Chapter 09
“What do you think you are doing?” malamig na tanong sa akin ni Sir Alaric.
Halos kumawala na ang puso ko sa dibdib ko dahil sa boses niyang iyon. Idagdag pa ang masasama niyang tingin na ipinupukol sa akin. Hindi rin nakaligtas sa akin ang Halatang hindi niya nagustuhan ang nakita niya.
“S-Sir…” Bago pa ako makapagsalita at makapagpaliwanag sa kanya ay hinila niya ako palayo sa mesa at marahas na binitawan dahilan para muntik na akong matumba. Marahas niyang itinago ang papel na nakita ko sa sahig kanina sa kanyang drawer at tumingin sa akin.
“Get out.”
“Sir, hi— “I don’t want to hear your excuses. Get out of my office now!” Halos mapapikit ako sa sigaw niya sa akin. Galit na galit talaga siya. Hindi ko naman ginustong basahin ang papel na ‘yon at saka hindi ba dapat hayaan niya muna akong magpaliwanag? Hindi naman talaga ako nanggulo ng mga gamit niya. Inayos ko pa nga kung tutuusin dahil nagulo iyon ni Trevor.
Tinikom ko ang bibig ko at walang imik na tumalikod sa kanya. Nirerespeto ko siya dahil siya ang boss ko kaya hindi ako magsasalita. Pero naiinis pa rin talaga ako sa kanya. Napakajudgemental niya naman kung ganoon siya. Hinusgahan niya kaagad ako porket nakita niyang binabasa ko iyong papel. Hindi ko naman talaga babasahin dapat iyon eh. Nagtaka lang naman ako kung bakit may lumang dyaryo na nakaipit sa mga documents niya.
Sa inis ko, tinapos ko ng maaga ang mga trabaho ko. Maaga akong nagset ng appointment para sa mga meetings ni Sir Alaric sa susunod na linggo. Inayos ko na rin ang mga schedule niya dahil pupunta pala siya sa Saubea, dalawang linggo mula ngayon at doon mananatili ng ilang araw dahil may bagong branch ng SGC na ipinatayo roon. Tinapos ko na rin iyong pag-organize ng mga agendas sa susunod na buwan para hindi ko na iyon aalahanin pa. Pati iyong reports at mga emails na kailangan ko sagutin, ginawa ko na.
Nang matapos ko ang mga ‘yon, pumunta naman ako sa pantry at tinimplahan ng kape si Sir Alaric dahil coffee time na niya ngayong oras. Tinignan ko ang baso na madalas ko gamitin para sa pagkakape niya. Paitan ko kaya ang kape niya? Kaya lang baka isipin niya sinadya ko ‘yon. Ah. Alam ko na. Magdadahilan na lang ako na ubos na ang asukal kahit na sandamakmak ang asukal na nakalagay sa drawer sa pantry.
Kumatok ako sa office niya at tahimik na pumasok. Ipinatong ko ang kape niya sa table at dahan-dahan umalis. Nakita ko pa ang pagtingin niya sa akin na hindi ko pinansin at nagkunwaring hindi ko nakita. Sasabihin ko nga sana na umalis na ang pamangkin niya dahil sinundo siya ng parents niya. Baka kasi hanapin niya bigla sa akin si Trevor dahil ako lang naman ang naiwan dito kanina kaso naisip ko, bakit niya naman iyon gagawin? Eh may CCTV naman sa bawat kanto nitong office at saka pwede niya naman tawagan ang pamangkin niya o ang nag-aalaga mismo sa kanya para tanungin kung nasaan sila. Baka isipin pa niya na pakielamera ako dahil masyado akong concern doon sa pamangkin niya.
Pagdating ng hapon, nag-out kaagad ako. Hindi na ako nagpaalam kay Sir Alaric dahil nga galit ako sa kanya. Ayoko kasi sa taong mabilis manghusga sa kapwa nila. Pero aaminin ko naman na kasalanan ko rin dahil muntik ko ng basahin iyong nasa dyaryo kung hindi niya lang inagaw sa akin iyon. Siguro confidential iyon kaya ayaw niya na may makaalam.
Pero basta, hindi niya pa rin dapat ako sinigawan. Oo nga at boss siya. Siya ang may-ari ng kumpanya pero wala siyang karapatan na sigaw-sigawan ang mga empleyado niya kapag may nagawa itong hindi niya gusto. Paano na lang kapag lahat ng mga empleyado niya ay umalis at iwan siya? Siya naman ang kawawa sa huli. Hindi ba niya naisip ‘yon?
Umuulan nang lumabas ako ng office. Mabuti na lang at nagpahiram sa akin si kuya Jim ng payong nang makita niya ako na walang dala. Hindi ko na naitanong kung saan niya nakuha ang payong kasi mukhang mamahalin talaga.
Naglalakad lang ako tuwing pauwi dahil malapit lang naman iyong condo unit dito. Pero sumasakay ako ng dyip tuwing umaga dahil hindi nga ako pupwede malate. Nasa protocol na dapat thirty minutes bago dumating si Sir Alaric ay nasa desk na ako at naghihintay sa kanya.
Hindi ko kasabay si Sir Justine sa paglabas dahil nauna na sila. Naglinis pa kasi ako ng table ko kanina bago ako umalis para walang kalat. Gusto ko kasi na organize lahat ng gamit ko. Naiirita ako kapag maraming kalat kaya naglinis din muna ako. Nakailang tsek pa nga ako kung may nakalimutan ba ako o naiwan na gamit. Nang matsek ko na lahat ay doon lang ako lumabas.
Pagkarating ko ng unit ay doon bumuhos ang malakas na ulan. Hindi ko tuloy alam kung may bagyo ba o low pressure area pa lang ang mayroon. Bukod pa roon ay malamig din ang klima kumpara sa mga naunang buwan. Naligo rin ako kaagad pagkarating ko dahil medyo nabasa ako habang naglalakad ako pauwi kanina.
Nakaramdam ako ng gutom. Nagkicrave rin ako ng noodles kaya naisipan ko na magluto. Iyon nga lang, wala akong stock na noodles sa aparador kaya kinakailangan ko pa bumaba at tumawid sa kabilang daan dahil nandoon ang convenience store. Tinatamad man akong bumaba ay wala akong choice dahil nagugutom na talaga ako. Nagsuot na lang ako ng jacket at ibinulsa ang wallet ko.
Habang naglalakad ako papunta sa convenience store ay sakto naman na may nabanggang bata na lalaki na parang mas bata lang sa akin ng isang taon. Kaagad ko siyang pinuntahan at nagpatawag ng ambulansya kahit hindi ko naman siya kaano-ano. Hindi kasi talaga kaya ng konsensya ko na manood na lang dahil alam ko ang pakiramdam na maiwan at pabayaan kaya ginagawa ko lahat ng makakaya ko para makatulong sa kapwa dahil iyon ang turo sa akin ni kuya.
Nakalimutan ko na ang pagpunta sa convenience store dahil sa nangyari. Mabuti na lang at stable na ang kondisyon noong bata. Iyong nakabangga ang sumagot ng bills habang tinawagan naman ng nurse iyong magulang noong lalaki. Hindi muna ako umuwi dahil sabi sa akin ng nurse ay ako raw dapat ang magkwento sa nangyari dahil ako iyong nakakita.
Kumain muna ako saglit sa may cafeteria nang ospital at saka bumalik sa kwarto noong lalaki para hintayin ang magulang niya. Kaya lang, hindi ko gusto ang nakita ko.
“Calix?” sigaw niya na puno ng pag-aalala. Ilang beses ako napakurap sa matandang babae na ngayon ay kitang-kita ang pag-aalala sa lalaking kasalukuyang natutulog at nakaratay sa higaan. Unti-unti kong naramdaman ang galit at lungkot sa puso ko na muli na naman nabuhay.
“Anong nangyari sa anak ko?” naiiyak na tanong niya sa akin. Hindi niya pa siguro ako namumukaan dahil ilang taon na ang lumipas noong huli pa niya akong nakita. Tandang-tanda ko rin kung paano niya kami iniwan noon para ipagpalit sa ibang lalaki. Kung ganoon, anak pala niya ito.
Nagagawa niyang mag-alala sa taong ito pero sa mga anak niya na iniwan niya, hindi niya kahit kailanman naisip? Gusto ko siya tanungin at magwala pero hindi ito ang oras para roon. Kinakailangan ko pa rin ipaalam sa kanya ang totoong nangyari dahil hindi kakayanin ng konsensya ko ang magkunwaring walang pakialam.
Maya-maya ay nakita ko siyang tumahimik nang mas titigan pa niya ako. Muling tumulo ang mga luha niya nang marealize niya kung sino ako.
“S-Scarlett?”
Tinikom ko ang aking bibig at saka tumingin sa kanya gamit ang malalamig kong mata. “Nabangga siya ng kotse kanina bago ako tumawid papunta sa convenience store. Tinulungan ko siyang madala rito sa ospital,” malamig kong saad sa kanya at pagkatapos ay pumunta na sa may pintuan para umalis. Kaya lang hinawakan niya ang kamay ko na kaagad kong binawi sa kanya.
“A-Anak… kamusta ka na? Ang laki-laki mo na. Si Kuya Knight mo, nasaan? B-Bakit hindi mo siya kasama?” nanginginig na tanong niya sa akin. Nakuha pa niya akong hawakan na parang nagmamakaawa. Kumuyom ang palad ko. Anak? Gusto ko matawa sa mga naririnig ko ngayon na mga salitang nagmumula sa kanyang bibig.
Kailan pa niya ako naging anak? Iniwan niya kami nila Kuya Knight noong mga panahon na kailangan namin siya. Noong naghahanap kami ng kalinga ng magulang, wala siya. Nasaan siya? Nasa ibang bahay at nagpapakasaya sa bagong pamilya na mayroon siya.
Umasa kami ni kuya na hahanapin niya kami katulad ng paghahanap namin sa kanya. Hindi nagtanim si kuya kahit kailan ng sama nang loob sa kanya dahil palagi niyang sinasabi na may dahilan siya sa pag-iwan sa amin. Pero lumipas ang maraming taon, walang nanay na naghanap sa amin. Doon ko napagtanto na nagsisinungaling sa akin si kuya dahil ayaw niyang kamuhian ko siya dahil nanay pa rin namin siya. Ilang beses siya nakita ni kuya na may kasamang lalaki at mukhang masaya. Maayos nga ang buhay niya eh. Nagmakaawa kami ni kuya sa kanya noon nang makita namin siya pero tinaboy niya lang kami na parang aso tapos ngayon tatawagin niya akong anak at kakamustahin?
Kahit kailan ba, naisip niya kami ni kuya na iniwan at tinaboy niya? Hindi ko nga lubos maisip na nakukuha niyang matulog nang mahimbing sa malambot na kama kasama ang bago niyang pamilya na hindi man lang nakokonsensya.
“Hindi kita kilala. Nagkakamali ka ng taong tinatawag mong anak. Wala na akong magulang at matagal na rin ulila,” malamig kong saad sa kanya tuluyang nagpatulala sa kanya. Wala na akong pakialam kung nagmistulang matalas na kutsilyo anga mga sinabi ko sa kanya dahilan para muling tumulo ang kanyang luha. Lumabas na ako sa kuwarto at nagmamadaling umuwi ng bahay. Pagkauwi ko ay doon na bumuhos ang mga luha ko na kanina ko pa pinipigilan.
Pumasok ako sa office na walang gana dahil sa nangyari kagabi. Wala akong mapagsabihan dahil si Lili lang naman ang nakakaalam ng tungkol sa pamilya ko. Hindi rin madali sa akin na magkwento ng mga bagay-bagay tungkol sa buhay na mayroon ako dahil para sa akin, hindi iyon kaaya-ayang i-share sa iba.
Dumating si Sir Alaric. Nakita ko ang pagkunot ng noo niya nang sandali niya akong tignan. Hindi ko alam kung babatiin ko ba siya o hindi. Siguro ay huwag na lang dahil baka lalong sumama ang loob ko kapag nasigawan niya ako. Medyo napapansin ko kasi na iritable siya ngayong araw dahil madalas ko naririnig ang pagtaas ng boses niya mula rito sa desk ko.
I wasn’t on my usual self. Ginawa ko lang ang mga basic task ko tulad ng pagdala ng kape kay Sir Alaric dahil tapos ko na iyong mga gawain ko para sa linggong ito.
“May problema ba?” tanong ni Sir Christian sa akin nang makita niya ako na kumakain mag-isa rito sa cafeteria. Wala si Sir Justine dahil nasa Saubea ito ngayon at inaasikaso ang ilang problema sa bagong branch. Siya kasi ang pinadala ni Sir Alaric dahil siya naman ang assistant head ng IT Department. Ilanga raw na simula nang makumbinsi ko siya na itago ang sikreto ko. At sa ilang araw na ‘yon ay medyo naging close na kami lalo na at gumagawa ako ng paraan para magkaroon sila ng alone time ni Sir Trystan. Pero dahil sa nangyari kahapon ay wala ako sa mood na gawin iyon.
Marahan akong umiling sa kanya at ipinagpatuloy ang pagkain. Nang matapos ang lunch ay bumalik na ako sa desk ko para gawin ang mga dapat pang gawin. Puro answering calls lang din ang ginawa ko ngayong araw.
Pagdating ng hapon, nag-out na kaagad ako dahil parang pagod na pagod ako. Sumakay na lang din ako ng dyip kahit na pwede naman lakarin ang condo. Sa pagbaba ko, nakita ko si Lili na umiiyak at parang nagwawala. Doon ko lang napagtanto na si Bryan ang kasama niya. Kaagad akong napatakbo kay Lili.
“Ano sa tingin mo ang ginagawa mo sa kaibigan ko, Bryan?” naiinis kong tanong sa kanya. Lalo pa akong nainis nang makita ko ang itsura ni Lilienne. May mga ilang pasa ito sa braso at sa mukha. Mukhang napagbuhatan na naman siya ng kamay nito.
“Huwag kang nangingialam dito! Away namin to ni Lilienne!” sigaw niya sa akin. Pilit niyang hinihila si Lili pero ayaw sumama ni Lili sa kanya kaya naman gumawa na ako ng hakbang. Marahas kong tinanggal ang kamay ni Bryan kay Lili at tinago siya sa likuran ko.
“Hindi ka talaga titigil? Sinabi ko ng huwag kang nangingialam diba?” galit na galit niyang sabi sa akin. Kamay ko naman ang hinawakan niya. Mariin ang ginawa niyang pagkakahawak kaya sigurado akong magmamarka iyon pero kinakailangan ko iligtas si Lilienne mula sa lalaking ‘to.
“Bitiwan mo ako!” sigaw ko sa kanya. “Tigilan mo na si Lili!”
“Teka nga? Sino ka ba para pigilan ako ha?” galit niyang tanong sa akin. Doon na ako natigilan at kinabahan. Lalo pang lumala ang kaba na nararamdaman kong ‘yon nang tumawa si Bryan.
Nagkatinginan kaming dalawa ni Lilienne. Kinabahan ako. Alam kong buking na ako ngayon dahil sa ginawa kong pagtatanggol sa kanya na hindi ko iniisip kung ano ang itsura kong humarap sa kanya pero hindi ito ang tamang oras para isipin ko ang sarili ko. Kailangan ko maligtas si Lili! Kailangan na dito na magtapos ang koneksyon nilang dalawa dahil hindi kami matatahimik hangga’t ginugulo kaming dalawa ni Bryan.
“Willow?” Tumawa siya ng marahan. “Tignan mo nga naman. Sabi ko na ng aba at may ginagawa kang kababalaghan. Talaga pa lang— “Tigilan mo na kaming dalawa ni Will, Bryan! Wala siyang masamang ginagawa sa’yo!” suway ni Lili sa kanya.
“Hindi! Ayaw mo sumama sa akin ng lintek dahil dito sa taong ‘to! Kaya isasama ko na lang kayo sa akin! Ikukulong ko kayong dalawa para hindi na kayo makaalis pa!” galit niyang wika sa amin.
Ayaw niya talaga akong bitiwan kaya ginaya ko ang ginawang pagsipa ni Grey sa lalaki doon sa bistro. Malakas ang ginawa kong pagsipa sa kanyang tiyan dahilan para mabitawan niya ako at makawala kami sa kanya.
“Okay ka lang Lili?” natatarantang tanong ko sa kanya. Tumango siya sa akin pero hindi pa rin siya tumigil sa kakaiyak. “Ang tigas niyong dalawa! Ayaw niyong makinig ha!” sigaw ni Bryan sa amin. Akmang sasampalin na niya sana ako nang may isang malapad na likuran na nakasuot ng itim na suit ang humarang sa aming dalawa ni Lili at hinawakan ang kamay nito.
“What are you doing to my secretary?”