MULA sa kinatatayuan ni Gelaena, sa gilid ng swimming pool, kitang-kita niya sina Gawen, Ella, Migo at apat pang emleyado ni Gawen sa City Hall na nasa gazebo at abala sa ginagawang trabaho para sa preparation ng campaign para sa election. Wala naman siyang ginagawa roon, pero hindi siya makaalis sa kaniyang puwesto dahil binabantayan niya ang mga galaw ni Ella. Mamaya ay may kalandian na namang gawin ang babaeng iyon sa kaniyang nobyo, nako! Humanda talaga sa kaniya ang babaeng ’yon!
Umupo siya sa lounge chair at kinuha ang kaniyang cellphone mula sa bulsa ng uniform niya at nagkunwaring may pinipindot at tinitingnan siya roon, pero ang totoo, panay ang sulyap niya sa gazabo. At natutuwa naman siya sa kaniyang nakikita kay Gawen. Gaya sa sinabi nito sa kaniya no’ng isang gabi nang magkausap sila, hindi na ito gagawa ng dahilan para makaramdam ulit siya ng panibugho dahil kay Ella. Kanina pa niya napapansin na hanggang kayang iwasan ni Gawen si Ella ay ginagawa nito. Itong babae lang talaga ang hindi niya maintindihan. Kahit mukhang wala namang importanteng ipapakita kay Gawen tungkol sa ginagawang trabaho nito, pero panay pa rin ang lapit sa kaniyang nobyo. Nag-iinit talaga ang kaniyang dugo dahil sa babaeng iyon!
Buntong-hiningang napasimangot siya. Nakita niyang saglit na tiningnan ng binata ang mga kamasa nito sa gazebo pagkuwa’y sumulyap sa kaniyang direksyon at ngumiti ng matamis. Kahit may kaunting inis na nararamdaman sa kaniyang puso sa mga sandaling iyon, napangiti na rin siya sa binata.
Mayamaya, mabilis niyang binuksan ang kaniyang message app at nagpadala ng heart emoji kay Gawen. Sinundan niya rin iyon ng isa pang emoji ng naka-wink at naka-kiss pagkuwa’y sumulyap ulit siya sa binata. Nakita naman niyang huminto ito sa ginagawang trabaho at dinukot ang cellphone nito mula sa bulsa ng pantalon nito. Muli itong napatingin sa mga kasamahan nitong abala pa rin sa ginagawang trabaho ’tsaka sumulyap ulit sa kaniya. Isang matamis na ngiti ulit ang ibinigay nito sa kaniya. Napatingin siya sa kaniyang cellphone nang tumunog iyon. Nag-reply din sa kaniya si Gawen ng emoji... tatlong emoji. Isang naka-wink habang naka-kiss, isang heart at isang may heart ang mga mata. Hindi niya tuloy napigilang mapangiti nang malapad.
Jusko! Emoji lang naman ang naging palitan nila ni Gawen ngayon, pero bakit kilig na kilig naman siya? Ganoon ba talaga kapag in love?
Sorry at busy ako ngayon. Pero mamaya, mag-dinner date tayo.
Iyon ang muling natanggap niyang message mula kay Gawen.
Muli siyang napatingin sa direksyon nito. Pero, nakita niyang nakatingin na rin sa kaniya si Ella at pagkuwa’y napatingin din kay Gawen habang nakangiting nakatingin naman ito sa kaniya. Kahit may distansya man ang kinaroroonan niya mula sa gazebo, kitang-kita niya ang pagtaas ng isang kilay ni Ella habang nakatingin sa kaniya at pagkuwa’y tumayo sa puwesto nito at lumapit kay Gawen. Napasimangot siya nang sinadya nitong tumayo sa harapan ni Gawen para harangan nito ang kaniyang direksyon.
“Ugh, nakakainis talaga ang babaeng ’yan! Sarap niya talagang kalbuhin.” Naiinis na paghuhuramentado niya at pagkuwa’y tumayo na lang din sa kaniyang puwesto at naglakad paalis doon.
Papasok na sana siya sa kusina nang marinig naman niyang naroon pala si Arlene habang kausap si Anilito, ang bagong driver ni Gawen. Ewan niya ba sa kaniyang kaibigan, simula nang isang araw, nang dumating sa mansion si Anilito, bigla na lamang nag-iba itong amiga niya. Nang una, siya ang madalas na kasabay nito sa pagtitimpla ng kape sa umaga o kahit hapon man, pero ngayon, hindi na. Dalawang araw na rin niyang hindi ito nakakausap nang matino kasi puro Anilito ang lumalabas sa bibig nito. Lagi ring lutang. Tapos... hindi naman ito nagsusuot ng sando at short, pero ngayon... dalawang araw na rin niyang napapansin na iyon ang style ng pananamit nito.
Mukhang tinamaan nga ata itong amiga niya kay Anilito. Kung sabagay... may hitsura din naman ang bagong driver ni Gawen. Kasing edad lang din niya ito at matipuno rin ang katawan. Binata rin at mukhang tipo rin naman nito si Arlene.
“Hindi naman! Mataba na nga ako, e! Kaya kailangan ko ng mag-diet.”
“Hindi ka naman mataba, a! Sakto lang ang katawan mo kaya hindi mo na kailangang mag-diet, Arlene.” Anang binata.
Mas lalong lumapad ang ngiti sa mga labi ni Arlene. Inipit din nito sa likod ng tainga ang baby hair nito. “So, ibig mong sabihin, sexy ako? Ganoon?”
“Oo.” Walang pagdadalawang-isip na sagot ng binata.
Napahagikhik naman si Arlene. “Ikaw talaga... binobola mo lang ata ako, e!”
“Hindi kita binobola, Arlene. Nagsasabi lang ako ng totoo. Mas okay na ang ganiyang katawan mo kaysa mag-diet ka pa.”
Mas lalong napahagikhik si Arlene. “Sige na nga! Sabi mo ’yan, a!”
Napailing na lamang si Gelaena habang napapangiti siyang nakikinig sa usapan ng dalawa. Mayamaya ay pumasok na rin siya nang tuluyan sa loob ng kusina.
“Good morning po, Ma’am Gelaena!” bati sa kaniya ng binata.
“Good morning din, Anilito. Pero, Gelaena na lang. Huwag mo na akong tawaging ma’am,” wika niya at umupo siya sa tabi nito.
“Good morning, bes!” nakangiting bati rin sa kaniya ni Arlene.
“Mukhang... enjoy kayo sa pag-uusap ninyo, a!” aniya.
Nagkatinginan naman ang dalawa bago nagsalita si Arlene.
“Masarap pala kasing kausap si Anilito, bes. Parang ang sarap tuloy papakin.” Anito.
Bahagya siyang natawa sa sinabi nito pagkuwa’y binalingan niya ng tingin ang lalaki. “Wala ka ba talagang girlfriend, Anilito?” tanong niya rito.
“Wala po! E, wala pa po kasi akong napupusuan sa ngayon,” sagot nito.
“Baka naman... kunwari lang na wala kang girlfriend?”
“Bes, wala nga kasi,” sabi ni Arlene.
“Wala po talaga akong girlfriend. Wala pa naman po akong plano na mag-asawa kaya hindi po ako nagmamadaling humanap ng nobya.” Saad pa nito.
“Ah, mabuti na ’yong malinaw. Kasi... itong amiga ko, mukhang tinamaan ata sa ’yo.” Walang pakundangang saad niya.
Nanlaki naman ang mga mata ni Arlene sa gulat. Hindi marahil nito inaasahan na ibubuko niya ito sa binata.
“Gelaena!” saway nito sa kaniya at pinandilatan pa siya ng mga mata nang sulyapan niya ito.
“Sus! Huwag kang maarte diyan, Arlene. E, sa mga ngiti at titig mo kay Anilito, halatang-halata na gusto mo siya. At sigurado akong halata rin ’yon ni Anilito. Hindi ba Anilito?” tanong niya pa sa binata nang kalabitin niya ito sa balikat.
Tila nahihiya namang napakamot sa batok ang binata at sinulyapan din si Arlene.
“Aminin mo Anilito na halata mo sa mga kilos ni Arlene, hindi ba?” tanong niya ulit.
Napilitan naman ang binata na tumango.
“Nakakainis ka naman, Gelaena! Panira ka ng moment.” Reklamo sa kaniya ni Arlene at inismiran pa siya. Halata nga sa mukha nito na nahihiya ito ngayon.
Natawa naman siya. “E ikaw Anilito, may crush ka rin ba kay Arlene?” tanong niya rin sa binata.
Hindi naman ito agad nakasagot. Pero sa huli ay sinulyapan nitong muli si Arlene na halatang naghihintay rin sa sagot nito. Nahihiyang ngumiti ito at napakamot ulit sa batok. “M-maganda po si Arlene, Ma’am Gelaena, kaya po hindi mahirap na magkagusto sa kaniya.” Pag-amin nito.
Kinilig naman siya bigla. At kitang-kita niya rin ang pamumula ng mukha ni Arlene dahil sa sinabi ng binata.
“Ang haba rin ng hair mo, bes!” panunukso niya rito. “Aalis na nga ako at ng makapag-usap kayo ng solo rito.” Kaagad siyang tumayo sa kaniyang puwesto.
“Gelaena! Bes! H-huwag ka munang umalis.” Tawag sa kaniya ni Arlene, pero hindi niya ito pinansin at nagtuloy lamang siya sa kaniyang paglalakad.
Nang papasok na siya sa sala, sakto namang nakita niyang naroon sina Gawen at Ella. Nag-uusap!
“How about dinner, tonight?” tanong ni Ella na may malapad pang ngiti sa mga labi nito habang nakatitig sa mukha ni Gawen.
“Um, I’m sorry, Ella. Pero... may gagawin kasi akong importante mamayang gabi.”
“Come on, Gawen,” wika nito at hinawakan pa ang braso ng binata. “Hindi mo ba talaga pagbibigyan ang request ko sa ’yo? Kahit ang coffee date na inaalok ko ay hindi mo pa rin pinagbibigyan. Pati ’yong number mo na hinihingi ko hindi mo pa rin binibigay. Don’t tell me hanggang ngayon ay pinag-aaralan mo pa rin kung paano gumamit ng cellphone?” anito. Nakangiti pa man pero halata na sa hitsura nito ang pagkadismaya at tampo dahil sa pagtanggi ni Gawen sa alok nito kanina.
Bumuntong-hininga naman si Gawen at tinanggal ang kamay ni Ella na nakahawak sa braso nito at bahagyang umatras. “I’m sorry talaga, Ella. Pero... hindi ko kasi puwedeng pagbigyan ang gusto mong mangyari.”
“Why not?” tanong nito.
Nagkubli siya sa gilid at pinagmasdan niya pa lalo ang dalawa. Pinakinggan niya na muna ang usapan ng mga ito, lalo na ang isasagot ni Gawen kay Ella.
Muling napabuntong-hininga si Gawen. “Look Ella, ayoko sanang pag-usapan natin ang bagay na ito ngayon dahil ayokong ma-disappoint ka. I know how much you like me. And I appreciate it. Lalo na itong ginagawa mong pabor para sa akin. Pero Ella, alam mo naman na... wala pa sa plano ko ang makipagrelasyon sa ngayon. At sinabi ko na rin sa papa mo na hindi ko matatanggap ang alok niya sa akin na ipagkasundo tayong dalawa. I don’t want to hurt your feelings but—”
“Talaga bang ayaw mo pang makipagrelasyon, Gawen?” tanong nito kaya naputol ang pagsasalita ng binata.
“For now, Ella.” Anito. “Hanggat hindi pa ako umaalis sa trabaho kong ito...”
“But how about Gelaena? I mean, I know there is something between you two.”
“What?” kunwari ay tanong nito. “No. Of course not. Walang may namamagitan sa amin ni Gelaena.” Umiiling pang pagtanggi nito.
Walang-hiya! Alam naman niyang sekrito na muna ang relasyon nila ni Gawen. Pero hindi niya inaasahan na makakadama siya ng lungkot at kirot sa puso niya oras na itanggi siya ng binata o ang kanilang relasyon. Lalo pa kay Ella. Pero siyempre, naiintindihan niya si Gawen. Hindi niya lang talaga napigilan ang kaniyang puso na makadama ng kirot.
Laglag ang mga balikat na napabuntong-hininga siya.
“Come on, Gawen! Don’t lie to me. I mean, babae ako kaya malakas ang pakiramdam ko. At isa... hindi lang iisang beses na nahuli ko kayo ni Gelaena na nagtitinginan at nagngingitian sa isa’t isa kanina habang nasa swimming pool area ang babaeng iyon. You can’t deny it.”
Nangunot naman ang noo ni Gawen habang seryosong nakatitig kay Ella.
“I saw it, Gawen,” sabi pa nito. “So tell me... may relasyon na ba kayo ni Gelaena?” tanong pa nito.
Hindi naman agad nakasagot si Gawen. Pagkuwa’y nag-iwas ito ng tingin kay Ella.
“No. Gelaena is my girlfriend.”
Sabay na napalingon ang dalawa kay Goran na papasok na rin sa pintuan.
Ngumiti pa ito nang malapad hanggang sa makalapit sa tabi ng kapatid. “She’s my girlfriend, right kuya?” anito na inakbayan pa si Gawen.
“Y-yeah.” Sa huli ay sagot na rin nito.
“Oh, there you are! Hi, baby!” anang Goran nang makita siya nitong nagkukubli sa isang sulok. Naglakad agad si Goran palapit sa kaniya.
Nang lumabas siya sa pinagkukublihan niya, nakita niyang tumingin din sa direksyon niya sina Ella at Gawen.
“I was looking for you, sweetheart,” sabi pa ni Goran at kaagad siya nitong inakbayan nang tuluyan itong makalapit sa kaniya.
Nang muli siyang tumingin sa direksyon ni Gawen, kitang-kita niya ang pagtiim-bagang nito habang nakasimangot sa kanila ni Goran. Mukhang nagselos agad ang kaniyang irog.
“She’s... she’s your girlfriend, Goran?” tanong pa ni Ella.
Wala naman siyang nagawa kun’di ang humakbang nang igiya siya ni Goran palapit sa dalawa.
“Yes, she is, Ella. Gelaena is my girlfriend not Kuya Gawen’s.” Anito.
Bigla namang naging maaliwalas ang mukha ni Ella at ngumiti nang malapad. “Oh, I’m sorry, Goran. I thought... girlfriend ni Gawen si Gelaena.” Anito at binalingan din ng tingin si Gawen. “I’m sorry din, Gawen.”
Humugot naman nang malalim na paghinga si Gawen at marahas iyong pinakawalan sa ere pagkuwa’y napahagod sa batok nito. Pilit din itong ngumiti nang mag-iwas ng tingin sa kanila ni Goran at tumingin kay Ella.
“No problem, Ella,” sabi nito. “I gotta go.” Pagkasabi niyon ay kaagad itong tumalikod at muling lumabas sa main door.
Napapalunok na lamang siya ng kaniyang laway habang sinusundan ng tingin ang likod ni Gawen hanggang sa tuluyan itong nawala sa paningin niya.
“I’m sorry, Gelaena!” paghingi rin ng paumanhin ni Ella sa kaniya pagkuwa’y nagmamadali na rin itong tumalikod at lumabas sa bahay. “Gawen!”
Nang maiwan sila ni Goran sa sala, kaagad niyang tinanggal ang kamay nitong nakapatong sa kaniyang balikat at bahagya siyang lumayo rito. Pilit na ngumiti naman siya sa binata.
“T-thank you, Goran.” Saad niya.
“It’s nothing,” wika nito. “Alam ko naman na ayaw munang ipaalam ni kuya ang relasyon ninyo hanggang hindi pa natatapos ang eleksyon.”
Tumango naman siya at banayad na bumuntong-hininga.
“Kung ako lang ang boyfriend mo, I swear ipagsisigawan ko pa na girlfriend kita, Gelaena.” Tumawa pa ito nang sabihin ang mga katagang iyon. “But I understand kuya.” Dagdag pa nito.
Saglit siyang napatitig nang mataman sa mukha ni Goran. “Naiintindihan ko rin naman siya, Goran,” sabi niya. “At isa pa... wala namang problema sa akin kung hindi pa alam ng ibang tao ang relasyon namin. Lalo na ni Ella.”
“But I saw your face earlier nang sabihin ni kuya kay Ella na hindi kayo magkarelasyon.”
Mabilis siyang nag-iwas ng tingin dito. Hindi niya naman puwedeng itanggi sa binata ang naging reaksyon at naramdaman niya kanina kung nakita nga nito, kasi totoo naman ’yon. Nalungkot siya!
“First girlfriend ka ni Kuya Gawen, Gelaena. So I hope... maging maayos ang relasyon ninyo.” Anito at nginitian pa siya ’tsaka tumalikod na. Pero nakakailang hakbang pa lamang ito nang muli itong tumigil at pumihit paharap sa kaniya. “Anyway, can I talk to you... again, Gelaena? I have something to tell you.”
Nangunot naman ang kaniyang noo dahil sa sinabi nito. “A-ano ’yon?” tanong niya.