Hindi ako makatulog habang pabiling-biling ako sa aking higaan. Malambot at mabango naman ito at kumportableng higaan. Naka-on pa ang aircon at malamig ang buga nito na siyang gusto ko. Tapos may air purifier na pa na nakasindi malapit sa kama ko na nakalagay sa ibabaw ng side table na nagbigay ng nakaka-relax na amoy sa aking ilong. Subalit hindi ako dalawin ng antok kahit gaano pa kakomportable ang kinaroroonan ko dahil namamahay ako. Ganito ako lalo na kapag nasa ibang bahay ako, na kahit anong pilit ko na matulog ay hindi talaga ako dalawin ng antok. Sana lang makatulog ako kahit tatlo o dalawang oras lang naman para hindi ako mapuyat bukas paggising ko. Need ko pa naman na maaga na pumasok sa opisina ng kambal para magawa ko na ang mga trabaho ko na ibinilin sa akin kahapon ni Mrs. Ferry.
Pero ang tanong, paano ako pupunta roon kung hindi ko alam kung paano ang pagpunta roon? Hindi ko alam ang daan papunta roon dahil hindi ko naman natandaan at makita ang daan dahil madilim at malakas ang ulan kanina. Tapos, wala namang sinabi ang kambal kagabi sa akin tungkol sa magiging simula ko sa trabaho ko bukas. Hindi sila nagbanggit dahil parang mas interesado pa silang pag-usapan ang buhay ko kaysa sa magiging papel ko bukas sa opisina nila. Parang tungkol na lang sa akin lagi ang topic kapag nag-uusap kami.
Paano ako nito bukas? Nagbigay ng briefing si Mrs. Ferry ngunit mukhang ligwak na ako sa unang araw ng trabaho ko. Mas lalo tuloy akong hindi makakatulog nito sa kakaisip. Dapat naalala kong magtanong sa kambal kanina para alam ko ang gagawinko bukas. Sinumpong naman kasi ako ng homesickness ko kaya nakalimutan ko. Hindi ko tuloy alam kung gigising ba ako ng maaga bukas para mauna sa kanila sa opisina nila o hihintayin ko na lang sila at makikisabay dahil hindi ko naman alam ang daan patungo roon. Baka imbes na maaga akong dumating, magkandaligaw-ligaw pa ako at baka mas lalo akong mahuli sa pagpasok.
Tumingin ako sa alarm clock na nasa side table. Mag-aalas diyes na ang oras na nakita ko sa orasan. Nakakaasar, hindi pa rin ako dalawin ng antok at talagang mulat pa ang mga mata ko na nakatingin sa kisame.
Sinubukan kong magbilang ng mga tupa sa isip ko.
"Isa, dalawa puting tupa. Tatlo, apat na itim na tupa…" Turo ito ni Mommy noong bata pa lamang ako.
Ito ang tinuro niyang technic sa akin lalo na kapag hindi ako makatulog dahil sa sakit. Effective naman sa akin noon kahit papaano hanggang sa lumaki ako at nagkaisip. Ewan ko lang kung effective ngayon dahil ngayon lang naman ako hindi dalawin ng antok dahil first time ko mawalay sa home sweet home namin.
Mas sanay ako sa aking kwarto lalo na at nakasanayan ko na ang amoy nito at lambot ng kama. But I need to adjust myself just like the twins told me a while ago.
Dapat lumabas ako sa lungga ko at mag-explore. Huwag akong aasa palagi sa mga magulang ko at laging nakadikit sa katawan nila.
Sisimulan ko bukas ang pag-a-adjust. Hindi ko na muna iisipin ang mga taong naiwan ko sa La Union. Isipin ko muna ang sarili ko dahil sila naman ang may gusto na umalis ako roon.
Tatawag naman sila kapag na-miss nila ako. Sa ngayon, titikisin ko muna sila na padalhan ng mensahe. Ipapakita ko na kaya kong mabuhay na wala sila at hindi umaasa sa kanila.
"Labing-dalawa, labing-tatlong puting tupa…"
Nagpatuloy ako sa pagbibilang ko hanggang dalawampu ngunit walang epekto sa akin dahil hindi na ako bata para madaling hilain ng antok. Naisip ko na hindi na ako tatablan ng ganito dahil iba na ang buhay ko noon kaysa ngayon.
Noon wala akong prinoproblema kundi ang kumain lang at maglaro. Ngayon, sa dami ay hindi ko na alam ang uunahin ko. Kaya siguro hindi na tumatalab dahil iba na rin ang takbo ng utak ko ngayon.
I decided to go downstairs. Magtimpla na lang ako ng gatas para makatulog ako. Baka mas effective pa kaysa sa pagbibilang ko ng mga tupa. Baka abutin na ako ng isang libo kakabilang ay hindi pa rin ako dalawin ng antok.
Sana pala ay nag-request na lang ako sa katulong kanina nang ihatid nila ako sa kwarto ko. Hindi ganitong dis-oras na ng gabi ay bababa pa ako para magtimpla ng gatas ko. Ang lawak pa naman ng bahay ng kambal, baka maligaw pa ako eh baka sa maling kwarto pa ako pumasok.
'Di bale, susundan ko na lang iyong daan na tinalunton ko kanina. Natatandaan ko pa naman kung saan ako dumaan. Iyon nga lang, hindi ko tanda kung nasaan ang kusina.
Bahala na nga si Batman!
I wore my robe and silently went out of my room. Natuwa ako nang makita kong may ilaw sa pasilyo na dadaanan ko. I slowly walked out and avoided making a noise. Ayaw kong maistorbo ang tulog ng kambal lalo na at magkakatabi lang naman ang mga kwarto namin. Ito ang tatandaan kong sinabi nila sa akin kanina.
"If you need anything, katukin mo lang kami ni Ice sa kwarto namin. O, kaya ay tumawag ka sa intercom if you need anything."
Kaya lang ay ayaw kong mang-istorbo pa ng tulog kaya naman naisipan kong bumaba na lang.
Binilisan ko ang lakad ko nang lampasan ko ang kwarto ng dalawa. Agad kong tinalunton ang daan pababa nang hagdan nang makita ko ito. Bukas pa ang mga ilaw sa buong parteng ito ng bahay. Ewan kung dahil may gising pang mga katulong na may inaasikaso pa sa kusina.
Natuwa ako nang makita ko si Aling Rowena sa sala na nagtutupi pa ng mga damit. Gabing-gabi na pero heto at tinutupi ang mga damit na malamang ay hinango niya sa full-load washing machine. Mag-isa niya lang sa kaniyang ginagawa ngunit may naririnig ako sa katulong na mukhang naghuhugas pa yata ng mga kaldero dahil kumakalansing ang mga ito.
"Ma'am Vinnea, bakit gising ka pa?" gulat na tanong ni Aling Rowena nang malingunan niya ako. Taranta siyang tumayo at nagtataka na nilapitan ako habang kumakalat ang tingin niya sa taas para tingnan siguro kung nakasunod ang kaniyang mga amo.
Naalala ko na siya ang mayordoma sa bahay na ito. Kaya siguro hindi pa siya natutulog dahil sinisigurado niya na tapos na ang trabaho ng lahat ng katulong bago sila mamamahinga lahat. Ganito rin kasi sa bahay namin, late na natutulog ang mga kasambahay namin dahil gusto ni Daddy na walang trabaho na maiiwan bago sila magpahinga sa kani-kanilang quarters.
"Hindi po ako makatulog…namamahay po ako," sagot ko.
"Natural lang iyan, hija sa mga taong ngayon lang nawalay sa bahay nila. Gusto mo ba ng gatas? Makakatulong iyon para dalawin ka ng antok," suhestiyon ng matanda na siyang pakay ko naman dito sa baba.
"Iyan nga po ang ipinunta ko rito. Baba po sana ako para magtimpla ng gatas ko."
"Dapat itinawag mo na lang sa intercom, Ma'am Vinnea. Hindi iyong bumaba ka pa rito para lang magtimpla. Ang dami naman namin dito para gumawa ng gusto mo. Mamaya pa naman kami matutulog basta tapos na ang trabaho," mahabang pahayag ng matanda.
"Nahihiya po ako. Ayaw ko naman pong mag-feeling amo rito."
"Ako na ang magtitimpla ng gatas mo, Ma'am Vinnea. Amo ka na namin dahil bisita ka ng mga amo namin. Isa pa, hindi ka naman na iba sa kambal dahil magiging asa—"
"Manang pakitimpla rin ako ng gatas, hindi rin ako makatulog," wika ng isang maotoridad na boses na bigla na lang sumabat sa pag-uusap namin ni Aling Rowena. Hindi ko tuloy narinig ang idudugtong niya sa sinabi niya.
"O-opo, Master Fireon…" tarantang wika ng mayordoma na hindi alam ang magiging kilos niya sa harapan ng kaniyang amo. Kung yuyukod ba o tatalikod na lang para gawin ang utos ng kaniyang amo. Halatang nagulat din ito kagaya ko nang biglang sumulpot ang kaniyang amo.
"Next time, know your place in our house, Manang. Kapag oras ng trabaho, trabaho lang, understand?" Masungit na saad ni Kuya Fire na ewan ko kung ano ang ikinakainit ng ulo niya. Hindi pa naman kami nagtatagal sa pag-uusap ni Aling Rowena. Parang kinse minutos pa lang naman ang nakalipas nang mag-usap kami. Isa pa, magtitimpla na siya ng gatas ko kaya lang ay bigla naman sumulpot ang lalaking ito na halata na wala sa mood.
Nakasimangot siya at magkasalubong ang makakapal na kilay. Nakanguso rin siya na ewan kung ano ang pinagpuputok ng butsi niya.
"Opo, Master. Pasensiya na at napakwento ako saglit kay Ma'am Vinnea. Hindi na po mauulit, sige at maiwan ko na kayo para maipagtimpla ko kayo ng gatas."
"Mabuti pa nga, Manang. Ano'ng oras na rin at baka pareho kaming mapuyat nitong si Vi," wika niya na masungit pa rin ang boses na nilingon ako.
Hay naku! May topak ang Apoy na 'to!
Tumuloy na sa pag-alis si Aling Rowena at dali-daling tinungo ang kusina.Kami naman ni Kuya Fire ay magkaharap na nakatayo habang walang imikan. Ayaw kong magsimula ng usapan dahil kita ko na wala siya sa mood. Baka mamaya ay bugahan niya ako ng apoy kapag may nasabi akong hindi niya nagustuhan.
Gusto ko siyang salungatin sa bintang niya kanina sa katulong ngunit hindi na lang ako umimik dahil baka mas lalong mag-init ang ulo niya kapag ipinagtanggol ko pa ito.
"Go back to your room, Vinnea. Ako na ang magdadala ng gatas mo," masungit pa rin na sabi ni Kuya Fire sa akin. Atubili naman akong kumilos dahil gusto ko na rito ko na inumin ang gatas ko.
"Dito ko na iinumin Kuya para hindi na mapagod sa pag-akyat si Aling Rowena," sa wakas ay nahanap ko ang boses ko.
"Ako na ang mag-aakyat. Sige na, umakyat ka na."
"P-pero---"
"Huwag mo na akong kontrahin. Nasa pamamahay ka namin kaya sumunod ka sa gusto kong mangyari. Umakyat ka na at ako na ang magdadala."
Wala akong nagawa kundi ang tumalikod at umakyat sa hagdanan. Mukhang wala nga yata sa mood ang lalaking iyon.
Naghintay ako sa pagkatok ni Kuya Fire sa pinto ng kwarto ko. Ilang minuto rin bago siya mahinang kumatok at tinawag ang pangalan ko. Dali-dali ko namang nilapitan ang pinto at binuksan ito. Aabutin ko na sana ang gatas sa kamay niya nang itulak niya ang pinto ng kwarto ko at humakbang siya papasok. Wala akong nagawa kundi sumunod sa kaniya sa loob habang dinadaga sa kaba ang dibdib ko. Hindi ako kumportable na dadalawa lang kami rito sa loob. Baka mamaya ay maisipan niya akong gawan ng kamanyakan lalo na at narito ako sa teritoryo nila. Hindi ako makakasigaw ng tulong dahil kontrolado nila ang mga tao rito.
"Here, drink now..." ani ni Kuya Fire nang makalapit ako sa kaniya. Nakangiti na siya at wala na ang bakas ng pagiging bad mood niya.
Weird...bipolar yata ang lalaking ito. Ang bilis magbago ng mood.
"Salamat, Kuya." Kinuha ko ang gatas sa kamay niya ngunit bigla akong binawi ang kamay ko nang mahawakan ko ang kamay niya imbe na ang baso.
"Tsansing ka, baby." tudyo ni Kuya Fire sa akin. Naglalaro na ang ngisi sa labi niya at mukhang nawala na talaga ang bad mood niya.
"Hindi ah..." tanggi ko. "Bakit naman kita tsatsansingan? Hindi naman ako katulad mo na ma-L," sabi ko sabay ingos at tuluyang kinuha ang gatas sa kaniyang palad at diretsong tinungga ito.
"Salamat! Sige na, umalis ka na. Matutulog na ako," pagtataboy ko. Dumiretso ako sa kama ko at nahiga na. Ngunit nanatili pa rin siyang nakatayo malapit sa kama ko at tila naghihintay ng pasko.
"Kuya Fire, alis na. Matutulog na ako," ulit ko sa sinabi ko baka hindi niya narinig.
"Pa-kiss muna, bago ako umalis." wika niya habang lumalapit sa hinihigaan ko. Agad naman akong bumangon at sumiksik sa headboard ng kama habang yakap ko ang aking unan.
"Ayaw ko! Umalis ka na pwede ba?"
"Good night kiss lang naman ang damot mo. Sige na, para makatulog ako."
Mariin akong umiling.
"No way!"