Chapter 1
ACALLY
"Girl, bilisan mong maligo. Para ka talagang pagong kung kumilos, ang kupad mo,” malakas na sabi ni Mc, habang kumakatok sa labas ng pintuan ng banyo.
Roommate kaming dalawa dito sa apartment. Bestfriend ko si Mc at ka-trabaho rin.
“Malapit na si Fhil,” paalala niya sa akin.
"Heto na, lalabas na, saglit lang!" sigaw ko.
Mahina kasi ang buhos ng tubig, kapag ganitong oras, kaya natagalan akong matapos maligo.
"Aba, Acally, anong petsa na?" nakapamewang na tanong ni Mc nang buksan ko ang pintuan at bumungad siya sa harap ko.
"Binilisan ko na nga, ang tagal kasi mapuno ng timba. Napakabagal ng buhos ng tubig. Malakas pa ang ihi mo d'yan," nakabusangot na reklamo ko.
Ito ang nakakainis na sitwasyon dito sa lugar namin kapag ganitong oras na. Halos wala ng patak ng tubig, kapag umabot ng alas-nueve ng umaga.
Late na kami nakauwi ni Mc kagabi, kaya tinanghali ako ng gising. Last minute ay pinag-overtime kami ng boss namin dahil may kliyente pa na pumasok sa beauty center.
Inabot tuloy kami ng alas-dos ng madaling araw. Malas pa namin na malakas ang buhos ng ulan, kaya naman halos wala na kaming masakyan. Resulta tuloy ay inumaga kaming dalawa na dilat ang mga mata kakahintay ng taxi.
"Sure ka na ba talaga sa gagawin mo, Sissy? Narinig kong tanong ni Mc habang nakasunod sa akin.
Maria Clara talaga ang pangalan ng kaibigan ko, pero dahil maarte itong best friend ko, kaya Mc na lang daw ang itawag ko sa kanya para sosyal.
Siya ang una kong nakilala dito sa Manila ng lumuwas ako mula sa Lopez Quezon. Pupuntahan ko sana ang kapitbahay namin na nag-alok sa akin ng trabaho, pero naligaw ako.
Dahil hindi ako sanay sa pasikot-sikot dito sa Manila noon at hindi ko alam ang galawan ng mga taong nasa paligid ko, kaya nawala ang bagay na tanging koneksyon ko kay Minda.
Siya dapat ang magpapasok sa akin noon ng trabaho sa bahay na pinapasukan niya, pero hindi na ako nakarating at naligaw na.
Nawala na nga ang de-keypad na cellphone ko. Nadukot pa ang maliit na halagang dala ko, kaya nanlumo ako at nagsisi na sumugal akong lumuwas ng Manila.
Mabuti na lang at napadaan sa lugar na kinauupuan ko si Mc at nakita ako na malakas na humahagulgol sa sulok.
Awang-awa ako sa sarili ko noon, dahil hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Natatakot kasi ako sa posibleng may masama pa na mangyari sa akin sa kalsada, lalo na at hindi ko alam kung saan na ako pupunta.
Gustuhin ko man na bumalik sa amin sa probinsya ay wala na akong pera. Isa pa, kung babalik ako doon ay siguradong masasaktan na naman ako ng tatay ko.
Hindi ko isusugal ang sarili ko, dahil muntik na akong mapatay ng aking ama ng minsang umuwi siya na susuray-suray sa tindi ng kalasingan, kaya ginusto ko na umalis doon para magtrabaho sa malayo at makalayo sa kanila.
Mas mabuti na rin na umalis ako, para hindi ko na maranasan ang kalupitan ng mga magulang ko. Lumaki akong walang naramdamang pagmamahal sa pamilya na kinamulatan ko.
Aso't pusa ang mga magulang ko na walang araw na hindi nag-away at nagtalo.
Parte na talaga ng buhay namin sa araw-araw ang sigawan at murahan, na nakasanayan ko na. Nawalan na rin ako ng pakialam sa kapitbahay na walang araw na hindi kami pinag-usapan.
Nabuhay akong manhid at walang pakialam sa paligid. Ayaw ko ng balikan ang buhay na 'yon, kaya nangako ako sa sarili ko na hindi ko sila gagayahin.
Mabait ang Diyos dahil nakatagpo ko si Mc na ginawa ang lahat para tulungan ako. Labing walong taong gulang lang ako ng lumuwas dito at heto ako makalipas ang limang taon ay matatag na ako.
Dahil 'yon kay Mc, na buong puso akong tinulungan at inaruga, kahit hindi kami magkaano-ano.
Minsan talaga ay mas mabuti pa na lumapit sa ibang tao kaysa sa sariling kamag-anak mo. Wala man akong natanggap na pagmamahal sa pamilya ko ay heto si Mc na higit pa sa kaibigan ang turing sa akin.
"Nag-daydreaming ka na naman, Bessy. Kapag na late ka, siguradong bad mood na naman ang jowa mo. Alam mo naman na ayaw na ayaw niya na naghihintay," nakasimangot na sabi ni Mc.
Kilala niya ang ugali ni Fhil. Ayaw talaga ng lalaking iyon ng mabagal kumilos, kaya malimit kaming mag-away dahil naghihintay siya sa akin.
Malaki ang nagbago sa buhay ko simula ng nagpunta ako dito sa Maynila. Dito ko natagpuan ang kapayapaan na hinahanap ko. Malayo sa magulong takbo ng araw-araw na buhay ko sa probinsya, kasama ang mga magulang ko.
Dalawang linggo na lang ay ikakasal na kaming dalawa ni Fhil. Ito ang araw na pupunta kami sa simbahan, para sa last week ng seminar namin.
Magkahalong saya at lungkot ang nararamdaman ko ngayong ikakasal na ako sa taong mahal ko.
Masaya ako kay Fhil, siya nag-iisang lalaking minahal at pinagkatiwalan ko.
Malungkot, dahil alam kong hindi pupunta ang mga magulang ko. Matigas ang puso nila at itinakwil ako ng araw na umalis ako sa amin.
Nawalan kasi sila ng katulong sa bahay, na siyang gumagawa ng lahat ng gawain. Araw-araw ay umuuwi lamang si mama, kapag nagutom siya galing sa pakikipag-kapitbahay.
Dapat ay nakapag-luto na ako kapag dumating siya, dahil kung hindi ay panigurado na masakit na mga salita ang maririnig ko mula sa kanya at kung minsan naman ay may sampal at sabunot pa.
Kapag minalas pa ako na masama ang araw ni mama at nag-away silang dalawa ni papa ay sa ako ang napagbubuntunan ng kanyang galit.
Maraming beses na iniisip ko na hindi nila ako anak. Maraming tanong sa isipan ko, kung bakit gano'n ang trato nila sa akin, samantalang nag-iisang anak lamang ako.
Nasagot ang tanong ko nang dumating ang kapatid ng aking ina. Siya ang nagkwento sa akin ng mga bagay na gusto kong malaman, tungkol sa puno't dulo ng magulong pagsasama ng mga magulang ko.
Hindi umano gusto ng mga magulang ko ang bawat isa. Nagkataon lamang na may nakakita sa kanila noon sa probinsya na magkasama sa madilim na lugar, kaya kinaumagahan ay pinatawag ang pamilya ni papa, para ikasal ang dalawa.
Ganon kasi ang mga matatanda sa probinsya. Makita lang na magkasama o kaya naman ay mag-kausap ang dalaga't binata, lalo na kung gabi ay isyu na.
Pareho umanong may kasintahan ang mga magulang ko, kaya gano’n na lamang ang galit nila sa isa't-isa ng makasal ang mga ito, na naging dahilan ng kanilang hindi magandang pagsasama.
Hindi nila natutunan na mahalin ang isa't-isa, kahit na ipinanganak na ako. Lumaki akong napunta sa akin ang sisi at higit sa lahat ay ako ang sumalo ng frustration ng mga magulang ko.
Naluluha na bumaling ang tingin ko sa pintuan nang pumasok si Mc. Iniwan kasi niya ako saglit kanina para bigyan ng privacy na magbihis.
Ito ang isang bagay na gusto ko sa kaibigan ko. Alam niya ang mga bagay na mahalaga sa akin, kaya wala akong naging problema sa kanya sa loob ng limang taon.
Nakakalungkot na aalis ako at iiwan ko na siya. Dalawang linggo na lang ay lilipat na ako sa bahay na kinuha ni Fhil sa Pag-Ibig ng inaprubahan ang housing loan niya.
May stable job kasi si Fhil, bilang supervisor sa isang pabrika sa Pasig. Malaking bagay na regular siya sa trabaho, dahil hindi ko na iisipin ang future namin.
Ewan ko ba kung bakit ako ang nagustuhan niya noon, dahil marami naman ang may gusto kay Fhil ng pumasok ako sa pabrika noon bilang contractual.
Regular na siya noon sa trabaho at agad na nakapalagayan ko ng loob sa kompanya, hanggang sa isang araw ay nanligaw siya sa akin at sinagot ko naman agad pagkatapos ng apat na buwan.
Masaya ako na matutupad na ang pangarap ko na makapag-asawa ng taong pinili ko at mahal ko. Hindi ako magiging katulad sa mga magulang ko, kaya nangako ako sa sarili ko na hindi ko ipaparanas sa mga magiging anak ko ang pinagdaanan ko noon, habang lumalaki ako.
Mamahalin ko sila ng higit pa sa buhay ko at hindi ko hahayaan na maramdaman nila ang lungkot at sakit na naramdaman ko noon, kahit pa kasama ko sa iisang bubong ang aking mga magulang.