ACALLY
Hindi ko alam kung kaya ko bang umuwi na maayos ang kondisyon ko sa apartment na tinutuluyan ko. Grabe kasi ang pagpipigil na ginawa ko para hindi pumalahaw ng iyak dito sa loob ng jeep na sinakyan ko pauwi.
Halo-halo ang emosyon na nararamdaman ko habang lulan ng jeep. Nanlalabo ang mga mata ko at gusto kong sumigaw dulot ng labis na sakit at sama ng loob, pero hindi ko magawa dahil puno ng pasahero ang sinakyan ko at alam kong pagtitinginan nila ako.
Lutang na bumaba ako ng jeep at halos patakbo na naglakad pauwi para mabilis na makarating sa bahay.
Laking pasasalamat ko na wala si Mc nang dumating ako, kaya nagawa kong palayain ang hikbi at mga luhang matagal kong pinigilan.
Naririnig ko ang malakas na tunog ng cellphone sa loob ng bag ko. Alam ko na si Fhil ang tumatawag sa akin ngayon, kaya hindi na ako nag-abalang kunin ito para sagutin ang tawag.
Walang-hiyang lalaking iyon. Ang galing niyang mag-kunwaring masakit ang tiyan, pero iba pala ang masakit sa kaniya.
Ilang taon akong nagtiwala kay Fhil tapos sa ganito lang pala mauuwi ang lahat. Sobra akong nasasaktan dahil mahal ko siya. Mahal na mahal pero hindi ako tanga at bulag para hindi ko makita ang panlolokong ginawa niya.
Matagal na pala niya akong niloloko. Kaya pala sa tuwing kasama ko siya ay may kausap at ka-text siyang iba. Hinayaan ko lang si Fhil noon dahil malaki ang tiwala ko sa kanya, pero sa kabila pala nito ay may iba siyang babaeng inuuwi sa kanyang bahay kahit malapit na kaming ikasal.
Tiwala ako na siya ang lalaking pinili ko dahil nakikita ko ang maganda niyang katangian sa tuwing kasama ko siya, pero sa likod pala noon ay paulit-ulit niya akong niloloko at doon pa talaga niya dinala sa bahay na kung saan ay dapat ay ititira niya ako sa oras na ikasal na kaming dalawa.
Magsama silang dalawa doon ng babae niya. Wala akong pakialam kahit mabulok sila doon. Galit ako, galit na galit. Gusto kong sumbatan si Fhil pero ayaw ko siyang makita. Hindi ko kayang tingnan ang mapagkunwari niyang mukha at mga mata.
Pare-pareho lang talaga ang mga lalaki. Nagpahid ako ng luha sa pisngi at tumayo ng tuwid. Masakit man ay tatanggapin ko pero hindi ko hahayaan na masaktan pa ako ng dahil sa kanya. Kung nagawa niya akong pagtaksilan ngayon ay siguradong magagawa niya 'yun kapag matagal na kami at magsawa na siya sa akin.
I hate him. Kulang na lang ay isumpa ko siya at gano'n rin ang lahat ng mga lalaki sa mundo. Manloloko at napaka-sinungaling niyang tao. Iiyak ako ngayon, pero hinding-hindi ko na ulit hahayaan ang sarili ko na masaktan ng dahil sa kanya.
Kung sakaling magkaroon ulit ako ng boyfriend ay sisiguraduhin ko na hindi ako ang maghahabol. Hindi ako ang masasaktan at lalong hindi ako ang dapat matakot na maiwan.
Tunog ng malakas na katok mula sa labas ng pintuan ang narinig ko, pero hindi ko pinag-buksan. Wala akong pakialam sa mundo ngayon, kaya wala rin akong balak na pagbuksan ang kung sinumang nasa labas at kumakatok.
Wala akong lakas para humarap sa kahit na sino ngayon dahil pakiramdam ko ay durog na durog ako habang paulit-ulit na bumabalik sa isipan ko ang malaswang tagpo na nakita ko.
Mahigit tatlong taon ang sinayang ko kay Fhil habang niloloko niya ako.
Hindi nawawala sa isipan ko ang tagpong nadatnan ko sa loob ng kwarto ni Fhil. Para itong palabas na nagpa-flashback sa isip ko at malinaw na nakikita ko sa tuwing pipikit ako ng mga mata kung paano sila hubo't hubad habang….ah, ayaw ko ng muling isipin pa ang tagpo na 'yun dahil mababaliw ako.
Parang hinihiwa ng matalim na patalim ang puso ko sa tuwing pipikit ako at naaalala ko ang mukha ni Fhil. Nakakasuka siya, silang dalawa ng babae niya. Ang bababoy nila, kaya bagay silang magsama.
Nakita kong bumukas ang pintuan at pumasok si Mc kasunod si Fhil. Malalaki ang hakbang na lumapit ang walang-hiyang lalaking ito sa akin at agad akong niyakap habang para akong tuod na nakatayo sa kinatatayuan ko.
"Babe, I'm sorry. Alam kong galit ka sa akin. Please, mag-usap tayo. Pag-usapan natin ito," nagmamakaawa na pakiusap sa akin ni Fhil habang yakap ako nang mahigpit.
Hindi ko siya kayang kausapin ngayon, kaya hindi ko nagawang ibuka ang mga labi ko para kausapin si Fhil. Tila biglaang natuyo ang mga luha sa mga mata ko kaya walang pumatak sa pisngi ko habang yakap niya ako.
Binaklas ko ang nakapulupot na mga braso ni Fhil sa katawan ko at mabilis na kumawala sa kanya habang matigas ang ekspresyon ng mukha.
"Umalis ka na! Ayaw na kitang makita kahit kailan! Huwag na 'wag ka na ulit pupunta dito dahil wala ka ng karapatan na tumapak man lamang dito sa bahay ko," matigas na sabi ko kay Fhil.
Natigilan siya, pero mabilis na nagbago ang ekspresyon ni Fhil at matalim na tumingin ang mga mata sa akin habang kuyom ang kamao.
“Hiwalayan agad ang gusto mo, Acally? Kaya mo akong itapon ng ganito lang matapos kong maghintay sa iyo ng ilang taon?” galit na tanong ni Fhil sa akin.
“Sa tingin mo ba ay may iba pang magtitiyaga sa iyo katulad ko? Wala ng ibang lalaking mamahalin ka nang higit pa sa pagmamahal ko!"
Hindi ko alam kung saan kumuha ng kapal ng mukha si Fhil para tanungin ako ng ganito. Sa inis, hindi ako nakapagpigil at nasampal ko siya.
Ito ang unang pagkakataon na nasaktan ko siya at pinagbuhatan ng kamay. Mabait akong tao. Halos hindi nga ako makapatay ng ipis, pero heto ako ngayon, nagawa kong sampalin ang taong minahal ko ng ilang taon.
Tama nga ang kasabihan na nasa loob ang kulo ng taong tahimik kapag napuno. Ginising ni Fhil ang kakaibang version ng pagkatao ko. Nailabas ko ang tapang na maging ako ay hindi ko alam na meron pala ako ngayong dumating na ako sa sukdulan.
"Hindi ko kailangan ang mapagkunwaring pagmamahal mo, Fhil! Wala na akong tiwala sa sinungaling at manlolokong taong katulad mo!" pasigaw na sabi ko sa kanya.
Naniningkit ang mga matang tinapunan ko siya ng masamang tingin. Halos magdilim ang paningin ko ha ang nakatingin sa lalaking kaharap ko. Siya na nga ang may kasalanan sa akin, tapos siya pa ang may lakas ng loob na maliitin ako.
All along, ganon pala kaliit ang tingin niya sa akin. Matagal akong nabulag sa pekeng pagmamahal ng lalaking kaharap ko, kaya hindi ko nakita ang mapagbalat-kayong anyo ng pagkatao ni Fhil.
Kasalanan ko rin naman kung bakit ako nasasaktan ng ganito dahil hinayaan ko siyang maging sentro ng buhay ko. Lahat ng nakita kong red flag noon ay tinatanggap ko. Kung binigyan ko lang iyon ng pansin, sana'y wala ako sa ganitong sitwasyon ngayon.
Tama nga sila. Nakakabulag ang magmahal dahil wala akong nakitang pangit sa pagkatao ni Fhil na sinamantala naman niya.
"Kahit anong mangyari ay hinding-hindi ako papayag sa gusto mong mangyari, Acally. Akin ka lang at mananatiling akin ka," madiin na sabi ni Fhil.
Matigas ang aura ni Fhil. Biglang nagbago ang karaniwang malambing na pakikitungo niya sa akin. Napalitan ang dating malambot na ekspresyon niya ng nakakatakot na emosyon na nakikita ko ngayon sa kanyang mga mata.
Malayong-malayo ang nakakatakot na ekspresyon na nakikita ko ngayon kay Fhil sa dating siya. Sa tingin ko ay obsessed na siya sa akin at gagawin niya ang lahat makuha lang ako.
"Hindi ako papayag na mapunta ka sa iba, Acally. Akin ka lang, babe,” walang bakas ng pagsisisi na sabi ni Fhil sa akin.
“Ang tagal kitang hinintay at hindi ako papayag na sa iba ka lang mapunta.”
Mabilis na hinablot ni Fhil ang pulsuhan ko at umikot ang braso sa bewang ko.
Hindi ako nakakilos sa ginawa niya dahil nabigla ako. Sinamantala naman ito ni Fhil kaya nagawa niya akong halikan sa labi.
Nagngingitngit ang kalooban ko sa ginawa ni Fhil dahil lumapat sa balat ko ang maruming labi niya gayong kanina lang ay alam kong ginamit niya sa babaeng katalik niya..
Parang bumbilya na umiilaw sa isipan ko ang lahat. Ubod lakas na kinagat ko sa labi si Fhil at sinundan ng malakas na pag-tuhod sa pagitan ng kanyang hita.
Nasaktan si Fhil kaya nabitawan niya ako. Nakita ko kung paano siya namilipit sa harap ko, pero wala akong naramdamang awa para sa kanya.
He deserves that! Kulang pa 'yan kumpara sa sakit na nararamdaman ko ngayon dahil sa panlolokong ginawa niya sa akin.
"Umalis ka na dito, Fhil, bago pa ako makagawa ng bagay na pareho nating pagsisisihan!" matigas na utos ko sa kanya, habang nakaturo ang daliri sa pintuan.
Nakita ko na nakatakip ang kanang kamay ni Mc sa kanyang bibig matapos makita kung ano ang ginawa ko kay Fhil kaya nanatili itong nakatayo sa sulok.
"Sige na, Fhil, umalis ka na muna. Bukas na lang ulit kayo mag-usap ni Acally. Nagkakasakitan na kayong dalawa kaya mas mabuti pa na palipasin n'yo muna 'to," pakiusap ni Mc ng makalapit sa amin.
Para akong galit na tigre sa mga oras na ito kaya baliwala sa akin ang galit na nakikita ko sa mukha ni Fhil ngayon sa harap ko.
Tinapunan ako ng masamang tingin ni Fhil bago siya nagsalita.
"Hindi pa tayo tapos, Acally. Babalikan kita at sisiguraduhin ko na matutuloy ang kasal natin!"
Kuyom ang kamao habang nakatayo sa harap ko si Fhil pero wala na akong pakialam sa kanya ngayon.
Mali si Fhil dahil wala na siyang babalikan pa. Hindi ako papayag na muling lokohin niya. Hindi na ako ang dating Acally na sobrang minahal siya, kahit nagmukha na akong tanga na sunod-sunuran sa lahat ng gusto niya.