CHAPTER 3
Itataas na sana ni Liam ang tuwalya para muling maidlip nang tumayo ang isang lalaki sa unahan ng bus at ang isa pa sa kaniyang likod. Napakislot siya nang hinawakan ng nakatayo na sa tapat niya ang kaniyang braso at nakatutok ang baril sa kaniyang sintido.
Nanlaki ang mga mata ni Justine sa kaniyang nakita.
Kailangan niya ng bilis ng isip at kilos para mapagplanuhan ang susunod niyang gagawin. Ito na ang kinatatakutan niya kanina pa. Nangyayari na nga at kitang-kita niya sa mukha ni Liam ang takot at pagkabahala. Siya man ay sandaling kinilabutan sa maaring mangyari dahil isang pagkakamali lang nila ni Liam ay sasabog ang ulo ng huli.
"Hold up 'to! Kung ayaw ninyong masaktan, ilabas na lang ninyo ang kailangan namin sa inyo!" sigaw ng lalaking nasa bahaging harapan ng bus. May hawak din itong baril na itinutok niya sa mga pasahero.
Nagkagulo na ang lahat. Ang kanina ay natutulog sa kanilang mga upuan ay parang nasasaniban sa takot at pag-alala para sa kanilang kaligtasan at sa kaunti nilang hawak na kayamanan. Nagsimulang humingi ng awa ang ilang mga matatanda na hindi sila sasaktan. May umiyak na mga bata at ang mga lalaki ay hindi din alam ang gagawin kung kailangan ba nilang lumaban o ibigay na lang ng gano'n kadali ang kung anong meron sila.
"Ikaw, tumayo ka." Singhal ng lalaking nakatutok ng baril sa sintido ni Liam.
Tumingin muna si Liam kay Justine bago ito nanginginig na tumayo. Sa pagkagulat at takot ay walang maapuhap si Liam na sasabihin. Ngayon lang siya napasok sa ganoong sitwasyon, ngayon lang siya natutukan ng baril. Sa TV at pelikula lang niya dati iyon napapanood. Akala niya, hindi iyon mangyayari sa kagaya niya. Ngunit nasa mundo na pala siya ng masa. Totoong mundong ginagalawan ng mga ordinaryong mamamayan. Abut-abot ang kaba sa kaniyang dibdib. Pinagpawisan siya. Nawala ang kanina ay pagkahilo at ginaw na nararamdaman niya. Batid niyang nasa bingit na siya ng kamatayan. Ngayon na niya higit naiitindihan ang Daddy niya kung bakit ipinipilit nito noon na kailangan niyang magsama ng PSG. Sana lang hindi siya makilala na anak siya ng Presidente.
"Hawakan mo ang bag na ito at isa-isahin nating kolektahin ang mga cellphone at pitaka kasama ng mga alahas ng lahat ng pasahero, kung may problema ka sa sinabi ko, ikaw ang unang totodasin ko, gago!" malinaw na sigaw ng pangalawang lalaki habang itinulak siya para simulan ang pangungulimbat. Kasunod iyon ng paghugot nito sa pitaka at mamahaling cellphone ni Liam.
"Ikaw! Akin na ang cellphone mo at pera!" sigaw ng lalaki kay Justine.
Mabilis namang ibinigay iyon ni Justine saka sa nakita ni Liam na histura nitong takot na takot ay alam niyang wala siyang maasahan sa kasama niya. Hindi siya nito maipagtatanggol. Ano nga ba kasi ang aasahan niya sa mag-e-valuate lang sa kaniya?
"Sige na! Bilisan mo gago!" singhal muli ng pangalawang lalaki kasunod ng malakas na pagtulak kay Liam. Halos madapa si Liam lalo pa't patuloy pa din ang driver sa pagpapatakbo ng bus. Sinabihan kasi ng lalaking nasa harapan na ituloy lang ang biyahe dahil kung hindi ay basag ang bungo ng driver o babaril sila ng kahit sinong pasahero. Nagsimula na ding nanghablot ang lalaki nasa harap ng mga gamit ng mga bibiktimahin nila.
Kitang-kita ni Liam yung pagmamakaawa ng ibang pasahero. Yung kahit barya na lang kung tutuusin ay hirap na nilang bitiwan. Kahit mumurahing mga cellphone ay iniiyakan ng ilang mga kabataan. At masakit sa kaniya na nakikitang ginagamit siya ng mga holdaper para kunin sa kanila ang mga mahahalagang bagay na iyon. Umiiyak na ang ilang mga pasahero. Nang may isang matandang babae na ayaw ibigay ang singsing nito na tanging alaala na daw nito sa pumanaw niyang asawa ay dumugo ang puso niya. Awang-awa siya at napaluha na siya nang makitang tinutukan na ng pangalawang lalaki ng baril ang noo ng matanda. Namutla ang matanda at halos himatayin. Kung may magagawa lang sana siya.
"Ano tanda! Hindi ko sasayangin ang isang bala kung sa'yo lang kami magtatagal. Ibigay mo ang singsing o pasasabugin ko ang bungo mo!"
Hindi na sa kaniya nakatutok ang baril noon kundi sa matanda.
"Ibigay mo tanda o hindi! Bibilangan kita!
"Isa!"
Lalong nagkagulo ang mga pasahero.
"Dalawa"
May mga nakikiusap na din sa matanda na ibigay na lang hinihingi nila para hindi na masaktan.
"Bang!"
Pumailanlang ang isang malakas na putok.
Nagsigawan ang mga pasahero. Alam nilang ang matanda na ang una nilang binaril. Si Liam man ay napapikit na din dahil alam niyang sumabog na ang bungo ng matandang babae.
Ngunit nagkamali siya.
Ang isang holdaper na nasa harap ang may pinakamalakas na sigaw na noon. Tumilapon ang hawak nitong baril at duguan ang braso nito. Kasunod ng isa pang putok na tumama sa mismong balikat naman ng pangalawang holdaper na may hawak na baril.
Nakalabit pa ng pangalawang holdaper ang hawak nitong baril bago nabitiwan ngunit sa bintana ito tumama. Noon na nagtulung-tulong ang mga naroon kalalakihan para hindi na muli pang mahawakan ng mga holdaper ang kanilang mga armas.
"Sige, isang pagkakamali lang mga tol, bungo na ninyo ang tatamaan ko!" buo ang pagkakasigaw ni Justine niyon.
Pinagtulung-tulungan na ng mga pasahetrong gulpihin ang sugatang dalawang holdaper at ipinadiretso na ni Justine ang mga nasukol nilang masasamang loob sa kalapit na police station. Ang mga pulis na ang humawak sa mga salarin pagkatapos niyang magpakilala. Dahil sa tinamong sugat ng mga ito ay kinailangang dalhin muna sa hospital ang mga nabaril ni Justine. Pinalakpakan siya nang siya na ang huling sumakay muli sa bus. Isa-isa niyang ibinalik ang mgakinuha sa mga pasahero. Maliban sa pagmamay-ari ng isang katulad niyang pasahero din. Lahat ay nagpapasalamat sa ipinakita niyang kagitingan.
Nang nasa stop over na sila ng Bus sa bahanging Santa Fe, Nueva Vizcaya ay muling pinagmasdan ni Justine si Liam na kanina pa ay hindi mapakali. Hindi na sila nag-uusap mula kanina. Alam niyang ninenerbiyos pa din si Liam sa nangyari. Malamang din na pinag-iisipan na siya at mukhang kapag tinanong siya tungkol sa lihim nila ng Presidente ay tagilid na sila kahit pa gagalingan niya ang pagtanggi.
"Sir, hindi ka ba nagugutom o naiihi?" magalang na tanong ni Justine.
"Ikaw nagugutom ka ba o gusto mong umihi?" bumalik lang ang tanong.
"Kung gusto mo din."
"Bakit kailangang ako din?"
"Bakit ayaw mong maging sanggang-dikit tayo?" nakangiting biro ni Justine.
"Ang sabihin mo, dahil PSG ka? Pinadala ka ni Daddy hindi lang mag-evaluate sa immersion ko, kundi isa ka ding PSG?"
"Ano hong pinagsasabi ninyo? Bakit ba parang sa tuwing nag-uusap ho tayo e, parang laging lumalayo sa talagang usapan? Ang tinatanong ko lang, kung gutom ka at gusto mo munang bumaba kasi aabutin pa ng lima hanggang anim na oras ang biyahe natin."
"Ikaw na lang." mapaklang sagot ni Liam.
"Hindi puwede e!" pagtutol ni Justine pero tumayo na ito.
Dumaan sa harap niya ngunit hindi ito umaalis sa tabi niya.
"Tara na! Nagugutom ako saka naiihi din." Muli niyang ibinunggo ang siko nito sa balikat ng nakaupong si Liam.
"Ayaw ko nga!"
"Aysus! Sige naman na sir!" hinawakan ni Justine ang isang kamay niya.
Napalunok siya.
Hinila na siya habang hawak siya sa braso.
"Bitiwan mo nga ako! Ano ba!" tinanggal niya ang kamay ni Justine.
Lalong mukhang nairita.
"Tara na kasi! Hindi nga kita kasi puwedeng iwan saka kahit hindi ka magsabi sa akin, alam kong nagugutom ka na kaya puwede bang bawas-bawasan ang tigas ng ulo. Sige ka, kung ayaw mo, bubuhatin kita!"
"Ayaw ko!" pagmamatigas pa din ni Liam.
Umiling si Justine.
Huminga nga malalim.
"Tindi talaga ng pagkakunat ne'to!" naisip niya.
"Kapag sinasabi ko, ginagawa ko talaga kaya huwag mo akong subukan sir! Bubuhatin kta pababa dito sa bus! Ano, ayaw mo talagang tumayo?"
Kumunot ang noo ni Liam. Nagsimula nang gumalaw ang mga kamay ni Justine para buhatin siya ngunit mabilis na tumayo ang naiiritang si Liam.
Napangiti siya. Hindi naman siya talaga sira-ulo para buhatin ang isang kapwa niya lalaki sa ganoong kadahilanan lang 'no. Sinusubukan lang niya ito at kumagat din naman. Mukhang alam na niya ang kiliti ng First Son.
"Kasi naman eh!" singhal ni Liam. "Sige, bababa na ako pero magtutuos tayo at gusto kong sumagot ka sa akin kung ano ang totoo."
Napangiti si Justine.
Mukhang alam na niya kung tungkol saan ang sinabi nitong pagtutuos.
Magkasunod silang bumaba.
Dahil public toilet, mabaho ang CR. Para kay Justine, sanay na siya sa ganoong amoy ng mga public toilet ngunit ang anak mayamang si Liam, bumabaliktad ang sikmura nito kahit pa tinangka na niyang pumasok kanina ngunit mabilis din siyang lumabas kahit nasa bukana palang siya ng pintuan ng CR.
"Naiihi ako, umihi ka naman!" si Justine. Sumunod sa lumabas na si Liam.
"Ayaw ko nga. Naduduwal ako sa amoy! Bakit ba pati sa pag CR kailangan nating magkasama. Hindi ako aalis dito. Hindi kita iiwan! Okey? OA na'to na kahit simpleng pag-ihi lang ay kailangan pa nating pag-awayan."
"Look, kung sana may PSG pa tayong kasama, hindi ako ganito kaistrikto sa'yo. Hindi ako matatakot na malingap kahit sandali lang. Alam kong gusto mo ding umihi kayang lang nababahuan ka dahil public toilet ito. Sorry, ha, hindi kasi kami mayaman, mas madami ang kagaya naming mahihirap na nagtitiis sa ganitong buhay kaysa sa inyong mayayaman na nakakulong lang sa matiwasay at gintong mundo." Hinugot niya ng panyo niya sa kaniyang bulsa saka niya iyon itinali palibot sa ilong ni Liam ngunit agad na nagreklamo ang huli.
"Ano naman 'to!" tinabig niya ang braso ni Justine.
"Ayaw mo ng amoy di ba? Hayan makakatulong 'yan para ang mabango kong panyo ang maamoy mo at hindi ang mapanghing CR. Tara na." hinawakan na naman siya ni Justine sa braso. Sa tuwing ginagawa niya iyon ng madalas ay lalong tumitindi ang pagkuryente niya. Lalo pa't nasa mismong ilong na niya ang amoy ni Justine. Ang amoy na una niyang napansin noong nabangga niya ito sa Malakanyang. Ang pabangong malakas ang dating sa kaniya.
Nang umiihi sila sa urinal ay sabay sila. Nakayuko siya habang umiihi samantalang si Justine naman ay nakatingala.
"Shettt! Huh! Sarap!" may libog ang dating sa kaniya ng pagkakasabi ni Justine niyon. Lumingon pa ito sa kaniya saka kumindat.
Sinimangutan niya ito at muling yumuko. Kaya lang hindi din siya nakatiis, sumulyap pa din siya kay Justine at hindi niya alam kung bakit natutuwa siyang pinagmamasdan ito ng malapitan lalo na nang makita niyang nakatingala ito sa kisame ng CR na parang kinikilig.
Ano kaya kung nakawan niya ng lingon ang hawak ni Justine? Yung pasimpleng lingon lang para malaman niya kung may ipinagmamalaki ito. Pakiramdam niya kasi baka mas malayong pinagpala pa siya sa sukat at haba. Nang pinapagpag na ni Justine ang ari nito ay nagbago ang isip niya. Para naman yatang napaka-cheap niya kung gagawin niya iyon. Isa pa, hindi sila talo. Kay Bobby lang ang puso niya at ginagawa niya ito para lang din kay Bobby.
Pati sa pagpili ng makakain ay mukhang pihikan din si Liam ngunit nagsisimula na ang immersion nito mula nang iniwan niya ang Malakanyang. Kakain siya kung ano ang kakainin niya. gagawin niya ang lahat ng ipagagawa niya. Ngayon siya na muna ang amo ni Liam. Siya ang hari at ang tanging masusunod. Malinaw iyon sa usapan nila ng Pangulo.
Nag-order siya ng dalawang order ng lugaw with chicken and egg at dalawang softdrink. Habang hinihintay niya ang kaniyang order ay panay ang lingon niya kay Liam na mukhang may hinahanap sa bulsa nito.
Napangiti siya.
"Hawak ko ang buhay mo ng isang buwan o higit pa kung di ka titino." Naisip ni Justine
Inilapag niya ang lugaw sa harap ni Liam.
Huminga ng malalim si Liam saka itinulak ng bahagya palayo sa kaniya ang pagkain.
"Wala na ba silang mas matinong pagkain? Kahit sana chicken sandwich or a waffle lang! For God's sake Justine, I am not eating congee!"
"E, di bumili ka ng gusto mo do'n."
"Nawawala ang pitaka ko at cellphone. Hindi kasi naibalik sa akin nang kinuha iyon ng holdaper eh. Alam mo kung nasaan? Di ba ikaw ang nagbalik sa mga gamit ng mga pasahero kanina?"
"Ang cellphone at pitaka mo, maibabalik iyon in due time. Sa ngayon kung ano ang nakalagay sa harapan mo, iyon ang kakainin mo. Magkakapera ka kung pagtratrabahuan mo. So you start with nothing. Kung may bibilhin ka sa baryo, iyon ay galing sa kikitain mo sa bukid." Malinaw ang pagkakasabi niya doon. Gusto niyang maintindihan ni Liam ang lahat.
"Sorry Justine! Wala nang immersion. Wala ng kuwenta ang lahat ng ito."
"At paanong wala ng immersion?"
"PSG ka hindi ba?"
Hindi siya sumagot. Alam niyang hindi bobo at tanga ang first son.
"Sharp shooter at mabilis kumilos ang mga PSG at sa ipinamalas mo kanina, I never doubted that you are really one of them." Pagpapatuloy nito.
"Exactly sir! Wala na pala kayong duda, bakit kailang pa kitang sagutin?"
"Para malinaw na sinuway ni Daddy ang deal namin?"
"At dahil hindi nasunod ni Sir President ang usapan ninyo, anong gusto ninyong mangyari ngayon?"
"Tapos ang immersion. Wala nang bisa pa kung ano ang aming napag-usapan."
"Wow! Akala ko ba nagtapos kayo sa isang kilalang University sa US. Bakit mukha yatang hindi ninyo nagagamit kahit ang inyong common sense lang. Kung hindi kayo ipinasama sa isang PSG and at the same time, sa katulad kong sanay sa buhay mahirap at buhay probinsiya, ano sa tingin ninyo ang mangyayari sa inyo sir? Iniligtas na nga kayo pero parang kayo pa din yung na-agrabyado sa usapan ninyo ng Daddy ninyo. Paano kung wala ako kanina sir at nasaktan kayo? Sa tingin ninyo, ganoon lang kadali sa mga magulang ninyo na tanggaping may nangyari sa inyong masama dahil sinunod nila ang kagustuhan ninyong walang PSG na magtatanggol sa inyong buhay?"
"Sandali ha, mukhang hindi mo naiintindihan kung sino ako sa'yo. PSG ka, first son ako."
"Sa Malakanyang 'yun LIAM!" wala ng "po" at "sir" Malutong na Liam na lang. "PSG ako doon at amo kita, ngunit dito, ako ang master mo and you don't have any other preference than to follow whatever I ask you to do. Ngayon, kung may reklamo ka, kausapin mo ang superior ko dahil ako, sumusunod lang sa trabahong ibinigay sa akin at wala akong pakialam kung sino ang babanggain ko just to accomplish this task." Palabang tinuran ni Justine.
"Okey. Hindi mo ako kaya Justine! PSG ka lang!" singhal nito.
Tumayo siya saka tumalikod.
"At saan ka pupunta?"
"Babalik sa Manila!" sigaw nito. Hindi na lumingon.
"Okey! Ingat!" preskong sagot ni Justine.
Kampante lang itong naiwan at kumain ng lugaw. Napapailing bago uminom ng softdrik.
"Tignan natin kung makababalik ka sa Manila." Bulong nito sa sarili.
Pagkatapos niyang kumain ay tinignan niya ang oras sa pambisig niyang orasan, may 15 minutes pang nalalabi bago aalis na ang bus na sinakyan nila ni Liam.
Paglabas niya sa eatery ay nakita niya si Liam na akyat-baba sa mga Bus na biyaheng Manila.
Napangiti siya.
Isang Bus na lang ang di pa niya naakyat. 5 minutes na lang sasakay na siya sa Bus ng biyaheng Tuguegarao.
Kaya lang dumaan ang 3 minutes nguni hindi na bumaba pa si Liam sa huli nitong pinasok na bus.
"Mukhang nakadenggoy yata ng driver at kundoktor ng Bus ang mokong." Naisip ni Justine.
Hindi lahat ng Pilipino kilala ang First Son. Hindi naman din kasi ito artista at hindi din madalas makita sa mga balita dahil naagapan ang paglabas ng bad publicity ng pamilya ng Pangulo. Sa bad publicity lang naman siya puwedeng lumabas dahil wala naman talaga siyang naitutulong sa bansa kundi ang pasakitin at bigyan lang ng problema ang butihing Presidente. Siya ang humihila sa Daddy niya pababa.
Nagbubusina na ang Bus na sinakyan nila ni Liam.
Kinabahan na siya.
Ngunit napangiti siya nang makita niya ang bagsak na balikat ni Liam na bumaba sa huling bus na inakyat nito. Nang makita siya ay mabilis itong umiwas ngunit wala na silang oras. Kailangan na nilang sumakay kaya hinabol niya ito at hinawakan sa braso.
"Tara na Sir Liam. Walang magpapasakay sa taong walang pera. Gano'n ang buhay. Mahalaga sa lahat ang pera ngayon. Hindi mo sila masisisi dahil karamihan sa mga 'yan ay pamilyadong mga tao at may umaasa sa araw-araw nilang kinikita. May magugutom na pamilya."
"Ayaw ko! Dito lang ako hanggang may magpapasakay sa akin hanggang Manila."
"Magalit ka na sa akin pero hindi mo ako kakayanin. Hindi ako susuko sa katigasan ng ulo mo."
"Ako ang hinahamon mo?" palabang tinuran ni Liam.
"Oo, hinahamon kita! Sorry pero nakahanap ka ng katapat mo Liam at sasabihin ko sa'yong saka ka na lang magpakaamo pagbalik mo ng Malakanyang ngunit dito, habang ako ang may hawak sa'yo, kailangan mong sumunod kahit pa ayaw mo't alam kong mahihirapan ka!"
Kasunod iyon ng paghila niya kay Liam. Pilit tinatanggal ni Liam ang kamay ni Justine na nakahawak sa kaniyang braso ngunit ni hindi niya iyon mapaluwangan. Sobrang lakas lang ni Justine. Nakatingin na sa kanila ang driver at kundoktor ngunit walang pakialam si Justine. Trabaho niya ito at alam ng lahat na nakasakay sa bus na iyon na isa siyang sundalong may mataas na ranggo. Iyon ay dahil isa siya sa mga nagdala sa dalawang holdaper kanina sa police station.
"Sakay na. Gumagawa ka pa ng eksena e." Pakiusap niya kay Liam nang nasa tapat na sila ng pintuan ng bus.
"Ayaw ko!" singhal ng galit na galit na si Liam.
Dahil mukhang hindi ito makuha sa mabuting usapan kaya walang sabi-sabing binuhat niya hanggang sa loob at ibinaba niya sa mismong tabi ng driver.
"Pasensiya na po, medyo may katigasan lang ng ulo ang bunso kong kapatid kaya medyo naantala na ang biyahe." Malakas niyang pakiusap sa mga taong nakatingin sa kanila. "Excuse na lang ho, makikiraan." Nakayuko siyang naglakad sa isle habang hila-hila niya pa din ang nag-iinarteng si Liam. Nagtawanan ang ibang pasahero.
Hindi niya alam kung gaano pa kadami ang kailangan niyang iipuning pasensiya at kung mapagbago ba talaga niya ang First Son. Alam niyang simula palang ito ng kalbaryo niya at gagawin niya ang lahat para babalik sila sa Malakanyang na ibang Liam na ang haharap sa Pangulo ng Pilipinas.
Nang nakaupo na sila ay galit na tinititigan siya ni Liam ngunit sumandal na siya sa upuan niya. Presko itong pangiti-ngiti sabay lingon at kindat. Lalong nairita ang isa at nagpupuyos ang damdamin. Nang susuntukin siya ni Liam sa mukha ay mabilis nitong nasangga at hinawakan niya ang kaniyang dalawang kamay hanggang sa tumulo ang luha nito. Noon lang niya binitiwan ang kamay ni Liam. Yumuko si Liam at pinabayaan niyang ilabas nito ang galit sa kaniya sa pamamagita ng pag-iyak habang nakatakip ang malaking tuwalya sa mukha nito.
Sumandal na lang siyang muli sa upuan niya at pumikit. "Tignan natin ngayon kung sino ang magugutom at mapupuyat. Ayaw mong makinig sa akin kaya magtiis ka!" sinarili na lang niya iyon kahit gustung-gusto sana niyang sabihin sa umiiyak na si Liam sa tabi niya.
Hanggang sa naramdaman niya ang pagsandal ni Liam sa upuan nito. Nang dahan-dahan niyang binuksan ang kaniyang mga mata ay nakita niyang nakatalukbong na ito ng tuwalya. Huminga siya ng malalim. Bata pa nga ang isip ng Liam. Mas nangingibabaw pa kasi dito ang kaniyang pagiging kabataan. Pinilit niyang matulog ngunit hindi niya magawa. Hanggang sa narinig nito ang mabigat na paghinga ni Liam. Nakatulog din ito sa wakas. Inayos nito ang pagkakatalukbong sa kaniya ng tuwalya dahil lumalabas ang braso nito at batid niyang malamig ang buga ng aircon.
Nahuli ng tingin niya ang isang batang lalaki na noon ay gising pa at malayo ang tingin. Tama, ganoon siya kalaki noon. Bumabalik ang nakaraan pagkatapos niyang tumakas sa mapagsamantala niyang Tito.
Pagkatapos mangyari ang kahayupang iyon ng Tito niya ay kinuha niya lahat ang damit niya. Sumuong sa malakas na buhos ng ulan. Nagtatakbo hanggang makarating sa bus station papunta ng Manila. Basam-basa siya noon at ang damit niyang inilagay lang niya sa isang blue na plastic bag ang siya niyang ipinatong sa kaniyang ulo. Dahil may mga tao pa para sa dalawang huling biyahe papunta ng Manila at may sisilungan siya pansamantala sa terminal ng bus kaya doon niya naisipang magpalipas ng gabi. Umiiyak pa siya noon dahil ramdam pa din niya yung sakit sa bahaging iyon nguniy mas nangingibabaw yung kinikimkim niyang galit sa Tito niya. Pinagsamantalahan nito ang kaniyang kahinaan. Wala sa isip niya noon na magagawa iyon sa kaniya ng pinagkakatiwalaan niyang kapatid ng tatay niya. Tuluyang gumuho ang kaniyang pangarap.
Umupo siya sa tabi ng Bus Station at doon siya humagulgol. Awang-awa siya sa sarili dahil hindi na niya alam kung saan siya ngayon pupunta. Hanggang sa may dalawang bata na nagtatakbuhan sa likod niya. Napansin yata nila ang pag-iyak niya at panginginig dahil sa basam-basa siya sa ulan.
"Hoy bata, bakit ka umiiyak?" tanong ng batang lalaki sa kaniya.
Napansin niyang maputi ito, guwapo ngunit payat. Halos magkasingtangkad lang din sila. Nakita niyang magara ang mga suot ng mga ito, halatang mga mayayaman.
Yumuko siya at hindi siya sumagot.
"Nagugutom ka ba?" boses iyon ng isa pang batang babae.
Inabot sa kaniya ang hawak nitong burger na galing sa isang fastfood. Nakikita lang niya ang burger na iyon sa patalastas sa TV doon sa carinderia ng Tita niya noon. Nakakakain din ang pinsan niya noon ng ganoon kapag nag-uuwi ang tita niya ngunit siya, hanggang amoy lang siya sa pinagbalutan ng burger na iyon. Napalunok siya. Muli siyang tumingin sa dalawang bata na mukhang awang-awa sa kaniya. Gusto niyang matikman ang burger na iyon ngunit nahihiya din naman siyang kunin iyon lalo pa't hindi din naman niya kilala ang dalawang batang iyon.
"Sige na, kunin mo na 'to." Pamimilit ng batang babae.
Dahil hindi niya iyon kinukuha ay inilagay na lang iyon sa ibabaw ng hawak niyang platic bag. Napapaluha at nahihiya siyang nagpasalamat.
"Ako pala si Janna saka ito naman ang pinsan kong si Kuya Jay. Ikaw, anong pangalan mo?" tanong ng makulit na si Janna noon sa kaniya.
"Justine." Maikli niyang sagot.
"Justine, anong ginagawa mo dito?" tanong ng batang si Jay sa kaniya.
Hindi niya alam kung kailangan niyang magsabi ng mga pinagdadaanan niya sa mga bagong kakilala ngunit sa katulad niyang bata pa noon, walang makausap at wala ding mapupuntahan ay nangangailangan siya ng makakaramay.
"Tumakas ako sa bahay ng Tito ko. Ayaw ko na kasing tumira pa doon, pinapahirapan niya kasi ako." matuling naglakbay ang luha sa kaniyang pisngi. Nahihiya siyang aminin ang totoong ginawa sa kaniya ng Tito niyang pambababoy. Nakita ng dalawang bata ang mga luhang iyon na nasundan ng di niya mapigilang paghikbi.
"Wala ka bang mga magulang?" tanong ni Janna. "Ako din, nawala na sina Daddy at Mommy dahil sa isang car accident e, pero kinupkop ako ng Tito ko na kapatid ng Daddy ko na Daddy naman ni Kuya Jay."
"Meron pa akong mga magulang kaso nasa baryo sila. Saka, kaya ako umalis sa bahay dahil gusto ko sanang mag-aral. Hindi ako kayang papag-aralin ng aking mga magulang kaya ako nanilbihan sa Tito ko pero hindi naman din naging maganda ang trato niya sa akin kaya ako lumayas." Humihikbi parin niyang tinuran.
Nagkatinginan ang dalawang bata.
Tumingin siya sa malalyo. Nakadama siya ng inggit kay Janna. Mabuti pa siya, may mga kamag-anak siyang nakakapitan. Siya, may kamag-anak ngang nakakaangat ngunit hindi naman naging mabuti ang trato sa kaniya.
"Gusto mong sumama na lang sa amin sa Manila?" tanong ni Jay na sa tingin niya ay magkasing-edad sila.
"Wala akong pamasahe, wala din akong kakilala do'n kahit gugustuhin ko." sagot niya. Pinusanan niya ang luha sa kaniyang pisngi.
"Sandali ha, kakausapin ko si Daddy. Ipakikilala kita sa kaniya." Pamamaalam sandali ni Jay sa kanila at nang bumalik ito ay akay na nito ang ismarte at seryosong Daddy niya.
"Dad, si Justine ho. Kawawa naman ho siya oh, walang matutuluyan, puwede ba natin siyang isama sa Manila?" tanong ni Jay.
"Sige na po Tito. Isama na po natin siya." Humawak si Janna sa braso ng Daddy ni Jay.
"Hindi puwede. Hindi siya makakasama sa atin na hindi siya naipapaalam sa mga magulang niya. Hindi ganoon kadali ang gusto ninyong mangyari. May mga magulang siyang maghahanap sa kaniya." Seryosong paliwanag ng Daddy ni Jay.
"Hindi ba gusto mong sumama sa amin Justine?"
Gusto niyang tumango ngunit naalangan siya. Natatakot din kasi siya kahit papaano. Kung mapang-abuso din ang mamang ito at nasa Manila na siya, lalong mahihirapan siyang uuwi na sa kanilang purok.
Yumuko si Janna at hinawakan siya sa braso. "Sige na, sabihin mong gusto mo. Kami ni Kuya Jay ang bahala sa'yo do'n. Promise, hindi ka naming pababayaan." Bulong nito.
"Kahit gusto pa niyang sumama sa atin, hindi nga puwede. Magulang din ako at ayaw kong basta na lang mawala ang anak ko sa akin." naglabas ng pitaka ang Daddy ni Jay at naglabas ng 200 sa pitaka niya. "Heto, pamasahe mo pauwi sa bahay ninyo. Hindi kita puwedeng isama sa Manila."
Gusto niyang tanggapin ang perang iyon ngunit sa totoo lang, hindi siya sanay tumanggap ng pera na hindi niya pinaghihirapan. Iyon ang turo ng mga magulang niya mula nang bata pa siya. Ang pera, kailangan pinaghihirapan. Kung gusto mong magkapera, kailangan mo munang magbanat ng buto at hindi iyon basta na lang ibinibigay na walang kapalit.
Inilagay niya ang palad niya sa kaniyang likod saka siya yumuko.
"Hindi ko ho matatanggap 'yan sir."
"Bakit? Para makauwi ka na sa inyo? Sinabi kasi sa akin ni Jay na wala kang pera."
"Hindi ho ako sanay na tumanggap ng pera na hindi ko ho pinagpapaguran. Salamat na lang ho." Magalang niyang pagtanggi.
Huminga ng malalim ang Daddy ni Jay at ibinalik na lang ang pera sa kaniyang pitaka.
"Mabait ka ngang bata. Kung may magagawa lang sana ako. Sige, bahala ka. Pero sana makakauwi ka sa inyo at bata ka pa para iwan mo ang pamilya mo, Justine. Ingat ka." Tinapik siya sa balikat at tumalikod na.
Naiwan sina Jay at Janna na malungkot na nakatingin sa kaniya.
"Paano 'yan ngayon? Ayaw naman ni Daddy. Saka kilala ko si Daddy, kung nakiusap ka lang at tinulungan mo kaming magpaliwanag, hindi sana iyon tatanggi e." Si Jay ang unang nagsalita.
"Okey lang 'yun. Saka dito lang naman din tayo nagkakilala. Ngayon nga lang din tayo nagkakausap-usap. Magiging okey din ako." nakangiti niyang sinabi sa dalawa.
Umupo si Jay sa tabi niya.
"Alam mo bang noon ko pa gustong magkaroon ng kapatid na lalaki? Mag-isa lang kasi akong anak. Mula nang ipinanganak ako lagi kong hinihiling kina Mommy at Daddy na bigyan pa ang ko ng bunsong kapatid na lalaki. Malungkot kasi yung mag-isa lang ako lagi sa bahay. Isang taon ko pa lang nakakasama itong si Janna pero iba pa din kasi kung sana may kalaro akong lalaki. Nakikita ko kasing mabait ka, magaan ang loob ko sa'yo kaya gusto ko sanang isama ka namin sa pagbalik namin sa Manila." Bumuntong-hininga si Jay sabay lingon sa kaniya. "Ilang taon ka na ba?"
"13 na ako. High school na dapat nitong pasukan. Kaya lang mukhang hindi na ako makakatapos sa pag-aaral. Kaya ako umalis ng bahay at pinayagan naman ako nina tatay at nanay dahil gusto din nila na makatapos ako. Wala kasi kaming sapat na pera para makatapos lang sana ako ng High School." Tumigil siya. Napahaba yata ang sagot niya sa tanong ni Jay.
"Hayun naman pala e, payag ang mga magulang mong lumayo ka para makapag-aral. Dapat sinabi mo iyon kay Daddy. Nakiusap na ako eh. Kaya nga din siya lumapit. Sayang kasi yung pagkakataon." Sagot ni Jay.
Tahimik lang si Janna na nakikinig sa kanila.
"Okey lang siguro 'yun. Siguro hindi talaga ako papalarin nang makatapos. Salamat na lang sa inyo." Yumuko siya.
"Janna, Jay, paalis na ang bus. Sasakay na tayo!" tawag ng Daddy ni Jay sa kanila.
Tumayo ang dalawang bata sabay ng malungkot na tingin sa kaniya. Nalungkot din siya kasi sa maiksing panahon ay nagkaroon siya ng mga nakausap na kaibigan. Sandaling-sandali nga lang iyon ngunit kahit papaano ay napagaan ng dalawa ang kanina ay bumibigat niyang mundo.
"Salamat sa kabutihan ninyo saka sa burger na'to ha. Ngayon lang ako makakatikim ne'to eh." Nahihiya niyang sinabi sa dalawa.
Sa tinuran niyang iyon ay nagkatinginan ang magpinsan. Lalo niyang nabanaag ang awa sa kaniya ng magpinsan. Naisip niyang siguro nga, sa kanilang mga mayayaman, hindi nila alam na may kagaya niyang burger lang ng Jollibee ay hindi pa nakakatikim sa edad niyang iyon.
"Bye, kuya Justine." Pamamaalam ni Janna. Nakita niya ang lungkot nito sa kaniyang mga mata.
Tinapik ni Jay ang kaniyang balikat. Nagkatinginan sila. Hinawakan niya ang kamay ni Jay na nakapatong sa balikat niya. Nagkangitian sila. Alam niyang iyon na ang huling beses na magkikita sila ng taong nagbigay ng kahalagahan sa kaniya ng kahit ilang minuto lang.
Nang lumapit sila sa Daddy niya ay panay ang lingon nila sa kaniya. Tumalikod na lang siya ng upo. Nakaramdam kasi siya ng hiya lalo pa't batid niyang ipinagpipilitan talaga nina Jay at Janna na isama siya sa Manila. Tumanggi na kanina ang Daddy nila at alam niyang wala na silang magagawa pa.
"Hoy bata!"
Bumilis ang t***k ng kaniyang puso ng marinig niya iyon. Lumingon siya. Nagbago nga yata ang desisyon ng daddy ni Jay ngunit ibang mukha ang nakita niya. Isang guard ang noon ay mukhang galit ang palapit sa kaniya.
"Bawal ang tumambay na namamalimos dito, doon ka sa labas at huwag dito." Pagtataboy sa kaniya.
Luma at punit-punit ang damit niya ngunit hindi naman siya namamalimos. Kasuotan lang ang mali sa kaniya ngunit hindi ang tindig at mukha niya. Ngunit ganoon talaga ang buhay, madalas nasusukat ang pagkatao mo kung ano ang suot at gamit mo sa katawan.
Tumila na din naman ang ulan. Naglakad na lang siya palayo. Nilingon niya muna ang mga nakilala niya na noon ay pasakay na din sa Bus at nahagip ng tingin niya ang malungkot na tingin sa kaniya ni Jay. Kumaway pa ito sa kaniya na sinuklian niya naman ng tipid na ngiti.
Naglalakad siya sa kahabaan ng daan ngunit wala siyang alam na pupuntahan. Di niya alam kung saan siya matutulog. Ni wala siyang pera para magamit niya sa pag-uwi sa kanila. Sana pala kinapalan na lang niya ang mukha niya kanina sa pagtanggap sa inaalok sa kaniyang pera. Ano kaya kung babalik na lang siya sa bahay ng Tito niya? Kaya lang, paano niya masisikmura ang ginagawa ng Tito niya sa kaniya? Nangyari na kasi iyon ng minsan at siguradong maulit pa iyon ng maulit.
Muli siyang napapaluha. Natatakot siya sa daan, kinakabahan siya sa kung hanggang saan siya dadalhin ng kaniyang mga paa, tumitindig na ang balahibo niya kasi paano kung mapagtripan siya ng mga lasing o kaya adik na makakasalubong niya sa lansangan?
Nagulat siya nang biglang may humintong bus sa tapat niya. Binilisan niya ang paglalakad palayo ngunit may tumawag sa kaniya.
"Justineeeeee!!!!!!!!!!!!" Boses iyon ni Jay.
Hindi siya maaring magkamali.
Paglingon niya ay nakita niya si Jay na tumatakbo kasunod ang Daddy nito.
Huminto siya.
Nagtataka kung bakit siya hinintuan.
"Pumayag na si Daddy na sumama ka sa amin basta daw sa isang buwan, bumalik kayo dito. Kung mapatunayan niyang mabuti kang bata, tuluyan kang ipapaalam muna sa mga magulang mo at papag-aralin ka daw niya pero kung salbahe ka, ibabalik ka din niya sa kanila." Masaya at hinihingal na pagbabalita ni Jay.
Sa sobrang saya niya ng mga sandaling iyon ay nayakap niya ang bago niyang kaibigan. Nakangiting tinapik ng Daddy ni Jay ang balikat niya saka sila nagmamadaling sumakay muli sa bus. Ang daddy ni Jay ay siya niyang Deputy Group Commander ngayon at si Jay naman ay...
Naramdaman niya ang paggalaw ni Liam sa tabi niya kaya naputol ang pagbabalik-tanaw niya sa nakaraan. Hanggang sa ang ulo ni Liam ay tuluyang pumatong sa kaniyang balikat. Narinig niya parin ang mahina nitong paghilik. Inalapit na lang niya ang kaniyang balikat para maging komportable ang First Son sa pinakamahaba at mahirap nitong biyahe. Naiintidihan niya ang anak ng Presidente kung bakit ganoon na lang ito mahirap pakitunguhan. Siya sanay siya sa ganitong hirap, batid kasi niyang hindi lang nag-iinarte si Liam. Lahat ng ito bago lang sa kaniya kaya siya na sanay ang dapat umintindi sa baguhan. Ngunit hindi siya dapat maawa, kailangan niyang gawin ito para lumawak ang kaisipan at pang-unawa ng anak ng Presidente sa buhay ng masa. Hanggang sa tuluyan na din siyang nakatulog sa pagod. Pinagbigyan na din niya ang pagbigat ng talukap ng kaniyang mga mata.
Nang magising siya ay magkadikit ang ulo nila ni Liam. Mabilis siyang umayos ng upo at saka inayos ang tuwalyang nakabalot sa katawan ng First Son. Nakita niyang nasa Tuguegarao City na sila at malapit na sa Terminal. Gigisingin sana niya si Liam ngunit nakita nitong nag-inat at tumingin sa kaniya. Nang lingunin niya ito ay mabilis na binawi ni Liam ang tingin at tumingin sa harap ng bus. Hinaplos ni Liam ang kaniyang tiyan. Alam ni Justine na gutom na ito dahil hindi nga niya kinain ang order niyang lugaw kagabi.
Pagkababa nila ng Bus ay ibinigay ni Justine ang bag ni Liam. Kailangan niyang buhatin ang sarili niyang bagahe.
"Nagugutom ka na, sir?" tanong ni Justine kay Liam habang magkasunod silang naglalakad sa lansangan.
"Oo, kanina pa, pero please lang huwag lugaw." Pinangunahan na siya nito.
"Chicharon, gusto mo?" inalok niya ang chicharon na hindi niya nakain dahil nga sa kaartehan ni Liam.
Lalong nanlisik ang mga mata ng kasama.
Minabuti na lang niyang tigilang asarin ito dahil alam niyang nahihilo, pagod at gutom ang taong binibiro niya.
Sa isang fastfood sila nag-agahan. Naisip niya kasing makakakain na din siguro ang First Son kapag doon sila papasok at nakita niya ang ngiti ni Liam. Sinamahan pa nga siya sa cashier para mag-order.
"Bakit ka pa nandito? Hindi ka na lang maghanap ng maupuan natin?" bulong niya kay Liam.
"Ayaw ko, oorder ka na naman kasi ng hindi ko gusto. Kaya ako ang mag-oorder ng kakainin ko." pabulong iyon. Hanggang nang di makatiis ay walang lingong lumapit sa cashier.
"Miss, please give me hotdog with pancake and coffee float." Agad niyang sinabi iyon na parang walang nakitang pila.
"Sir, pipila ho muna tayo, please." Seryosong sinabi ng cashier sabay turo sa may kahabaang pila.
"What? Ako? Pipila?" malakas at hindi makapaniwala niyang tinuran.
Alam ni Justine na may kasunod pa dapat iyon kaya maagap niyang hinila si Liam palayo at ibinalik niya kung saan siya nakatayo at nakapila.
"Remember, first come, first serve ang policy. Ganoon din naman ang naging buhay mo noon sa US hindi ba? Paanong hindi alam na ganoon din dapat dito sa Pilipinas?"
"Look, nakakatikim naman ako galing sa mga fastfood pero never akong pumila o kaya ako yung bumili dito sa Pilipinas. Ahhh! Nakakairita lang kasi! Gutum na gutom na ako!" singhal niya.
"Lahat ng nandito, nagugutom, kaya nga sila matiyagang pumila din. Ngayon, mas mainam na maghanap ka kakainan natin at ako na ang oorder, okey?"
"Fine!" naiiritang sagot ni Liam.
"Wait!"
"What?" lingon niya kay Justine.
"Take this!" ibinato niya ang backpack niya at maagap namang sinalo ni Liam.
"What the...!!! Ihhh!" singhal niya ngunit alam naman niyang hanggang reklamo na lang siya.
Nang mailagay niya ang order ni Liam sa harapan nito ay agad na siyang kumain.
"Sa buong buhay ko, ngayon lang ako nakaramdam ng ganitong gutom! God! Ngayon ko lang na-apreciate ang pagkain." Wika nito habang puno pa ng pagkain ang kaniyang bibig.
Nagulat si Justine sa nakita. Tuluyan yatang nawala ang kaartehan nito. Pati ang alam niyang manner nito sa pagkain. May nakikita na siyang pag-asa na mapapabago pa niya ang first son pagkatapos ng isang buwang immersion.
Bago sila lumabas ng fastfood ay may iniabot sa kanila na madaming order na burger.
"Bakit napakarami naman yata niyan?" naguguluhang tanong ni Liam kay Justine.
"Sa maniwala ka't sa hindi, madaming mga bata sa pupuntahan nating lugar o kahit matatanda na hindi pa nakakatikim nito at gusto kong kahit minsan lang ay matikman lang din nila ang simpleng pagkain na'to." Paliwanag ni Justine.
"Ano, ganoon na lang ba kahirap ang lugar na pupuntahan natin?"
"Tama sir. At magiging bahagi ka ng ng kahirapang iyon sa isang buwan. Isang lugar na walang kuryente at signal ng cellphone. Tanging huni ng mga kulisap ang maririnig mo sa gabi o manaka-nakang alulong o tahol ng mga aso."
"Ayaw ko nang tumuloy! Ayaw ko na talaga!" nauna na itong naglakad palabas ng fastfood. Hinayaan na lang niya. Hindi niya hinabol. Naabutan niyang nakatayo ito sa daan.
"Puwede ka namang umuwi e, iyon ay kung may pera kang pamasahe? Paano kung wala, pati pagkain mo, poproblemahin mo pa." malakas niya iyong tinuran habang nakatayo pa din sa gilid ng daan si Liam.
Naglakad na si Justine palayo kay Liam.
"Tatawagan ko si daddy o ang girlfriend ko." sigaw niya.
"May cellphone ka ba? Alam mo ba kung saan ang sakayan dito? Come on, checkmate ka na e! Wala ka ng laban Liam." Pasigaw din niya iyong sinabi.
Hindi na niya iyon nilingon. Nagpatuloy siya sa paglalakad palayo bitbit ang mga pinamili niyang pasalubong.
"I hate you! I'm f*****g hate you!" sigaw nito.
Napangiti siya. Ang ngiti ay nauwi sa tawa nang makita niyang sumusunod na ito sa direksiyong kaniyang tinutungo.
Sumakay sila ng jeep. Hindi tumabi ang pawisang si Liam sa kaniya dahil halatang banas na banas na ito sa mga pinagdadaanan niyang hirap. Kapag nagkakatitinginan sila dahil halos magkaharap naman sila sa jeep ay nginingitian niya ng pang-asar ang First Son ngunit ang First Son, may suot na itong nakasimangot na maskara. Maskara dahil ang hitsura ng mukha mula ng sumakay sila ng jeep ay hindi na nagbago. Lalong sumama ang timpla nito nang pakiramdam niya malalaglag na at naghalo-halo ang laman-loob nito sa roughroad na tinatahak ng parang Christmas tree sa dami ng pasahero ng jeep.
Maiitim ang mga nakasakayan nilang pasahero, sunog sa araw kaya amoy araw din. Halatang banat sa trabahong bukid ang kanilang katawan at napansin din niya ang nangingitim nilang mga kuko sa kamay at paa. Panay ang tingin sa kaniya ng ibang pasahero.
Si Justine ay panay ang pakikipagkuwentuhan niya sa kanila, nakikipagkamay, nagmamano at halatang kilala niya halos ang lahat ngunit siya, piniling niyang tumahimik na lang. Ayaw na ayaw kasi nitong tinitignan siya. Alam niyang humahanga lang ang mga ito sa maputi at makinis na kutis, namumulang pisngi at labi niya.
Ilang oras ang inabot ng biyaheng iyon. Sumasakit na ang puwit niya at ang buong katawan sa grabeng galaw ng sasakyan ngunit si Justine ay parang wala lang. Panay pa din kasi ang pakikipagtawanan niya sa mga matatandang pasahero. Siya naman ay punum-puno na. Gusto na nga niyang magwala o kaya ay pumara at magpaiwan. Lalo kasing tumatagal ang biyahe dahil sa panay ang hinto ng jeep sa pagbaba ng ilang pasahero. Ngayon lang siya sumakay ng mga pampasaherong sasakyan at sa totoo lang, tuyot na ang pasensiya niya. Sumasabog na siya sa inis.
Hanggang sa huminto ang sinakyan nila at bumaba na lahat ang pasahero. Nakita niyang iyon na ang dulo ng daan. Maputik at pilapil na ng bukid ang natatanaw niya.
"Saan na tayo? Huwag mong sasabihing palalakarin mo ako sa pilapil at sa putikang iyan?" natatakot siyang sasagot si Justine ng OO.
"Hindi pa, dahil alam kong pagod ka, kaya nagpasundo tayo." Nakangiting sagot ni Justine.
"Hay, salamat naman. Anong sasakyan ang puwedeng dumaan diyan sa putikang iyan?" nagtatakang tanong ni Liam.
"Uyy! hayan na pala si Boknoy. Ang sundo natin?" masayang kinawayan ni Justine ang tinawag na Boknoy.
Nakahubad ito ng pang-itaas at nakasakay sa kalabaw. May hila siyang isa pang kalabaw.
"Kuya Jazz!" sigaw ng masayang si Boknoy nang makita sila!
"Sandali lang Justine! Sa kalabaw mo ako pasasakayin? Iyan ang sundo na pinagmamalaki mo sa akin?" takot niyang tanong.
"Oo, bakit ayaw mo?"
Gusto na niyang maiyak. Kagabi pa siya pagod at hapon na muli pero nasa biyahe pa siya,. Ang masaklap ngayon, sa kalabaw naman siya pasasakayin!
"Anong pahirap itong ginagawa mo sa akin daddy! Bakit mo ako pinaparusahan ng ganito?" naupo siya saka niya pinakawalan ang masaganang luha habang nakayuko. Di na niya kasi kayang pigilan ang sarili. Di niya niya kinakaya pa ang lahat. Sukung-suko na talaga siya.
At doon na magsisimula ang mga mahihirap na pagsubok sa buhay ni Liam. Mapagtatagumpayan niya kaya ang immersion o pipiliin nito ang tumakas?