LUNCH
"Uy, teka naman. Kelan pa 'yan sila?" untag ni Bella kay Maggie habang nanananghalian sila sa canteen. Nabitin sa ere ang sana'y pagsubo ni Maggie sa kinakain niya at pinukol ng tingin sina Phil at Stacey na noon ay masayang namimili ng kakainin sa counter ng canteen.
Lihim na rumolyo ang mga mata ni Maggie nang ngumiti si Stacey at inakbayan naman ito ni Phil.
"Mga bwiset na haliparot," bulong niya bago wala sa sariling sumubo ng kanin.
"Hala, judger," nangungunsensya ang tinig na saway sa kanya ni Bella pero nakangisi. "Beke nemen keshe BFF leng."
Tumaas ang kilay niya. "E ano 'ko ni Phil?'
"Old best friend. Nakalimutan, pinalitan," nakangising kantyaw nito.
Umirap na lang siya at tumungo sa kanyang plato. May hatid kasi na kaba, inis at selos ang sinabing 'yon ni Bella.
"Ano 'yon?" pabulong na usisa naman ni Raven na noon ay ang buong atensyon ay nasa pagkain nito.
"Wala," mabilis na sagot ni Bella, lukot ang mukha. "Career-in mo na lang 'yang pagpapataba mo. Pagbutihin mo."
Pumalatak si Raven bago tumingin kay Maggie. "Alam mo Mags, narinig ko, sina Phil at Stacey ang magka-partner sa grad ball."
Suminghap si Bella, tumingin sa kanya.
"Totoo," walang gana niyang sagot kahit wala pa itong tanong.
"Kailan pa?"
"Kanina lang."
Natutop nito ang bibig. "E sino na ang partner mo?"
Nagkibit-balikat siya at muling hinayon ng tingin ang sina Phil at Stacey. Naka-order na ang mga ito at sa kamalas-malasan, nagtama ang mga mata nila ni Phil at kinawayan pa siya ng kababata. Nagpapanic niyang tinignan ang mahabang mesa na inookupa nila, may espasyo pa. Kasya sina Phil at Stacey. Nagkatinginan silang magkakaibigan. Maya-maya pa, ang katabi niyang si Raven ay nagmamadaling umusog pakanan, Inilapag pa nito sa upuan ang knapsack nito upang lalong lumawak ang pagitan nila at magmukhang puno ang puwesto nila. Si Bella naman, inilabas mula sa bag nito ang mga librong ibabalik na nito sa library at ipinatong ang mga iyon sa espasyo sa tabi nito. At siya, natatarantang muling itinutok ang mata sa kinakain niya na parang hindi niya nakita ang mga ito.
"Hi Maggie! Enjoying your lunch?" ani Stacey nang dumaan ito sa likuran niya. Nginitian lang niya ito at si Phil. "Aw, too bad wala nang space sa table nila. Doon na lang tayo sa kabila, Phil." Lumakad ito patungo sa kababakanteng table malapit sa kanila. Walang imik naman na sumunod dito si Phil.
Ilang sandali pa, ang maingay na canteen at mundo nila ng mga kaibigan niya, bigla na lang natahimik. Hindi dahil sa gusto nilang maging prim and proper dahil malapit si Stacey sa kanila, kundi dahil ang mga mata at tenga nila ang nakiki-chismis sa kabilang table.
Mahinhin ang halakhak ni Stacey sa mga banat ni Phil. Nakakairita. Pinukol siya ng makahulugang tingin ni Bella at kapag kuwan'y ay pasimpleng bumelat sa kanya. Si Raven naman, panay ang tikhim kahit na hindi naman ito halatang nabubulunan dahil magana pa rin itong kumakain. Ngayon siya nagsisisi kung bakit sinabi-sabi pa niya sa mga kaibigan niya noong retreat nila noong second year sila ang tungkol sa nararamdaman niya kay Phil.
"Arthur!" biglang bulalas ni Bella. Awtomatikong sinundan ng mga mata niya ang direksyon na tinitignan ng kaibigan. Ilang tables mula sa kanila, nakatayong bulto ni Arthur ang nakita niya. Naghahanap ito ng mauupan at sa kamay nito ay ang tray ng pagkain na sigurado siyang naayon sa diet nitong vegan.
"Ayos na daw sabi Maggie," medyo malakas ang boses na sabi ni Bella bago sumenyas ng thumbs-up sa lalaki. Nalukot ang mukha niya. Walang siyang matandaang sinabi niya.
"Ang alin?" ganting tanong Arthur, malakas ang boses.
"Partner. Sa Ball."
"Ha?" halos sabay nilang tanong nila ni Raven kay Bella. Nakangisi itong tumingin sa kanilang dalawa. Inirolyo ang mata sa direksyon nina Phil at Stacey. Agad naman niyang na-gets ang ibig sabihin ng kaibigan kahit hindi sana iyon ang plano niya. "Sabayan mo na lang. Gusto mo bang mapahiya," bulong pa nito.
Ibinalik niya ang tingin kay Arthur. Alanganin ang pagkakangiti nito sa kanya. Hindi niya alam kung tawag ng konsensiya o 'di naman kaya sadya lang siyang uto-uto, gumanti na lang siya ng pekeng ngiti bago napipilitang nag-thumbs-up din. Lumawak na ang ngiti ni Arthur bago nagmamadaling lumapit sa mesa nila. Inokupa nito ang espasyo sa tabi ni Bella, sa mismong tapat niya. At kahit ayaw niya sanang kausap ang lalaki dahil tungkol lang din naman sa climate change at iba pang social issues ang magiging topic nila, napilitan na rin siya. Kahiyaan na e. Naisip niyang mas magandang kausapin ang boring na si Arthur kaysa ang patuloy siyang mabingi sa mahinhing halakhak ni Stacey sa kabilang mesa.
*****
6:45 PM
Nagbuga si Maggie ng hininga habang hinihintay sa parking lot si Phil. Pasado alas-sais na ng gabi pero wala pa rin ito. Kung hindi nga lang ba siya nag-confirm na sasabay siya rito sa pag-uwi, baka nilayasan na niya ang kababata. Naalala na naman niya si Stacey. Sana naman h'wag na itong sumabay sa kanila pauwi.
Naging aktibo ulit ang mga insecurities niya nang maalala ang babae. At dahil ayaw niyang nagagawi roon ang isip niya, inilabas niya ang cellphone niya at pinasyang i-text ang kababata. Ngunit bago pa man niya mapindot ang send button, inagaw ng mahinang paghagikgik sa 'di kalayuan ang atensyon niya. Lumingon siya at agad niyang nakita sina Phil at Stacey na masayang naglalakad sa pathway patungo sa parking lot. At ayaw man niya, tuluyan nang humulagpos ang pagiging insekyora niya.
Because Stacey, being the beauty queen that she is, was displaying her dazzle like a star meant to be looked at and adored even from a far.
Nagyuko siya ng ulo. Hindi na kailangan ng kumpirmasyon, hinintay talaga matapos ni Phil ang klase ni Stacey para muli nila itong makasabay sa pag-uwi.
"Margarette?" pukaw ng pamilyar na tinig sa kanyang tabi. It was Arthur. "Hindi ka pa uuwi?" nagtatakang tanong nito bago sinapat ang wrist watch nito. "Kanina pa tapoos ang klase natin a. It's almost 7. Gusto mo sabay na tayo palabas, tapos hatid kita sa sakayan?" nakangiting alok nito.
Sandaling nagtalo ang isip niya upang sa huli, mas nakumbinsi siyang mas matatahimik ang isip niyang masipag sa pagiging insecure kung hindi niya makakasama sa pag-uwi si Stacey. Sandali pa niyang sinulyapan ang bulto nina Phil at Stacey sa di kalayuan.
Perfect! They just look so perfect for each other.
Sumikip ang dibdib niya subalit mabilis din na hinamig ang sarili. Nang balingan niya si Arthur, nakaplaster na sa mukha niya ang isang pekeng ngiti bago sinabi ang, "Sige, sabay na tayo."
*****
11 PM
"Maggiepie, galit ka ba?" tanong ni Phil sa kanya nang tawagan siya nito kinagabihan.
"H-hindi. B-bakit naman ako magagalit?" tanggi niya kahit na panay ang irap niya sa hangin.
"E bakit 'di mo 'ko hinintay kanina sa pag-uwi? Dahil ba hindi kita na-text na medyo male-late ako? Kasi naman?"
"Hindi. Wala 'yon. Umuwi lang talaga ako nang maaga kanina," nagmamadali niyang putol dito. Kung anuman ang excuse nito, sarilinin na lang nito. Alam na niya ang totoong excuse nito. Hinintay nito si Stacey upang makasabay nila ulit ito pauwi.
"So, sino kasama mong umuwi?"
"W-wala. M-mag-isa lang ako."
Nagbuga ito ng hininga, natahimik ng ilang sandali bago, "Tulog ka na?"
Rumolyo ang mga mata niya. "Oo at kaluluwa ko na lang 'tong kausap mo. Matakot ka."
Natawa ito. "Labas ka muna ng kuwarto mo. Samahan mo 'ko."
Nangunot-noot siya. "Bakit, sa'n ka ba?"
"Nasa garden ni Mommy. May hinihintay ako."
Hindi pinuputol ang tawag, nagmadali niyang ini-on ang night lamp bago binuksan ang French door patungo sa balcony ng kuwarto niya. Tanaw mula roon ang likod bahay ng mga De Guzman kung saan naroon ang garden ni Tita Clara, ang mommy ni Phil.
Agad siyang kinawayan ni Phil nang makita siya nito.
"Anong hinihintay mo?" tanong niya.
Tumingala ito. "Meteor shower."
"Tapos?"
"Anong tapos? Siyempre hihiling ako."
Natawa siya. "Para kang bata. Hindi naman totoo na nakaka-grant ng wish ang mga shooting stars e."
"Walang hindi totoo sa taong desperado."
Humugong siya. "Desperado ka pa ba niyan e mukhang natupad na nga ang wish mo."
Ang tinutukoy niya ay ang pagiging malapit nito at ni Stacey. Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Ngayon lang niya na-realize na kapag naging si Phil at Stacey talaga, itsapwera na siya talaga sa buhay nito.
Hindi ito sumagot. "Maggie, look up!" anito kapag kuwan.
Agad siyang tumalima. And there she saw the amazing wonder of the heavens? silver streaks of light swiftly cutting across the night sky before disappearing in the dark, never to be seen again. Minsan sa buhay niya, humiling din siya sa mga bituin. At sa paglipas ng panahon, na-realize niya na may mga bagay na kahit ilang beses niyang hingin sa mga shooting stars ay hindi mautupad. And so, she stopped wishing.
"So, it's final. Si Arthur na ang partner mo sa ball?" ani Phil habang nakatingala pa rin sa langit.
"Yes."
Agad na napuno ng disappointment ang dibdib niya. Ito ang unang pagkakataon na iba ang makakapartner niya sa isang socializing event. Mula kasi nang magkaisip siya, kapag partner ang pinag-uusapan, understood na si Phil na 'yon para sa kanya. Pero naiintindihan naman niya, may mga preferences na silang dalawa ngayon. At patuloy pa 'yong magbabago as they embark into the journey of adulthood.
"Final na 'yong alis mo sa Singapore?" aniya maya-maya, nasa langit pa rin ang tingin.
"Oo e. Wala na daw tawad 'yon sabi ni Coach."
The day after the ball, aalis si Phil patungong Singapore para sa professional tennis training nito. Matagal na iyong pangarap ng kababata. High school pa lang sila, gino-groom na ito ng mga trainers para doon. Humirit nga lang si Tita Clara na kailangan magtapos muna si Phil ng college bago ito sumabak sa mundo ng professional tennis. The training would be two years. Walang uwian, iyon ang sabi sa kanya ni Phill.
Dagli ang pagdaanan ng lungkot sa dibdib niya. Iniisip pa lang niya na 'di niya makikita si Phil ng 730 days, parang mahirap na. Hindi bale, may Facetime naman at iba pang social media. Doon na lang niya ito siguro kukulitin kung sakali.
Muling itinuon ni Maggie ang tingin sa langit na ganado pa ring nagpapamalas ng shooting stars. May dumaan na isang shooting star, mas matagal ang ginawang paglalakbay niyon bago tuluyang naglaho sa dilim ng gabi. Naisip ni Maggie na ang oras, parang shooting star? mabilis maglaho. At natatakot siyang baka sa paglipas ng panahon, kapag magkaibang mundo na ang ginagalawan nila ni Phil, tuluyan na siyang makalimutan nito. Sanay pa naman siya na lagi lang itong nasa tabi niya? nang-aasar, nangungulit at sinasamahan siya sa anumang ganap niya sa buhay. Sana, sa paglipas ng panahon, magbago man ang takbo ng mga buhay nila, may isang manatili, ang pagkakaibigan nilang dalawa ng kababata.
Tinanaw niya si Phil mula sa puwesto niya. Pikit ang mga mata nitong nakatingala sa langit tila humihiling.
"Phil... can I be your last dance at the ball?" bulong niya.
Agad na nagmulat si Phil at tinignan siya, mataman. "I thought you'd never ask."
Ngumiti ito.
Ngumiti rin siya.
Sabi nila, sa anumang kasiyahan, ang last dance daw ang pinakaespesyal at pinaka-memorable. At ngayon palang, hindi na niya mapigilan ang ma-excite. At kahit ayaw niyang humiling, bumulong ang puso niya, na sana, dumating din ang panahon na magiging espesyal din ang tingin sa kanya ni Phil, higit pa sa kaibigan.
"Good night, Maggiepie," ani Phil bago ito kumaway.
"Good night, Phil," sagot niya bago tuluyang tinapos ang tawag.
Nang gabing iyon, natulog si Maggie na may ngiti sa mga labi.