CHAPTER 1

1824 Words
CHAPTER 1 “TIYA HULYA, ito na po ba ang bahay ng amo ninyo?” nakangiting tanong ng dalagang si Gelaena sa matandang kaniyang kasama na dumating sa mansion ng mga Ildefonso. Inilibot pa niya ang paningin sa buong paligid. Mababakas sa mukha niya ang labis na pagkamangha dahil sa kaniyang nakikita. Napakaganda ng mansion at napakalaki pa. Maging ang harden ay napakalawak at sa bandang dulo ay may malawak na swimming pool din. Humahalimuyak din ang bango ng mga bulaklak na nakatanim sa gilid ng garahe. “Oo, hija! Ito na nga ang mansion ng mga Ildefonso. Rito ako nagtatrabaho.” Sagot naman ng kaniyang Tiya Hulya nang makapasok na rin ito sa gate. “Napakalaki po pala ng mansion nila!” “Magandang araw po, Manang Hulya! Nakarating na po pala kayo!” anang guard na lumapit pa sa matanda upang tulungan itong magbuhat ng bayong na bitbit nito. “Maraming salamat, Chito. Pakidala na lamang iyan sa kusina.” “Opo.” Anang guard na kaagad din naman umalis. “Halika hija at ipapakilala agad kita kay Señor Salvador.” “Sige po!” aniya ay inayos pa niya sa kaniyang balikat ang malaking shoulder bag niya na pinaglagyan niya ng kaniyang mga gamit at damit. Magkaagapay silang naglakad papunta sa main door. At nang makapasok sila roon, mas lalo siyang namangha at nalula sa ganda ng sala na bumungad sa paningin niya. Halos pigil ang kaniyang paghinga habang inililibot niya na naman ang paningin sa malawak na sala. Wow! Sa isip-isip niya. “Hulya, nariyan ka na pala!” Naagaw ang kaniyang atensyon nang marinig niya ang boses ng isang matandang lalaki na prenteng nakaupo sa mahaba at mamahaling sofa habang may hawak-hawak itong news paper, pero agad din naman iyong itiniklop. “Halika, hija! Naroon ang Señor Salvador.” Nagpatianod naman siya sa matandang babae nang igiya na siya nito palapit sa kinaroroonan ng matandang lalaki. “Magandang araw ho, Señor Salvador.” Bati ng kaniyang Tiya Hulya sa matandang lalaki. “Magandang araw din sa ’yo, Hulya! Mabuti at nakabalik ka na mula sa bakasyon mo.” Nakangiti pang saad nito. “Kumusta ang biyahe mo?” “Oho, Señor Salvador. Mabuti naman ho ang biyahe namin,” wika nito. “Siya nga ho pala, señor. Ito ho si Gelaena, pamangkin ko. E, pasensya na ho kung isinama ko siya rito. Naghahanap ho kasi siya ng trabaho.” “Magandang araw po, Señor Salvador!” nakangiti at magalang na bati niya rin sa matanda. “Good morning, hija! Nice to meet you.” Inilahad pa nito ang kamay sa kaniya na kaagad din naman niyang tinanggap. “Nice to meet you rin po.” Hindi pa rin nawawala ang ngiti sa kaniyang mga labi. “Okay lang ho ba kung mamamasukan dito si Gelaena sa mansion, Señor Salvador? E, tinawagan ho kasi ako ni Arlene no’ng isang araw at sinabi sa akin na kailangan na namang maghanap ng bagong mag-aalaga kay Señorita Emzara dahil umalis na naman ang kaniyang yaya. Kaya ho naisipan kong isama na lamang dito itong pamangkin ko.” “Of course, there’s no problem, Hulya! Oo nga’t umalis na naman ang tagapag-alaga sa batang iyon. Mabuti at inabesohan ka ni Arlene. At isa pa, pamangkin mo naman siya kaya mas mainam kung siya ang magiging bagong yaya ng apo ko,” wika nito at tinapunan siya ulit ng tingin. “Pero, mahilig ka ba sa mga bata, hija?” tanong nito sa kaniya. “Ang totoo po niyan, nag-iisa lang po akong anak ng magulang ko. Pero mahilig po ako sa mga bata. Siguro po, kaya ko namang alagaan ang apo ninyo.” Nakangiting saad niya. “Mahirap i-please ang apo kong ’yon kaya walang may nagtatagal na yaya niya. But, let’s try kung aamo siya sa ’yo.” Ngumiti siyang muli. “Ibig n’yo pong sabihin ay tanggap na po ako sa trabaho ko rito?” Ngumiti rin sa kaniya ang Señor Salvador. “Of course.” Nakangiting binalingan niya ng tingin ang kaniyang tiyahin, pagkuwa’y muling tumingin sa matandang Salvador. “E, kailangan n’yo pa rin po ba ng bio-data ko or resume po?” “No need, hija! Pamangkin ka naman ni Hulya kaya hindi na kailangan. Maari ka nang magsimula sa trabaho mo ngayon o bukas. Hulya, isama mo na ang pamangkin mo sa kwarto ninyo para makapagpahinga muna kayo. Alam kong pagod pa kayo sa naging biyahe ninyo.” “Oho, Señor Salvador. Maraming salamat ho!” “Thank you po, Señor Salvador.” Aniya sa matanda bago siya sumunod sa kaniyang tiyahin. “Tiya Hulya, mabait po pala talaga ang amo ninyo, ano?” aniya habang magkaagapay na silang papasok sa malawak na dining area. “Napakabait talaga niyang si Señor Salvador, maging ang kaniyang asawa na si Doña Cattleya.” “E, ’yong Emzara po na apo niya na aalagaan ko, ilang taon nga po ulit siya?” tanong pa niya. “Seven years old na ’yon.” “Ah, akala ko po ay masiyado pang bata,” wika niya. “Hindi naman po siguro ako mahihirapan na alagaan siya ano po, Tiya Hulya?” “Sana.” Sagot lamang nito. Nang makapasok sila sa malawak na dining area ay pumasok ulit sila sa isang pinto hanggang sa makarating sila sa kusina. “Nanay Hulya, narito na po pala kayo!” Isang babaeng sa tingin niya ay kaedaran niya lang din ata ang nakita niyang naroon sa kusina at naghahanda ng pagkain sa mesa. “Oo, Arlene. Kararating lang namin.” “Siye na po ba ’yong sinasabi mong pamangkin mo, Nanay Hulya?” habang nakatingin at nakangiti ito sa kaniya nang malapad. Ngumiti rin siya rito. “Oo. Ito si Gelaena. Hija, siya naman si Arlene. Isa sa mga kasambahay rito sa mansion.” “Hi! Nice to meet you, Arlene.” “Nice to meet you rin, Gelaena.” Magiliw pa ring saad nito sa kaniya. “Mabuti na lang at isinama ka rito ni Nanay Hulya. Sa wakas ay may makakasama na rin akong kasing edad ko lang. Paano naman kasi, puro tanders na ang kasama ko rito sa mansion,” pabirong saad pa nito. “Masaya rin ako na nandito ako ngayon sa mansion ni Señor Salvador. Kailangan ko kasi talaga ng pera ngayon, e! Kaya kailangan ko ng trabaho.” “Lahat ng tao ay kailangan talaga ng pera ngayon,” wika nito. “Halina muna po kayo Nanay Hulya, para po makapag-miryenda kayo ni Gelaena, may ginawa po akong snack para sa inyo.” Nagpatiuna itong bumalik sa mesa. Nang makalapit siya roon ay kaagad naman siyang umupo sa isang silya. “Mamaya pagkatapos mong magpahinga Gelaena, sasamahan kita sa kwarto ni Señorita Emzara para magkakilala kayo. Pero ngayon pa lang ay wa-warning-an agad kita. Sana habaan mo ang pasensya mo sa batang ’yon, a! Para naman may tumagal ng yaya niya. Alam mo kasi, ang pinakamatagal na nagbantay sa kaniya ay dalawang araw lang.” Nangunot ang kaniyang noo. “Huh? E, bakit? Masiyado bang spoiled o masama ang ugali ng batang babantayan ko?” nakadama siya bigla ng kaba na baka magaya rin siya sa mga naunang yaya ng bata. Baka kakaumpisa niya pa lamang ay umayaw rin siya agad. Nako, kailangan niya ng trabaho ngayon! “Hindi naman, ano lang...” anito at saglit na tiningnan ang matandang Hulya na nakaupo na rin sa isang silya. “Tahimik na bata si Emzara nang unang punta rito sa mansion. Pero nang tumatagal na, lagi na silang nagtatalo na mag-ama. Laging inaaway ang mga yaya niya kaya walang may tumatagal na nagbabantay sa batang ’yon. Gusto kasing makita ang nanay kaya laging ganoon ang ugali. Laging nagwawala.” Pagpapaliwanag ng matanda. “Ah, wala po pala siyang nanay?” tanong niya ulit. “Wala. Ang balita namin ay inihatid lang ’yang si Señorita Emzara kay Mayor at bigla na lang naglaho na parang bula ang nanay niya at—” “Zzzttt, Arlene! Tama na ’yang daldal mo. Baka makarating pa ’yan kay Mayor Gawen at magalit pa sa atin.” Saway ng matandang Hulya sa dalaga. Ngumiti naman ito sa kaniya. “Basta, malalaman mo na lang din ang kwento kung tumagal ka rito,” wika nito. Napatango na lamang siya. “Siya sige na at kumain ka na, hija at nang makapagpahinga muna tayo pagkatapos.” Kaagad naman siyang naglagay ng pagkain niya sa platitong ibinigay sa kaniya ni Arlene. At pagkatapos nga nilang kumain ay nagtungo na rin sila sa Maid’s quarter upang saglit na magpahinga. Bandang hapon nang puntahan siya ni Arlene sa kanilang silid. “Halika at sasamahan kitang makita at makilala ang aalagaan mo,” wika nito sa kaniya. Katatapos lamang niyang maligo at magbihis. Lumabas sila sa silid nila ng kaniyang Tiya Hulya. “Nasa silid lang ngayon si Señorita Emzara at nag-aaral malamang dahil nariyan ang temporary yaya niya.” “Mayor pala ang tatay ng babantayan ko, Arlene?” tanong niya habang paakyat na sila sa mataas na hagdan upang tunguhin ang silid ng batang babantayan niya. “Oo. Pero...” anito at dumukwang pa sa kaniya. “Hindi talaga siya totoong anak ni Mayor Gawen.” Nangunot ang kaniyang noo at napatitig sa babae. “Basta, mahabang kwento. Halika na at ng makilala mo na siya.” Anito at hinawakan pa ang kaniyang kamay at hinila na siya papunta sa silid na nasa bandang gitna sa kanang bahagi ng pasilyo. Kumatok muna si Arlene sa pinto bago nito pinihit ang doorknob at sumilip ito sa loob. Ganoon din naman ang kaniyang ginawa. Nakisilip din siya sa siwang ng pinto bago iyon itinulak ni Arlene. “No! I don’t want to eat. I don’t want to study! I just want to be alone!” Pareho pa silang nagulat nang biglang sumigaw ang isang batang babae na nasa sulok ng silid at nakaupo sa sahig. Ipinagbabato pa nito ang reading book na hawak nito kaya natamaan sa mukha ang isang yaya. “I said leave me alone! I don’t like you!” “Ayoko na! Suko na ako sa batang ’yan!” anang babae at nagmamadali pa itong lumabas ng silid habang hawak-hawak ang mukha na tinamaan ng libro. Sinundan niya pa ito ng tingin bago niya muling tiningnan ang batang nagta-tantrum sa sulok. “I want my mommy!” umiyak ito bigla. “I want my mommy!” “See? Ayan ang sinasabi ko, Gelaena.” Anang Arlene sa kaniya. Alangan at tipid naman siyang ngumiti rito at napalunok ng kaniyang laway. “Paano bes, iwan na kita rito? Ikaw na ang bahala! Pakainin mo na ’yan,” sabi nito at naglakad palapit sa kaniya. “Good luck!” tinapik pa ang kaniyang balikat bago ito naglakad palabas ng silid. Malalim na paghinga ang kaniyang pinakawalan sa ere ’tsaka napalunok ulit siya ng kaniyang laway nang titigan niya ang batang umiiyak.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD