Hanggang sa makauwi ng bahay, hindi pa rin maiwasang isipin ni Amber ang ginawang pagyakap sa kanya ng anak ng kanyang boss. Gano'n na lang ba siya kalungkot para yakapin siya nito at sabihing magiging okey din ang lahat?
Mariin niyang ipinikit ang mga mata saka huminga nang malalim. Oo, mahirap at nakakapagod ang kanyang sitwasyon ngunit mas pinananatili niyang positibo ang kanyang pananaw ngayon dahil mas lalo namang mahirap ang pinagdaanan niya noong mga kabataan niya. Wala naman sigurong mas sasakit pa kung bata ka pa lamang ay pinabayaan ka na ng nanay mo at mas pinili nitong paboran ang bago nitong asawa habang siya, naging laman ng kalsada at sinusubukang mabuhay? Madalas ay kumakalam ang sikmura at kung saan na lang abutin ng gabi ay doon matutulog. Lahat ng prebilihiyo ng isang bata ay ipinagkait sa kanya. Buo at masayang pamilya, bahay na masisilungan, pagkain at higit sa lahat ay ang kagustuhang makapag-aral.
Napaka-unfair talaga ng buhay. Ngunit wala naman siyang magagawa kung magpapakalugmok siya 'di ba? Kaya bata pa lamang, alam na niya kung gaano kahalaga ang bawat kusing na kanyang kinikita. Kaya laking pasasalamat niya ng makilala niya ang kanyang Mama Pre. Ang kaisa-isang tao na tumulong at naniwala sa kanya. Kaya gano'n na lang ang pagtratrabaho niya ngayon dahil pagkatapos siyang palayasin ng mga anak nito, nalaman niyang ipinasok sa isang shelter ang kanyang Mama Pre habang ang mga anak nito, nagpapakasaya at winawaldas ang pera nito. Walang araw na hindi niya ito naiisip at gano'n na lang ang sakit sa puso niya na nagawa itong pabayaan ng sarili nitong mga anak. Katulad rin ng kanyang nanay ang mga anak nito na magaling lamang kapag may mahihita sa'yo. Higit na masakit iyon dahil dugo at laman mo ang may kagagawan. Magkapareho lang sila ng kinahinatnan ng kanyang Mama Pre.
Padapa siyang humiga sa katreng kinahihigaan ng magsimulang dumaloy ang luha sa kanyang magkabilang pisngi. Ilang taon na ba ang nagdaan ngunit ang sakit na dulot ng pag-abandona ng kanyang nanay, bitbit pa rin niya sa dibdib. Nakakalimot ka saglit ngunit kapag naaalala mo, gano'n pa rin ang intensidad ng sakit. Sa lahat ng hirap na kanyang pinagdaanan, imbes na maghanap siya ng taong masisisi, ang ending palaging ang kanyang sarili ang kanyang sinisisi. Lahat inaako niya, na para bang kasalanan niya kung bakit hindi siya mahal ng mga taong mahal niya. Kaya gano'n na lang siguro ang paghahanap niya ng kalinga at pagmamahal sa ibang tao dahil 'yon ang wala sa kanya mula nang bata pa siya. Palagi niyang hinahanap ang validation at importance niya sa taong nagiging malapit sa kanya. But sad to say, palagi siyang bigo. Sa dalawang naging ex-boyfriend niya, ang buong akala niya, totoo at panghabang buhay na ang meron sila pero ang ending, lolokohin lang siya pagkatapos ng lahat. Huli na nang malaman niya na hindi dapat basta nagtitiwala dahil wala namang kasiguruhan ang lahat.
Nakatulugan na lang niya ang pag-iyak. Nagising na lang siya kinabukasan dahil sa pagtunog ng kanyang alarm clock. Alas sais pa lang ng umaga at halos tatlong oras lang ang kanyang naging tulog. Masakit ang kanyang ulo at medyo hindi maganda ang kanyang pakiramdam pero pinilit pa rin niyang bumangon. Nagmumog lang siya at naghilamos bago nagtungo sa tindahan ni Aleng Cora. Bumili siya ng sampung pisong pandesal at isa twin pack na kape. Bumili na rin siya ng gamot, uunahan na niya agad ng gamot ang sakit na nadarama bago pa man ito lumala.
Eksaktong alas siete nang umaga ng umalis siya sa kwartong kanyang inuupahan. May isang oras siyang alloted para sa biyahe na kung tutuusin ay wala pang bente minutos ang tatakbuhin ng biyahe papuntang trabaho, kung hindi nga lang sobrang traffic. Pero kakatwa noong araw na 'yon dahil hindi masyadong traffic kaya nakarating siya sa trabaho, tatlumpong minuto pa bago ang talagang pasok niya.
"Good morning, Ma'am!" masayang bati sa kanya ni Manong Guard.
Ngumiti siya rito. "Good morning, kuya."
"May bisita ka na agad," anito.
"Huh?" kunot-noo kong sambit. "Sino po? Wala naman pong schedule si Ma'am Natasha nang ganito kaaga?"
"Naku, Ma'am! Hindi na ho kailangan ng schedule ng bisita niyo. Si Sir Krenan ang nandiyan sa loob."
"Ang aga naman ho niya!"
"Masanay ka na kayo, Ma'am. Talagang gano'n ang batang 'yon. Susulpot na lang bigla dito at kung minsan naman, gabi na rin kung umuwi," paliwanag ni Manong Guard.
'Sige, kuya. Akyat na ho muna ako at baka may kailangan 'yon."
Nagmamadali siyang nagtungo sa opisina ng kanyang boss. Nadatnan niya si Krenan na prenteng nakaupo sa swivel chair ng mommy nito. Seryoso ang mukha nito habang nakatuon ang atensyon sa hawak na folder. Hindi rin nakaligtas sa kanyang paningin ang dating nito ng araw na 'yon. Nakasuot ito ng all black OJT police uniform nito kaya lalo itong naging gwapo sa kanyang paningin. Itsura pa lang, mukha ng mabango. Maiksi ang buhok nito, shaved mula sa likod at magkabilang gilid ng ulo nito. Malinis tingnan.
"Good morning, sir!" Saka lang ito nag-angat ng tingin ng magsalita siya. "Coffee?"
"Yes, please," anito saka ibinalik ulit ang tingin sa binabasa nito.
"Do you need anything, sir?" tanong niya pagkatapos niyang mailapag ang kape nito sa ibabaw ng mesa.
"No. Thank you," tugon nito na hindi na tumingin sa kanya
.
Siya naman ay nagtungo na sa kanyang table at tiningnan ang schedule ng kanyang boss ng araw na 'yon. Ngunit manaka-naka ang ginagawa niyang pagsulyap kay Krenan. Sa totoo lang, dati pa niya kilala ang binata dahil makailang beses din itong naging endorser ng isang men's apparel kaya madalas niya itong makita sa commercial. Noon pa man ay hinangaan niya ito. Kuntento na siya noon na makita ang mukha nito sa ganoong paraan. Hindi naman niya akalain na darating ang ganitong pagkakataon na makikilala niya ito ng personal. And on top of that, abot kamay na niya ito.
Oo, abot kamay na niya ito ngunit mahirap abutin ang pedestal na kinalalagyan nito.Kagaya ngayon, wala siyang magawa kundi ang magnakaw ng kaunting sandali upang matitigan ang binatang noon pa man ay hinahangaan na niya.
Paghangang suntok sa buwan. Sabagay, hindi naman nito malalaman ang kanyang nararamdaman. May kung anong kirot ang gumapang sa kanyang dibdib ng maisip na kahit sa usaping ukol sa nararamdaman, mayroon pa ring pader na nakapagitan sa katulad niya at ni Krenan. Suwerte na lang ng ibang babaeng katulad niya na nakahanap ng pag-ibig sa taong bukod sa mahal ka ay mayaman at gwapo pa. Sa katulad niyang bukod sa dukha na ay hindi pa katulad sa mga babaeng nali-link sa binata na makikinis at magaganda at nabibilang pa sa mayayamang angkan, malabong magkaroon siya ng happy ending.
"Amber, right?"
Napatingala siya ng marinig ang boses ng binata. Malayo na ang narating ng kanyang imahinasyon na hindi na niya namalayan na nasa harapan na pala niya ang binata.
"Yes, po?" Mabuti na lang at hindi siya nautal ng magsalita. Ang lakas kasi ng dating nito na tila pa lumiliit ang kanyang mundo kapag nasa malapit ito. Bukod doon, titig na titig ito sa kanya. Hindi niya mabasa ang itsura nito ngunit nakikita niya ang pag-alon ng lalamunan nito. "Bakit po? May kailangan pa po ba kayo?"
Umiling ito. "Nothing. Mom won't be coming here today. She's not feeling well. Dumaan lang ako rito dahil may ipinakiusap siyang papeles sa akin. Once you're done with your work, you can go home already."
"Okey po."
Nakita niyang mariin itong napapikit. Kapagkuwan ay inilahad nito ang isang kamay sa kanya. "Your phone..."
Para naman siyang nahipotismo at ibinigay niya ang kanyang cellphone dito.
"Call me when something important comes up," anito. "And one more thing..." Napatigil ito sa pagsasalita at hinuli ang kanyang mga tingin. "Do not call me, sir nor use po when talking to me. Understood?"
Dahan-dahan at mahina lamang ang boses nito ngunit may diin sa bawat pagbigkas ng mga salita. Dumagdag pa ang intimidating nitong awra habang nakatayo kaya ang dibdib niya ay biglang kumabog nang malakas. Narinig niya naman ang bawat sinabi nito ngunit tila ba lutang ang kanyang isip ng mga oras na 'yon.
"Amber..." untag ulit nito.
"Okey po, sir," wala sa sariling sagot niya.
Mahabang sandali ang namagitan sa kanilang dalawa. Nakatayo ito sa kanyang harapan habang siya ay nakatingala rito. Lalong lamang bumilis ang t***k ng kanyang puso ng bahagya itong yumuko at hindi inaalis ang tingin sa kanya.
"Miss Perez, the next time you are told to do something, just do it, okay? Baka 'yon pa ang maging dahilan upang mapahamak ka." Umayos na ito ng tayo, humakbang ng paatras. "And I'm sorry for hugging you last night. It was a mistake on my part. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko bakit ko nagawa 'yon."
May ilang minuto na itong nakakaalis ngunit hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa rin siya makagalaw. Nakatingin pa rin siya sa pintong nilabasan ng binata. Bothered siya na hindi maganda ang pakiramdam ng kanyang boss ngunit mukhang mas bother siya sa sinabi ng binata.
Pagkakamali lang pala para dito ang ginawa nitong pagyakap sa kanya kagabi. Akala pa naman niya, concern ito kahit paano sa kanya. Sabagay, sino ba siya para maging concern ito sa kanya?
Mapait siyang napangiti.
Was it a mistake hugging her? Dahil kung pagkakamali man 'yon, willing siyang tanggapin ang pagkakamali nito kung ang kapalit naman ay ang panandaliang kapayapaan sa mga bisig nito.