KAAGAD na napatayo si Gelaena mula sa pagkakaupo sa long bench na nasa gilid ng hallway ng hospital nang bumukas ang pinto ng Emergency Room at lumabas doon ang lalaking doctor. Napatayo na rin ang mag-asawang Salvador at Cattleya.
“Doc, h-how’s Gawen?” nag-aalalang tanong ni Doña Cattleya habang yakap-yakap nito ang sarili maging ang nakapatong na shawl sa mga balikat nito.
“Is he okay? What happened to him?” tanong din ni Señor Salvador, na kagaya sa asawa’y labis din ang pag-aalala para sa anak.
“Hindi n’yo na po kailangang mag-alala Doña Cattleya, Señor Salvador. Mayor Gawen is fine now,” sabi nito. “Nag-LBM lang siya kanina. Maybe he ate something unpleasant food that made his stomach upset. But, like what I have said, you have nothing to worry about. He has taken medicine and for now he just needs to rest so that his body can regain its strength.” Pagpapaliwanag nito.
Doon lamang nakahinga nang maluwag ang mag-asawa, maging si Gelaena na rin.
Kanina nang makita ni Gelaena ang namumutlang mukha ni Gawen nang lumabas ito sa kwarto nito at biglang matumba sa sahig, labis ang kaniyang kaba at pag-aalala. Ang buong akala niya’y kung ano na ang nangyari dito kaya nahimatay. Halos mabulabog niya pa ang buong mansion nang magsisigaw siya upang humingi ng tulong at para madala agad sa ospital si Gawen. Pero ngayong sinabi ng doctor na ayos na ito... wala na siyang dapat na ipag-alala.
Muli siyang humugot nang malalim na paghinga at pinakawalan iyon sa ere.
“Thank God! Oh, thank God!” anang Doña Cattleya na isinandal pa ang ulo sa balikat ng asawa.
“Mamaya lang po ay ililipat na rin siya ng nurse sa kwarto niya. Bukas ko pa siya ng tanghali pauuwiin.”
“Salamat, doctor!”
“No problem po.” Anito. “Maiiwan ko po muna kayo riyan at may pasyente pa po akong pupuntahan.”
“Thank you so much.” Habol pang saad ng doña bago tuluyang tumalikod ang doctor at umalis.
“Ano naman kaya ang nakain ng batang iyon para mag-LBM siya?” tanong ng Señor Salvador.
“Hindi naman siya kumain kanina nang dinner. So, ano ang nakain niya para sumama ang tiyan ng batang iyon? I was so worried, hon!”
“Stop worrying, hon! Narinig mo naman ang sinabi ng doctor na okay na si Gawen, so you don’t have to worry.”
“Hindi ko lamang maiwasan.”
Tahimik lamang siyang nakikinig sa usapan ng mag-asawa habang nasa likuran siya ng mga ito.
Mayamaya pa ay bumukas ulit ang pinto ng ER at lumabas doon ang isang nurse habang ang isa naman ay itinutulak ang hospital stretcher bed.
Nang sumunod ang mag-asawa kay Gawen na nakahiga sa stretcher bed at payapang natutulog, tahimik na sumunod din siya sa mga ito hanggang sa makarating sila sa isang private room.
“Gelaena hija!”
“Yes po, Señor Salvador?” aniya at kaagad siyang lumapit sa mag-asawa na nakatayo sa may paanan ng hospital bed. Nailipat na roon si Gawen.
“We need to go home. Kasi bawal sa asawa ko ang magpuyat. Pero walang may maiiwan dito kay Gawen. So, I want you to stay here at samahan mo rito si Gawen, okay?”
Saglit niyang ipinagpalipat-lipat ang tingin sa mag-asawa ’tsaka tinapunan niya rin ng tingin si Gawen na mahimbing na natutulog.
Ako ang magbabantay sa kaniya rito? Maiiwan kaming dalawa rito sa ospital?
“E, p-paano po si Emzara—”
“Si Arlene na ang pagbabantayin ko sa kaniya,” sabi ni Señor Salvador hindi pa man niya natatapos ang kaniyang pagsasalita. “Just stay here. Walang may magbabantay rito kay Gawen.”
“Sige na, hija!” saad pa ng doña.
Sa huli ay wala na rin siyang nagawa kun’di ang tumango bilang sagot sa sinabi ng mag-asawa. Naiwan nga siyang mag-isa roon kasama si Gawen nang tuluyang magpaalam sa kaniya ang mga ito.
NAKATAYO LAMANG siya sa may paanan ng kama at matamang tinititigan ang gwapo at payapang mukha ni Gawen habang natutulog. Napapangiti pa nga siya. Finally... nagkaroon na siya ng pagkakataon na matitigan nang maayos ang mukha nito. Paano ba naman kasi... kapag gising ito ay hindi niya naman magawang titigan ito nang diretso sa mukha dahil bukod sa tinatambol agad ang kaniyang puso basta makita niya ito kahit sa malayo e, nahihiya rin siya. Kung sulyapan man niya ito ay saglit lang at madalas ay panakaw pa. Pero ngayon... hayan at ilang minuto na niyang pinagsasawa ang kaniyang mga mata sa pagtitig dito. Walang pag-aalala at pagkailang dahil natutulog naman ito nang mahimbing.
Humugot siya nang malalim na paghinga at marahan iyong pinakawalan sa ere kasabay n’on ang paghakbang niya palapit sa tabi ng kama. Umupo siya sa silyang naroon.
“Ano kaya ang nakain mo kanina para bigla kang mag-LBM?” mahinang tanong niya kahit hindi naman ito sasagot sa kaniya. “Masiyado akong nag-aalala sa ’yo kanina. Akala ko... kung ano na ang nangyari sa ’yo.” Muli siyang bumuntong-hininga at mula sa pagkakatitig niya sa mukha nito’y bumaba ang kaniyang tingin papunta sa kamay nito. Napangiti siya ulit. “In fairness, ang gaganda ng mga daliri mo,” sabi niya. Mayamaya ay umangat ang kanang kamay niya at akma na sana niyang hahawakan ang kamay ni Gawen, pero hindi niya itinuloy. Nag-alangan siya na baka magising ito at mahuli siya. Sa halip ay ikinuyom niya ang kaniyang kamay at muling ibinalik sa ibabaw ng hita niya. “Sana paggising mo mamaya o bukas ay okay ka na.” Ngumiti pa siyang muli ’tsaka siya tumayo sa kaniyang puwesto. Saglit niyang inayos ang kumot ng binata. “Good night, Yorme! Matutulog na rin ako at alas onse na.” ’Tsaka siya naglakad papunta sa sofa. Roon siya pumuwesto upang matulog na rin.
“GOOD MORNING PO, YORME!” bati niya kay Gawen nang pagkalapit niya sa kama nito’y sakto namang nagmulat ito ng mga mata.
Alas syete na ng umaga. Kanina pang alas sais siya nagising at hinihintay na lamang na gumasing din si Gawen. Simula kasi kagabi ay dire-diretso ang tulog nito.
Biglang nagsalubong ang mga kilay nito nang makita siya. “What are you doing here?” namamaos pa ang boses na tanong nito sa kaniya. “Where am I?” tanong pa nito nang mapansing wala ito sa sariling kwarto.
Humakbang pa siya nang isang beses palapit ’tsaka tumikhim. “Um, nasa ospital po kayo ngayon, Yorme,” sagot niya. “Ako po kasi ang iniwan nina Señor Salvador at Doña Cattleya kagabi para magbantay sa inyo rito.” Dagdag pa niya. “Kumusta po kayo? Kumusta po ang pakiramdam ninyo?” tanong niya.
Banayad na bumuntong-hininga naman si Gawen at napahawak sa tiyan nito nang maalala nito ang nangyari sa nakaraang gabi. “I’m fine. Thank you for asking, Gelaena.”
Tipid siyang ngumiti. “Mabuti naman po, Yorme. E, nag-alala po ako sa inyo kagabi nang bigla na lang po kayong matumba sa labas ng kwarto ninyo.”
Bahagyang nagsalubong ang mga kilay ni Gawen nang tumingin ito ulit sa kaniya. Saglit siya nitong tinitigan.
“Ibig ko pong sabihin... nag-alala po kami para sa iyo, Yorme. Lalo na po ang magulang mo.” Pagbawi niya sa sinabi niya nang una.
“Nagka-LBM ako.”
“Iyon nga po ang sinabi ng Doctor kagabi,” aniya. “Ano po ba ang nakain ninyo kahapon at nagka-LBM po kayo, Yorme?” tanong niya pa.
“I don’t know. I just had coffee before I went to room.”
Naalala naman niya bigla ang kape na ipinatimpla sa kaniya ni Arlene kahapon. Bigla siyang nakadama ng kaba sa dibdib niya.
Ibig sabihin, nang dahil sa kape na ginawa ko para sa kaniya kaya sumakit ang tiyan niya? Sa isip niya. My God! So, kasalanan ko pala kung bakit siya narito sa ospital? Oh, Gelaena! Kahit kailan talaga ay puro kapalpakan ang nagagawa mo sa kaniya. Mukhang panget nga ata talaga ang timpla ko at hindi nagustohan ng sikmura niya!
Wala sa sariling napangiwi na lamang siya at nakagat ang pang-ibaba niyang labi. “S-sorry po, Yorme.” Saad niya at nag-iwas ng tingin dito.
“Sorry?” muling nagsalubong ang mga kilay nito. “Why are you saying sorry?” tanong nito.
“E... a-ako po kasi ang—”
“Gawen!”
Biglang naputol ang pagsasalita niya at napalingon siya sa bumukas na pinto ng kwarto at pumasok doon si Ella. Halata pa sa mukha nito ang labis na pag-aalala para sa binata. Nagmamadali rin itong naglakad palapit sa hospital bed.
“Oh, God! How are you?” nag-aalalang tanong nito.
Ewan, pero bigla na naman siyang nakadama ng inis dahil sa pagsulpot ng babaeng ito. Bumuntong-hininga siya at bahagyang dumistansya sa hospital bed. Pero nakatuon pa rin ang tingin niya sa dalawa, lalo na kay Ella.
“I’m fine, Ella.”
“God! I was worried nang tumawag sa akin si Tita Cattleya kanina at sinabi niyang isinugod ka raw dito sa ospital kagabi kaya nagmadali na akong pumunta rito. Are you sure you’re okay now?”
“I’m okay now, Ella. Thank you for your concern.” Anang Gawen.
Bumuntong-hininga si Ella at napahawak pa sa sentido nito. “Salamat naman kung ganoon. I was really worried. Ano ba kasi ang nakain mo at nag-LBM ka?”
“I just had a coffee yesterday afternoon.”
“Sino ba ang nagtimpla ng kape mo?” tanong pa nito at biglang lumingon sa kaniya.
Muli na naman siyang nakadama ng kaba, lalo pa at iba ang tingin sa kaniya ni Ella. Para bang sinasabi ng mga mata nitong kasalanan niya ang nangyari.
Sinulyapan din siya ni Gawen. “It doesn’t matter, Ella. Okay na ako ngayon.”
“Sigurado ka, huh? Kasi puwede ka namang lumipat ng private hospital. Sana hindi ka na rito dinala sa public—”
“It’s fine, Ella.” Pinigilan ni Gawen ang pagsasalita nito kaya napahinto ito. “I just want to take a rest.”
“Alright,” sabi nito at pumihit paharap kay Gelaena. “Yaya... you can leave. Gustong magpahinga ni Gawen, so you can leave.”
Nangunot ang kaniyang noo dahil sa sinabi nito. Aba’t... ano ang karapatan niyang tawagin akong yaya? E, hindi naman siya ang amo ko? At kararating lamang niya ngayon tapos ako ang paaalisin niya?
Magsasalita na sana siya para sagutin ito, pero nauna naman si Gawen.
“Si Gelaena ang nagbabantay sa akin, Ella.” Anito.
“But...” anito nang balingan ulit ng tingin si Gawen. Mayamaya ay sumulyap ito ulit sa kaniya at tinaasan siya ng kilay matapos magpakawala nang malalim na paghinga.
Ah, buti nga sa ’yo! Pahiya ka ba?
Nginitian niya ito na siyang naging dahilan upang tumalim ang titig nito sa kaniya. At mayamaya ay nagtaas ito ng noo at nilingon ulit si Gawen.
“Okay. I will leave. But... magpagaling ka, please. I was worried about you.” Saad pa nito at masuyong hinaplos ang braso ni Gawen na siyang nagpaismid sa kaniya.
Sarap sabunutan ng Ella’ng ito! Feeling jowa?
“Thank you, Ella.” Anang Gawen na hindi pa rin nagbabago ang seryosong mukha nito.
“Bye!” anito at tumalikod na. Pero habang naglalakad na papunta sa pinto ay masama pa rin ang tingin nito sa kaniya.
“Bye po, Miss Ella!” aniya at muling nginitian ang babae.
“ARLENE!” tawag niya sa dalaga nang pagkapasok niya sa kusina ay nakita niya itong naroon at tila ba aligaga at hindi mapakali. Nagpaparoo’t parito ito nang lakad habang mababakas sa mukha ang labis na pag-aalala.
“Gelaena!” saad naman ni Arlene at nagmamadaling lumapit sa kaniya at hinawakan ang kaniyang kamay at hinila siya papunta sa tapat nang lababo.
“Okay ka lang ba?” nagtatakang tanong niya rito.
Bumuntong-hininga naman ito nang pagkalalim at kinagat ang pang-ibabang labi. “B-bes... kumusta si Mayor?” tanong nito.
Kararating lamang nila sa mansion galing sa ospital. Ang sabi kasi ng doctor kagabi ay bandang tanghali raw papayagan na lumabas sa ospital si Gawen. Ngayon nga’y magtatanghali na at sinundo sila roon ng driver ni Gawen.
“Okay na siya, bes! Awa ng Diyos ay naging okay naman agad ang pakiramdam niya.” Aniya.
Muling nagpakawala nang malalim na hangin si Arlene. Tila nakahinga ito bigla nang maluwag dahil sa sinabi niya.
“Oh, jusko! Mabuti naman at okay na si Mayor!” anito.
“Arlene, sa tingin ko... ako ang may kasalanan kung bakit nag-LBM si Yorme kahapon,” sabi niya.
Nangunot naman bigla ang noo ni Arlene at tumitig sa kaniya. “Ikaw?” tanong nito. “Bakit mo naman nasabi na ikaw ang may kasalanan?”
“E... nang tinanong ko siya kanina kung ano ang nakain niya kahapon, ang sabi niya ay ’yong kape lang daw ang ininom niya. Hindi ba’t ako naman ang inutusan mo na magtimpla ng kape para sa kaniya?” tanong niya na mababakas na naman sa mukha niya ang pag-aalala maging ang guilt. “Siguro nga ay hindi niya nagustohan ang timpla ko kaya ganoon! Nagi-guilty tuloy ako, Arlene.” Sumandal pa siya sa lababo at tumitig sa marmol na sahig.
Saglit na katahimikan ang namayani sa pagitan nila ni Arlene. Muling bumuntong-hininga ang huli at tumikhim.
“Gelaena...”
Nag-angat naman siya ng mukha at tiningnan ang kaibigan.
Ngiwing ngumiti ito sa kaniya at pinatunog pa ang mga daliri sa kamay. “Kasalanan ko.” Pag-amin nito.
Nagsalubong ang kaniyang mga kilay. “Ano’ng ibig mong sabihin, Arlene?” tanong niya.
Muling nagparoo’t parito ang dalaga. “Huwag kang magagalit sa akin, huh?” anito nang huminto ito ilang hakbang mula sa kaniyang puwesto.
Tinitigan niya lang ito nang seryoso.
“Sinadya ko talaga na ikaw ang pagtimplahin ng kape ni Mayor kahapon. Pero nang ihahatid ko na ’yon sa kaniya... nilagyan ko ’yon ng gayuma na binili ko kahapon sa palengke.”
Biglang nanlaki ang kaniyang mga mata at napatuwid siya sa kaniyang pagkakatayo. “Arlene!” bulalas niya. “Ginawa mo ’yon?” hindi makapaniwalang tanong niya. Bigla rin siyang nakadama ng inis sa dalaga.
“E...” hindi malaman kung ano ang sasabihin nito sa kaniya.
“Hindi ba’t sinabi ko sa ’yo na isuli mo na lang ’yon sa aleng pinagbilhan mo sa palengke?” hindi niya naiwasang magtaas ng boses dahil sa inis niya.
“Hinaan mo lang naman ang boses mo,” wika nito at lumingon pa sa may pinto. “Baka biglang may pumasok dito at marinig tayo—”
“Ngayon ay natatakot ka na malaman nila na ikaw ang may kasalanan sa nangyari kay Mayor?”
Napayuko ito.
“Arlene naman! Ano ba naman itong ginawa mo?” napabuga siyang muli ng hangin. “Ang akala ko’y ako ang may kasalanan sa nangyari sa kaniya! Alam mo ba kung ano’ng perwesyo ang nagawa mo sa kaniya?”
“Kaya nga nagi-guilty ako, e!” anito at biglang naiyak. “Inaamin ko namang kasalanan ko, Gelaena! Sa kagustohan ko na... na makatulong sa ’yo, napahamak pa tuloy si Mayor.”
“Sinabi ko naman kasi sa ’yo—”
“Sorry!”
“Huwag ka sa akin mag-sorry, Arlene. Kay Mayor ka mag-sorry kasi sa kaniya ka—”
“Ayoko!” anito upang maputol ulit ang kaniyang pagsasalita. Sunod-sunod pa itong umiling nang tumingin muli sa kaniya. “Siguro akong... magagalit sa akin si Mayor Gawen. Pati na rin sina Señor Salvador at Doña Cattleya. Tatanggalin nila ako sa trabaho ko rito. Gelaena, ayokong mawalan ng trabaho.”
“Arlene—”
“Gelaena, please!” anito at nagmamadaling lumapit sa kaniya. “H-huwag mo akong isusumbong kay Mayor.” Hinawakan pa ang kaniyang kanang kamay at marahang pinisil iyon habang maluha-luhang nakatitig ito sa kaniya. “Please!”
Naiinis siya dahil sa ginawa ni Arlene kay Gawen. Naiinis siya kasi na-guilty siya sa pag-aakalang siya ang may kasalanan sa nangyari sa binata. Pero... hindi niya naman maaatim na mawalan ng trabaho si Arlene kung isusumbong niya ito kay Gawen. Naikwento kasi nito sa kaniya na ito lang daw ang inaasahan ng pamilya nito at lalo na ng dalawang kapatid na nag-aaral. Kung isusumbong niya ito, siguro siyang mawawalan nga ito ng trabaho.
“Please, Gelaena! Promise... h-hindi na ako gagawa ng kalokohan! Huwag mo lang ako isusumbong.”
Nagpakawala siyang muli nang malalim na paghinga. “Saan mo ba binili ’yon sa palengke?” sa halip ay tanong niya rito.
“B-bakit?”
“Samahan mo ako roon!”
“Pero—”
“Sasamahan mo ako roon o isusumbong kita kay Yorme?”
“Sabi ko nga... sasamahan kita,” nakangusong sabi nito at binitawan ang kamay niya. Pinunasan nito ang mga luha sa pisngi.
“Halika na!” nagpatiuna siyang naglakad palabas ng kusina.
“NAKO, MA’AM... hindi naman po ’yan gayuma, e!” anang lalaki na kausap nina Gelaena at Arlene nang magtungo sila sa palengke para hanapin ang matandang pinagbilhan ni Arlene sa sinasabi nitong gayuma.
Nagsalubong ang kaniyang mga kilay. “Hindi ’yan gayuma, kuya?” tanong niya.
Umiling ang lalaki. “Hindi po, ma’am,” sagot nito matapos titigan ang boteng hawak nito. “E, wala naman pong may nagbebenta ng gayuma rito sa palengke bukod doon sa matandang hukluban na malamang na binilhan nitong kaibigan ninyo. Pero scam po ’yong matandang ’yon. Ilang beses na pong sinasaway ng mga pulis ang matandang ’yon dahil marami na ring customer ang nagreklamo at hinahap ’yon. Puro sa ospital ang bagsak ng mga customer na bumili sa sinasabi niyang gayuma raw.” Pagpapaliwanag ng lalaki.
Napalingon naman siya kay Arlene. Seryosong tingin ang ipinukol niya rito. Napakamot naman ito sa ulo at yumuko.
“Saan ba makikita ang matandang ’yon ngayon, kuya?” tanong niya ulit.
“Nako, huwag na po kayong umasa na makikita n’yo siya ngayon, ma’am. Kapag ganitong may na-scam po ang matandang ’yon dito ay lumilipat po siya ng lugar niya. Baka sa susunod na buwan pa ’yon babalik.”
Napatango naman siya. “Sige, salamat.” Saad niya ’tsaka siya tumalikod.
Sumunod naman sa kaniya si Arlene.
“Kita mo na, Arlene? Masiyado kang nagpapaniwala sa mga gayu-gayuma na ’yan!” panenermun pa niya sa kaibigan.
“Sorry na nga, e!”
“Sa susunod, huwag kang basta-basta magpapaniwala roon. Lesson learned, okay?”
Tumango naman ito. “Basta huwag mo akong isusumbong kay Mayor, huh?”
“Pag-isipan ko!” aniya at inirapan ito.
“Gelaena naman, e!” yumakap pa ito sa braso niya. “Nangako ka—”
“Wala akong sinabi na ganoon, Arlene. Hindi ako nangako.”
“Ang sama mo. Scam ka rin naman pala, e!”
Lihim na lamang siyang napangiti dahil sa hitsura ng kaibigan. Nakasimangot na ito sa kaniya.
TATLONG BESES na kumatok si Gelaena sa pinto ng silid ni Gawen bago niya pinihit ang doorknob at itinulak ang pinto. Saglit pa siyang sumilip sa loob. Pero nang hindi niya makita sa kama si Gawen, humakbang na siya papasok.
“Yorme!” mahinang tawag niya sa binata. Iginala niya ang kaniyang paningin sa paligid. Pero nang dumako ang paningin niya sa pinto ng banyo, roon niya narinig ang pag-flash ng bowl. Naglakad siya palapit sa center table at inilapag doon ang plato na bitbit niya. May laman iyong watermelon dahil iyon ang ipapakain niyang snack kay Gawen.
Mayamaya ay bumukas ang pinto ng banyo kaya lumingon siya roon.
“Yorme!” aniya at naglakad siya palapit dito. “Tulungan ko na po kayo.” Saad pa niya at walang sabi-sabi na hinawakan niya ang isang braso nito at ipinatong sa kaniyang balikat habang ipinulupot naman niya sa baywang nito ang isang braso niya.
Ngunit mali ata ang ginawa niyang iyon. Dahil bukod sa nakadama na naman siya ng kuryenteng biglang nanulay mula sa katawan nito maging ang biglang paglukso ng kaniyang puso; saktong pag-angat ng kaniyang mukha’y tumingin naman sa kaniya si Gawen. Matangkad ito, samantalang siya ay five feet and five inches lamang. Hanggang sa balikat lamang siya nito. Pero nang tumungo si Gawen at magtama ang mga paningin nila, hindi iyon naging dahilan upang hindi tumama sa mukha niya ang mainit nitong paghinga. Pakiramdam niya ay sobrang lapit ng mukha nila sa isa’t isa sa mga sandaling iyon. Hindi naman agad siya nakakilos sa kaniyang puwesto, sa halip ay natulala siya sa guwapo nitong mukha.
My God! Bakit ba kasi napakagwapo niya?
May sariling isip ata ang mga mata niya. Mula sa pagkakatitig niya sa mapupungay nitong mga mata’y sinuyod niya ng tingin ang buong mukha nito. Mula sa makakapal na mga kilay, sa matangos na ilong at mapupula nitong mga labi. Bagay na bagay talaga rito ang manipis nitong balbas at bigote. Ang maayos na porma ng panga nito ay labis na nagpapagwapo sa mukha nito.
Napalunok siya.
“Gelaena!” mahinang sambit ni Gawen sa pangalan niya.
Bahagya niyang ipinilig ang kaniyang ulo at mas lalo pang tinitigan ang mukha nito. “Y-yes po, Yorme?” sagot niya.
“Are you okay?” kunot ang noo na tanong nito.
Ngumiti naman siya at marahang tumango. “Okay lang po ako!” wala sa sariling sagot niya.
“Gelaena! Nangangalay na ako kakatayo. I want to lay down.” Tiim-bagang na saad nito.
Doon lamang siya nabalik sa kaniyang sarili. Sunod-sunod siyang napakurap at mabilis na napabitaw kay Gawen. “S-sorry po... Yorme!” paghingi niya ng paumanhin kasabay niyon ang pag-iinit ng kaniyang buong mukha dahil sa pagkapahiya rito.
Oh, Gelaena! Ang sarap mong sabunutan!
“S-sorry po!”
At akma na sana siyang tatalikod upang umalis na lamang, pero mabilis namang hinablot ni Gawen ang kaniyang kamay kaya napaharap siyang muli rito. Nang muling maglapat ang kanilang mga mata’y mas lalong dinaga ang kaniyang dibdib. Parang pakiramdam niya, anumang sandali ay lalabas na ang kaniyang puso sa kaniyang ribcage. At nang maramdaman niya ang masuyong pagpisil ni Gawen sa kaniyang palad, dahan-dahang bumaba roon ang kaniyang paningin. Tinitigan niya ang mga kamay nilang magkahawak.
Oh, damn! Nag-holding hands na silang dalawa ni Gawen?
“Thank you, Gelaena!”
Mabilis siyang napatingin ulit sa mga mata nito.
Sumilay ang maliit na ngiti sa mga labi nito. “Thank you!” anito.
Ngumiti siya sa akin? Ngumiti sa akin si Yorme?
Hindi makapaniwalang tanong ng kaniyang isipan. Oh, holy lordy! For the first time, ngumiti sa kaniya si Gawen.
Damn. Mas lalo siyang naging gwapo ngayong nakangiti siya sa akin.
“Thank you, Gelaena.” Anang Gawen at marahan siyang hinila palapit dito. “Come, alalayan mo akong bumalik sa kama ko.” Anito at ito na ang kusang naglagay ng braso nito sa balikat niya.
Kagat ang pang-ilalim na labi ay yumuko siya at doon hinayaang sumilay ang malapad niyang ngiti. God! Kinikilig siya nang sobra ngayon.