"Vane, kilala mo ako. Hinding-hindi ko iyon magagawa kay Don Miguel. Oo, mapagsamanta ako pero hindi ako ang pumatay sa kanya. Vanessa, tulungan mo ako dito, please. Hindi ako p'wedeng makulong dito," nagmamakaawang sabi ko sa kanya. Mahigpit na hinawakan ko ang kamay niya.
"Naghahanap na kami ni Cyrux ng magaling na abogado na makakatulong sa iyo, Syrene. Naniniwala ako na wala kang kasalanan. Huwag ka nang umiyak, hindi ka dapat na mawalan ng pag-asa." Umiiyak din si Vanessa sa harapan ko.
"Kagabi, nagpahatid ako sa inyo sa bahay ni Don Miguel. Kasama ko siyang natulog sa kuwarto niya. Nagkuwentuhan pa kaming dalawa, sinabi niya sa akin na nasa bank account ko na ang pera na gusto niyang gamitin ko sa pagbabagong buhay ko. Vane, nangako pa ako sa kanya na hindi ko siya iiwan at sasamahan ko siya sa pagsubok na dadating sa buhay niya. Pagkatapos heto, magigising na lang ako na patay na siya at ang masakit neto, ako pa ang pinagbibintangan nila na wala namang ginawang kasalanan?"
"Syrene, narinig ka ng mga katulong ni Don Miguel na nataasan ka niya ng boses at ganoon ka rin sa kanya."
Pinahid ko ang luha sa aking mga mata. "Tungkol iyon sa pag-iinom ko ng alak, Vane. Hindi niya gusto na umiinom ako ng alak kaya niya ako pinagalitan. At kaya ko siya nasigawan kagabi ay dahil gusto kong ipaintindi sa kanya na lumabas tayo dahil dumating ang kapatid mo. Nakainom lang ako, Vane pero matino ako sa mga oras na iyon."
"Syrene, naniniwala ako na wala kang kasalanan. Huwag ka ng umiyak." Niyakap ako nang mahigpit ni Vanessa.
Sapat na sa akin na malaman na kakampi ko si Vanessa. At hindi niya ako iiwan sa laban na ito ng buhay ko.
Lumipas ang araw at nanatili pa rin akong nakakulong. May abogado na ako na siyang tumutulong sa akin para patunayan na wala akong kinalaman sa pagkamatay ni Don Miguel. Wala akong finger print ng baril na ginamit sa pagpatay dito.
Dumaan ang mga araw at hindi nagpapakita sa korte ang kamag-anak ni Don Miguel. Hindi din sumipot ang apo nito na siyang inaasahan ng korte. Dahil sa kawalan ng matibay na ebidensya ng abogado ni Don Miguel ay pinayagan akong makapagpiyansa ng korte at pansamantalang makalaya.
Walang matibay na ebidensya na makakapagturo sa akin na ako ang pumatay kay Don Miguel. Walang finger print ang baril na ginamit ng killer. Ang mga dugo na nakita sa kamay at damit ko ay hindi naging basehan para ako ang mapanagot. Lalo na't ang mga katulong ni Don Miguel mismo ang nagsabi kung ano ang relasyon naming dalawa. Walang bakas ng pagnanakaw dahil walang nawala na mga gamit nito sa bahay.
Isang buwan din ang itinagal ko sa kulungan habang inaasikaso ng abogado ko ang kaso ko. Pagkalabas ko sa kulungan at dumiretso ako sa cemetery kung saan nakalagak ang labi ni Don Miguel. Ngunit hindi ako pinapasok ng mga guard. Mahigpit daw ang utos sa kanila ng apo ni Don Miguel.
"Halika na, Syrene. Kahit na ano pa ang gawin natin dito at hindi nila tayo papasukin sa loob," naiinis na sabi ni Vanessa. Nakatingin ito sa lalaking bantay na seryoso ang ekspresyon ng mukha.
"Pero, Vanessa. Gusto kong makita ang libingan ni Miguel," umiiyak na sabi ko rito.
"Syrene, hindi ka p'wedeng magpumilit. Baka makadagdag pa iyon sa kaso mo. Hindi pa rin natatapos ang imbestigasyon sa iyo ng mga pulis." Paalala sa akin nito.
Dumating si Cyrux na nakasakay sa puting van nito. "Halika na, Syrene. Lumipat na kami ng tirahan ni Cyrux dahil marami sa mga kapit-bahay natin ay mausyoso. Nakaabang sila sa buhay mo at hinihintay kung paano ka bumagsak."
Hindi na ako nasasaktan sa sinasabi ni Vanessa. Sanay na akong makarinig ng masasakit na salita galing sa ibang tao.
Ang tanging gusto ko ngayon ay malaman kung sino ba talaga ang pumatay kay Don Miguel. At kung bakit ako ang na-frame up sa nangyari.
Malakas ang kutob ko na isa sa mga apo ni Don Miguel ang dahilan kung bakit ito namatay. Hindi nga kaya dahil sa mga pamana? Nabanggit sa akin ni Manong Pablito ang tungkol sa bagay na iyon. Ngunit maging si Manong Pablito ay nawawala din ngayon at hindi mahanap ng mga pulis.
"Syrene, okay ka lang ba? Gusto mo bang kumain?"
"Wala akong gana, Vane. Ang gusto ko lang ay makapagpahinga. Maraming nangyari at halos mabaliw ako sa loob ng kulungan. Hanggang ngayon palagi ko pa ring napapaginipan si Don Miguel. Hindi ko alam kung ano ang dahilan niya sa mga panaginip ko. Humihingi siya sa akin ng tulong ngunit wala akong magawa para tulungan siya." Tumulo ang pinipigil kong luha sa aking mga mata.
"Malalampasan mo ang lahat ng ito, Syrene. Alam ko na darating ang araw na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Don Miguel. Sa maikling panahon naging mabuti siya sa iyo. Hindi ko nasabi sa iyo na nabanggit ko sa kanya ang tungkol sa beauty salon na pangarap mo. At ang sabi niya huwag kong sabihin sa iyo na matutupad ang birthday wish mo. Syrene, sorry. Hindi ko kaagad sinabi sa iyo ang tungkol doon dahil nangako ako sa kanya na surprise namin iyon sa iyo. Sayang nga lang at wala na siya. Kung kailan malapit na ang birthday mo." Panay ang tulo ng luha sa mga mata ni Vanessa habang nagkukuwento.
"Mabuti siyang tao, Vane. Hindi niya deserve na mamatay nang ganoon na lang. Tutulong ako sa paghahanap ng hustisya sa pagkamatay niya,' matatag na sabi ko dito.
"Paano mo iyon gagawin?"
"Bahala na, Vane. Sa ngayon hindi ko pa alam kung paano." Tumingin ako sa bintana ng sasakyan. Mariin kong ipinikit ang aking mga mata. Ito na marahil ang karma sa buhay ko dahil sa mga kasalanan na nagawa ko.
Nakarating kami ni Vanessa sa isang bahay na malapit lamang sa pamilihan sa Nueva Ecija. Sa ibaba ng bahay ay naroon ang beauty salon na may pangalan na Syrene's Styles.
Hindi ko napigilan na mapaluha habang nakatingin sa bahay at negosyong pangarap ko. Kahit wala na si Don Miguel ay pinapasaya pa rin niya ako.