Mabilis na dumaan ang mga araw, at hindi ko namalayan na ngayon ang unang buwan ng pagkamatay ni Don Miguel. Hanggang ngayon hindi pa rin ako pinapayagan ng mga security guards na nakabantay sa memorial na madalaw man lang ang libingan ni Don Miguel. Maraming mga nakabantay sa mausoleum nito at tila hindi umaalis ang mga iyon. Hindi ko man lang magawang hawakan ang puntod ng isang mabuting tao na nakilala ko ng maikling panahon.
Sa tulong ni Vanessa ay naging masaya kahit paano ang buhay ko sa Nueva Ecija. Marami na ring mga customers ang Syrene's Styles. Mababa lang kasi presyo ng services na inaalok namin sa mga customers at nakadagdag pa ang pagiging friendly ng mga gay employees ko.
Ngayon ay araw ng linggo at sarado ang beauty salon ko kapag ganitong araw. Ako lang din ngayon ang mag-isa sa bahay ko, umuwi si Vanessa sa probinsya nila para maghatid ng allowance sa mga kapatid niya. Habang mag-isa ako naalala ko ang nanay ko na nag-abandona sa akin. Hindi ko na rin alam kung nasaan siya ngayon, mas ninais ko na huwag alamin. Ayoko na ring malaman niya na nasangkot ako sa isang krimen dahil alam kong ikakahiya lang niya ako.
Habang nag-iisa ako ay inaalala ko ang mga masasayang sandali namin ni Don Miguel. Noon tanging ang pera lamang niya ang importante para sa akin at ang benepisyong makukuha ko mula sa kanya, pero ngayon pakiramdam ko nawalan ako ng isang mabuting kaibigan.
Nakadungaw ako sa bintana at nakatingin sa kumpulan ng mga kabataan na nasa labas. Napukaw ng interest ko ang isang lalaki na may suot na back pack at parang binu-bully ng grupo ng kabataan sa may kanto.
"Lokong mga bata iyon, a" naiinis na sabi ko.
Bumaba ako ng hagdan at binuksan ang maliit na pintuan sa beauty salon ko. Bumuga ako nang malalim nagtungo sa kanto na kinaroroonan ng mga ito.
"Ano'ng ginagawa ninyo?" nakapameywang na pansisita ko sa kanila.
Tumingin sa akin ang mga ito na tila may takot ang mga mata.
"Alam ba ninyong p'wede kayong isumbong sa Barangay dahil sa ginagawa ninyo sa lalaking iyan? Gusto ba ninyong itawag ko sa mga Tanod ang kalokohan na ginagawa ninyo? Ikaw si Terence, 'di ba? Tatay mo si Manong Noel?"
Nagtakip ng mukha ang binatang tinawag kong Terence sabay yuko ng ulo.
"Ate Syrene, uuwi na po kami," sabi ni Terence at saka mabilis na tumakbo. Nagsitakbuhan din ang mga kasama nito at iniwan ang lalaki na nakahiga sa kalsada.
"Ma'am Syrene!"
Akma ko na sanang hahawakan ang lalaki na nakahiga sa kalsada nang tawagin ako ng mga Barangay Tanod na nagro-ronda.
"Manong Noel, eksakto ang dating ninyo. Itong lalaking ito inaasar kanina nila Terence, mabuti at nasaway ko kaya naman napagalitan ko sila. Manong, tulungan naman niyo mukha kasing kawawa."
Nagkamot ng ulo ang matanda. "Pasensiya ka na sa anak ko, Ma'am Syrene. Sutil talaga ang batang iyon lalo na kung kasama niya ang mga barkada niya," hinging paumanhin nito habang tinutulungan na makatayo ang lalaki.
"Kami na ang bahala rito, Ma'am Syrene. Mabuti pa pumunta na kayo sa loob, alas diyes na rin ng gabi at maraming mga loko-loko ang napapadalas na manggulo dito sa lugar natin."
Noong isang araw may rambulan na naganap sa kabilang Barangay at dito dumaan ang mga grupo ng mga kabataan. Napapadalas na mga kabataan edad trese hanggang dise nuebe ang nasasali sa mga rambol. At ang puno't dulo ay ang larong basketball na pinagmumulan ng alitan ng mga ito, nagsimula na rin kasi ang mga palaro sa pyestahan ng bawat Barangay.
"Sige ho, Manong Noel. Maraming salamat po." Hindi ko na nakita ang mukha ng lalaki dahil inakay na ito ng mga kasama ni Manong Noel.
"MAY BAGYO ba, Vane?" nagtatakang tanong ko rito. Napahimbing ang tulog ko kagabi at tanghali na ako nagising. Pagbaba ko ng bahay ay dumiretso ako sa salon ko at nakita ko nga na walang gaanong tao. Malakas ang buhos ng ulan na may kasamang mahinang ihip ng hangin.
Niyakap ni Vanessa ang sarili nito. "Hindi ko nga rin alam, Syrene. Kadarating ko nga rin dahil na-stuck ako sa terminal dahil ang lakas ng ulan. Kakabukas ko lang din nitong salon noong dumating ako. Akala ko nga wala ka, may pinuntahan."
"Pasensiya na medyo late kasi akong nagising. Alam mo naman na kung minsan hindi talaga ako makatulog, at kapag nakakaramdam na ako ng antok mag-uumaga na."
Hinawakan ni Vanessa ang kamay ko. "Iniisip mo na naman ba ang kaso mo?"
"Vane, hangga't hindi nahuhuli ang may sala, ako ang madidiin at hindi malayong ako ang makukulong. Hindi natin alam kung ano ang binabalak ng apo ni Don Miguel. Paano kung pakana niya ang lahat?" mahinang tanong ko rito.
"Syrene, huwag kang mag-isip ng kung ano-ano. Inosente ka, at naniniwala ako sa iyo. Malalampasan mo din ang lahat ng ito, okay? Sa ngayon, huwag mo munang isipin ang tungkol doon. Tumitigil na ang ulan at marami na naman tayong customer. Ang mabuti pa mag-almusal na lang tayong dalawa. May binili akong masarap na bibingka at kakanin."
Nagiging magaan ang pakiramdam ko dahil kay Vanessa.
"Salamat talaga dahil may best friend ako na katulad mo." Niyakap ko nang mahigpit ito. "Paano na lang ako kung wala ka?"
"Heto na naman at nagdrama ka. Gusto mo bang tuluyang bumagyo? Tama na nga iyan, ang lamig na nga ng panahon tapos malamig ka pa. Wala pa bang naligaw dito sa beauty salon mo?"
"Sira ka talaga. Hindi ko priority ang love life ko ngayon. Ang tanging gusto ko lang ang maging masaya, kasama ka."
"Huwag mo akong titigan ng ganyan, Syrene. Hindi ako papatol sa mas maganda sa akin."
"Loka ka! Ano bang akala mo sa akin tomboy na kagaya mo?"
"Hindi na ako tomboy ngayon, nadagit na ni Attorney Lacsamana ang puso ko." Hinawi pa nito ang maikling buhok patungo sa likod ng tenga nito.
Sabay kaming nagkatawanan ni Syrene habang paakyat ng hagdan. Nagtungo kami sa second floor at magkasamang nag-almusal. Patuloy pa rin ang aming tawanan at tuksuhan habang kumakain ng mga binili nitong pasalubong.