"Bili na po kayo, sampu lang po bawat tali."
Inaabot ng isang babae ang mga bulaklak ng sampaguita sa mga taong dumadaan sa kalye. Tirik ang araw pero heto s'ya kailangan n'yang magtrabaho upang may makain silang mag-anak.
Nakita n'ya ang kaniyang mga magulang na nag-aabot ng mga paninda nila pero kahit isang tao ay walang pumapansin sa mga ito. Hindi naman na bago sa kanila ang walang matanggap na pagpansin, pero hanggang ngayon ay nanggagalaiti pa rin s'ya sa inis.
May sakit na cancer ang kaniyang ama pero hindi pa rin ito nagpapapigil sa paghahanap buhay.
"Ate, sampu pa lang ang pera natin, tinapay na naman po ba ang kakainin nation?" Inosenteng tanong ng kaniyang limang-taong gulang na kapatid.
Humigpit ang hawak ni Vivianne sa mga bitbit n'yang sampaguita at kinapa ang sampung peso na laman ng kaniyang bulsa.
Yumuko s'ya upang pumantay sa pinakabatang kapatid.
"Makakatinda pa tayo, mahaba pa naman ang oras. Panigurado marami pang bibili sa atin. Kaya huwag ka nang malungkot ha? Alam mo ba na nakakapangit ang pagiging malungkot?" Ginulo n'ya ang buhok ng kapatid at saka tinawanan ito upang tumawa na rin.
"Nagugutom na po kasi ako," mahinang sambit ng bata at humaba ang nguso nito.
Nanubig ang mga mata ni Vivianne dahil sa narinig. Kinagat n'ya ang ibabang labi upang pigilan ang pagtulo ng kaniyang luha. S'ya kaya n'yang tiisin ang gutom pero ang mga kapatid n'ya, ang mga magulang n'ya, hindi nila kakayanin.
"Talaga? Halika, bili tayo ng lugaw doon sa tindahan ni Aling Nara." Hinawakan n'ya ang kamay ng kapatid at tinawag ang tatlo pang kapatid kaya napatingin sa kanila ang kanilang mga magulang.
"Saan kayo pupunta, mga anak?" tanong ng kanilang ama.
Akmang sasagot na s'ya nang unahan s'yang bigla ng kaniyang kapatid.
"Bibili po kami ng lugaw, nanay, tatay," maligayang sambit ng bata.
"Talaga ate? Lugaw ang kakainin natin? Yehey! May kanin na!" Nagtatatalon sa tuwa ang walong-taong gulang n'yang kapatid dahil sa narinig.
"Wala tayong pera, ate. Pwede naman tinapay na lang ulit para mas makarami," sambit naman ng labing-anim na taong gulang niyang kapatid.
"Tama si ate Rose, ate Vivianne. Isang tali palang ang nabibenta natin kaya kulang ang pera natin," saad naman ng labing-apat na taong gulang na kapatid.
Napakuyom si Vivianne dahil sa mga narinig.
"Lugaw ang kakainin natin ngayon. Pwede naman tayong maghati-hati sa lugaw hindi ba? Kaya tara na, nay, tay? Hindi po ba kayo sasama?" Tanong n'ya sa mga magulang nang mapansin n'yang nakangiti lamang ito habang nakatingin sa kanila pero parang wala naman balak sumama.
"Hindi na anak, kayo na lang ng mga kapatid mo," nakangiting sagot ng kanilang ina.
Parang piniga ang puso ni Vivianne dahil sa sinabi ng kaniyang ina. Napalunok s'yang isipin kung gaano na kaya kagutom ang mga ito sa oras na 'to. Pinilit n'yang ipakita ang ngiti sa pamilya at mahinang tumawa, "nanay, tatay, tara na po," pamimilit nya.
"Anak, hindi sasapat sa atin ang pera natin. Hayaan mo, kapag nakabenta kami ng nanay ninyo ay susunod agad kami sa inyo roon sa lugawan," nakangiting saad ng kanilang ama.
"Hindi po, sasama po kayo sa amin ngayon na po. Ako na po ang bahala, nay, tay," pilit n'ya sa mga magulang.
"Sama na po kayo, inay, itay. Nagugutom na po ako eh," singit ng kanilang bunso kaya napatingin silang lahat dito. Pa-simpleng tiningnan ni Vivianne ang mga magulang at nakita n'yang nagtinginan ang mga ito.
"Oo nga po, nanay, tatay, sama na lang po kayo. Si ate Vivianne naman po ang bahala eh," sambit pa ni Robert, ang walong-taong gulang n'yang kapatid.
"Tama po si Robert, nay, tay. Huwag po ninyong tiisin ang gutom, mamaya po pagkatapos natin kumain, babalik po tayo sa pagtitinda," sambit n'ya at ngumiti ang kaniyang ama.
"Dahil ayaw naman ninyo kaming tigilan, halina kayo," saad nito kaya napangiti s'ya, lalo na noong hawakan ng kaniyang ina ang kamay ng kanilang bunsong kapatid at nauna ang mga itong naglakad.
"Paano mo kami mapapakain ng lugaw lahat? Wala naman tayong pera, hindi naman tayo mapapakain ng sampu."
Tiningnan n'ya ang seryoso n'yang kapatid, si Rose.
"Ako ang bahala, Rose. Sa ngayon, kailangan na ninyong sumunod sa kanila para makakain," sambit n'ya dito.
"Ate, pasensya ka na po, palagi na lang po ----"
"Pssh." Pagpapatigil n'ya sa kapatid na si Rowena.
"Sumunod na kayo sa kanila, dalian ninyo," natatawang sabi n'ya sa dalawa.
Agad na tumakbo si Rowena upang habulin ang mga magulang at ang dalawang mas nakababatang mga kapatid. Napansin n'ya ang tahimik na kapatid at seryoso ang mukha nito.
"Hanggang kailan mo bubuhatin ang pamilya na 'to, ate?" biglaang tanong nito kaya unti-unting nawala ang kaniyang ngiti sa labi.
"Hangga't nabubuhay ako," sagot n'ya kaya napatingin ito sa kaniya.
"Ako kasi pagod na. Bakit tayo ganito, ate? Bakit iyang iba riyan, ang gaganda ng buhay, nagwawaldas lang ng pera sa mga hindi makabuluhang bagay? Bakit tayo, kailangan pa natin magbilad sa tirik na araw para lang kumita ng barya?"
Napakuyom si Vivianne habang nakatingin sa kapatid n'yang nagpunas ng luha at habang tinatanggap ng isip n'ya ang bawat salitang binibitawan nito. Hinatak n'ya ang kapatid at kinulong sa kaniyang mga bisig.
"Patawarin mo 'ko kung hindi ko kayo nabigyan ng mas magandang buhay. Tiis lang muna tayo, kaunti na lang, Rose. Alam ko at ramdam ko na magiging maganda ang buhay natin. Bukas na bukas ay maghahanap ulit ako ng trabaho."
Hinaplos n'ya ang likod ng kapatid at ramdam n'ya ang pagkabasa ng kaniyang damit dahil sa pag-iyak nito.
"Nakakapagod magkaroon ng ganitong buhay, ate."
Tumango s'ya dahil ramdam n'ya iyon. Napapagod din s'ya pero kailangan n'yang maging matatag para sa pamilya n'ya.
"Ate Vivianne, ate Rose! Ano po ang ginagawa ninyo?!"
Sabay silang dalawa ni Rose na napatingin sa pinangalingan ng boses ng kanilang bunsong kapatid at nakita nila itong galit na nakatingin sa kanila.
"Bakit kayo huminto? Tumuloy na kayo, susunod na kami sa inyo," nakangiting saad n'ya sa mga ito. Tiningnan n'ya ang seryosong mukha ni Rose at tinanguan. Hindi n'ya na binitawan pa ang kamay ng kapatid upang masiguro na hindi ito makawala sa kaniya.