CHAPTER 40

2479 Words
“WALA pa rin bang balita kung nasaan si Gelaena ngayon, Cullen?” galit na tanong ni Carlos habang nakaupo ito sa isang silya na nasa lanai. May hawak-hawak pa itong rock glass na may lamang whisky. “Pasensya na po, señor. Pero, wala pa rin po kaming balita,” sagot ng binata. “Kung saan-saan na po namin hinanap si Señorita Gelaena, pero hindi po talaga namin siya makita.” Dagdag pa nito. Tiim-bagang na napabuntong-hininga nang malalim si Carlos at humigpit ang pagkakahawak nito sa baso. “Ginagalit talaga ako nang husto ng batang ’yon,” galit na wika pa nito. “Manang-mana sa mama niya na matigas ang ulo.” “E, kanino pa nga ba magmamana ’yang anak mo, Carlos?” tanong ni Alicia nang dumating din ito sa lanai. Pinaikot pa nito ang mga mata nang tapunan ito ng tingin ng asawa. “Kagaya kay Mae, matigas ang ulo ng batang ’yan. Kung sana hinayaan mo ang dati mong asawa na kunin ’yang spoil brat mong anak, sana wala kang malaking problema ngayon,” wika pa nito ’tsaka umupo sa isang silya matapos ipatong sa gilid ng mesa ang bitbit nitong mamahaling bag. “Yaya, pakitimplahan nga ako ng kape!” utos pa nito sa isang kasambahay na kaagad namang tumalima. “Manahimik ka nga riyan, Alicia!” pagalit na saad pang muli ni Carlos. “I’m just stating the fact, Carlos!” ani nito nang muling tingnan ang asawa. “Matagal ng sakit sa ulo ang Gelaena na ’yan. Pero bakit hindi mo na lamang siya hayaan na umalis dito sa mansion?” Muling napatiim-bagang si Carlos at matalim na titig ang ibinigay sa asawa. “Malaki ngang sakit sa ulo si Gelaena. Pero tandaan mo Alicia, sa kaniya nakasalalay ang kayamanan ko. Kay Gelaena nakasalalay upang matugunan ko ’yang mga luho mo sa buhay,” mariing sabi nito. “Kung sana matagal ko ng nakuha kay Gelaena ang buong mana na iniwan sa kaniya ni papa, noon ko pa pinabayaan ang batang ’yan na umalis. Wala naman akong pakialam kung lumayas siya at umalis sa poder ko. Pero hanggat hindi ko nakukuha ang kayaman ni Gelaena, malaki ang silbi sa akin ng batang ’yon, Alicia.” “E bakit kasi hindi ka na lang magdagdag ng mga tauhan mo para mas mapabilis ang paghahanap sa anak mong ’yan? Tutal at malaki naman ang perang makukuha mo oras na makuha mo si Gelaena. Baka mamaya, magkita na sila ni Mae... mas lalong wala ka ng makukuhang kayamanan sa kaniya.” Natahimik naman si Carlos dahil sa mga sinabi ni Alicia. Damn. Ilang taon na ang tiniis ni Carlos para lamang makuha ang lahat ng kayaman ng anak nitong si Gelaena na iniwan dito ng lolo nito na ama ng dati nitong asawa na si Mae. Pero masiyado ng matigas ang dalaga kaya kahit ano ang gawin nitong pang-uuto sa anak noon pa man ay hindi pinipirmahan ni Gelaena ang mga dukomentong magiging tulay upang mailipat sa pangalan nito ang lahat ng yaman ng anak. Si Gelaena lamang ang pag-asa at sagot ni Carlos upang muling maisalba ang mga negosyo nitong unti-unti ng nalulugmok dahil sa laki ng utang nito, maging ang pagiging maluho ng asawa. Pero mas lalo pa itong nagkaroon ng malaking problema nang natakasan ito anak. At hanggang ngayon ay hindi pa rin nito makita si Gelaena. “Where is Alison, Cullen?” mayamaya ay tanong ni Alicia sa binatang bodyguard. “Nasa Makati po si Señorita Alison, Doña Alicia. Pinuntahan po namin siya kahapon, pero ayaw pong sumama pauwi rito.” Anang binata. “Isa pa ang batang ’yan! Masiyado ng nahawa sa katigasan ng ulo ng anak mong si Gelaena.” Paninisi pa ni Alicia kay Carlos. Muling dinala ni Carlos sa bibig nito ang basong hawak nito at inisang lagok ang laman niyon. Pagkatapos ay nagbuntong-hininga pa ito nang malalim. “Pabayaan mo ang anak mong ’yan. Mas mahalaga sa akin ngayon na mahanap si Gelaena.” Ani nito. “Cullen!” “Yes po, señor?” “Magdagdag ka ng mga tauhan mo para sumama sa paghahanap kay Gelaena. Just make sure na makakakuha na kayo ng lead kung nasaan ang batang ’yon.” “Opo, Señor Carlos!” pagkasabi niyon ni Cullen ay kaagad itong tumalikod at umalis. “MOMMY GELAENA! Come on, let’s swim!” tili at tawag sa kaniya ni Emzara habang nasa swimming pool ito at kasama si Arlene. Malapad pa ang ngiti nito habang nakatingin sa kaniya. Kumaway naman siya sa bata habang naglalakad na siya palapit sa lounge chair na nasa gilid ng pool. Nang makalapit siya roon ay inilapag niya sa mahabang upuan ang bitbit niyang towel at kaagad niyang hinubad ang suot niyang robe. Tanging nude two piece bikini na lamang ang suot niya habang nakalugay naman ang kaniyang buhok. “Come on, Mommy Gelaena!” “Oo, saglit lang!” aniya sa bata na excited nang tumalon siya sa tubig upang samahan ito at si Arlene na maglunoy roon. Saglit siyang nag-stretching bago tumayo sa gilid ng pool. Handa na sana siyang mag-dive sa tubig nang bigla naman siyang matigilan nang makadama siya ng pagkirot sa kaniyang sentido at bigla siya nakadama ng pagkahilo. “Ah!” daing niya at bahagyang napaatras at napahawak sa ulo niya. “Ouch!” daing pa niyang muli nang mas lalo siyang nakadama ng kirot sa ulo niya. “Gelaena! Ayos ka lang ba, bes?” nag-aalalang tanong sa kaniya ni Arlene nang makita nitong hindi siya okay. Dahan-dahang siyang naglakad pabalik sa lounge chair at umupo siya roon habang masuyo niyang hinihilot ang kaniyang sentido. “Mommy Gelaena, are you okay po?” dinig niyang tanong din sa kaniya ni Emzara nang lumapit na si Arlene sa gilid ng pool. “A-ayos lang ako,” sagot niya habang iniinda pa rin ang pagkirot ng kaniyang ulo. Mamaya ay umahon na ang dalawa sa tubig at dinaluhan siya. Umupo sa tabi niya si Arlene. “Siguro kang ayos ka lang, bes?” nag-aalala pa ring tanong ni Arlene. “Ano ba ang nangyari sa ’yo?” “E-ewan! Bigla lang ako nakadama ng hilo at pananakit sa sentido ko.” Aniya. “Masakit pa ba?” “Medyo kumikirot pa,” sabi pa niya. “Ahhh!” humugot siya nang malalim na paghinga at pinakawalan iyon sa ere kasabay nang pagpikit niya nang mariin upang pakalmahin ang kaniyang sarili. “Gusto mo bang magpunta tayo sa hospital?” “Hindi na, Arlene! Mayamaya ay mawawala rin itong sakit. Siguro... siguro dala lang ito ng wala pa rin akong maayos na tulog kagabi,” sabi niya. “No’ng isang araw ko pa rin ito nararamdaman, e!” “Bakit hindi mo agad sinabi, bes?” anang Arlene. “Sana no’ng isang araw pa kita nasamahan pumunta sa ospital.” “Ayos lang naman ako, Arlene. Kaya ko namang indain ang sakit kaya hindi na kailangang magpunta sa ospital.” “E, para makasigurado nga tayong ayos ka lang talaga,” giit na sabi pa nito. Ngumiti siya kay Arlene nang tapunan niya ito ng tingin. “Ayos lang talaga ako. Hindi na kailangang magpunta sa ospital.” Ulit na saad niya rito. “Are you sure, Mommy Gelaena?” Ngumiti rin siya kay Emzara pagkuwa’y tumango siya. “Ayos lang ako. Siguro, magpapahinga lang ako saglit bago maligo.” “You can take a rest na lang po if you want. Kasama ko naman po si Ate Arlene, e!” “Oo nga, bes! Magpahinga ka na lang muna roon. Ako na ang bahala kay Emzara. Baka mamaya ay lumala pa ’yang pananakit ng sentido mo.” Bahagya siyang humugot nang malalim na paghinga at pinakawalan iyon sa ere. Pinakiramdaman niya ang kaniyang sarili. Nang medyo kumikirot pa rin ang kaniyang sentido... “Ayos lang ba talaga sa ’yo na ikaw na muna ang magbantay kay, Emzara? Magpapahinga lang ako saglit.” “Oo naman! Huwag kang mag-alala at ako na muna ang bahala sa alaga mo. Magpahinga ka na muna roon sa kuwarto at baka lumala pa ’yang nararamdaman mo.” Ngumiti naman siya ulit kay Arlene at binalingan din ng tingin si Emzara. “Kay Ate Arlene ka muna, huh? Magpapahinga lang ako.” “Okay po. Take a rest.” Mayamaya ay tumayo siya sa kaniyang puwesto at muling isinuot ang robe na hinubad niya kanina ’tsaka siya muling naglakad papasok sa mansion nang hindi na siya ganoong nahihilo. “Akala ko ba ay maliligo kayo, hija?” tanong sa kaniya ng kaniyang Tiya Hulya nang pagkapasok niya sa kanilang silid ay naroon din ang matanda. “Sana po, tiya,” sabi niya. “Pero, bigla po akong nahilo at nakadama ng kirot sa sentido ko kaya magpapahinga po muna ako saglit.” Umupo siya sa gilid ng kaniyang kama. Kunot ang noo na napatitig naman sa kaniya ang matandang Hulya dahil sa sinabi niya. “Kumikirot kamo ang sentido mo, hija?” “Opo, Tiya Hulya,” sagot niya. “No’ng isang araw ko pa po ito nararamdaman. Pero, dala lang po siguro ito sa ilang gabi ng wala akong maayos na tulog.” Pagpapaliwanag niya sa matanda upang hindi na rin ito mag-alala nang husto sa kaniya. Hindi naman umimik ang matandang Hulya at mataman lamang na tinitigan ang dalaga. Mayamaya ay bumuntong-hininga ito at tumikhim. “Siya sige at magpahinga ka na muna riyan.” “Opo, tiya. Pero... gisingin n’yo po ako mamaya at baka late na po akong magising.” “Sige at ako ang bahala.” Tumango naman siya ’tsaka tumayo saglit sa kaniyang puwesto upang magbihis. Pagkatapos ay muli siyang humiga at natulog na. NAGISING SI GELAENA mula sa mahimbing niyang pagkakatulog nang maramdaman niyang parang may mga matang matamang nakatitig sa kaniya at may palad na masuyong humahaplos sa kaniyang pisngi. Kahit nararamdaman pa rin niya ang bigat ng kaniyang ulo at mga talukap, dahan-dahan siyang nagmulat ng kaniyang mga mata. Ang una niyang nakita agad ay ang guwapo at nakangiting mukha ni Gawen habang nakatunghay ito sa kaniya. “Hey, sleepy head! How are you?” tanong sa kaniya ni Gawen nang tuluyan siyang magmulat ng kaniyang mga mata. Hindi naman agad siya nagsalita at nanatili siyang nakatitig lamang sa mukha nito. Halos isang minuto ata siyang nakatulala lamang sa binata. Unti-unti namang naglaho ang ngiti sa mga labi ni Gawen at tinitigan din siya ng seryoso. At pagkatapos ay umangat ang kamay nito papunta sa kaniyang noo upang haplusin siya roon maging anh kaniyang leeg. “L’amour, are you alright? Pinapag-alala mo ako ngayon.” Ani nito. Mayamaya ay nangunot ang kaniyang noo at sunod-sunod siyang napakurap. “Gawen?” bahagya pa siyang nagulat nang makita niyang nasa harapan niya pala ang binata. “Hey!” “K-kanina ka pa ba rito?” nauutal na tanong niya. “Kanina pa ako nakaupo rito sa tabi mo, L’amour,” sagot nito. “What happened to you? Parang... parang hindi mo ako nakita nang magmulat ka ng mga mata mo?” Nakatitig lamang siya nang mataman sa mukha nito. At mayamaya ay humugot siya nang malalim na paghinga at pinakawalan iyon sa ere. Ipinilig niya ang kaniyang ulo at bahagyang nag-iwas ng tingin dito. Umangat ang isang kamay niya at masuyong hinaplos ang kaniyang sentido. “I... I’m sorry.” “No, it’s okay, my love.” Anang Gawen at kinuha ang kamay niyang nasa noo niya at masuyo iyong pinisil at ikinulong sa mga palad nito. “I was worried about you earlier. Tinawagan kasi ako ni Emzara at sinabi niyang masama raw ang pakiramdam mo.” Tipid siyang ngumiti. “Medyo masama ang pakiramdam ko kanina kaya nagpahinga na muna ako,” sabi niya. “What time is it, Tangi?” tanong niya. “It’s already four in the afternoon.” Bigla namang nanlaki ang kaniyang mga mata dahil sa sinabi nito. “Alas kuwatro na?” gulat na tanong niya. At akma na sana siyang babangon, pero pinigilan naman siya ni Gawen. “Hey, relax! Huwag ka na munang bumangon, L’amour. Baka hindi ka pa okay.” “I’m fine,” sabi niya. “Kanina pa ako natutulog. Nakakahiya naman at—” “That’s okay, Gelaena. Masama ang pakiramdam mo kaya ayos lang na magpahinga ka na muna.” “Pero—” “Huwag ng matigas ang ulo mo, my love,” wika nito. “Hindi rin kita papayagang bumangon para magtrabaho kung ganitong alam ko na hindi ka okay at masama ang pakiramdam mo.” Saglit siyang napatitig sa mukha nito. Pero mayamaya ay ngumiti siya. “Thank you, Tangi.” Dumukwang naman sa kaniya si Gawen at masuyong ginawaran ng halik ang kaniyang mga labi. “Mamaya ay sasamahan kitang magpunta sa ospital para magpa-check up.” Ani nito nang lumayo sa kaniya. “No need na, Tangi.” “I insist, L’amour. Mas mabuti na ’yong sigurado tayo sa kalusugan mo.” “But—” “No more buts if you don’t want me to get mad at you, okay?” Nakagat na lamang niya ang pang-ilalim niyang labi at ngumiti ulit dahil sa sinabi ng kaniyang nobyo. “Okay po, Mayor.” Ngumiti na rin ito sa kaniya. “Are you hungry?” Sasagot na sana siya, pero bigla namang kumalam ang kaniyang tiyan kaya napahawak siya roon. Oh, kaninang umaga pa lamang siya kumain! Hindi na siya nakapagtanghalian dahil nakatulog naman siya. Simula kaninang alas dyes ng umaga ang tulog niya hanggang ngayong alas kuwatro ng hapon. Ang haba ng naging pahinga niya. Nakakahiya sa mag-asawang Ildefonso! Sasahod siya ng isang araw ng wala naman siyang ginawang trabaho kun’di ang matulog lang. “Medyo,” sagot niya. “Alright. Just stay here at pupunta ako sa kusina para gumawa ng snacks natin. Nagugutom na rin ako. What do you want by the way?” “Tangi, ako na lang ang gagawa—” “I can do it, my love. Please, huwag ng matigas ang ulo mo.” Napangiti siyang muli dahil sa pangungunot ng noo nito ngayon. Ang cute pa lang mainis ng nobyo niya. “Okay fine,” kunwari ay napipilitang sagot niya rito. “Kahit ano ang gawin mo ay kakain ko.” “Alright,” sabi ni Gawen ’tsaka binitawan ang kamay niya. “Huwag ka ng bumangon at hintayin mo lang ako rito.” “Aye, aye, aye!” aniya. Sinundan pa niya ng tingin si Gawen nang maglakad na ito palabas ng silid nila ng kaniyang Tiya Hulya. Mayamaya, naglahong bigla ang ngiti sa mga labi niya at humugot siya nang malalim na paghinga at muling napahawak sa sentido niya. Ipinikit niya nang mariin ang kaniyang mga mata. “Ahhh!” Nang marinig niya ang sigaw na iyon sa kaniyang isipan ay bigla siyang napamulat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD