"Malalim yata ang iniisip mo, besh," ani Vanessa habang bumibili kami ng stocks ko sa bahay at mga kaunting ipapamigay ko na grocery kina Amor, Blue at Dee.
"Ba-Bakit mo naman naitanong?" Iniwasan ko ang mapanuring mga mata ni Vanessa. "Hindi ba p'wedeng iniisip ko lang kung ano pa ang p'wede kong idagdag sa mga pinamimili natin?"
"Kilala na kita, Syrene. Alam na alam ko kung may iniisip kang problema. Bakit hindi mo i-share? Pagkatapos nating makapag-grocery punta tayo sa food court."
"Gusto mo lang yata na ilibre kita ng merienda, e."
Ngumiti ito sa akin at inilagay ang apat na tag two hundred ML na soy sauce sa push cart nito. Naglagay na din ito ng suka at patis pati na rin ang mga ibang seasonings.
"Hindi pa pasko pero inililibre mo na ng grocery ang mga empleyado? Baka naman mamaya... masanay sila at hahanap-hanapin na nila ito."
"Hindi naman siguro, Vane. Gusto ko lang na mag-thank you sa kanila dahil magsisipag sila sa trabaho. Alam mo bang gustong-gusto ngayon ng mga suki natin si Dee? Bukod kasi sa galing niya na magkuwento ay natutuwa din sila sa itsura niya."
Minsan kasi nakasuot ng daster si Dee na bulaklakin at mataas din ang suot na tsinelas. Palagi itong may hairband na iba-iba ang kulay at may malaking bulaklak o kaya naman ribbon. Red na red din ang lips nito at makapal pa ang make up.
"Si machong gay?"
"Sira ka talaga, Vane!"
Pinandilatan ako ng mga mata ni Vanessa. "Alam kong gay siya pero alam ko rin na suki siya ng gym. Kitang-kita naman ang biceps niya kapag nakatayo at may binubuhat. Sure ako na eight packs siya at may malaking---"
"Vanessa!"
Kinuha nito ang talong sa may vegetables section at nilagay sa push cart.
Pinagtinginan kami ng mga namimili dahil sa paglakas ng boses ko.
Hindi ko naman iyon iniisip pero pinaalala ni Vanessa. Ngunit gay si Dee at normal lang naman iyon sa mga lalaki. Maraming mga artista ang gay pero may malalaking katawan. At isa na si Dee sa mga gay na iyon.
Tinawanan ako ni Vanessa at nagtungo na ito sa meat section. Ako naman nagpatuloy na lamang sa pamimili ng mga kailangan pa sa kusina tulad ng mga sabon panglaba at mga laundry powder.
Habang naglilibot ako ay may lumapit sa aking isang lalaki. Naka-hood ito ng black at naka-face mask. Naka-fitted black pants din ito at white sneakers.
Nasa tapat ako ng mga scented soaps at nasa tabi ko lang ang lalaki na may tinitignan din na sabon.
Iilan pa lamang na items ng laman ng bitbit nitong basket.
"Miss?" Tumingin ito sa akin.
Umiwas ako sa pagkakatitig sa kanya nang lingunin niya ako.
"Do you know me? Kung makatitig ka kasi parang kilala mo ako?"
"Ha?"
Bakit ko ba kasi siya tinutigan?
Guwapo nga talaga ang mokong na ito. Ang mga mata nito kulay brown.
"Excuse me." Kinuha nito ang dalawang scented soaps na magkaiba ang kulay.
"Sorry... para kasing nagkita na tayo noon. Hindi ko lang siguro sure kung ikaw nga iyong nakita ko. Pasensya ka na, medyo malabo lang ang mga mata ko.
"Oh I see." Inalis nito ang suot na facemask.
Alam ko naman na hindi ito naniwala sa alibi ko.
"See you around, miss?"
"Syrene..." nakangiting sabi ko rito.
"I'm Xyrus see you around, Miss Syrene." Ngumiti ito sa akin bago umalis.
May maliit itong peklat sa mukha sa kanang pisngi nito. Habang palayo ang lalaki ay nakatingin lang ako sa kanya.
Bumilis kasi ang t***k ng puso ko at hindi ko alam kung bakit bigla na lamang akong kinabahan.
"Syrene," mahinang tawag sa akin ni Vanessa. Hindi ko pa napansin na nasa harapan ko na pala siya. "Tapos ka na ba? Halika na, okay na ako sa listahan ko." Itinulak nito ang push cart nito patungo sa may pila ng counter.
Bumuga ako nang malalim at sumunod na lamang dito. Nakita ko ulit ang lalaki na nagpapa-scan ng mga binili nito. May kasama itong seksing babae na nasa counter din at may hawak na basket. Kinuha iyon ng lalaki at binitbit.
"Tsk..." Nawala ang ngiti sa aking mga labi.
Ang lakas naman pa lang magpakilala ng mokong na ito tapos may girlfriend naman pala.
Bigla na lamang akong nakadama ng inis dahil sa nakita ko. At pagkaasar dahil sa inasal nito sa akin kanina.
"Kilala mo?" tanong ni Vanessa na inginuso ang lalaking tinitignan ko.
"Hindi naman... ang sweet lang nilang tignan."
"Asus, kung sinagot mo sana iyong manliligaw mo noon na kasing guwapo ni Leonardo DiCaprio, e 'di sana hindi ka naiinggit ngayon."
Kinurot ko nang mahina ang tagiliran ni Vanessa. Ipinaalala na naman nito ang manliligaw ko noon sa club.
"Sira ka talaga. E, di kung sinagot ko siya baka naman napahamak ako. Nalaman ko na lang kay Trix na may asawa na pala ang lokong iyon. Mabuti na nga lang dumating si Don Miguel at sinagip niya ako sa kapahamakan."
"Dumaan ako doon kahapon, wala na ang mga bantay. Kung gusto mo puntahan natin?" mahinang tanong nito sa akin.
Kumislap ang aking mga mata. Gustong-gusto ko talagang puntahan ang libingan ni Don Miguel. Gusto kong mahawakan ang libingan niya at masabi ko sa kanya ang laman ng puso ko.
"Sige..." naiiyak na sagot ko. "Dumaan na rin tayo sa flower shop, gusto kong dalhan ng sunflower si Don Miguel, Vanessa."
Hinawakan nito ang balikat ko at tinapik iyon. "Sige... sasamahan kita, Syrene."
Muli kong sinulyapan si Xyrus ngunit pasakay na ang mga ito ng elevator. Nakahawak sa bewang ni Xyrus ang seksing babae na kasama nito habang dala naman ni Xyrus lahat ng mga pinamili nila.
Iilan na lang talaga sa ngayon ang mga lalaking matino.
Habang nasa counter kami ay nahagip ng mga mata ko ang department store na katapat lang ng supermarket. Tindahan iyon ng mga accessories. Bigla kong naalala si Dee, kaya naisip ko na bago umalis ng mall ay mabilhan ko ng panibagong set ng hairband ang bago kong kaibigan.