Napasapo si Darcelle sa kanyang ulo nang magising kinabukasan. May hangover siya. Inuman kasi sila sa isang bar pagkatapos ng reunion kasama sina Claude, Carla, Jenna at Raven. Nagkatuwaan talaga sila. Ilang beses pa silang nag-loveshot ni Claude na ikinaasim ng mukha ni Raven. Sa pagkapilya naman niya ay bumawi siya sa huli. Pumayag siyang makipag-dinner mamaya ayon sa gusto nito.
Babangon na sana siya nang pakiramdam niyang may mabigat na nakadagan sa kanyang tiyan. Napamura siyang nandilat ang mga mata. Si Claude! Katabi niya sa kanyang kama! Napalinga-linga siya. Hindi pala niya apartment ito kundi apartment ng kaibigan niyang damuhong ito na nakayakap sa kanya.
Napatingin siya sa kanyang katawan. Parang nabunutan pa siya ng tinik. Hindi siya hubad. At least isang senyales na walang nangyari sa kanilang dalawa. Pero wait. Hindi niya damit ang suot niya kundi T-shirt nito. She then groaned inwardly.
‘Okay. Nothing happened. Virgin ka pa rin, Darce,’ panigurado ng kanyang isipan.
Lasing na lasing nga siya kagabi at naalala niyang nasukahan niya ang kanyang damit. Dahil sa pinakamalapit ng bar ang apartment ng binata ay kaya dito na sila dumiretso.
Niyugyog niya ang balikat ng lalaking nakadapa.
“Hoy, meow! Gising na! Ihatid mo ‘ko sa apartment ko,” sabi niya sa binata.
Umungol ang binata. Hinila siya pabalik sa kama at niyakap nang mahigpit. Nanlaki ang mga mata niya nang maramdaman ang mainit nitong katawan.
“Mamaya na. Antok pa ako, eh,” anitong umungol na naman at isiniksik ang katawan niya sa katawan nitong half naked. Ganito kasi ito kapag natutulog. Naka-pajama lang at walang pang-itaas.
“Bitiwan mo na nga ako. Gutom ako. Magluluto lang ako.”
Ilang saglit pa siya nitong yakap-yakap bago unti-unting lumuwag ang bisig nitong nakayakap sa kanya. Parang tinahip ang dibdib niya dahil sa ginawa nito. Ramdam niya ang init ng katawan nito at kung gaano iyon katigas.
‘Jusme! Nakakapang-lambot ng tuhod. Parang gusto na ring maghiwalay ng mga tuhod ko para—Oops! Brake, Darcelle! Brake! Huwag kang mag-isip ng kabastusan!’ Parang gusto na niyang sabunutan ang sarili.
“Omelette with bacon sa ‘kin, please,” lambing nito.
“Fine!” Bumuga siya ng hangin.
Bumangon na siya para makapagbanyo muna at nang makapagluto pagkatapos. Mag-a-alas dose na pala nang masulyapan niya ang wall clock sa may kusina. Okay. Solved na ang brunch bago siya makauwi.
“Grabe! Mas lasing ka pa sa ‘kin kagabi,” sabi ni Claude sa kanya nang nasa hapag na sila. Bagong paligo ito at naka-casual na ito ng suot, blue jeans at light blue na T-shirt. Siya naman ay ganoon pa rin ang ayos dahil hindi pa nalabhan ang suot niya. Sinong lasing ba naman kasi ang makapaglaba sa oras na iyon?
“Dapat lang! May driver ako.” Ngumisi pa si Darcelle sa lalaki bago sumubo ng pagkain.
Naiiling ito. “Siyanga pala. Dapat may damit ka rito para may magagamit ka naman kapag sa ganoong sitwasyon imbes na ‘yang T-shirt ko ang gagamitin mo.”
Napataas siya ng kilay. “Hinubaran mo na nga ako kagabi, eh at ito ang ipinasuot mo. What’s the difference?”
Kumibit ang binatang napahagod ng tingin sa kanya. “Naisip ko lang. Baka ayaw mong isuot ang T-shirt ko kahit ang seksi mong tingnan diyan.”
Tumawa siya. “Hoy!” Itinuro niya ang tinidor sa mukha nito. “Kahit anong suot ko, sexy ako.” Inirapan niya ito.
Tumawa ang binata. How she loved that sexy laugh. Parang kinikiliti pati singit niya.
‘Peste! Aroused akong bigla dahil sa tawa niya, ah. Ano ba, Claude? Huwag kang tumawa nang ganyan,’ anang nagrereklamong isipan. Napagtanto na lang kasi niyang parang may likidong dumaloy sa kanyang panties. Napamura siya sa loob-loob niya.
Tumunog ang cell phone nito. “O, Sam. You’re coming? What? Here?” Parang nalilitong anito.
Nataranta siya sa kanyang narinig. ‘Inay ko!’ Baka kasi ma-misinterpret ng girlfriend nito kapag nakita siyang ganito. Kahit sino ba naman siguro ay makaisip talaga ng malisyosa kapag nakikita siyang suot ang T-shirt ni Claude at nasa apartment pa nito.
“Okay,” simpleng sabi ng lalaki na parang kalmante naman. Para siyang matilihan.
“Nandito siya?” tanong niya sa binata nang inilapag nito ang cell phone sa mesa.
Tumango ito. “Yep. Nasa lobby na siya. Paakyat na.”
“Inay ko! Saan ako magtatago?” usisa niya sa binata.
“Bakit ka naman magtatago?” kunot-noong pakli nito.
“Eii! Are you nuts? Baka sasabihin ng girlfriend mong may nangyari sa ‘tin. Tingnan mo ‘tong ayos ko, gago ka!”
Tumawa ito. “Wala namang nangyari. Ba’t ka natatakot?”
Napamaang siya habang pailing-iling ito at pasimple lang na nagpatuloy sa pagkain. Para na naman siyang matilihan. Kahit nga wala siyang dapat na ika-guilty ay ayaw niyang mag-aaway ang mga ito nang dahil sa ‘itsura niya ngayon. Buti kung maintindihin at hindi selosa si Sam, eh rinig pa naman niyang nagseselos ito sa kanya paminsan-minsan. Ultimong picture niyang nasa cell phone ni Claude ay pinagseselosan nito, sabi ng binata. Hindi naman nito dinelete kahit pinag-awayan na. Gago talaga.
Sa kabilang banda ay natutuwa naman siya. Hindi talaga pa-intimidate ang binata sa mga naging girlfriends nito kapag tungkol na sa kanya. May sexy picture siya sa cell phone nito. Iyon yaong naka-one-piece swimsuit siya noong naligo sila sa dagat. Iyon ang pinakaunang high school reunion nila mga six years ago. Alam niyang hanggang ngayon ay nandoon pa rin iyon sa cell phone ng binata. Inaangkin kasi siya nitong girlfriend noon kapag may ayaw itong babae. Picture niya ang ipinapakita. Pang-turn off ng ibang babae ang picture niya kumbaga kung hindi pantakot sa daga.
In turn, may picture din siya ng binata na may half-body shot. Pang-wholesome ang peg pero makalaglag-panty naman ang titig nito. Buhay na buhay ang mga matang nang-aakit. Ang guwapo nito sa kuhang iyon kasi. Kuha iyon noong nag-oath-taking ito pagkapasa ng Bar Exam.
“Iyan na nga ba ang sinasabi ko, eh. Ako palagi ang pain mo sa mga girlfriends mo kung gaano kahaba ang pasensya nila sa ‘yo at kung gaano ka nila kamahal at kung gaano sila nagtitiwala sa ‘yo. Ang galing mo, ‘no?” Inirapan niya ito at nagpatuloy na rin lang sa pagkain.
“Siyempre. Dapat ginagamit din kita sa ganyang bagay.”
“Wow! Twisted ka talaga. Iyan ba ang nagagawa sa pagiging abogado mo, ha?” Naiiling siya rito. “Tch!”
Narinig na nila ang katok sa pinto at binuksan iyon agad ng binata. Siya naman ay nanatiling nakaupo sa may hapag-kainan. Nagulat nga si Sam na makita siya roon at sa suot niyang T-shirt ng binata. Well, why wouldn’t she? Naka-underwear lang siya maliban sa T-shirt ng binata.
“Hon, why is Darcelle here?” anang babae na malamyos ang tinig. Pero kung makatingin sa kanya ay parang gusto na siyang hablutin sa buhok o kaya ay balatan nang buhay at ilulunod sa kumukulong tubig.
“We were drunk. Mabuti nga’t malapit ang place ko sa bar kaya dito na kami. And I can explain about the shirt. She puked all over her dress last night. You want to see it?” sabi ng binata.
‘May ebidensiya nga naman. Asus! Abogado talaga siya kahit sa girlfriend niya.’
Nakikinig lang si Darcelle nang pasimple habang nagpatuloy sa pagkain.
“I see,” sabi ng babae. “Urgh! No need, ah.” Bahagya pa itong ngumiwi dahil naisip nitong ang gross nga naman ng nasukahang damit. Sobrang baho kaya niyon.
Nahuli niya ang paglinya ng mga labi ng babae nang sulyapan niya. Napatikom na lang siya ng bibig. Mukhang mag-aaway na ang dalawa mamaya—kung hindi man ngayon—kapag wala na siya sa presensiya ng mga ito.
Dapat na kasing nagtago siya kanina pa, eh. Nakinig pa siya sa loko-lokong Claude. Pero kung kailangan naman nito ng tulong ay sabihin lang nito at siya na ang mag-e-explain sa babae. Iyon nga lang ay parang hindi kailan man kailangan ni Claude ng tulong kapag tungkol naman na sa relasyon nito sa babae. Sino ba siya para ipagpilitan ang tulong niya kung ganoon? Kaibigan lang siya.
Period.