“MUKHANG... may pusong masaya ngayon, a!”
Biglang napalingon si Gelaena kay Arlene nang marinig niya ang boses nito sa may pinto ng kusina. Nakangiti rin itong naglakad palapit sa kaniya.
“Good morning, Arlene!” masiglang bati niya.
“At good morning nga,” sabi nito at nanunudyo na ang tingin sa kaniya. Nang makalapit nang tuluyan sa kaniyang puwesto ay humalukipkip ito sa gilid kitchen counter at tinitigan siya nang mataman. “May chika ba, bes?” tanong pa nito.
Banayad siyang nagpakawala nang buntong-hininga at dinala sa kaniyang bibig ang tasa ng kaniyang kape na kanina pa niyang iniinom.
Magaan ang kaniyang pakiramdam ngayon kahit hindi siya nakatulog nang maayos sa nagdaang gabi. Well, sino ba naman kasi ang makakatulog kung labis na kinikilig ang puso mo? Pagkatapos kasi nang mga nangyari sa loob ng kwarto ni Gawen kahapon nang dalhan niya ito ng watermelon, hanggang sa makabalik siya sa silid ni Emzara, hindi na nawala ang ngiti sa mga labi niya, lalo na ang kabog ng kaniyang puso. Kinikilig siya nang husto! Nang sumapit nga ang gabi ay hindi siya nakatulog agad dahil laman lamang ng kaniyang isipan ang tagpong iyon.
“Wala,” sabi niya kay Arlene. Ayaw na niyang magkwento rito kasi sigurado siyang kukulitin at manunukso na naman ito sa kaniya.
Bigla namang naglaho ang ngiti sa mga labi ni Arlene at sumimangot sa kaniya kasabay nang pagtayo nito nang tuwid. “Ang damot mo naman, amiga!”
“Ano’ng madamot?” kunot ang noo at kunwari ay tanong niya. “Ano naman kasi ang ikukwento ko sa ’yo, aber?”
“’Yong tungkol sa inyo ni Yorme mo,” sabi nito. “Alam kong may nangyaring maganda kahapon o kagabi kasi iba ang kislap ng mga mata mo ngayon.” Saad pa nito. “Dali na bes... kwento ka na sa akin.” Pamimilit pa nito.
Inismiran niya ito at muling humigop sa kape niya.
“Tingnan mo ang babaeng ito, nagkasala lang ako kahapon... tapos ngayon ayaw na ata akong maging kaibigan.”
“Ang oa mo naman, Arlene.”
“Hindi ako oa, Gelaena!” nakangusong saad nito. “Ang sinasabi ko lang... baka hanggang ngayon ay galit ka pa rin sa akin dahil sa kasalanan ko at—”
“Hindi ako galit sa ’yo, Arlene.” Pinutol niya ang pagsasalita nito.
“Ayos lang sa akin, Gelaena. Kasalanan ko naman kasi talaga.” Tumalikod ito sa kaniya at naglakad palapit sa lababo.
Bumuntong-hininga siyang muli habang nakatitig siya sa likod nito pagkuwa’y inilapag niya sa counter ang tasang hawak niya.
“Oo na!” aniya. “Magkuwento na ako—”
“Kahit hindi na, Gelaena.”
“E ’di huwag—”
“Ito na nga, bes.” Anito at biglang humarap sa kaniya habang malapad na ang ngiti sa mga labi. Nagmamadali pa itong lumapit ulit sa kaniya. Muling humalukipkip sa gilid ng kitchen counter. “Hindi ka pala puwedeng mabiro, bes.” Humagikhik pa ito. “So, ano nga bes? Ano ang ganap?” excited na tanong pa sa kaniya.
Muli siyang bumuga nang malalim na paghinga at ikinuwento nga niya kay Arlene ang nangyari sa kanila ni Gawen kahapon. At kagaya sa inaasahan niya sa magiging reaction nito... hindi nga siya nagkamali.
Pigil na tili ang ginawa ni Arlene habang hawak-hawak nito ang isang kamay niya. “Kinikilig ako, bes!” impit itong muling tumili.
Hindi na rin niya napigilan ang mapangiti nang malapad. Ramdam na naman niya ang pag-iinit ng kaniyang mukha dahil sa kilig niya.
“My God! Nag-first move na si Yorme mo? Ginalaw na niya ang baso, bes!”
“Zzzttt! Hinaan mo nga ang boses mo. Baka may makarinig sa atin dito.” Saway niya.
“Sorry, bes! Kinikilig lang ako nang husto.” Anito na namumula pa ang buong mukha. “My God! So ibig sabihin... medyo effective rin pala ang fake gayuma ko? Ibig sabihin... kung hindi pa nadala sa ospital si Mayor, hindi pa siya mag-f-first move! Kinikilig ako, bes! Jusko, hawak pa lang sa balikat ’yan at holding hands. What more kapag nag-kiss kayo—”
“Kiss agad, Arlene?” putol niya sa pagsasalita nito. Mas lalo siyang pinamulahan ng mukha dahil hindi rin nakaligtas sa imagination niya ang bagay na iyon.
“Oo naman, Gelaena. Papunta na rin ’yon doon.”
Nangunot ang kaniyang noo.
“I mean... nag-first move na si Yorme mo. So, ibig sabihin niyan ay may second move pa, may third move hanggang sa mahulog na talaga sa banga at mag-I love you na at next n’on ay kiss na.” Magiliw na saad nito at pinag-kiss pa nito ang dalawang mga kamay.
Napailing na lamang siya dahil sa mga sinabi nito. “Hindi ako na-inform na masiyado pa lang advance ang isip mo, Arlene.” Kunwari’y saad niya. Pero sa loob-loob niya, umaasa rin naman siya.
“Mas mabuti na ’yong advance, bes. At least... alam kong may aasahan talaga ako sa hashtag GaGe love team ko. Hindi sayang ang effort ko.”
Napaismid na lamang siya. Ngunit sa likod niyon ay labis siyang natutuwa sa mga pinagsasasabi sa kaniya nitong si Arlene.
“HI, GELAENA!” nakangiting bati sa kaniya ni Migo nang pagdating niya sa sala ay sakto namang papasok sa main door ang binata.
Ngumiti siya rito. “Hi, Migo! Ano ang ginagawa mo rito?” tanong niya.
“Uh, may ibibigay lang ako kay Mayor na mga papeles. Hindi pa raw kasi siya papasok ngayon sa City Hall,” sagot nito.
Tumango naman siya. “Ganoon ba?” aniya. “Gusto mo, ako na ang magbibigay niyan sa kaniya! Nasa kwarto niya pa rin kasi si Yorme.”
“Okay lang ba kung ikaw na ang mag-aabot nito kay Mayor?”
Ngumiti siyang muli. “Oo naman. Walang problema. Ako na ang mag-aabot kay Yorme.”
“Salamat, Gelaena.”
“No problem,” sabi niya nang tanggapin niya ang ilang folders na hawak nito. “Ito lang ba?”
“Oo, iyan lang.”
“Sige. Aakyat muna ako at—”
“Gelaena, teka lang.”
Bigla siyang napahinto sa akma niyang pagtalikod upang pumanhik sa hagdan nang pigilan siya ni Migo sa kaniyang braso. Napatingin naman siya sa kamay nito kaya bigla rin siya nitong binitawan.
“Ay, sorry.” Anito at napakamot pa sa likod ng ulo na tila ba nahihiya sa kaniya.
“Bakit, Migo, may kailangan ka pa?” tanong niya.
“Uh,” anito at tumikhim pa. Pagkatapos ay pasimpleng inayos ang white long-sleeve na suot nito. “Pasensya ka na, huh! Pero lalakasan ko na ang loob ko ngayon.”
Bahagyang nagsalubong ang mga kilay niya habang nakatitig siya sa mukha nito.
“P-pwede ko bang makuha ang number mo?”
Napamaang siya sa sinabi nito. Ano raw? Hinihingi ni Migo ang kaniyang number? Bakit?
“Bakit?” tanong niya.
Saglit itong nagbaba ng mukha. Nahihiya nga! Pero mayamaya ay muli itong tumingin sa kaniya, ngumiting muli.
“G-gusto lang sana kitang... maka-text. Kung okay lang naman, Gelaena.”
Muling nagsalubong ang kaniyang mga kilay at napatitig pang lalo rito. “Gusto mo akong maka-text? So ibig sabihin... gusto mo ako?” diretsahang tanong niya rito.
Muling napakamot sa ulo ang binata. Kahit hindi nito sagutin ang kaniyang tanong... halata sa hitsura nito ngayon na tila may gusto nga ito sa kaniya. Isama pa ang ilang beses na pagpunta nito sa mansion at madalas ay nahuhuli niyang nakatingin ito sa kaniya, at wagas din kung makangiti sa kaniya.
Well, may hitsura din naman si Migo. Matangos ang ilong. Maganda ang mga mata nito. Moreno at medyo matangkad. Mukhang alagang gym ang katawan. Pero... hindi ang kagaya nito ang tipo niya. At isa pa, may Yorme na siya. At gusto ito ni Arlene. Ayaw naman niyang magalit sa kaniya si Arlene kapag ibinigay niya rito ang kaniyang number at makipag-textmate siya rito.
“Well to be honest, Gelaena... I like you.”
Hindi na siya nagulat sa pag-amin nito. Hindi naman kasi ito ang unang beses na may nagsabi sa kaniya ng ganoon, na nagtapat sa kaniya na gusto siya. Kahit dati pa man sa probinsya nila, may ilang kalalakihan na rin ang nagpahiwatig o nagpalipad hangin sa kaniya, pero hindi niya lamang binibigyang pansin o pinapatulan dahil hindi niya naman tipo ang mga ito.
“Kung okay lang naman sa ’yo, Gelaena.” Anito.
Ngumiti siya. Magsasalita na sana siya para sagutin ang sinabi ni Migo, pero bigla namang may tumikhim mula sa itaas ng hagdan kaya sabay sila ni Migo na napatingin doon. Nakatayo roon si Gawen habang seryosong nakatingin sa kanilang dalawa. Nakapamulsa pa ang dalawang kamay nito.
“Good morning po, Mayor!” bati ni Migo sa binata.
Nagsimulang bumaba si Gawen sa hagdan. “What are you doing here, Migo?” seryosong tanong nito.
“Uh, inihatid ko lang po rito ang mga papeles na sinabi ninyo kahapon, Mayor.” Anito. “Hawak na po ni Gelaena. Siya na po sana ang mag-aabot sa inyo.”
Sinulyapan naman siya ni Gawen pati ang mga folder na hawak niya. Nang tuluyang makababa sa hagdan at tumayo sa harapan niya si Gawen ay bumuntong-hininga pa ito nang malalim.
“Thank you, Migo.”
“Sige po, Mayor. Babalik na po ako sa City Hall,” sabi nito at sinulyapan din siya. “Gelaena... mauuna na ako.”
Ngumiti siyang muli rito. “Ingat ka, Migo.”
Kaagad namang tumalikod ang binata at nagmamadali ng naglakad palabas ng main door.
Mayamaya, nagbaling siya ng tingin kay Gawen, seryoso pa rin ang mukha nito.
“Yorme, okay lang po ba kayo?” nagtatakang tanong niya.
Pero sa halip na sagutin ang tanong niya... humakbang ito at tinalikuran siya. “Nakahanda na ba ang almusal ko, Gelaena?”
Napasunod siya rito. “Ako po ba ang gagawa ng almusal ninyo, Yorme?”
Saglit siya nitong nilingon habang naglalakad pa rin papunta sa kusina. “May iba pa ba akong kasama ngayon na puwede kong utusan para ipaghain ako ng almusal ko?” masungit na balik na tanong nito sa kaniya.
Bakit ang sungit niya na naman ngayon? Akala ko pa naman... okay na kami pagkatapos nang nangyari sa kwarto niya. Sa isip-isip niya.
“Hurry up, Gelaena! I’m hungry.”
Biglang napabilis ang kaniyang mga hakbang papasok sa kusina nang marinig niya ulit ang masungit na boses ni Gawen. Inilapag niya sa isang tabi ang mga folder na bitbit niya at kaagad na tumalima upang ipaghain ng pagkain ang binata. Mabuti na lamang at katatapos lang magluto ni Arlene ng almusal nang lumabas siya sa sala kanina. Iyon na ang inihain niya para kay Gawen.
“Kape po, Yorme? Gusto n’yo pong ipagtimpla ko kayo ng kape?” tanong niya mayamaya.
Tumingin naman ito sa kaniya habang nakaupo na sa kabisera. “Alright. Let me try your coffee.”
Ngumiti naman siya.
Ang akala ko tatanggihan niya ang alok ko dahil sinabi ko sa kaniya no’ng nakaraan na panget akong nagtimpla.
Kaagad siyang tumalima at nagtimpla na nga ng kape. Nakangiti pa rin siya nang malapad.
“Heto po, Yorme!” aniya pagkatapos at inilapag sa harapan nito ang tasa.
Inilapag naman ni Gawen ang kubyertos na hawak at dinampot ang tasa. Hinipan pa iyon bago humigop doon, samantalang nakatayo siya sa bandang likuran nito at hinihintay ang sasabihin nito sa kapeng itinimpla niya para dito.
“Um, approve po ba, Yorme?” tanong niya.
“I don’t like the taste.”
Napasimangot siya kasabay niyon ang pagkalaglag ng kaniyang mga balikat.
Akala ko pa naman magugustohan niya ang timpla ko. Gusto naman ng papa ko ang timpla ko, a!
“Sabi ko nga po, panget akong magtimpla,” aniya. “Tatawagin ko po si Arlene para siya po ang magtimpla ng kape ninyo, Yorme.” Malungkot na saad pa niya at akma na sanang kukunin ang tasa...
“Bakit mo kinukuha?” tanong nito sa kaniya.
“Itatapon ko po. Kasi sabi n’yo po hindi n’yo gusto ang lasa.”
“Tsk. I said I don’t like the taste. Pero hindi ko sinabing hindi ko iinumin ’yan.”
“Pero... baka po sumakit ulit ang tiyan mo, Yorme.”
“Huwag mo nang pakialam ang kape ko, Gelaena,” wika nito at muling dinampot ang tasa at inilipat sa kabilang puwesto. “Go upstairs at gisingin mo na si Emzara. Mayamaya ay nandito na ang tutor niya.”
Saglit siyang napatitig sa naka-side view nitong mukha pagkuwa’y napangiti siya.
Sus! Baka naman talagang masarap ang kape ko at nagustohan niya ang lasa pero ayaw niya lang magsabi ng totoo. Sa isip-isip niya at mas lalong lumapad ang ngiti niya.
Mayamaya ay tumalikod na rin siya at lumabas sa kusina upang pumanhik sa silid ng kaniyang alaga.
“WHERE IS GAWEN?” maarte at nakataas ang isang kilay na tanong sa kaniya ni Ella nang pumasok ito sa sala at siya ang nakitang naroon at nakaupo sa sofa.
“Bakit ho, ma’am?” sa halip ay balik na tanong niya rito.
Bumuntong-hininga naman ito at tinarayan siya. “Can you please stop using po and ho when you are talking to me?” anito. “I’m not that matanda pa naman,” mataray na sabi nito sa kaniya.
Lihim din siyang napaismid dahil sa kaartehan nito. Mabilis siyang bumuntong-hininga. “Bakit mo hinahanap si Yorme? May kailangan ka ba sa kaniya?” tanong niya ulit habang seryoso siyang nakatitig dito.
Namaywang naman si Ella at muli siyang tinaasan ng kilay. “Huwag ka ng magtanong kung may kailangan ba ako sa kaniya o wala. Just answer my question, yaya.”
Ugh! Ang akala ko ay magiging maganda nang tuluyan ang araw ko ngayon. Pero hindi pala. Dumating lang ang babaeng ito rito sa mansion, nasira na ang araw ko. Huramentado ng kaniyang kalooban.
“Sorry. Pero nagpapahinga si Yorme. Ayaw niyang magpaabala,” wika niya.
“Nasa room niya ba siya?”
“Wala. Nasa Mars siya ngayon at doon nagpapahinga para hindi ka makita.”
“What?” biglang nangunot ang noo nito.
“Kako, bumalik ka na lang sa ibang araw. Ang bilin kasi ng doctor, kailangan pa niyang magpahinga.”
Bumuntong-hininga si Ella at mas lalo siyang tinarayan. “I don’t care. Gawen is my friend, so walang problema kung pupuntahan ko siya sa kwarto niya para kumustahin siya.” Anito at humakbang na upang tunguhin ang hagdan.
Bigla naman siyang napatayo sa kaniyang puwesto at nagmamadaling inunahan ito sa may hagdan. Tumayo siya gitna at hinawakan niya ang magkabilang handrails upang hindi makadaan ang babae.
“Get out of my way, yaya!” mataray na saad nito sa kaniya.
“Sorry, Ma’am Ella. Pero... bawal talagang isturbuhin si Yorme.”
“I said I don’t care—”
“Ang bilin niya sa akin... huwag akong tumanggap ng bisita para isturbuhin siya. Kaya bumalik ka na lang sa ibang araw.”
Matalim na titig ang ibinigay nito sa kaniya at malalim na buntong-hininga ang muling pinakawalan sa ere.
“At isa pa... ayaw na ayaw ni Yorme na may pumapasok sa kwarto niya.”
“What? I went to his room before and—”
“Nagbago na po ngayon, Ma’am Ella. So, hindi po kayo puwedeng umakyat sa kwarto niya.”
“Ella, hija!”
Sabay silang napatingin ni Ella kay Doña Cattleya na nasa itaas ng hagdan. Kaagad naman itong bumaba kaya umalis siya sa pagkakaharang niya sa gitna ng hagdan.
“Hi po, Tita Cattleya!” nakangiti na si Ella nang tuluyang makababa ang doña.
“Hello, hija!”
Humalik naman agad ito sa pisngi ng doña. “Um, I want to see Gawen, tita. Pero... she’s not allowing me to go to his room.” Anito at itinuro pa siya.
Bigla naman siyang kinabahan nang tumingin sa kaniya ng seryoso si Doña Cattleya.
“Why not, Gelaena?” tanong nito.
“She told me po, bawal akong umakyat sa kwarto ni Gawen.” Saad muli ni Ella hindi pa man siya nakakapagsalita.
“Really?”
“E, Doña Cattleya... nagpapahinga po kasi si Yorme. S-si... sinabi niya po sa akin kanina na huwag daw po siyang iisturbuhin.” Pagdadahilan niya kahit siya lang naman talaga ang may ayaw na paakyatin sa silid ni Gawen si Ella.
Tumango naman ang doña. “Ganoon ba?”
“Opo.”
“Well, I’m sorry hija, Ella. Nagpapahinga pala si Gawen.” Anito. “If you want, maybe tomorrow, bumisita ka na lang ulit dito para magkausap kayo.”
Bumuntong-hiningang muli si Ella at masamang tingin ulit ang ibinigay sa kaniya nang sulyapan siya nito. Mayamaya ay iginiya ito ng doña pabalik sa sofa.
Doon lamang siya nakahinga nang maluwag at nagmamadaling pumanhik sa hagdan.