagic at pinapalibutan ng maraming estudyante. Si kuya talaga, hanggang dito dinala ang pagiging card master niya. Buti na lang may napagkukunan pa rin siya ng ikabubuhay, ang alam ko kasi sa aming magpipinsan siya yung hindi nag-take ng scholarship kasi wala namang scholarship sa pagmamagic. Sabi pa niya handa siyang pumasok kahit sa perya matustusan lang ang pag-aaral niya. Hindi naman ako nagdududa sa kakayahan niya. Noon pa man fan na ako ni kuya Earth sa husay niya sa magic tricks. Kuya Earth, masaya akong malaman na kahit wala kang scholarship ay nandito ka pa rin sa school na ito. Siguradong hindi madali ang buhay para sayo pero alam kong kaya mo yan. Sa parehong spot ay nakita ko ring umaaligid sina kuya Clyde at Nickel na nakiki-usyoso rin sa magic show ni kuya Earth. Napansin kong panay ang dikit ni kuya Clyde sa isang babae. Ilang sandali pa ay nagulo ang buong lugar nung sampalin siya nung babae. "Bastos ka! Manyak! Manyak!" Sigaw nung babae. Lumikha yun ng malaking eksena lalo na nung dumating si Maki at kinarate si Clyde. "Bastos ka! Wala kang galang sa babae!"  Sigaw ni Maki na siyang pinagtataka ko. Anong nangyayari? Bakit sila nag-aaway? At bakit nakatingin lang si kuya Earth at Nickel sa kanila? Bakit wala silang ginagawa? Kahit magkasakitan ba yung dalawa paninindigan pa rin naming di kami magkakilalang lahat? "Aray!!!!" Sigaw ni kuya Clyde matapos pilipitin ni Maki ang kamay niya at sinakyan pa siya nito sa likod saka ninudnod ang mukha sa lupa. Aawat na sana ako ng maramdaman kong parang may mali. Hindi kaya- acting lang ang lahat ng ito? Tama! Siguradong palabas lang ang lahat pero bakit? Anong dahilan at kailangan nilang gumawa ng ganitong eksena? Hinanap ng mga mata ko ang iba ko pang pinsan na sina Nickel at habang ninunundnod ni Maki ang mukha ni Clyde sa lupa ay nakita kong panay naman ang pagnanakaw ni kuya Nick sa mga bulsa nung mga estudyante na naki-usyoso dun sa nangyayaring kaganapan. Ibang klase! Halatang wala ng makain ang mga to kaya kumakapit na lang sa patalim. Hay... kuya Nick naman kala ko ba kaya mo kahit construction worker? Bakit ngayon nagnanakaw ka? Hay naku talaga! (Face palm) Sunod naman na dumating si Acer at dinampot kunwari yung si Clyde. Umupo na lang ako sa isang upuan sa may lounge at relax na tinitingnan ang mga susunod na eksena. Parang palabas lang kasi ang ginagawa nila eh and I'm starting to enjoy it. "Gov. yan yung p*****t na lalakeng humipo sa akin oh!" Sumbong nung babaeng namolestiya umano ni kuya Clyde. "Ganun ba?" Pinatayo ni Acer si Clyde. "Sige, dadalhin ko na to sa DSA ng madisiplina ng mga guidance councilor." Sagot naman ni kuya Ace. "Sige gov. salamat talaga! at Salamat din sayo miss Tamaki, ang galing mo talaga!" Panay ang yukod nung babae sa dalawa kong pinsan at talaga namang tinuring pa niyang mga bayani ang mga ito ha? Kung alam lang niya! "Walang anuman." Yumukod din si Maki sa kaniya. Wow! Biglang ang bait yata ni Maki? Naman, ang husay talaga nilang umarte lahat. Pero ito ang di madadaan sa arte lang, mukhang si kuya Acer ay ganap na governor na ng school na ito. Ang galing! Dati pa man sa isla siya na ang decision maker naming lahat. Magaling kasi siyang mag-weigh ng mga bagay-bagay at marunong din siyang tumanggap ng mga opinyon at mga suhestiyon kaya bagay lang sa kaniya maging governor ng school campus. Pagkatapos ng eksena ay nagsiuwian na ang mga tao pati ang mga pinsan ko. Ang naiwan na lang ay si Nickel na hinuhulog yung mga pera sa daan at si Nayomi naman na nakasunod sa kaniyang likuran ang tagapulot. "Hala! May pera! kapag siniswerte ka nga naman oh!" Bulalas ni Nayomi na nakapulot ng dalawang tig-500 pesos. "Naku Nayomi, lagi ka na lang nakaka-pulot ng malaking pera!" Bulalas naman ng kasamahan niya. "Oo nga eh, swerte talaga! Matagal pa naman dumating yung allowance ko kaya kailangan ko talaga to." Niyakap pa ni Nayomi ang pera at talagang tuwang-tuwa na para bang hulog yun ng langit. Napailing na lang ako sa mga taktika nila upang makakuha ng pera. Para akong nanigas ng lumapit ang grupo nina Nayomi sa akin. Sa kaba ay di ko alam ang gagawin lalo na nung umupo pa si Nayomi sa tabi ko. Nakaupo ako patalikod sa mesa at sila naman ng mga kaibigan niya ay nakaupo paharap sa mesa. "Nayomi ang cute naman ng katabi mo." Narinig kong saad nung babaeng kasama niya. "Hay naku, pag-aaral nga ang atupagin niyo wag yung pag-sa-sight seeing!" Pangaral naman niya sa dalawa niyang kasamahan. Humagikhik yung mga kaibigan niya at nagsimula na silang gumawa ng mga assignment. Ako naman ay nanatiling nakaupo at panay ang ubo. Para kasing biglang nangati ang lalamunan ko na ewan. Di ko lang siguro inexpect na makakatabi ko ulit si ate Nayomi ng ganun o di lang talaga ako sigurado sa dapat kong iarte. Kararating ko lang kasi sa malaking unibersidad na yun kaya may culture shock pa ako. Makalipas ang ilang minuto ay natapos din ang mga ito at umalis na. Nung humarap na ako sa mesa ay saka ko lang napansin na naiwan ni ate Nayomi ang notebook niya. Kinuha ko yun at ibabalik sana sa kaniya ng di ko na sila nahabol pa. Binasa ko ang laman ng notebook niya at sa bandang gitna ay may nakaipit nang pera. Iniwanan niya pala ako ng 500 pesos. Mukhang yun ang parte ko sa ginawa nilang pagnanakaw sa araw na ito. Hay, mukhang alam nilang wala talaga akong kapera-pera kaya inabutan nila ako nito. Meron ding nakasulat dun. Old Dormitory Sunday, 1am - 3am Hanggang makabalik na ako sa kwarto ay yun pa rin ang iniisip ko. Bakit nila ako papupuntahin sa old dormitory? Hindi ba nila alam ang mga kwento-kwento tungkol dun? Sunday? Di ba bukas na yun? Pupunta ba ako? Pero natatakot ako. Pero kapag hindi naman ako pumunta, mawawalan ako ng pagkakataong makita ang mga pinsan ko. Ah! Bahala na nga! Ala-una ng madaling araw... Malalim na ang gabi at walang katapusan ang alulong ng mga aso. Nagsimula nang manginig ang kamay at tuhod ko habang naglalakad sa madilim na daan patungong old dormitory na ang tanging hawak lang ay maliit na flashlight. "AWOOOOOOOOHHHHHHH!!!!" Ayan na naman ang alulong ng aso shet! Panay din ang tingin ko sa itaas ng rooftop. Sa oras na may maaninag akong babaeng nakaputi dun talagang sorry na lang dahil tatakbo talaga ako pabalik sa new dorm at magtatakip ng kumot! Nakiisa pa ang malamig na hangin na nanunuot kahit sa makapal kong jacket. Langya talaga! Di naman ako natatakot sa multo nung nasa isla ako ah, kaya bakit ngayong nasa siyudad na ako ay saka pa ako tinablan ng takot? Pagkapasok ko sa loob ng gusali ay panay ang dasal ko na wala sanang sumalubong sa akin. Nung pakiramdam ko ay may aninong nakasunod sa akin ay napapikit na lang ako. Hanggang sa may malamig na kamay na humawak sa balikat ko kaya ako napasigaw ng malakas ng "AHHHHHHHHHH!!!!" "Akiraaaaaaaaaaaaa!!!!" Sigaw din ng mga pinsan ko. Naroon na pala silang lahat upang salubungin ako. "Mga kuya ko! Mga ate ko! Kayo pala!" Naiiyak kong sigaw.  Nagyakapan kaming lahat na para bang wala ng bukas. Maaliwalas na sa lugar dahil pinaandar ni kuya Nickel ang bitbit niyang emergency light. Kaya naaninag ko na ng husto ang mga mukha nila. "Kuya Earth! Kuya Clyde! Kuya Cyrus! Kuya Nickel! Acer! Nayomi! Maki at Tiffa! Namiss ko kayo!" "Kamusta ka na bunsoy?" Naiiyak na hinihimas-himas ni kuya Earth ang bunbunan ko. "Ayos lang ako kuya Earth." Yumakap ako dito at sumingha pa sa t-shirt niyang puti. Kahit binata na ako ay ginagawa ko pa rin yun sa damit ni kuya Earth kasi para naman kaming hindi tumanda eh, wala pa ring pinagbago. Ganung-ganun pa rin kami nung nasa isla kami. "Namiss kita! Buti andito ka na!" Saad ni kuya Clyde sabay yakap sa akin ng mahigpit. "Bakit tayo nagkita-kita dito? Di ba bawal to kuya?" Tanong ko kay kuya Clyde. "Wala namang makakaalam eh, abandonando na tong lugar na to at sinigurado naming walang matapang na taong maglalakas-loob na gumawi dito kahit ang mga rumurondang mga guards." Paliwanag ni kuya Clyde. "Pano niyo nasiguro?" Naiintriga kong tanong. Naging makahulugan ang mga ngiti nilang lahat sa akin. Hmmm... judging by the way they glare parang may ginawa silang kabalbalan na naman. "Nung hanggang bewang pa ang buhok ni Maki binibihisan namin siya ng parang white lady upang manakot sa mga daraang estudyante. Si Nayomi naman ang lumilikha ng mga nakakatakot na tunog gamit ang boses niyang napapa-echo niya at parang nagmumula sa kweba yung tunog. Naaalala mo yung ginagawa niya sa isla? tuwing tinatakot niya tayo?" Tanong sa akin ni kuya Clyde. "Oo nga, nakakamiss yun." Saad ko naman. "Eto sample... ahhhhhh..... awooooollll!!! huhuhuhu... tulong... tulong...." Iba't-ibang nakakatakot na tunog at awitin nga ang nilikha ni Nayomi. Pati mga kaluskos nagagawa rin niya. Sa husay niya ay pwede na siyang dubber kaya mas lalo akong humanga kasi nagkaroon ng silbi ang galing niya sa pag-emit ng mga kakaibang tunog noon sa isla. "At ang pinaka-mabentang drama? Ay ang ginawa ni Clyde." Dugtong naman ni Acer. "Anong ginawa ni kuya Clyde?" Usisa ko naman. "Pinalabas niyang di lang nananakot kundi umaatake din yung multo dito kaya duguan siyang nagtatakbo palabas ng building at humihingi ng tulong sa mga gwardiya." Kwento ni Acer. "So, siya pala yung senior student na inatake umano nung multo?" Tanong ko naman. "Oo, lahat ng kwento kami ang may gawa at kami lang din ang nagpakalat hanggang sa tuluyan nang tinuring na haunted ang lugar na to. Nagkataon namang sa tuwing nirerenovate ito ay may nadidisgrasyang manggagawa dito kaya pinapatotohanan tuloy nun ang aming mga ginawang pananakot." Saad naman ni Nickel at kapuna-puna ang malalim niyang boses habang nagsasalita. Ang laki na talaga ng minature ng pinsan kong ito. "Kaya naman pala. Kahit ako muntikan nang ayaw magpunta dito. Buti na lang nanaig ang kagustuhan kong makita kayo." Kwento ko naman sa kanila. "Wag kang matakot Akira. Simula ngayon ito na ang magiging tambayan nating magpipinsan. Every Sunday, required ang lahat sa atin na magpunta dito." Saad naman ni Tamaki. "Sige. Pero maiba ako, parang kulang yata tayo?" Napansin kong lumungkot bigla ang mukha nila sa katanungan kong iyon. "Si ate Shekainah? Asan na siya?" Tanong ko ulit nung walang sumagot sa akin. "Akira, nung dumating ako dito wala na kasi siya." Sagot sa wakas ni kuya Clyde. "Anong wala? Papanong wala? Bakit wala?" Nagkibit balikat lang silang lahat kaya parang nahuhulaan ko na kung bakit. "Oo nga pala, bakit ba nawala sa isip natin noon ang posibilidad na di natin siya maabutan dito sa school dahil 6 years ang gap natin sa kaniya? Siguradong nagtatrabaho na siya di ba? Ayos lang naman siya di ba?" Sunod-sunod kong tanong. Wala na namang sumagot sa akin kaya bigla akong kinabahan. "Mga kuya at ate, sabihin niyo naman oh na ayos lang siya di ba? Kuya Earth! Magsalita ka naman!" "Akira, di ko alam kung nasaan siya eh." Nalulungkot nitong saad. "Panong hindi mo alam?! Eh kapatid mo siya kaya dapat alam mo! Kuya Clyde? Asan na si ate Kai?" Si kuya Clyde naman ang sunod kong kinulit. "Ewan ko Aki, nung dumating kasi ako dito hindi ko na siya nakita. Tiningnan ko din lahat ng listahan ng mga estudyanteng grumaduate na batch niya pero wala rin. Mukhang hindi siya nag-aral sa school na ito." "Baka naman sa ibang school siya pinag-aral nina lolo." Komento ko naman. "Sana ganun nga." Tipid na sagot ni kuya Clyde. Saka ko naalala ang sinabi ni ate Demi. "Hindi! Hindi!" Nag-hysterical na ako. "Bakit Akira?" Nag-aalala nilang tanong. "May nabanggit kasi si tita Demi habang papunta kami dito na wag daw akong tumulad sa pinsan kong pasaway. Hindi kaya si ate Kai ang tinutukoy niya? Baka tinakasan niya ang mga mafia!" hula ko. "O baka napatay siya ng mga ito! Wag naman sana." Nababahalang saad ni Tiffany na panay naman ang yapos sa kuya Cyrus niya. "Hindi naman siguro. Ipagdasal na lang natin na kung nasaan man siya ay okay lang siya." Pampalubag-loob naman ni kuya Cyrus na kanina pa nakaakbay kay Tiffa. "Humanda talaga sa akin ang mga mafia na yan kapag nalaman kong may kinalaman sila sa pagkawala ni ate Kai!" Matapang namang saad ni Maki. "Ate may contact ka pa rin ba sa mga mafia?" Tanong ko kay ate Tamaki. Habang nagsasalita ay nakuyom niya ang kaniyang palad. "Oo, dinadalaw pa rin ako ni tita Demi upang kumbinsihing maging mafia. Sa susunod na puntahan niya ako ulit itatanong ko na sa kaniya kung anong nangyari kay ate Kai at kung saan nila ito dinala sa Maynila." Halatang nagpipigil lang si Maki sa galit niya.  Ate Kai... sana talaga okay lang siya... hindi ko kakayanin kapag may nangyaring masama sa kaniya. -EndOfChapter3- #NextChapter #MakiZeki    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD