Chapter Seven

1710 Words
“GREENHILLS ba uli tayo?” narinig ni Chad na tanong ni Jeric habang nag–aayos siya ng kanyang mga gamit. Katatapos lang ng practice nila at tulad ng nakagawian ay nagkakayayaan ang mga teammate niya na kumain sa paborito nilang restaurant sa Greenhills na malapit lang sa Ronac Gym na regular nilang pinagpapraktisan. “Sige, doon na lang,” pagsang–ayon ni Troy.  “Pass ako, pare. Uuwi na ako,” ani Chad at isinukbit na ang gym bag sa balikat. Isa-isa niyang nilapitan ang mga teammate at nakipag- high- five. Nag-aangalan ang kanyang mga teammate. “Pass na naman? Pang–ilang pass na ‘yan, ah.”  Ngumiti lang si Chad. “Oo nga. Ano’ng meron sa bahay mo at parang lagi kang nagmamadaling umuwi?” usisa ni Ram. “Wala,” tugon niya. “Tayo ba naman, Chad, eh maglolokohan pa,” kantiyaw pa ni Ram. “Doon na lang tayo sa bahay mo. Ipatikim mo uli sa amin ang caldereta mo.” “Oo nga,” pagsang–ayon ng iba niyang ka-teammate. “Walang laman ang ref ko.Maggo-grocery pa ako,” may katotohanang sabi niya at nagmamadali nang lumabas ng gym. Dumeretso nga ng uwi si Chad. May usapan sila ni Simone na sabay maggo-grocery dahil wala itong trabaho sa araw na iyon. Sa labas pa lang ng gate ay naririnig na niya ang tinig ni Simone habang umaawit. Napangiti siya. Nagre-rehearse siguro ito para sa susunod na singing event. Hindi naman kalakasan ang ginagawa nitong ingay. Sa ganda ng tinig ni Simone, kahit pa mag-ingay ito nang husto, sigurado siyang walang magrereklamong kapitbahay. Iginarahe muna ni Chad ang kanyang kotse sa labas ng gate at pasipol-sipol na pumasok sa bahay. Nagtungo kaagad siya sa kusina. Gaya ng nakasanayan na, kapag alam niyang nasa bahay lang si Simone ay pinupuntahan niya ito. Binuksan niya ang refrigerator at naghanap ng pagkain na maaring dalhin sa dalaga. Gustong-gusto niyang dinadalhan ng pagkain si Simone. Hindi kasi ito maselan at marunong mag-appreciate ng mga ibinibigay niya. Ilalabas pa lang niya ang ham para sa gagawing sandwich nang biglang may kumatok sa back door kasunod ng pagtawag ni Simone sa kanyang pangalan.  Mabilis niyang isinara ang pinto ng refrigerator at pinagbuksan ng pinto ang dalaga. Bumungad sa kanya ang maganda nitong ngiti. “Hi!” bati nito. “Galing ako sa resto kanina. Nag-take out ako ng braised beef noodles. Share tayo?” Itinaas pa ni Simone ang dalang paper bag na may logo ng Mr. Chen. “Wow!” bulalas niya nang marinig ang paboritong pagkain.“Pasok ka.” Kinuha niya ang dala ni Simone at niluwagan ang pagkakabukas ng pinto. Tumalima naman ang dalaga. “Akala ko nagre-rehearse ka. Pupuntahan na sana kita. Maggo-grocery pa tayo, ‘di ba?” “Tapos na kong mag-rehearse. Kumain muna tayo bago umalis.” “All right.” Sandali muna niyang ininit sa microwave ang dala nitong pagkain. Nag-toast din siya ng loaf bread. Ilang sandali pa ay enjoy na kumakain na sila habang nagkukuwentuhan. Matatapos na sila sa pagkain nang biglang tumunog ang buzzer sa labas ng gate. Kasunod niyon ang sunod-sunod na pagbusina ng mga sasakyan.  Wala sa loob na napakamot sa noo si Chad. May hinala na agad siya kung sino ang mga dumating. “I think that’s my teammates. Ugali na talaga nilang biglang sumusulpot dito,” sabi niya kay Simone habang tumatayo. Hindi nga nagkamali ng hinala si Chad. Pitong teammates niya na tila mga higante ang dumating kasama pa si Will, dalawang coaching staff at dalawang ball boys na malapit sa mga manlalaro. Kaagad pinapasok ni Chad ang mga bisita na noon ay nagsisimula nang tumawag ng atensyon ng mga kapitbahay. Ipinakilala niya si Simone sa mga ka-teammate. “Ikaw ‘yong isa sa hosts sa birthday ni Coach Ryan, ‘di ba?” natitigilang sabi ni Ram. “Yes. Ako nga ‘yon,” nakangiting tugon ni Simone. “Dito ka na nakatira? Kaya pala laging nagmamadaling umuwi si Chad,” malisyosong sabi pa ni Ram. Pabirong itinulak ni Will si Ram. “Loko, magkapitbahay lang sila. Sa kabilang unit nakatira si Simone at best friend siya ng misis ko,” paliwanag ni Will. “Ah,” tumatango-tangong sabi ni Ram. May dalang groceries, drinks, raw meat at fish sina Will. Ayon sa mga ito ay bigla na lang nagkayayaan na mag-bonding at nagkasundong lusubin si Chad sa bahay. “Paano ba ‘yan? Hindi na kita masasamahang mag-grocery,” apologetic na sabi ni Chad. Magkatulong silang naghahanda ng snacks para sa mga bisita na noon ay nagkanya-kanya nang umpukan sa garahe, sa sala at sa backyard. Ang mga ball boys naman ay abala sa paghuhugas ng mga hilaw na karne at isda sa lababo. “It’s okay. Tutulungan na lang kitang magluto. Ang dami mong bisita,” sabi ni Simone. Natuwa si Chad sa narinig. “Would you mind joining us later? Yayain mo na rin dito si Margaux para mas masaya,” suhestiyon pa niya. “Sure!” mabilis na tugon ng dalaga. Iniwan muna ni Simone si Chad at hinanap si Will upang sabihan na papuntahin doon si Margaux. HABANG sakay ng taxi, malayo pa lang ay natanaw na ni Simone si Chad na nakatayo sa harap ng gate ng unang unit ng paupahan nito. Kausap ng binata isang matangkad at magandang babae. Kaagad niyang nakilala ang babae. Tulad niya ay tenant din ito ni Chad. Chloe ang pangalan ng babae at isang beses pa lang silang nagkaharap - noong ipinakilala sa kanya si Chloe nang minsang mapadaan ang babae habang bumibili sila ng isaw sa kapitbahay. Simone disliked Chloe instantly. Naartehan kasi siya sa babae nang tumanggi ito nang alukin ni Chad ng isaw at umaktong diring-diri pa. Napakunot-noo si Simone nang makitang pumulupot si Chloe sa braso ni Chad. Nagbawi na siya ng tingin at pinahinto na ang taxi sa tapat ng gate. Bago bumaba ng taxi ay hindi niya naiwasang mainis at makipagtalo sa driver nang malamang malaki ang kanyang babayaran. Sigurado siyang may daya ang metro ng taxi dahil halos doble iyon ng kanyang binabayaran kapag nagpapahatid siya pauwi mula sa supermarket. Gayunman, binayaran pa rin niya ang halagang pumatak sa metro. Napatingin si Simone sa direksyon nina Chad at Chloe nang sinususian na niya ang gate. Bigla siyang naalibadbaran nang makitang nakapulupot pa rin ang babae sa braso ng binata habang nakaharap ang dalawa sa kalsada. Biglang lumingon si Chad sa direksyon niya. Kaagad itong ngumiti nang makita siya. Tinanguhan lang niya ito at pumasok na gate bitbit ang pinamili.  Makalipas ang ilang minuto ay inaayos na ni Simone ang mga pinamili sa kusina nang may kumatok sa pinto. She knew it was Chad kaya kaagad niya itong pinagbuksan. “Bakit ang haba ng nguso mo,” nakakunot ang noong tanong nito habang pumapasok.            “Bad trip kasi ‘yong nasakyan kong taxi,” tugon niya habang isinasara ang pinto. “Ano’ng nangyari? Na-harass ka na naman ba?” concerned na tanong nito. Never siyang nagkuwento kay Chad ng tungkol sa hindi magandang karanasan niya sa pagko-commute. Nalaman nito iyon sa kanyang f*******: post. Kompara sa binata ay mas aktibo siya sa social media. Mahilig siyang mag-post ng mga saloobin -  maganda man o masama - tungkol sa current events at katiwalian sa gobyerno. “‘Yong metro kasi, may daya. Ayun, nakipagtalo na naman ako.” Bumuntung-hininga si Chad. “Bakit kasi hindi ka pa bumili ng kotse?  Afford mo naman.” Umingos si Simone. “Alam mo naman kung bakit, ‘di ba?” Hindi niya kailangan ng kotse. Dadagdag lang siya sa traffic at polusyon sa Metro Manila kung bibili siya niyon. May public vehicles naman na maari niyang sakyan saan man siya magpunta. Saka nagtitipid din siya. Kaya kahit pa madalas na nahihirapan siya sa pagko-commute at mga hostile driver ang nakakasalamuha ay nagtitiis siya. She would spend her hard-earned money as wisely as she could. Umiiling na naglakad si Chad patungo sa dining table bitbit ang isang maliit na plastic bag. “Akala ko pa naman, nakasimagot ka dahil nakita mo kami ni Chloe na magkausap kanina. Baka 'kako nagseselos ka. Ibinigay ko lang ‘yong tickets na hinihingi niya kaya magkausap kami,” paliwanag nito. Amused na sumunod si Simone kay  Chad. Hindi niya malaman kung seryoso ba ito o nagbibiro lang.  “Dapat ba akong magselos?” tanong niya. Tumawa lang ang binata at inilabas ang laman ng dalang plastic bag. “May dumaang fishball vendor kanina pagpasok mo kaya bumili ako. Kumakain ka naman nito, ‘di ba?” “Oo naman,” mabilis na tugon ni Simone nang makita ang fish balls, kwek-kwek at kikiam na nakalagay sa maliliit na paper plates. “Mag-merienda na lang tayo para gumanda ‘yang mood mo.” Sumang-ayon siya. Nagtungo naman si Chad sa refrigerator upang kumuha ng inumin. “Totoo ba ‘to? Two hundred pesos lang ang bill mo sa kuryente?” manghang tanong nito habang nakatingin sa electric bill niya na nakadikit sa pinto ng refrigerator.  “Mataas na nga ‘yan, eh. Doon sa dati kong tinitirhan, one hundred ninety-eight pesos ‘yong lowest bill ko. But usually, less than four hundred pesos lang ang bill ko every month kapag hindi ako nag-a-out of town,” tugon ni Simone bago sumubo ng fishball. “Ang baba pa rin n’on. Anong klaseng pagtitipid ba ang ginagawa mo?” natatawang tanong ni Chad at hinila na ang pinto ng refrigerator. “I only use one fan, TV, and ref. Minsan, DVD or component. Reading light lang sa room kapag gabi. May natural light naman dito kaya hindi ko na kailangang mag-ilaw sa umaga at minsan lang ako kung mag-charge ng phone dito. Bakit ikaw, magkano ba ang bill mo?” “Huwag mo nang itanong dahil magastos ako sa kuryente. Nakakahiya sa two hundred pesos mong bill.” Natawa si Simone. “Afford mo naman, eh. Millions kaya ang contract mo.” Nagkibit-balikat lang si Chad. Nagpatuloy ang kuwentuhan nila habang kumakain. Nang matapos ay nagpaalam na rin si Chad upang maghanda na sa pagpunta sa MOA Arena. May game ang team nito nang gabing iyon. Siya man ay aalis uli dahil magre-rehearse sila ng kaibigang keyboardist para sa kasal na kakantahan niya sa makalawa. “Sumabay ka na sa akin pag-alis ko. Ihahatid na kita sa pupuntahan mo,” sabi ni Chad habang nakatayo sa nakabukas na pinto. “Sa Pasay ang game n’yo, ‘di ba? Sa Makati ang punta ko. Baka ma-late ka sa call time ninyo.” “Hindi ‘yan. Hihintayin na lang kita sa labas after an hour, okay?” “Okay,” tugon niya at tuluyan nang umalis si Chad. Napapangiting isinara ni Simone ang pinto. Masarap talagang maging kaibigan ang binata. Sigurado siyang masuwerte ang babaeng mamahalin nito. Sana lang ay makatagpo rin siya ng lalaking tulad nito na hindi kumplikado ang buhay pagdating ng araw.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD