"Sorry kung ngayon lang kita nadalaw," mahinang sabi ko habang ibinaba ang bouquet ng sunflowers sa ibabaw ng libingan ni Don Miguel.
Tama nga si Vanessa, wala na rito ang mga bantay. Bukod sa security guard kanina sa gate ng memorial park. Iba na rin ang lalaking naka-duty roon hindi na ang masungit na matanda na madalas akong paalisin.
"Sorry kung... kung hindi ko man lang natupad ang mga pangako ko..." humihikbing sabi ko rito habang hinahaplos ang ibabaw ng puntod nito.
Pakiramdam ko nanlalambot ang mga tuhod ko habang nakatayo sa tapat ng puntod.
"Sorry kung wala man lang akong nagawa para sa iyo, Miguel," umiiyak pa ring sabi ko.
"Syrene," ani Vanessa na hinahaplos ang balikat ko.
"Alam mo na wala akong ginawang masama sa iyo, Miguel. Ikaw ang nagturo sa akin kung paano maging mabuting tao. Tinanggap mo ako kung sino ako at kung ano ang mga ginagawa ko sa buhay. Alam ko na sa maikling panahon ay nakilala mo ang tunay kong hangarin para sa iyo. Miguel, tulungan mo ako... wala akong kasalanan sa pagkamatay mo, alam mong wala akong ginawa noong gabing iyon. Yakap-yakap lang kita pagkatapos nagising na lamang ako na wala ka na," madamdaming sambit ko habang umiiyak at tumutulo ang luha ko.
Umihip ang malakas na hangin sa paligid. Ipinikit ko lamang ang aking mga mata habang taimtim na nanalangin.
"Tulungan mo ako, Miguel. Tulungan mo ako na malaman ang tunay na gumawa sa iyo nito. Tulungan mo ako na makalaya sa mga bintang nila sa akin."
"Syrene, tahan na," humihikbing ani Vanessa.
"Vane!" Niyakap ko ang aking kaibigan nang mahigpit. "Alam ni Don Miguel na malinis ang hangarin ko sa kanya. Alam niya iyon, Vane... alam niya." Patuloy sa pag-agos ang luha sa aking mga mata.
Mas naging matindi ang sakit na nararamdaman ko. Naalala ko ang mga kasalanan na ginawa ko sa ibang tao. Alam kong sinisingil na ako ng karma dahil sa paghahangad ko na yumaman.
"Naniniwala ako sa iyo, Syrene. Alam ko na malalaman din natin ang totoo. Darating ang panahon na makakalaya ka rin sa kaso mo at mapapanagot natin ang may kasalanan. Syrene, tatagan mo sana ang loob mo."
"Oo... naniniwala ako na tutulungan tayo ni Don Miguel."
Muli akong tumingin sa kanyang puntod at hinawakan ang kanyang lapida. Umupo ako sa tabi no'n, nagtagal kami ni Vanessa ng isang oras sa memorial park bago kami magpasyang umuwi.
Bago kami umuwi ni Vanessa ay dumaan na muna kami sa isang fast food chain. Hindi pa kami nananghalian nang dumiretso kami sa memorial park kanina. Mabilis din na namugto ang aking mga mata dahil sa matagal kong pag-iyak kanina.
"Isuot mo muna itong shades ko," ani Vanessa na iniabot ang tinted shades nitong kulay black.
"Mag-order ka na muna at hahanap ako ng mauupuan natin." Kinuha ko naman ang salamin na iniabot nito at isinuot iyon.
"Sige." Nagtungo si Vanessa sa counter habang ako naman ay naghanap ng mauupuan naming dalawa.
Maraming mga tao sa fastfood na pinuntahan namin. May nakita akong lamesa na pandalawahan kaya kaagad akong nagtungo roon.
Ngunit bigla iyong inupuan ng isang lalaki at tinawag pa nito ang kasama nitong seksing babae.
"Tsk!" naiinis na sabi ko.
May bakante pang lamesa na pangdalawahan ngunit nasa tapat lamang ng dalawa. Puno na ang mga lamesa at maraming mga kumakain. Tinawag ako ng babaeng service crew na naglilinis ng lamesa.
"Ma'am, dito na po kayo umupo," nakangiting sabi nito sa akin.
Bumuga ako nang malalim bago lumapit. Tumingin sa akin ang babae nang hilahin ko ang upuan na nasa gilid lamang nito. Inilagay ko naman sa ibabaw ng lamesa ang handbag ko.
Tumingin ako sa lalaking kasama nito at hindi nga ako nagkamali ng hinala. Ang lalaking iyon ay si Xyrus at ang babae na kasama nito ay iyong seksing babae sa supermarket kanina.
"Babe, dito lang ba tayo kakain?" maarteng tanong ng babae na sinadya pa talagang tumingin sa akin.
"Yes, babe. Nag-oder na tayo kanina sa counter at hihintayin na lang natin na tumunog itong hawak kong beeper," sabi naman ni Xyrus.
"Akala ko pa naman sa isang class restaurant mo ako dadalhin. How cheap naman this place," sabi pa ng babae na biglang nawalan ng gana.
"Maganda naman dito," sabi ni Xyrus na tumingin pa sa akin.
Iniwas ko ang tingin sa dalawa baka sabihin pa na nakikinig ako sa kanila. Ano naman ang pakialam ko kung may babaeng materialistic sa tabi ko at napakaarte pa.
Kinawayan ko si Vanessa na mukhang hinahanap ako.
Nang lumapit siya sa akin ay ibinaba nito ang beeper na hawak sa lamesa at saka sumandal sa silya.
"Ang daming tao, mukhang ten minutes pa tayo maghihintay ng order natin. Nag-oder nga pala ako ng chicken, spaghetti at burger. Sinamahan ko na rin ng large fries at iyong large na drinks nila. Nagpa-add pa ako ng halo-halo dahil masarap iyon sa mainit na panahon," masayang sabi nito sa akin.
Tila ang dalawa namang nasa tagiliran namin ni Vanessa ang nakikinig sa amin. Base sa itsura ng babae tinignan pa nito mula ulo hanggang paa si Vanessa.
"Tama lang iyon sa atin dahil gutom na gutom na rin talaga ako," sabi ko naman na hinawakan pa ang tiyan ko. "Mag-order na rin tayo mamaya ng pagkain nina Amor, Blue at Dee. Sa tingin ko kanina pa naghihintay ang mga iyon kung saan tayo nagpunta."
"Sige, i-order ko na lang mamaya," sabi naman nito. "Ang daming tao no? Marami pa ang waiting ng mga upuan na nakapila sa counter."
"Ang ingay!" malakas na sabi ng babae sa tabi ko.
Tumaas ang isang kilay ni Vanessa. "Ang ingay nga naman talaga dito dahil maraming tao."
"Vanessa," mariin kong sambit dito.
"Hay, pasensya ka na, Syrene. Gutom na kasi ako kaya medyo mataas na din ang dugo ko ngayon. Alam mo bang hindi pa ako nakakapatol sa babae ngayong buwan dahil sa sobrang bait ko? Naisip ko nga rin minsan na pumatol na lang sa mga aso kaysa sa tao."
Hindi ko expected ang magiging reaksyon ni Vanessa. Alam kong naiirita na ito at baka mamaya malumpo ang babae sa tabi ko.
"Babe, wait here. Okay?" ani Xyrus at iniwan ang babaeng kasama nito. Tumunog na kasi ang beeper nitong hawak at ilang minuto lang din ay tumunog na rin ang hawak ni Vanessa kaya umalis mulit ito para pumunta sa counter.
"How cheap," anang babae na nakatingin pa sa akin.
Hindi na lamang ako kumibo. Ayoko na rin kasing maging magulo pa ang buhay ko ngayong araw at baka madagdagan pa ang kaso ko.
Bumuga na lamang ako ng malalim at hindi na pinansin ang babaeng war freak.