"Ano bang nangyari sa iyo, bro?" nag-aalalang tanong sa akin ni Brent. Pagbungad pa lamang nito ng pinto ng apartment na nirerentahan ko.
"Sinabi ko naman na sa iyong huwag mo na lang itutuloy ang plano mo. Hayaan mo na lang ang ibang kasama nating agents ang umasikaso sa kaso ng Lolo---"
"Nandito ka ba para tulungan ako o para sermunan ako, Brent?" seryosong tanong ko dito.
"Okay fine, boss." Umupo ito sa silyang nasa harapan ko. "So, ano ang next plan mo pagkatapos mong magpadampot sa mga Barangay Tanod?"
Tumaas ang isang sulok ng labi ko. "Ako na ang bahala doon."
"Dylan, ako talaga ang kinakabahan sa mga binabalak mo. Alam mo bang p'wede kang mawalan ng trabaho sa Agency dahil sa paglabag mo sa rules natin?"
"Brent, nakalaya si Syrene dahil sa kawalan ng matibay na ebidensya na magtuturo sa kanya sa krimen na ginawa niya."
"Hindi nga kaya totoo na wala talaga siyang ginawa. At hindi ba parte ng plano mo na sadyahin na hindi sumipot sa mga hearings para lamang idaan mo sa sarili mong mga kamay ang babaeng iyon para makapaghiganti?"
"Kinukuwestyon mo ba ako?" Tumaas ang isang kilay ko sa sinabi ni Brent. "Wala ka sa posisyon ko, Brent. Kung wala ka rin lang magandang sasabihin, mabuti pa na umalis ka na lang."
"Bro, hindi ko kinakampihan si Syrene dito, okay. Gusto ko lang sabihin sa iyo na paano nga kung totoo na wala talaga siyang kasalanan? Paano kung may ibang tao pala na sangkot sa pagkamatay ng Lolo Miguel mo? Maraming mga p'wedeng maging dahilan hindi lang dapat tayo mag-focus kay Syrene."
"Brent, paano mo naman ipapaliwanag sa akin ngayon ang bank account na nakapangalan kay Syrene, ang ibang properties ni Lolo Miguel na nasa pangalan niya, at ang negosyo niya ngayon na alam kong pera din ni Lolo Miguel?"
Nagkibit-balikat si Brent at huminga nang malalim. Alam ko na hindi niya ako pinapaniwalaan pero sadyang malakas ang kutob ko na planado ni Syrene ang lahat ng ito. Matagal na siyang escort ng kahit na sino-sinong mga lalaki." Ikinuyom ko ang aking mga kamay. Hindi ako papayag na hindi makulong si Syrene sa kasalanan na ginawa nito sa akin at kay Lolo Miguel.
"Bro, nagawa ko na ang mga ipinapagawa mo. Binago ko ang identity mo at walang kahit na anong butas ang makapagsasabi kung sino ka nga ba talaga. Isa lang ang ipapaalala ko sa iyo, babae si Syrene. Hindi ka naman siguro nanakit ng babae... physically."
Tinaasan ko ng isang kilay si Brent at ngumisi dito. "Hindi ko iyon maipapangako."
"Fine. May ibang trabaho na ipinapagawa si boss sa akin. Siguro hindi na muna kita mapupuntahan dito sa apartment mo sa mga susunod na araw. Alam ko naman na kaya mo na ang undercover mission mo na ito dahil private life mo na ang sangkot dito." Imihakbang ni Brent ang paa nito patungo sa nakabukas na pinto.
Isinandal ko naman ang aking likod sa sofa na inuupuan ko. Nagsisimula pa lang ako sa pakikipaglaro ko kay Syrene.
KINABUKASAN nagtungo ako sa salon ni Syrene hindi para mag-apply ng trabaho. Sa pagmamasid ko sa lugar ng isang linggo nalaman ko na walang straight guy na empleyado si Syrene.
Naglakas loob ako na pumasok sa loob ng shop at nakita ko nga roon si Syrene na mag-isa. Alas dose ng tanghali at nasa lunch break ang mga empleyado nito.
"Good morning, ma'am," mahinang sambit ko sa kanyang likuran. Dala ko ang isang brown envelope na may laman ng mga credentials ko.
Nagulat pa ito sa akin nang lingunin niya ako. Napahawak ito sa ibabaw ng dibdib at saka huminga nang malalim.
"Ay, palaka!"
Napangiti ako at nagkamot ng ulo. "Pasensiya na po kayo, ma'am. Wala kasi akong makita na tao sa labas kaya nagtuloy na ako dito sa loob ng shop ninyo." Nagbaba ako ng ulo pagkatapos magsalita.
"Kumakain kasi ang mga kasama ko." Naglakad ito patungo sa may lamesa nito at umupo sa upuan na naroon. "Take a seat." Itinuro nito ang upuan na uupuan ko.
Umupo naman ako na hindi pa tumitingin dito.
"Dee lang ba talaga ang pangalan mo?" tanong nito sa akin habang nakatingin sa pekeng birth certificate ko.
Ngumiti ako dito ng matipid. "Oo, ma'am."
"Marunong ka bang gumupit ng buhok? Ilang taon ang experience mo? sunod-sunod na tanong nito sa akin.
"One year din po ma'am sa probinsya namin sa Iloilo."
"Hmm... malayo ka pala. May kamag-anak ka ba dito?" Ibinaba nito ang papel na hawak. Tumingin ito sa mga mata ko.
"Wa-Wala ho." Habang nakatitig siya sa akin hindi ko mapigil na hindi tumingin sa mga mapupulang mga labi niya. Naiinis ako sa aking sarili, nandito ako para magpanggap dahil gusto kong makapaghiganti pero iba ang nararamdaman ng katawan ko. Naninikip ang brief na suot ko at parang gustong magwala ng alaga ko.
"Ganoon ba?" mukhang naawa naman ito sa akin dahil nakatitig ito sa mukha ko. Effective ang pagiging mukhang kawawa ko.
"Kung hindi naman ako p'wede dito baka may ibang trabaho po na p'wede kong ma---"
"Hindi ko naman sinabi na hindi kita tinatanggap. Mas mabuti nga na may dagdag kaming kasama, mukha naman na straight ka at hindi ka katulad nina Amor at Blue na mga gay. Tuturuan ka na lang nila na sa mga bagay na hindi mo pa alam. May apartment ako sa likod ng bahay at doon tumutuloy sina Amor at Blue, kung okay lang sa iyo p'wede ka sigurong maki-share ng kuwarto sa kanila. Mababait naman silang dalawa at---"
"Ang totoo niyan ma'am..." napalunok pa ako bago magpatuloy. "Gay po talaga ako." Nilambutan ko ang boses ko at saka ini-ekis ang posisyon ng aking mga binti. Tumaas ang daliri kong hinliit at saka hinawi naman ng kanan kong kamay ang maikli kong buhok patungo sa likod ng aking tenga. "Nagulat kasi ako madam na akala ko hindi mo ako i-aacept dahil gay ako pero ang bongga ha, p'wede pala ako dito. Perfect!"
Napangiti ko si Syrene dahil sa ginawa ko. "Kung ganoon pala ay welcome na welcome ka dito, Dee."
"Salamat, madam." Bumuga ako nang malalim at itinapat ang isa kong kamay sa aking dibdib. "Na-stress ng very light ang beauty ko, madam."
"Kumain ka na ba? Sumabay ka na sa akin. Mukha kasing hindi ka pa kumakain." May kinuha itong plastic sa ilalim ng lamesa nito. Dalawang tupperware na may lamang ulam at kanin. "Sige na, samahan mo akong kumain."
Tumango ako kay Syrene. Hindi pa man nagsisimula ang aking plano ngunit naamoy ko na ang aking panalo.