BAHAGYANG tumikhim si Gelaena habang mataman pa rin siyang nakatitig sa batang patuloy pa ring umiiyak habang nakasubsob ang mukha sa mga tuhod nito at yakap-yakap ang mga binti. Hindi niya malaman kung lalapitan ba niya ito o panunuorin na lamang habang umiiyak hanggang sa tumahan ito.
“I want my mommy! I want my mommy!” humihikbing saad ng bata.
Bigla naman siyang nakadama ng awa rito. The way she sobbed and called her mother, Gelaena could feel her longing for her mother.
Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya sa ere ’tsaka dahan-dahang humakbang palapit sa bata.
“H-hi.” Mahinang bati niya rito nang nasa tapat na siya nito.
Ilang saglit na katahimikan ang namayani sa apat na sulok ng kwartong iyon. At mayamaya ay dahan-dahang nag-angat ng mukha ang bata. Basang-basa ang mukha nito sa mga luha.
“W-who... who are you?” humihikbi pang tanong nito sa kaniya.
Ngumiti siya rito ’tsaka siya marahang yumuko at umupo na rin sa sahig. “I’m... Gelaena.” Pagpapakila niya rito. “Ikaw si Señorita Emzara, hindi ba?” tanong pa niya.
Nangunot naman ang noo nito habang nakatitig pa rin sa kaniya ang mga mata nitong nag-uulap pa rin dahil sa mga luha nito. “My new nanny?” sa halip na sagutin ang tanong niya ay nagtanong din ito pabalik sa kaniya.
Dahan-dahan siyang tumango. “Yes.” Sagot niya habang nasa mga labi pa rin niya ang matamis na ngiti.
Tinitigan niya nang mataman ang mukha nito. She’s pretty. Mestiza ang kutis, matangos ang maliit nitong ilong. Medyo bilogan ang mga mata nitong kulay tsokolate. Kulay blonde naman ang buhok nito na sa tingin niya ay natural lang. Panigurado siya, kapag lumaki na ang batang ito ay maraming maghahabol o mahuhumaling na kalalakihan dito. Ngayon pa lamang kasi ay nakikinita na niyang mas maganda ang hitsura nito kapag nagdalaga na.
Biglang nangunot ang noo nito at tumitig sa kaniya ng matalim. “I don’t like nanny’s! I want my mommy.” Umiyak itong muli. “I just want my mommy!” sumigaw na naman ito.
Napangiwi siya at napatakip pa sa kaniyang mga tainga dahil sa matinis nitong boses na nakakngilo.
“I don’t like you! Go away!”
“Pero...” hindi niya alam kung ano ang kaniyang gagawin upang patahanin ito. Jusko! Ito ang unang beses na magbabantay at mag-aalaga siya ng bata kaya wala siyang ideya kung ano ang kaniyang gagawin. Wala naman kasi siyang pamangkin na kasama sa bahay nila dahil nag-iisa lamang siyang anak ng magulang niya at higit sa lahat ay never pa siyang may nakasamang bata o paslit kaya hindi niya talaga alam kung paano i-approached ang mga kagaya nito.
“I said, go away! I want to be alone!” sigaw na naman nito sa kaniya.
“Pero... pinapunta ako rito ng lolo mo para ako ang magbantay sa ’yo.” Pinanatili niyang kalmado ang boses niya upang hindi ito matakot sa kaniya.
“I don’t need someone to watch over me. I don’t need anyone. I just want my mommy!” humagulhol na ito nang husto.
“Wala kasi ang mommy mo rito sa mansion kaya hindi ko siya matatawag para papuntahin dito at makasama mo.” Aniya at kumilos siya sa kaniyang puwesto. Lumapit siya sa bata at dahan-dahang hinawakan ang likod nito. No’ng una ay pumiksi pa ito sa kaniya, pero nang sinubukan niya ulit sa pangalawang pagkakataon ay hindi naman na ito pumalag kaya masuyo niyang hinaplos-haplos ang likod nito upang patahanin ito sa pag-iyak. Sumandal na rin siya sa pader habang nakaunat ang mga paa niya sa malamig na tiles. “Alam mo, pareho lang naman tayo, e! Maliit pa lang ako ay hindi ko na rin nakasama at nakita ang mama ko. Alam ko na malungkot at masakit na hindi mo nakakasama at nakikita ang mommy mo ngayon, pero maniwala ka sa akin... lagi ka niyang naiisip at sigurado ako na nalulungkot din siya na hindi ka niya kasama ngayon. At sigurado din ako na nami-miss ka na niya nang sobra.” Pagkukuwento niya rito.
Mayamaya ay biglang tumigil sa pag-iyak ang bata. Humihikbi na lamang ito. Nang balingan niya ito ng tingin ay saktong tumingin din ito sa kaniya. Hilam na naman ng mga luha ang namumula nitong mga pisngi.
“R-really?” tanong nito at suminghot pa.
Tumango naman siya. “Oo naman. Kasi... walang mommy ang hindi nami-miss ang baby nila kapag nasa malayo sila at hindi nila nakikita ang mga baby nila.” Ngumiti pa siya rito at umangat ang isang kamay niya upang punasan ang mga luha sa pisngi nito. “Huwag ka ng umiyak. Hindi maganda para sa isang batang kagaya mo ang umiyak ng sobra.”
Muli itong suminghot nang sunod-sunod. “I can’t help myself but to cry because I missed my mommy so much.” Nanginginig pa ang mga labi nito.
“Puwede mo namang ma-miss nang husto ang mommy mo ng hindi ka umiiyak nang husto at nagagalit sa mga taong nasa paligid mo, e!” malumanay na saad niya rito at masuyong pinisil ang baba nito. “Okay, ganito na lang... gusto mo turuan kita kung paano mo makakausap ang mommy mo kahit nasa malayo siya at hindi kayo nagkikita?” mayamaya ay tanong niya rito.
Nangunot muli ang noo nito at pagkuwa’y mabilis na pinunasan ang mga luha sa pisngi nito. “How?”
“In one condition... hindi ka na iiyak!”
Saglit itong tumitig sa kaniya at sunod-sunod na muling suminghot.
“Deal?” aniya at inilahad pa niya ang kaniyang kamay rito.
Ipinagpalipat-lipat nito ang tingin sa kaniya maging sa kaniyang kamay. Pero mayamaya, dahan-dahang umangat ang kamay nito at nakipag-shake hands sa kaniya.
“Deal.”
Sumilay ang malapad na ngiti sa mga labi niya pagkuwa’y kumilos siya paharap dito. Ikinulong niya sa kaniyang mga palad ang maliit nitong mukha at pinunasan ang natitirang mga luha sa pisngi nito at inayos niya rin ang buhok nitong nakatirintas pero bahagyang nagkalat na ang maliliit na hibla.
“Magpapakilala ulit ako sa ’yo... ayos lang ba?” tanong niya mayamaya.
Tumango naman ito.
“Ako pala si Gelaena. I’m your new yaya.”
“I’m Emzara.” Pagpapakilala rin nito sa kaniya.
“Ang cute naman ng pangalan mo. Parang ikaw rin, ang cute-cute mo.” Nakangiting saad niya.
Bahagya naman itong ngumiti dahil sa sinabi niya. “So, can you help me to talk my mommy?” tanong nito sa kaniya.
“Of course,” sabi niya. “’Di ba ang sabi ko sa ’yo kanina, matagal ko na ring hindi nakikita ang mama ko? So, kapag nami-miss ko siya, ganito lang ang ginagawa ko. Pumipikit ako, tapos nag-i-inhale at exhale ako tapos iniisip ko na nasa harapan ko lang si mama ko. Ini-imagine ko ang mukha niya tapos kapag naramdaman ng puso ko na nasa harapan ko na siya, ’tsaka ko siya kinakausap. Sinasabi ko sa kaniya kung gaano ko na siya ka-miss at gusto ko na siyang makita at makasama.” Pagpapaliwanag niya rito habang mataman lamang itong nakatitig at nakikinig sa kaniya. “Gusto mo bang subukan kung effective rin sa ’yo?” tanong pa niya.
Bumuntong-hininga naman ito. At sa halip na sagutin ang kaniyang tanong ay bigla itong pumikit at ginawa ang mga sinabi niya. Nag-inhale at exhale ito ng ilang beses.
“Mommy, I missed you so much. Kailan ka po babalik para magkasama ulit tayo?”
Biglang naglaho ang ngiti sa mga labi niya habang nakatitig siya sa mukha ng bata. May mga luha na namang pumatak sa nakapikit nitong mga mata.
Oh, God! Bigla siyang nakadama ng kirot sa puso niya habang naririnig niya ang mga sinabi nito para sa ina. Ramdam niya ang labis na lungkot at pangungulila nito para sa ina. Bigla tuloy siyang napaisip, talaga bang seven-years old lang ang batang nasa harapan niya ngayon? Kasi kung magsalita ito ay matured na matured na.
“You told me before po na hindi ka lang po magtatagal at babalikan mo ako rito kay Mayor Gawen, but... where are you now? I really wanted to be with you, mommy. I missed you and I love you so much. Please... come back, okay? I’ll wait for you. And I hope you’re fine and safe. Take care always mommy, okay?”
Hindi na niya napigilan ang pag-iinit sa sulok ng kaniyang mga mata dahil sa mga sinabi nito para sa ina. Pero bago pa man pumatak ang kaniyang mga luha ay mabilis niyang kinagat ang pang-ilalim niyang labi at humugot siya nang malalim na paghinga at pinakawalan iyon sa ere. Nang magmulat naman ng mga mata si Emzara ay mabilis itong tumayo at walang paalam na yumakap sa kaniya. Nagulat pa siya dahil sa ginawang iyon ng bata. Pero sa huli ay ginantihan na rin niya ang pagkakayakap nito sa kaniya. Napangiti siyang muli.
“Hindi ka na iiyak, okay?” aniya at masuyong hinaplos-haplos ang likod nito.
“I think I like you, Gelaena.” Sa halip ay saad nito sa kaniya.
Mas lalo siyang napangiti dahil sa sinabi nito. Mayamaya ay lumayo ito sa kaniya at muli siyang tinitigan nang mataman.
“Gusto mo na ako?” tanong niya.
“Just don’t scold me like my other nanny.”
Nangunot naman ang noo niya. “Pinapagalitan ka ng ibang yaya mo?”
Tumango naman ito at inayos ang sariling buhok. “Yeah. They called me spoiled brat and maldita. But I’m not.”
“Of course you’re not. Ang cute mo nga, e!” nakangiting saad niya pagkuwa’y kumilos na rin siya sa kaniyang puwesto upang tumayo na. Nang mahagip ng paningin niya ang pagkain na nasa tray at nasa ibabaw ng kama nito, binalingan niya ulit ito ng tingin. “Hindi ka pa kumakain?” tanong niya.
Naglakad naman ito papunta sa center table kung saan may mga libro at papel na naroon. “I don’t like pancakes.” Anito.
“What do you want then?” tanong niya nang kunin niya ang tray at naglakad siya palapit dito. “Gusto mo gawan kita ng banana cue? That’s my favorite snack.”
“What is that?”
“Saging na maraming asukal at pinirito sa maraming mantika. Masarap ’yon.” Nakangiting saad niya.
“But I don’t like sweets. Ang sabi ni mommy bad daw ’yon sa teeth ko.”
“Mmm, bad nga sa teeth ng bata ang matatamis. Pero... masarap ’yon. Gusto mo bang subukan muna?” tanong pa niya.
Saglit itong nanahimik at tila nag-iisip ng isasagot sa kaniya. Mayamaya ay bumuntong-hininga ito, “okay,” sagot nito.
Muli siyang napangiti. “Okay. Iiwan na muna kita rito at bababa ako sa kusina para magluto ng meryenda mo.”
Tumango lamang ito sa kaniya ’tsaka itinuon ang atensyon sa librong nasa harap nito. Saglit niya itong tinitigan bago siya humakbang na palabas ng kwarto. Nang nasa labas na siya ng pinto at maisarado niya iyon, bigla siyang napahugot nang napakalalim na paghinga at pinakawalan iyon sa ere. Napahawak pa siya sa kaniyang dibdib.
“Oh, ang akala ko ay magla-last day agad ako ngayong araw. Mabuti na lang at mukhang magkakasundo naman kaming dalawa.” Aniya sa sarili ’tsaka tinahak na ang daan hanggang sa makababa siya sa mataas na hagdan.
“Bes, ano, kumusta ang señorita?” tanong sa kaniya ni Arlene nang makapasok siya sa kusina.
Ngumiti naman siya. “Ayon, tumahan na rin sa wakas.”
“Talaga?” nangunot pa ang noo nito at tila hindi makapaniwala sa sinabi niya. “Napatahan mo ang batang ’yon?” tanong pa nito.
Tumango naman siya ’tsaka siya naglakad palapit sa lababo at inilapag doon ang tray na bitbit niya. “Oo, tumahan na nga. At ito nga ay magluluto ako ng banana cue para sa meryenda niya.”
Matamang tumitig sa kaniya si Arlene, tila ayaw pa rin nitong maniwala sa kaniya. “Ano ang ginawa mo bes, para patahanin ang batang ’yon? I mean, hindi lang ako makapaniwala. Kasi sa lahat ng naging yaya niya, walang ni isa ang nakakapagpatahan sa kaniya. Kahit nga si Mayor at si Señor Salvador ay hindi napapatahan ang batang ’yon. Minsan si Doña Cattleya nakakapagpatigil sa pag-iyak at pagta-tantrum n’on pero madalas ay hindi talaga.”
Bumuntong-hininga siya at nilingon si Arlene. “Sa tingin ko, kailangan lang ng malawak na pag-unawa at pag-intindi sa bata, bes. Lalo pa at labis siyang nangungulila sa mommy niya.” Pagpapaliwanag niya rito.
“Sabagay.” Anang Arlene sa kaniya.
“May dala pala kaming saging ni Tiya Hulya kanina, bes. Nasaan ba ’yon at magluluto ako ng banana cue para makapag-meryenda na rin ang Señorita Emzara.” Pag-iiba niya ng kanilang usapan mayamaya.
“Teka, narito sa likod at hindi ko pa naiaayos sa lalagyan.” Anito at kaagad na lumabas sa pintuang nasa sulok ng kusina. Mayamaya, pagbalik nito ay bitbit na ang isang piling ng hinog na saba. “Ito bes. Tulungan na rin kita tutal at wala naman akong gagawin ngayon.”
“Sige. Salamat, Arlene.”
Kaagad niyang sinimulang balatan ang mga saging habang si Arlene naman ay nagpainit na ng kawali at mantika.
“Nasa labas pala ang lalagyan ng basura, bes. Hindi ko pa naibalik dito kanina. Akin na at ako na ang magtatapon niyan sa labas.”
“Hindi na. Ako na lang. Ituro mo na lang sa akin kung nasaan banda ang basurahan doon sa labas.” Aniya.
“Nasa garahe pa iyon dahil mamayang gabi ko pa ’yon ilalabas para kunin ng mga garbage collector bukas ng umaga.” Anito. “Malapit lang ’yon sa may gate.”
“Sige. Itatapon ko lang ito.” Pagkasabi niyon ay ’tsaka siya lumabas ng kusina hanggang sa makalabas siya ng main door at makarating siya sa garahe. Nagpalinga-linga pa siya upang hagilapin ang basurahan na sinasabi ni Arlene sa kaniya. “Nasaan ba ’yon?” tanong pa niya sa sarili. Mayamaya, nang mahilo na siya kakaikot at hindi pa rin makita ang basuharan, humakbang siya papunta sa may swimming pool area, sakto namang may nakita siyang lalaki na naroon at nakatalikod sa may gilid ng pool. “Kuya, hardinero ka po ba rito? Alam mo ba kung nasaan ang basurahan?” tanong niya sa lalaki.
Bigla namang pumihit paharap sa kaniya ang lalaki. Magkasalubong ang mga kilay nito at matalim ang titig na ipinukol sa kaniya.
“Excuse me?” malamig ang boses nito. “You called me a hardinero?” nagtiim pa ito ng bagang.
Bigla naman siyang napalunok at nakadama ng kaba sa dibdib niya dahil sa klase ng titig nito sa kaniya. “A, e, h-hindi ka po hardinero dito?” nauutal at kinakabahang tanong niya.
“Do I look like a gardener to you, miss?” sa halip ay balik na tanong nito sa kaniya.