Hindi maiwasan ni Maggie ang mapairap nang masulyapan niya ang oras sa wall clock sa kanilang sala. Halos 6:30 na ng umaga. At ang magaling na si Phillip Vaughn De Guzman, ang bestfriend niya mula pa noong sila'y uhugin, ay late sa pagsundo sa kanya! Ang usapan nila, alas sais kinse, dapat lalarga na sila paeswekwela. Kaso, hanggang ngayon wala pa ito.
Kagabi, sa birthday party ng kababata, ipinagmalaki pa nito ang 2nd hand car na birthday gift nito mula sa daddy nito na si Tito Robert. Sabi pa nito, hindi na nila kailangang maging mandirigma araw-araw para lang makapasok sa university kung saan sila kasalukuyang nasa huling taon ng kolehiyo. Siya sa kursong Accountancy at ito naman sa Business Management. Siyempre, pabor sa kanya 'yon. Hindi na sila araw-araw magta-transform sa mga mandirigmang madidilim ang kinabukasan dahil sa pagod at hirap sa pagko-commute.
Ang kaso, hindi nga siya magiging mandirigma ngayong araw na ito pero uugatan naman siya kahihintay sa magaling na si Phil! Ni sa text hindi ito nagre-reply!
Nanikwas na ang nguso niya. Nagkanda haba-haba tuloy ang leeg niya sa pagsilip sa kabilang bahay. Pilit niyang sinisilip kung kung nasa garahe pa ang kotse ni Phil. Kaso, bigo siya. Napataasan na kasi ang bakod ng mga De Guzman na nagdi-divide sa mga bakuran nila two years ago. Ang madaliang access na lang niya sa bahay ng kababata ay ang puno ng mangga na nakatanim sa pagitan ng pader ng mga bahay nila. Kaso nakapalda siya ngayon, hindi siya pwedeng umakyat ng puno.
Lihim pa niyang sinisi ang walang malay niyang uniporme.
Inis siyang tumayo mula sa garden set sa lanai, kung saan siya kasalukuyang naghihintay. Padabog niyang pinulot ang knapsack bago tuluyang tinalunton ang daan patungo sa gate ng bahay nila. Hindi pa man niya nabubuksan ang gate, may tumulak na roon mula sa labas. Ilang sandali pa, iniluwa ng gate ang Kuya Richmond niya. Naka-running outfit ito at pawisan.
Kunot ang noo nitong tumitig sa kanya kapagkuwan'y ngumisi. "O, aalis ka na, Mags? Kala ko sabay kayo ni Phil milabs mo?"
Nalukot ang mukha niya. "Anong milabs? Hindi ko milabs 'yon 'no! At saka pakialam ko do'n sa injanerong feelingerong may kotse na 'yon! Lamunin siya sana ng manibela ng kotse niyang kinakalawang ang loob! At sana-"
Nilunod ng malakas na busina ang mga susunod pa sanang panlalait niya kay Phil. Magkasabay silang sumilip na magkapatid sa labas ng gate.
Unang bumati sa kanya ang dimples at chinitong mata ni Phil bago ang mismong kamay nito. Nakatayo ito sa nakabukas na pintuan ng driver's seat. Masaya ang aura nito at lalo siyang naimbyerna. Ano kayang nakakatuwa sa pagiging late nito?
Siguro late nagising dahil nakipag-inuman pa sa mga bisita nito. Ku-u! Talaga, kapag sila na lang dalawa, pangangaralan niya ito ulit tungkol sa pagiging prompt and proper time management.
Phillip Vaughn De Guzman, the handsome intelligent star player of the lawn tennis team. Phil had always been her constant companion and go-to person ever since her world began. Hindi naman kasi talaga maiiwasan 'yon dahil bukod sa kaibigang matalik ang kanilang mga ama, magkapit-bahay din sila. Mula nang magka-isip si Maggie, si Phil na ang nalakhan niyang kalaro. Ito ang nagturo sa kanya kung paano umakyat ng pader at puno, kung paano mag-bike, at kung paano labanan ang mga 'mean girls' sa school nila. At ewan ni Maggie kung kailan at paano nagsimula na iba na ang turing niya kay Phil. Basta nagising na lang siya isang araw na mahal na niya ito, lampas pa sa kaibigan. She knew, that's a classic trip to Brokenhearts City, pero anong magagawa niya, mahal niya si Phil. Including all his flaws and thorns and everything that goes along with him. Full package.
Pero siyempre hindi niya pwedeng sabihin 'yon kay Phil. Ano siya engot?
Umirap siya at sinubukang tabigin paalis ng gate ang kapatid niya kaso iniharang nito ang kamay nito sa lalabasan niya.
"Uy, excited. Pigil pigil din 'pag may time, bunso," anito, nakangisi.
Lalo siyang napa-irap pero hindi na lang siya sumagot. Nagdadabog siyang lumapit sa kotse ni Phil. "Late ka. Alam mo ba-" nabitin sa ere ang sana'y sasabihin niya nang mapagtanto niyang okupado na pala ang passenger's seat kung saan niya sana balak pumwesto.
"Hi, Maggie. Sorry, sinundo pa kasi ako ni Phil," paumanhin sa kanya ni Stacey, ang female version ni Phil.
Tourism management student, campus beauty queen, volleyball captain at part time commercial model si Stacey Corrine de los Santos. Nakatira rin ito sa subdivision nila, limang kanto ang layo mula sa kanila. Batchmates silang tatlo. Noong mga bata pa sila, may mangilan-ngilang okasyon na nakalaro na rin nila ito kaso lagi siyang iwas sa babae. Malakas makahigop ng kumpyansa sa sarili ang mga kagaya ni Stacey. Naka-highlight kasi ang mga kapintasan niya tuwing malapit ito sa kanya. Ang sungki niyang ngipin na kasalukuyan pang ginagawan ng paraan ng braces niya, ang kutis niya na sa tingin ng Mommy niya ay maganda at pinay na pinay pero sa kanya ay hindi dahil pakiramdam niya magkakulay sila ng p***t ng kawali, at siyempre ang buhok niyang walang palya sa pagpapa-hot oil dahil sa animo'y may sapi ito ng espirito ng pagbuhaghag.
Isang walang tunog na 'ahh' lang ang naisagot ni Maggie kay Stacey. Sinulyapan niya si Phil sa kabilang bahagi ng kotse. Naka-flash sa mukha nito ang ngiti ng tunay na tagumpay. Bakit nga ba hindi? Ultimate crush nito si Stacey e. Hindi talaga ito nag-aksaya ng oras para magpa-impress. Ipinaikot niya ang kanyang mata bago binuksan ang pinto ng backseat ng kotse.
Ilang sandali pa, lumarga na sila. Walang imik si Maggie habang nasa daan sila. Paano, nilalamon ng walang effort na pagpapa-cute ni Stacey ang lahat ng atensyon ni Phil. Lalo pa at madaldal si Stacey. Puro tungkol sa sports ang topic nito. Hindi tuloy siya makasabay. Anong malay niya sa usaping sports e lampa siya.
Hikain siyang lumaki. Hanggang ngayon naman, may pasumpong-sumpong pa rin siya. Kaya kahit na minsan gusto niyang sabayan si Phil sa agility training nito, unang sumusuko ang baga niya. And because of that, she hates exercise, period!
Nag-flip hair si Stacey bago lumingon sa kinaroroonan niya. "Ikaw Maggie, sino ang partner mo sa graduation ball?" Kulang-kulang dalawang linggo na lang, ga-graduate na sila.
Hindi siya agad nakasagot dahil nasilaw siya sa mapuputi at pantay-pantay na ngipin ni Stacey. Masarap ang mga iyong bunutin isa-isa at isangla at sadyang iparemata sa tooth fairy.
"Hoy, Maggiepie! Nagtatanong si Stacey," sita sa kanya ni Phil na noon ay minamaniobra na papasok sa campus ang kotse nito. Pasimple niyang ipinilig ang ulo. Nakangiti pa rin ang beauty queen sa kanya.
"W-wala pa e," alanganing niyang sagot.
Kumurap si Stacey, parang ipinagyayabang ang mahahabang pilik-mata nito. Masarap guntingin, naisip niya.
"Si Artur hindi ka pa inaaya?" inosenteng tanong nito.
Napatuwid siya ng upo. It's a common knowledge sa university na mag-aapat na taon na siyang nililigawan ng student leader na si Arthur Pilocarpio. Blockmate niya ito. Mabait, matiyaga, matalino, pwedeng pumasang kamag-anak ni Einstein. 'Pag binawasan nito ang nerdy look nito, sure na papasa itong guwapo. Hindi rin ito bastos, kaso... boring itong kasama.
"E-ewan ko. Baka mamaya sa meeting namin sa student org," alanganing sagot niya. Walang katotohanan.
"And you're considering to accept his offer?" si Stacey ulit, maningning ang mga mata nitong nakaabang sa sagot niya.
"Possible," pagsisinungaling niya bago plastic na ngumiti. Noong isang linggo pa niya tinanggihan ang alok ni Arthur. Pero siyempre, ayaw naman niyang isipin ni Stacey na ni isa walang nakaabang na gusto siyang maka-date sa grad ball. Kailangang patunayan niya na kahit simple lang siya at hindi pansinin ang ganda gaya ng kausap, may isang naligaw ng landas na nagkagusto sa kanya kahit papaano.
Sinulyapan siya ni Phil sa rearview mirror, kunot ang noo nito. Tinaasan naman niya ito ng kilay at inirapan kunwari.
"Great!" bulalas ni Stacey. "Ok naman na pala si Maggie e. May date na siya. Tayo na lang magka-date sa graduation ball, Phil." Hinawakan ng babae ang braso ni Phil habang nakikiusap. "I will really dress pretty for you. Promise."
Sinulyapan siya ulit ni Phil sa rearview mirror. Umiwas na lang siya ng tingin. Baka kasi may mabasa itong kakaiba sa mga mata niya. Mahirap na.
Matapos i-park ni Phil ang kotse saka ito sumagot. "Sure Stacey, I'll be your date."
Walang imik na lumabas si Maggie ng kotse.