8:

2447 Words
SIYA ang may kagagawan pero siya ang nagngingitngit ngayon sa inis! Hindi mapaniwalaan ni Haya ang nadama niyang inis nang datnan niyang magkalingkis na naghahalikan sina Lautus at Baby sa garden. Hinahanap niya ang lalaki dahil aayain niya sanang magluto ng taho. Pinangako kasi sa kaniya nito na igagawa raw siya ng taho, marunong daw ito. Pero hayun, ibang tamis pala muna ang inuuna nito! Nagdadabog na bumalik na lamang siya sa kusina. Nag-cross arms siya nang makaupo sa high chair na disenyong upuan sa dibisyon ng kitchen at dining area. "O? Nakita mo ba ang alaga ko?" bungad ni Nana Pacing sa kaniya nang makaupo siya. Dinatnan niya itong nagbabalat ng sibuyas. "Opo, Nana Pacing." "Aba'y asan na kung gayon? Akala ko ba gagawa kayo ng taho?" "Ayun ho, ibang matamis ang inuna kasama ni Baby." Nakanguso niyang sambit. Tumawa naman ang matandang katiwala. "Naku, Haya, napagdaanan ko na rin 'yan. Nauunawaan kita." "P—Po?" "Nagseselos ka kay Baby?" "Nana Pacing naman, of course not!" Sa nandidilat niyang mga mata ay defensive niyang wika. Mas malakas naman na natawa ito. "'Kuuu, ikaw na bata ka, wala namang umamin na nagseselos." "Nana, hindi nga po." Marahas na napailing si Haya. "Peksman, crossed my heart," aniya pa, parang bata na pilit na kinukumbinsi ang tatawa-tawang katiwala. "O, siya, hala, tapos na akong magkape at kumain ng pandesal. Ang mabuti pa ay sumama ka na muna sa 'kin sa palengke para hindi ka naiinip dito?" Umaliwalas ang mukha ni Haya sa narinig. "Gusto ko po 'yan. Let's go!" Mas mainam ang idea nito kesa naman maiwan siyang mukhang tanga roon na inaalisa ang inis na nadarama niya. "Hala sige, pakikuha mo ang pamalengke natin sa kuwarto ni Lowtus." "Ay, ayoko po Nana Pacing!" agad na tanggi niya. "Baka magalit 'yon kung papasok ako sa room niya." "Hindi siya magagalit. Hija, 'yung kuwarto niya'y pagpasok mo e may estante kaagad na bato, naroon na ang pera. Sa kristal at babasagin na lalagyan na may candies, nadadaganan na ang pera pamalengke. Palagi niyang iniiwan do'n. Walang problema sa kaniya kung kunin 'yon," ani Nana Pacing. Bakit nga naman magagalit kung doon naman talaga kinukuha ang perang pamalengke? Mataas ang hagdan, kagagaling lang sa rayuma ni Nana Pacing kaya siguro tinatamad na akyatin ang kuwarto ni Lautus. NAGULAT siya kaya naitulak ni Lautus si Baby. Bigla na lamang kasi siyang hinalikan nito at nilingkisan nang sabihin sa kaniya na napuwing ito at nakiusap na hipan niya iyon! "Baby, akala ko ay nakapag-usap na tayo tungkol dito?" mahinahon niya pa rin na turan dito. Kung naiba ang sitwasyon ay nasinghalan na niya ito. Pero masyadong mahalaga sa kaniya ang pamilya ng babaeng ito para gawin niya iyon. Hindi rin siya ganoon sa isang babae. Napahugot siya ng hininga. Kinakalma ang sarili na mas mainis pa sa kasalukuyang nadaramang pagkainis. "L—Lautus, I'm sorry…" Bumuntong-hininga siya. Lately ay pinalagpas niya lang ang pagbibigay nito ng mga ulam pati na ang biglaan na pagyakap sa kaniya, pag-angkla, dahil babae pa rin naman ito. Pero sobra na kung pati ba naman ang halik. "Sa pagkakaalam ko ay nagkausap na tayo tungkol sa nakalipas at nagkaroon ng closure nang araw na tumapak ulit ang mga paa mo sa Isla Heredera," mariin niyang sambit sa babae. "Honestly, you are acting weird lately. Pinilit kitang intindihin but…" Pinipilit niya pa rin naman na unawain ito hanggang sa mga oras na iyon pero hindi niya maawat ang sarili na mainis. Ang aga nitong nagpunta sa bahay niya, napadaan daw dahil nag-ja-jogging. In-entertain na nga niya ito, kapangahasan pa ang ipinalit. Hindi niya maintindihan ang dating nobya. Kailan lang ay closure nila ang pinag-usapan nila pero ngayon ay parang ang aggressive naman nito yata? "Sorry. S—Sinusubukan ko lang naman na madugtungan ang kahapon nating dalawa," pag-amin ni Baby. "Alam mong hindi na 'yan mangyayari. Again, nakapag-usap na tayo," hindi niya gustong makapagsalita ng kung ano-ano kaya iyon lang ang nakayanang sambitin ni Lautus. "I know. Pero Lautus, wala namang masama kung subukan ko. Besides, ang dahilan naman ng pag-iwan ko sa 'yo noon ang siyang rason kaya kita muling ginulo ngayon." Awatimatiko ang pagkunot ng mga kilay niya sa narinig. Tricky ang mga sinabi ni Baby, hindi niya gusto magkamali ng unawa. "Ano ang ibig mong sabihin? Please don't beat around the bush." "Si Haya. Siya ang may gawa nito. Siya ang nagplano nito. Hindi ko maintindihan kung ano ba ang mayroon sa heredera na 'yon, kung ganito pala ang ugali niya, bakit sa kaniya mo pa pinangalan ang isla mo?" Silently, he gritted his teeth. Nabanggit na naman ni Baby iyon. Kung meron siyang bukod tanging inayos sa naging paghihiwalay nila nito ay ang tungkol iyon sa pangalan ng Isla Heredera. Oo na, may pagkagago na talaga siya sa parteng iyon. Pero noong ligawan naman niya si Baby at sagutin siya nito, ang tanging nasa isip niya lang no'n ay mabaling ang atensyon niya rito. Na hindi naman nangyari. Hindi nangyari dahil walang araw na hindi siya pinatahimik ng mga tanong ng dating nobya patungkol sa babaeng madalas daw na mapanaginipan niya. "Kung ganito pala siya, hindi siya worth it sa pag-ibig mo. Baka maaari pang maging tayo ulit, Lautus," dagdag na wika pa ni Baby. Nilapitan siya, hinawakan ang mga palad niya. "Kilala mo 'ko, hinding-hindi ko kahit kailan na nanaising makapagsalita ng masakit sa 'yo, Baby." Winaksi niya ang mga palad nito. Tumayo na siya, tanda na handa na siyang iwan ito roon. "Alam ko—" "Kung gayon naman pala, hindi mo na sana ako pinapasikot-sikot pa ngayon," pagputol ni Lautus sa sinasabi ng babae. Sa ganoon kasimpleng salita ay alam niya na malinaw na nakakarating na rito ang mensaheng nakapaloob doon. Oo nga at nasaktan niya ito noon. Gago siya sa pagpaparamdam dito na may iba kahit ito ang nobya niya noon kaya nga agaran niyang inayos ang kung anong namagitan sa kanila nang bumalik ito sa Isla Heredera. "B—Binayaran niya ako, Lautus. Binayaran ako ni Haya, nakiusap siyang suyuin kita ulit nang makabalik na raw siya sa Manila. Ang sabi niya ay arranged marriage raw kasi ang magaganap sa inyong dalawa—" Muli ay hindi na niya pinatapos ang sinasabi ni Baby. Naglakad na siya palayo rito, mahigpit na kuyom ang nakasara niyang mga kamao. "Salamat. 'Yan lang naman ang nais kong marinig, maaari ka nang umalis." "L—Lautus, ano ba ang meron sa kaniya? Bakit kahit nalaman mo na ito ay mukhang balewala pa rin sa 'yo?" Natigil si Lautus sa paglalakad. Naggalawan ang mga kaniyang mga panga sa riin ng pagkiskisan ng mga ngipin niya. Balewala? Sino ito para sabihin iyon sa kaniya? Kung maaari nga lang at kung nananakit lang siya ng babae ay baka kanina pa ito tumumba roon. "Why don't you just focus on yourself kesa tinatanong mo 'yan sa 'kin?" aniya sa ex-girlfriend. "Uulitin ko, naging gago ako no'n sa paglalagay sa pagitan natin ng isang babaeng ni hindi mo kilala. Ngayon na nakilala mo na siya, kung anong klaseng babae siya, hindi naman na relevant na masagot ko ang mga tanong mo sa 'kin because again, sa pagkakaalam ko ay may closure na tayo," aniya, tuluyan na siyang tumalikod pagkatapos. Ang pagkakamali niya lang ay pilitin na ibaling sa iba ang nararamdaman. Alam niya ang pagkakamali na iyon kaya wala na siyang planong ulitin iyon ngayon kahit tumuwad pa si Baby sa harap niya. IN FAIRNESS, true ang sinabi ni Nana Pacing. Hindi na kailangan ni Haya na mag-ikot sa kuwarto ni Lautus, pagbukas niya ng pinto ay nakabungad na ang estante. Binuksan lang niya ang switch ng ilaw at nakita niya na ang pakay na perang pamalengke. Sa totoo lang, hindi niya gets ang naramdaman sa nakitang namagitan kay Lautus at Baby. Kung totoo ngang selos ang feelings na parang dinurog ang puso niya sa meat grinder, aba'y gaga siya. Saan na lamang siya pupulutin 'pag nagtagumpay si Baby na makuha ulit ang pag-ibig ni Lautus? "Ikaw ang nag-utos no'n sa kaniya Haya, kaya umayos ka," bulong pa niya sa sarili. Mahinang tinutok niya rin ang kaniyang noo bago niya nilapitan ang perang pinapakuha ni Nana Pacing. Kailangan na ma-divert ang utak niya sa kung ano kaya sasama siya sa may edad nang katiwala na mamalengke. Hindi niya kayang lunukin ang katotohanan na nagseselos nga siya. Kahit iyon pa ang unang beses na nakaramdam siya niyon. Humugot siya ng malalim na hininga bago nagpasyang lapitan na ang pakay na pera. Katabi ng pinaglalagyan ng pera ay isang frame. Napakunot ang mga noo niya nang makuha ng frame ang atensyon niya—nang makuha ng litratong nasa frame mismo. Dahil siya iyon. Siya ang batang nasa litrato kasama ang isang batang lalaki. "Who's this… guy?" tanong pa ni Haya sa sarili nang hawak na niya ang frame. Tinitigan niyang maigi ang picture. Lumalim ang pagkakakunot ng mga kilay niya pagkatapos. Then in a flash, pagpikit lang niya sandali at pagdilat—she remembered. Si Lautus ang bata sa picture kasama ng batang version niya. Kuha iyon sa rancho ng Henson sa Bataan. Ang lolo niya ang nag-picture niyon. "S—Si Lautus ay si Tutoy rin…" Iyon ang tawag kay Lautus ng kaniyang lolo noong maliliit pa lamang sila. "But… how…?" "Nagtataka ka ba na bakit nagbago ang itsura ko sa paglipas ng panahon?" Literal na napatalon sa gulat si Haya nang biglang magsalita sa gawing likuran niya si Lautus. Naihulog niya tuloy ang hawak na frame. Nagkalasog-lasog tuloy iyon sa sahig. "H—Hindi," matapang na sinalubong ni Haya ang mga mata ni Lautus. Napalunok muna bago muling magsalita, "Hindi naman na nakakapagtaka na nagbago na ang itsura mo, isa ka na kasing bilyonaryo ngayon. Nice glow up, hindi kita nakilala." Pagak na tumawa si Lautus. "Tama ka naman. Like you, maybe money can't buy us happiness but yeah, kaya nitong gastusan ang kahit magkano pa na plastic surgery. Hindi na 'ko pangit ngayon. Hindi na nakakadiri. May isla na rin ako." "Y—Yeah… na—nakakagulat…" Gusto sanang maging kaswal ni Haya at magkibit ng mga balikat pero huwag na lang, nag-iinit na kasi ang sulok ng mga mata niya. Yumuko siya at dinampot na lamang ang litratong sumabog sa nahulog na frame. Pero wrong move. Sa pagkakayuko niya kasi ay tuluyan na tuloy na naglandas sa pisngi niya ang kaniyang mga luha. Saan galing ang mga maliliit karayom na tila tumutusok sa puso ni Haya ngayon? Hindi niya alam. Wala siyang alam. "Pack your things immediately, aalis ka ngayon din sa Isla Heredera." Tiim ang mga bagang na mando sa kaniya ng bilyonaryo. Isla Heredera. Sa pagkakabanggit ni Lautus sa pangalan ng isla nito ay kaagad na may nabuksan na alaala skaniya… parang malakas na tubig sa gripo na bumuhos iyon sa isipan niya… "PICTURE na kayo ni Tutoy, sige na, 'ayos na hija," anang lolo ni Haya na si Don Vladimir sa kaniya. Nakasimangot man ay wala na siyang nagawa na umayos nang tumayo sa likod ng giraffe. Isa ang giraffe sa alaga ng lolo niya sa rancho. Bukod sa giraffe ay mayroon din itong cage ng mga ibon doon na siyang naging tourist attraction na roon. "Hindi ko alam kung bakit ko kailangan na gawin 'to!" pagmamaktol pa niya sa abuelo. Tumawa lang ang naman ang huli. Pinaayos siyang pilit. Maya-maya lang ay naunawaan na niya kung para saan ang ginagawang iyon ng kaniyang lolo. Dumating kasi si Tutoy, isa sa mga tauhan ng lolo niya sa rancho. Bihis na bihis ito, nangingintab ang buhok sa pomada. "Wow, bihis na bihis ka ah," puna ng batang si Haya sa intrimitido at sipsip na tauhan ng lolo niya sa ranchong iyon na si Tutoy. Nahihiyang nagkamot ng ulo ang batang lalaki. "Ah, e, birthday ko kasi ngayon." Malakas na suminghap si Haya, sinapo ang sariling dibdib. "Shocks, birthday mo pala today?" "Oo, Señorita Haya, gano'n na nga." "At 'yan na ang pang-birthday mong damit?" Humagikgik si Haya. "Sabagay, wala namang problema sa damit mo. Mas may problema sa mukha mo. Mas nakakadiri ang mukha mo!" saka niya nang-aalipustang sinabi sa batang si Tutoy. Lihim na nagdiwang siya nang makita niyang napatiim ng mga bagang si Tutoy sa pagpipigil ng galit sa kaniya. "Señorita Haya, g—grabe ka talagang magsalita. Hindi mo na ba ako talaga magugustuhan?" Nabigla siya. Matagal na niyang inaalipusta si Tutoy ngunit ngayon lang ito sumagot ng ganoon sa kaniya. Nasobrahan ba siya sa sinabi ngayon? Hindi niya pinahalata rito ang pagkatigagal. Bagkus ay tinaasan niya pa ito ng isang kilay. "Magugustuhan? Puwede naman." "T—Talaga?" "Oo, 'pag may sarili ka nang isla, maybe?" "ANO pa ang hinihintay mo, Haya Chevvy? Kumilos ka na habang may oras pa na makaalis ang chopper." Dahil sa sandaling pagkatigagal niya ay late na niyang naramdaman na nahila na pala siya ni Lautus sa pulsuhan niya't dinala siya nito sa kuwartong inookupa niya roon. "Bilisan mong mag-empake. Kung kailangan mo ng tulong ay paaakyatin ko si Nana Pacing." "H—Hindi na," ani Haya sa lalaki. Humugot siya ng malalim na hininga. "Kaya ko na 'to, makakaalis ka na," pagtataboy niya rito pagkuwan. Hindi niya gustong makita nito na umiiyak siya kahit alam niyang imposible na hindi pa nito iyon nakita kanina. Ah, basta, gusto niyang gayahin ang mga napapanood sa mga palabas sa TV at pelikula na umiiyak habang nag-eempake ng gamit, bakit ba? At para magawa niya iyon, kailangan na mag-isa siya. Pero teka lang, bakit ba sa empake siya nauwi? Parang nakita lang naman niya ang picture… "Sinabi na sa 'kin ni Baby lahat. In case na nagtataka ka kung bakit kailangan mo nang umalis dito sa Isla Heredera. Pakisabi na rin pala kay Don Vladimir ng nagawa mo," wika ni Lautus, tila nahulaan ang tanong sa isipan niya. "N—Noted," pagpupumilit naman niyang sumagot kahit may bikig na sa lalamunan niya. "Paano pala ang kasal?" bikig na mas bumara pa sa lalamunan niya pagkabanggit niya sa salitang kasal, sa hindi niya malaman na dahilan. Pagak na tumawa si Lautus. "Kasal? Ah, oo nga pala. Hayaan mo, mauunawaan mo ang lahat sa pagbabalik mo sa lolo mo" Sa nanginginig na mga kamay at luhaan na mga paningin ay sinimulan na ni Haya na mag-empake. Kung sinabi na nga ni Baby kay Lautus, wala na nga talaga siyang lugar doon. Kung ano itong tila naging aspile nang tumutusok sa puso niya ngayon ay hindi niya pa rin alam. Hindi ba at ito naman ang gusto niyang mangyari? Ang makabalik na siya sa dati niyang buhay? Ano pa ba ang iniiyak niya? Ano at may pagsakit-sakit pa sa puso ang katawan niya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD