Chapter Six

3127 Words
NAKAKAILANG pindot na si Simone sa labas ng gate ng bahay ni Chad ngunit hindi pa rin ito lumalabas. Sigurado siyang naroon ang lalaki dahil nakaparada sa labas ng gate ang kotse nito. May ibibigay lang naman siya kaya niya ito iistorbuhin. Kagagaling lang ni Simone sa restaurant ng daddy niya. Minabuti niyang dalhin na lang doon ang sangkaterbang gulay na ibinigay sa kanya ni Chad kahapon upang i-share sa daddy niya na mahilig din sa gulay. Naisipan niyang mag-bake ng eggplant casserole nang makakita ng cheese sa kusina ng restaurant. Nag-uwi siya para kay Chad bilang pasasalamat sa pagbibigay nito ulam at mga gulay sa kanya. Sinamahan niya iyon ng braised beef noodles na isa sa mga nagustuhan nito sa menu ng Mr. Chen. Napabuntong-hininga si Simone nang mapagtantong kaya hindi naririnig ni Chad ang pagba-buzzer niya ay dahil sa malakas na tugtog ng stereo sa sala. Nagdesisyon siyang sa back door na lang ito katukin. Pumasok na siya sa kanyang unit. Ibinaba muna niya ang bag sa sofa bago nagtungo sa kusina at lumabas ng back door. Nakakatatlong katok pa lang si Simone sa back door ay bumukas na ang pinto. Nahigit niya hininga nang muling makita ang magandang katawan ni Chad na ilang dangkal lang ang layo sa kanya. Hubad-baro ito at natatakpan lamang ng tuwalya ang ibabang bahagi ng katawan. Halatang kagagaling lang nito sa shower dahil bahagya pang tumutulo ang buhok. “Hi!” nakangiting sabi nito. “Ikaw ba ‘yong nagba-buzzer sa labas kanina?” “Y-yes,” kandautal pa niyang sagot. “Sorry. Nagsha-shower kasi ako kaya hindi ko gaanong narinig.” Nilakihan nito ang pagkakabukas ng pinto. “Pasok ka na lang. Magbibihis lang ako sandali.” Sasabihin sana ni Simone na may ibibigay lang siya subalit kaagad na siyang iniwan ni Chad. Ilang sandaling nagdalawang-isip muna siya bago sinunod ang sinabi nito. Nagulat siya nang bumungad sa kanya ang maganda at malinis na kusina. Nangingintab ang mga tiles sa lababo at sa sahig. Halatang mahilig magluto ang nakatira roon dahil halos kumpleto ang mga kitchen equipments na naka-display. Karugtong ng kitchen ang dining area.  Ipinatong muna niya ang dalang paper bag na kinalalagyan ng mga pagkain sa dining table at naglakad patungo sa pasilyo. Sa gitna ng pasilyo ay may isang pinto na nasisiguro niyang banyo. Naglakad pa siya hanggang sa makarating sa gilid ng hagdan patungo sa second floor. Sa ilalim niyon ay may isang pinto na baka guest room o entertainment room. Nagtuloy-tuloy pa si Simone hanggang sa makarating sa living room. Impressed na inilibot niya ang tingin sa paligid. Malinis at maaliwalas kasi ang paligid at wala rin siyang nakitang ano mang gamit na nakakalat. Halatang lalaki ang nakatira doon dahil walang anumang abubot at puro puti at itim ang kulay ng buong unit. Bukod sa sala set, TV set, CD at DVD rack na punong-puno nang halo-halong bala at stereo na nasa isang sulok, tanging isang malaking closet na may salamin na kinalalagyan ng trophies at plaques ang makikita roon. Nakatayo si Simone sa harap ng closet at tinitingnan ang mga trophy ni Chad nang maramdaman ang pagbaba nito ng hagdanan. Nilinga niya ito. Nakasuot na ng shorts at simpleng T-shirt ang binata at maayos na nakasuklay ang buhok. Amoy na amoy pa niya ang sabong pampaligo na ginamit nito. “Sorry for making you wait,” sabi nito habang bumababa ng hagdan. “It’s okay. Dinalhan lang kita ng eggplant casserole at braised beef noodles na galing sa resto ni Daddy. ” “Really? Tamang-tama, hindi pa ako nagme-merienda.” Nang makababa ng hagdan ay dere-deretso si Chad na naglakad patungo sa kusina. Napasunod na lang si Simone. Kaagad na binuksan ng binata dala niyang paper bag. “Ang bago naman. Thank you!” nakangiting sabi nito. “You’re welcome,” nakangiti ring tugon niya. “Anyway, I have to go.” Humakbang na siya patungo sa pinto. “Huh? Hindi mo ba ako sasaluhan?” halatang disappointed na sabi nito. “No. Para sa ‘yo talaga ‘yan.” “Pero puwede bang dito ka muna? Kuwentuhan muna tayo.” Bahagyang tumaas ang isang kilay ni Simone. Hindi niya akalain na may-kakulitan din pala ang lalaki. “May gagawin pa kasi ako,” aniya at hinila na pabukas ang pinto. “All right. Pero dadalhan kita ng dinner mamaya, in return for these,” sabi ni Chad at iniangat pa ang hawak na paper bag. “Okay,” sabi agad ni Simone.May hinala kasi siyang magpupumilit pa rin ang kahit na tumanggi siya. Itinuloy na niya ang paglabas ng pinto at walang lingon-likod na naglakad pauwi sa kanyang apartment. NAGKAMALI si Simone sa akalang bihira lang silang magkikita ng kanyang landlord dahil halos araw-araw ay nagkikita sila ni Chad maliban na lang kapag may out-of-town event siya. Pero nagte-text at tumatawag pa rin ito sa kanya para mangamusta. Mahigit isang buwan na ang nakalilipas mula nang makalipat siya ng tirahan at masasabi niyang malalim na ang pagkakaibigan nila ni Chad. Halos araw-araw siyang binibigyan ng binata ng mga tanim nitong gulay. Kapag alam din ni Chad na nasa bahay siya ay kumakatok ito sa back door niya at kung ano-anong pagkain na kadalasang luto nito ang ibinibigay nito sa kanya. Noong una ay nahihiya si Simone na tanggapin ang mga binibigay ng binata pero nang umakto itong magtatampo ay tinanggap na rin niya ang mga iyon. “Ganito talaga ako sa mga kabigan ko kaya masanay ka na,” paliwanag nito nang minsang dalhan uli siya ng bibingka cake. Hindi naman nababahala si Simone sa pakikipaglapit ni Chad sa kanya dahil sa una pa lang ay nilinaw  naman na ng binata ang motibo nito. Naalala pa niya kung paano naging palagay ang kanyang loob kay Chad nang lubusan. Kinagabihan, pagkatapos niyang dalhan  ang binata ng eggplant casserole at braised beef noodles ay kumatok nga ito sa back door niya at dinalhan siya ng hapunan. At dahil kakain pa lang siya at ganoon din ito, nagkasundo silang magsabay na lang. “So, what’s your ideal man?” random na tanong ni Chad nang nagkakape na sila pagkapos kumain. Sandaling nag-isip si Simone bago sumagot. Ano nga ba? Ang alam niya ay never naman siya nag-visualize ng kanyang ideal man. Basta, pahahalagahan at mamahalin lang siya nang tapat ng lalaking mamahalin niya ay sapat na sa kanya. Iyon din ang isinagot niya kay Chad. “Ikaw, what’s your ideal woman?” tanong naman niya. “A simple woman na willing mag-settle down sa Davao kasama ko kapag nag-retire na ako sa PBA,” mabilis na tugon ng binata. “Really? Natagpuan mo na ba ‘yong babaeng ‘yon?” curious na tanong niya. Ilang sandaling natigilan si Chad. Sumandal ito sa kinauupuan at humugot ng hininga bago sumagot. “I thought I’ had found her but I was wrong.” Tumingin ito sa kanya. “I almost got married two years ago, Simone.” Manghang napatitig siya sa binata. “What happened?” “It was a whirlwind romance.Na-love at first sight ako sa kanya kaya niligawan ko kaagad siya. Pagkalipas ng ilang araw ay naging kami na. Our relationship was smooth-sailing. Akala ko siya na kaya nag-propose ako ng kasal kahit two months pa lang ang relasyon namin. But weeks later, nang pinaplano na namin ang aming kasal, na-injure ako. Iyon ‘yong time na ikinasal sina Will at Margaux.” “Naisip ko na baka iyon na ang sign para magretiro ako sa PBA at mag-settle down na sa Davao. Sinabi ko iyon sa fiancee ko pero hindi niya nagustuhan. Hindi niya raw gustong tumira kami sa Davao. I loved her so I agreed to live here tulad ng gusto niyang mangyari. But in the end, bago pa man kami makapamanhikan sa kanila ay nakipaghiwalay siya sa akin dahil hindi pa raw siya handang mag-asawa at marami pa raw siyang gustong gawin sa buhay.” Ilang sandaling hindi  nakapagsalita si Simone. Hindi siya makapaniwala na pareho lang pala sila ng pinagdaanan.  “I almost got married, too,” mayamaya ay sabi naman niya. Natagpuan niya ang sarili na ikinukuwento kay Chad ang nakaraan nila ng kanyang ex-fiancee. “You just let him go, too?” natitigilang tanong ni Chad pagkatapos. Tumango si Simone. “Nasaan na siya ngayon?” “The last time I heard about him was years ago. Nagpunta siya sa London. Doon na niya ipinagpatuloy ang kanyang football career. ‘Yong ex-fiancee mo, nasaan na?” tanong naman niya. “I don’t know. But she went to the States after we broke up. May asawa na rin siguro ngayon ‘yon.” Tinitigan siya ni Chad. “But you're over him, right?” “Yes. Ikaw?” “Matagal na. Pero pagkatapos ng relasyon ninyo, hindi ka pa nagkaka-boyfriend uli?”  Umiling si Simone. “Gusto ko munang magkaroon ng maraming oras sa sarili ko. Ikaw?” “Dalawang beses pa lang akong nagkaka-girlfriend at ‘yong ex-fiance ko ‘yong huli. Pihikan kasi ako sa pagpili ng mamahalin. I never pursue a girl unless I really, really like her,” paliwanag ni Chad.  Pagkatapos ng pag-uusap nilang iyon ay tila nagkaroon sila ng connection ng binata dahil sa past relationships nila. Idagdag pa na pareho silang ulila na sa ina. Kabisado na rin nila ang routine ng bawat isa. Kung wala rin lang ibang commitment si Chad, sa umaga, kapag walang practice ang Energy Lightnings ay sandali itong nagtutungo sa gym para mag-workout, pagkatapos ay umuuwi rin kaagad. Bago mananghali ang practice ng team nito hanggang alas-dos ng hapon. At karaniwan namang alas-kuwatro ng hapon ang call time nito kapag may game ang team. Si Chad ang tipo ng tao na tahimik at mahiyain ngunit makulit at madaldal sa mga kapalagayan na ng loob. Nato-tolerate ni Simone ang ugali at pang-iistorbo ng binata dahil sinusunod naman nito ang sinabi niya: hindi siya iniistorbo  kapag alam nitong tulog pa siya. Totoo rin ang sinabi ng binata na homebody ito. It turned out that they had so much in common. Bukod sa pagluluto at mga halaman ay mahilig din pala ang binata sa leisure trips at sa music. Marunong din itong tumugtog ng gitara at maganda ang timbre ng boses. Hindi man iyong tipong mananalo sa singing competition, but he definitely could carry a tune. Minsan na rin silang nakapag-jamming sa bahay nito isang hapon. Ilang beses na rin silang sabay na nag-grocery at minsan na rin siya nitong inihatid sa trabaho. Naipakilala na rin ni Simone si Chad sa kanyang pamilya nang minsang sumama ito sa kanya sa restaurant. Nagulat at natuwa ang kanyang pamilya dahil kilala ng mga ito si Chad. Mahilig din sa basketball kanyang ama at kapatid at paboritong team sa PBA ang Energy Lightnings. “I think he’s a good guy. Sa tagal ko nang sumusubaybay sa PBA at sa Energy Lightnings, napansin ko na mahaba ang pasensya ni Chad. He’s an intelligent man, a role model, and a good team player. Ang gagaling ng decision- making niya inside the court,” papuri pa ng daddy niya sa binata. Natuwa si Simone sa sinabi ng kanyang ama.Proud din siya sa sarili  dahil nakatagpo na naman siya nang matinong kaibigan. Noong araw na iyon ay nagtungo sa restaurant si Simone para sa kanilang Sunday family lunch. Kung wala rin lang silang trabaho ni Adam kapag Linggo ay regular silang pumupunta sa Mr. Chen kasama ang kanyang sister-in-law upang bisitahin ang daddy nila. “Talaga, Dad, nagpunta rito si Chad?” amused na sabi Simone sa sinabi ng ama habang kumakain sila. Alam niyang ilang beses nang bumisita si Chad sa restaurant kahit wala siya at ilang oras ding nakikipagkuwentuhan at nakikipaglaro ng chess sa daddy niya. “Oo, nag-brunch siya dito kanina. Nag-take out din siya ng braised beef noodles at isang dosena ng Coffeechen.” “Nagustuhan niya kasi, Dad, ‘yong kape mo no’ng pinatikim ko sa kanya. Pero hindi n’ya naman maiinom kaagad ang lahat ng ‘yon dahil bawal sa kanilang mga athlete ang kape, ‘di ba?” “That’s true,” tugon ng hipag niyang si Richelle na isang doktor at ilang buwan pa lang na nakakasal kay Adam. “Binigyan pala ako ng tickets ni Chad kanina para sa game nila mamaya sa MOA Arena, manood tayo, Adam,” anang daddy niya. “Sige po, Dad,” mabilis na tugon ni Adam. “Sama rin ako,” ungot ni Richelle. “Oo naman. Tatlo naman ‘yong tickets na ibinigay ni Chad at patron seats pa.” Tumingin sa kanya ang daddy niya. “Ikaw na muna ang bahala dito mamaya.” “Okay,” mabilis na pagsang-ayon ni Simone. Kapag ganoong inuutusan siya ng daddy niya na mamahala sa restaurant,kaagad siyang sumasang-ayon. Bihirang-bihira rin lang kasi itong mag-unwind. Wala rin naman siyang hilig sa basketball kaya hindi siya nagpumilit na sumama. Alas-tres y medya ng hapon nang umalis ang mga ito. Second game pa ang game ng Lightnings pero gusto rin ng tatlo na mapanood ang first game kaya maagang umalis. Bukas na babalik sa restaurant ang daddy niya at sila na ng mga staff ang bahalang magsara. Nagmando muna sa mga tauhan si Simone at nag-inspeksyon sa kusina bago pumasok sa opisina ng ama upang sandaling magpahinga. MAKALIPAS ang halos dalawang oras ay lumabas na ng opisina si Simone at nagtungo sa dining area. Nagulat pa siya nang makitang madilim na sa labas. Oras na ng hapunan kaya marami na naman silang customers pero dahil sapat ang bilang ng mga tagasilbi nila ay hindi kailangang tumulong ni Simone sa mga ito. Nabaling ang atensyon ni Simone sa LED TV na nasa itaas ng counter nang biglang maghiyawan ang ilang customers dahil sa pinapanood ng mga ito. Akmang magbabawi na siya ng tingin dahil nakita niyang PBA ang palabas nang biglang ipakita sa screen ang mukha ng kanyang landlord. Basa ng pawis ang buhok at uniporme ni Chad habang hinihingal na nakatayo sa free throw area. Gayunman, lantad pa rin ang kaguwapuhan ng binata at tila dumagdag pa sa karisma nito ang pawis sa mukha at katawan. Biglang nakaramdam si Simone ng hindi maipaliwanag na kagustuhang punasan ang pawis ng binata.  Pumito ang isa sa mga referee at ibinigay ang bola kay Chad. He took a shot but missed. Mukhang pagod na ang binata kaya siguro hindi nai-shoot ang bola. Muling ibinalik dito ng referee ang bola at tumira. Sa pagkakataong iyon ay pumasok na ang bola. Muling nagkaingay sa restaurant. Halatang marami sa customers nila ang kampi sa team ni Chad. Nagpatuloy ang laban. Namalayan na lang ni Simone na nakaupo na siya sa isang silya sa isang bakanteng mesa at nakipanood na rin. Matatapos na ang third quarter at sobrang intense ng laro. Do-or-die pala ang game na iyon para sa team ni Chad kaya ganoon na lang ang pagtsi-cheer ng mga fans sa loob ng restaurant - kahit pa mga babae - at sa mismong nanonood sa Arena. If Energy Lightnings lose the game, mae-eliminate na ang mga ito sa Governor’s Cup. Kung mananalo naman ay pasok na ang team sa second phase ng quarterfinals which was the knockout round. Ayon iyon sa isang PBA announcer. Kahit paano ay may alam din naman si Simone sa mechanics at rules ng basketball na itinuro sa kanya ng daddy niya nang minsang makipanood siya rito noon ng NBA. Hindi nagtagal ay nakiki-cheer at nakikipalakpak na rin si Simone kasabay ng mga customer. Alam niyang magaling na cager si Chad dahil sa mga achievements nito but she never thought he was that good. Lahat ng mga tira nito ay pumapasok sa ring ngunit magaling din ang kalaban at kaagad ding nakakapuntos kaya dikit lang ang laban. Tatlong minuto na lang ang natitira sa fourth quarter; lamang ang team ni Chad nang tatlong puntos. Mayamaya ay muling naka-three-point shot ang kalaban. Tabla ang score. Mabilis na naubos ang oras na nagpalitan lang ng puntos ang magkabilang koponan.  Last ten seconds ay lamang ang Lightnings nang dalawang puntos pero nasa kalaban ang bola. The Lightnings tested their defensive skills. Ilang sandali pa ay tumunog ang buzzer, palatandaan na tapos na ang laro. Nagawa ng Lightnings na depensahan nang mabuti ang kalaban kaya nanalo ang mga ito. Habang nagdiriwang ang buong team at mga fans sa loob ng Arena at sa restaurant ay inilabas ni Simone ang kanyang cell phone at nag-text kay Chad. Binati niya ang binata sa pagkapanalo ng team nito. Si Chad din ang itinanghal na best player of the game. Pagkatapos itong interview-hin ng courside reporter ay tumayo na si Simone at may ngiti sa mga labing nagtungo sa kusina. Thirty minutes later, namimili na siya ng kakain para sa hapunan nang tumunog ang kanyang cell phone. Nang makitang si Chad ang kanyang caller ay kaagad niya iyong sinagot. “Hey, congratulations!” muling bati niya. “Thanks. Where are you? Nakita ko dito ang family mo kanina.” “Nandito ako sa resto.” “Bukas pa ba? I’m hungry. Punta ako diyan." “Yes, bukas pa kami.” “I’ll be there. Hintayin mo ako, ha?” “Okay, sige. Hihintayin kita,” aniya at tinapos na ang tawag. Hindi na muna kumain si Simone. Hinintay niyang dumating si Chad upang sabay na silang kumain. Isang oras bago sila magsara nang dumating ang binata. May mangilan-ngilan pang customers nang dumating si Chad kaya na-congratulate at nakapagpa-picture pa ang mga ito sa binata. Kaagad na isinilbi kay Chad ang gustong-gusto nitong braised beef noodles na isa sa specialties ng Mr. Chen. Um-order Nag-order din ito ng kutchay togue at siopao bola-bola. “Thank God we won.Pasok na kami knockout round,” masayang sabi ni Chad habang maganang kumakain. Halatang nagutom ito dahil sa nakakatensiyon na laban ng Lightnings kanina. “Kailan uli ang game n’yo?” tanong ni Simone habang magkaharap silang nakaupo sa isang four-seater table at kumakain din ng braised beef noodles. “Next week pa. Kailangang maipanalo namin ‘yong game para makapasok uli kami sa semifinals or else Bora na kami.” “Bora?” Tumawa si Chad. “Iyon ‘yong biruan na pupuntahan ng isang team kapag na-eliminate na. Puwede nang magbakasyon sa Boracay o kahit saan.” Natawa si Simone at nagpatuloy sa pagkain ngunit maya’t maya ay napapasulyap sa mukha ni Chad, bagay na madalas na nangyayari sa kanya nitong mga nakaraang araw. Ang amo kasi ng mukha ng lalaki at napaka-soulful ng mga mata na may mahahabang pilik kaya masarap titigan. Bilugan ang mukha nito, makapal ang mga kilay, matangos ang ilong, at manipis ang mga labi. Hindi kataka-takang maraming babae ang nahuhumaling kay Chad dahil sa angkin nitong kaguwapuhan at galing sa paglalaro ng basketball. Sa totoo lang, pakiramdam ni Simone ay nagkaka-crush na siya kay Chad. Ang bait-bait kasi nito at nakakataba ng puso ang concern na ipinapakita sa kanya kapag umuuwi siya ng madaling-araw at sinisita siya nito. Gayunman, hindi niya nakakalimutan na hanggang paghanga lang ang maari niyang maramdaman sa binata. “I thought kasama kang manonood ng family mo kanina,” kapagkuwan ay sabi ni Chad. “Bantay kasi ako ngayon dito sa resto. Saka alam mo namang wala akong hilig sa basketball, ‘di ba?” “Pero nanood ka sa TV kanina?” nakataas ang isang sulok ng mga labing sabi nito. “Iyon kasi ang pinapanood ng mga customer dito kanina kaya nakipanood na rin ako,” pagdadahilan ni Simone. Ngumiti lang si Chad at hindi na nagkomento. Pagkatapos kumain ay hindi pa ito umalis ng restaurant. Hinintay pa nitong makapagsara sila upang sabay na silang umuwi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD