"Bakit po ayaw sa akin ni Calla, mama?" Malumanay na sambit ni Camella.
Hinaplos naman ng ina ang mukha ng dalaga. "Huwag mo s'yang alalahanin. Nasanay si Camella na s'ya lang mag-isa ang anak dahil sa matagal mong pagkawala. Balang-araw ay magiging maayos din kayong dalawa." Nakangiting sambit ng Reyna.
"Solo prepárate porque tu vida cambiará cuando volvamos a España. A partir de ese día, serás oficialmente la Infanta Camella Vásquez." *(just get yourself ready because your life will change when we get back to Spain. From that day forward, you will be officially the Infanta Camella Vasquez.)*
Umawang ang bibig ni Camella sa sinabi ng kaniyang Papa - ang hari. Wala s'yang naintindihan sa sinabi nito bukod sa pagbanggit nito sa kaniyang pangalan. Tila nawawala s'ya bigla sa usapan. Narinig n'ya ang mahinang pagtawa ng kaniyang mama kaya napatingin s'ya rito.
"H-hindi ko p-po naintindihan, mama," nahihiya n'yang sabi.
Tumango naman ang kaniyang mama habang may matamis na ngiti sa mukha. "Ang sabi lang ng papa mo, ihanda mo ang sarili mo dahil pagdating mo ng Espanya mag-iiba na ng tuluyan ang buhay mo, anak. May mga responsabilidad ka nang haharapin doon, Camella."
Nahihiya at pilit na ngumiti si Camella. "Simula po noong araw na nagkita tayo, naramdaman ko na po ang pagbabago ng buhay ko. Pero alam ko rin naman po mas lalo pang mag-iiba kapag po nasa Spain na. Natatakot po ako baka po lahat ng magawa ay mali."
Napatingin si Camella sa kaniyang kamay nang hawakan ito ng kaniyang mama. Ngumiti ng tipid ang dalaga nang makitang may malawak at matamis na ngiti sa mukha ang kaniyang ina at maging ang kaniyang ama.
"Wala kang dapat na ipangamba, Camella. Ang mahal na hari at ako, narito kaming dalawa upang gabayan ka sa lahat nang dapat mong matutunan. Hindi ka naman namin pababayaan. Palagi kaming nasa tabi mo." Nakangiting wika ng reyna.
"Maraming salamat po, mama, papa." Napakurap si Camella nang bigla na lang s'yang ikinulong ng ina sa isang mahigpit na yakap.
"Kaya huwag ka nang mag-isip ng kung ano. Ang dapat mo lang isipin ay ang sarili mo." Tumango ang dalaga.
Nang tila may bigla s'yang naalala ay kumalas s'ya sa pagkakayap sa ina kaya nagtatakang napatingin sa kaniya ang kaniyang mama.
"Mama...nabanggit po ninyo sa akin na kaya po kayo marunong magtagalog ay dahil dito rin po kayo sa Pilipinas lumaki...." Agad na naglaho ang ngiti sa mukha ng Reyna. Napansin iyon ni Camella ngunit hinayaan n'ya lang 'yon.
Nag-iwas ng tingin ang reyna. "Isa akong Pilipino, Camella," sambit ng ina ngunit sa pagkakataong ito ay isang pekeng ngiti ang sumilay sa mukha nito nang tumingin ulit ito sa kaniya.
"Kung gano'n po, may mga kamag-anak pa rin po ba kayo rito sa Pilipinas? Alam po ba ninyo kung nasaan sila? Ayaw po----"
"Hindi ko na alam kung nasaan sila, anak," singit ng reyna sa nagsasalitang si Camella kaya napahinto ang dalaga. "Matagal na akong walang balita sa kanila."
Hindi na ipinilit pa ni Camella ang maraming tanong sa kaniyang isipan patungkol sa ina dahil napansin n'ya na tila ayaw nitong pag-usapan ang bagay na 'yon.
"Mama, papa, sa tingin ko po ay dapat na po kayong magpahinga. Alas 10 na po ng gabi."
Sa pagkakataong ito ay lumawak na naman ang ngiti mula sa mukha ng kaniyang mga magulang. Sabay itong tumango. Napangiti naman ang dalaga nang haplusin ng kaniyang mama ang kaniyang pisngi.
"Magpahinga ka na rin. Huwag mong puyatin ang sarili mo dahil baka masanay ka. Pagdating natin sa Spain ay mahihirapan kang i-adjust ang tulog mo." Tumango ang dalaga at binigyan ng ngiti ang ina.
"Good night, hija." Nakangiting sambit ng kaniyang papa.
"Good night din po, papa."
Bumuntong-hininga si Camella nang makalabas mula sa kaniyang silid ang kaniyang mga magulang. Sumilay ang malaking ngisi sa mukha habang inililibot ang paningin sa buong paligid ng silid na ito.
"Napakasarap ng buhay ni Calla. Buong buhay n'ya ay isa s'yang prinsesa at lahat ng mata ay nasa kaniya. Ang buhay n'ya na pinapangarap ng lahat. Hindi lang pala talaga sa pelikula napapanood ang mga taong hindi masaya kahit na nasa kanila na ang lahat," saad n'ya sa sarili.
Humarap s'ya sa kaniyang dresser at nakangiting humarap sa sarili. "Magiging katulad ni Calla ang buhay.... Camella. Mararanasan mo na rin ang buhay prinsesa dahil magiging isa ka ng ganap na prinsesa." Hinaplos n'ya ang sariling mukha bago inayusan ang sarili.
Pinasadahan n'ya ng kaniyang daliri ang malambot na kama ng higaan n'ya. "Buong buhay ko ay sa matigas na papag ako natutulog. Buong buhay ko ay hindi ako nakakita ng ganito kagandang higaan at lugar. Sino bang mag-aakala na makakahiga naman pala talaga ako sa ganito. Mas malaki pa at higit sa lahat, makakatira naman pala ako sa isang palasyo. Totoong palasyo."
Napatingin si Camella sa pinto ng makarinig s'ya ng katok. Mabilis s'yang lumapit dito upang buksan ito. Sumalubong sa kaniyang paningin ang mukha ni Mikael.
"Matutulog na po ba kayo, your highness?" Pagtatanong nito nang pagbuksan n'ya ito ng pinto.
"Hindi pa ako sanay na tawagin ng ganyan, Mikael. Pwede bang huwag mo muna akong tawagin ng ganyan? Parang ayaw pang tanggapin ng sistema ko kasi." Napangiwing sabi n'ya rito.
"Inumin mo raw ito bago ka matulog. Pinabibigay ng mama mo." Napangisi si Camella at saka tinanggap ang isang basong gatas. "At saka kailangan na po ninyong masanay na tawagin kayo ng ganyan dahil pagnakauwi na po kayo sa palasyo, lahat ng tao ay ganyan ang tawag sa 'yo."
Humaba ang nguso ng dalaga dahil sa sinabi nito. Tumango na lamang s'ya. "Kamusta naman po kayo rito? Komportable po ba kayo?"
"Ang dami naman ninyong trabaho." Nakangising sabi ni Camella. "Hindi ba, abogado kayo ng palasyo? Ng House of Vasquez?" aniya rito.
"Hindi lang ako basta abogado ng palasyo, your highness. Isa rin po akong katiwala ng mahal na hari," sagot naman nito.
"Ang sarap pala talaga ng buhay ni Calla 'no?" Nakangiting sabi n'ya.
"Magiging buhay mo rin ang buhay ni Calla. Kailangan n'yo lang gampanan ang dapat gampanan."