Kagaya ng napagkasunduan, pinasukan ko ang subject ni Sir James. Pero, hindi na kagaya ng dati na ibinuhos ko ang oras at talento sa kareresearch at pagpapapapel sa mga discussions. Nakaupo lang ako sa isang gilid, kung anu-ano lang ang pinagkakaabalahan na walang kinalaman sa klase. Nandyan iyong mang-inis sa mga kaklase, mag-drowing ng mukha ng kung sinu-sino, lalabas paminsan-minsan sa silid aralan, o kaya’y matulog. Kumbaga, taken for granted at respeto ko na lang sa napagkasunduan namin ang pagpasok ko. Kapag may pagsusulit, ipapasa ko kaagad ang test papers sa kanya kahit walang laman ito, o drawing lang ng mukha niya ang nasa papel. Ang importante para sa akin ay di niya na ako iniipit, iniinsulto, pini-pressure. Higit sa lahat, hindi na rin niya ako pinapahiya sa harap ng klase. “Bakit pa ako magpapakahirap d’yan, e ipapasa din naman ako neto, dahil kung hindi, malaking eskandalo ang mapagpi-pyestahan sa buong campus. Hawak-hawak ko yata ang video clip na magpapatunay kung gaano kagaling ni Sir makipag-s*x, hehehe. Sarappppp talaga ng buhay!” sigaw ng utak kong naalipin ng kademonyohan.
Halos matapos na ang semester ngunit hindi pa rin kami nagpapansinan. Ang hindi ko maintindihan ay ang naramdaman ko. Oo, natuwa ako’t para akong isang ibon na nakalaya sa bagsik ni Sir James. Ngunit sa kabilang dako, may kaunting kirot din akong nadarama sa biglang pagbago ng setup. Kung dati sa akin nakatutok lahat ang atensyon ng buong klase at ako ang bida at iniidolo dahil sa pagiging palaban sa mga pang-aalaska niya, sa pagkakataong iyon, pakiwari ko’y biglang nawalan ng sigla ang mundo. May malaking kulang; na-miss ko ang kasiglahan ng klase, ang pagtatawanan ng mga kaklase at pagsasali nila sa mga argumentong nabuo dahil sa mga sagutan ng tanong at kontra-tanong namin ni Sir James.
Ngunit ang higit na nagpapakirot sa dibdib ko ay ang nakitang lungkot sa mukha niya. Ibang-iba na siya. Hindi na siya iyong dating Sir na masayahin, buhay na buhay sa klase, at may ngiting nakakahawa at nakakabighani. Nawala na ang dating sigla niya.
Hindi ko rin alam kung bakit ganoon ang naramdaman ko sa mga sandaling nakikita ang malungkot niyang mukha. Paminsan-minsan, pumapasok na lang ito sa isip at napapatulala na lang ako. Minsan naman, parang gustong-gusto ko siyang makita. Ngunit binale-wala ko ang naramdaman. Nangibabaw pa rin sa akin ang pride at naramdamang tagumpay laban sa kanya. “Ikaw kasi, hindi mo muna kinilatis kung sino ang makakabangga mo” sabi ko sa sarili.
Noong bigayan na ng grades, excited na excited akong kinuha ang card sa Dean’s office. “Gaano kaya kataas ang grade na ibinigay ni Sir James sa akin? Flat 1.0 kaya? Hehehe” tanong ko sa sarili.
Dahil kasama ang kaibigang si Ricky, pagmamayabang kong ibinigay sa kanya ang card, hindi ko na tiningnan ito. “Tol, basahin mo nga at ikaw na ang magsabi kung gaano kabait ni Sir James sa akin?” Ang buong tiwalang pagmamalaki ko.
Tiningnan ni Ricky ang card.
“Ano tol, flat 1.0 ba ang grade ko sa kanya, ha?”
Ngunit biglang humalakhak si Ricky. “Hahahahahaha! INC. Tol, INC! Ganyan kabait si Sir James sa iyo! Nasa line of 1.0 ang lahat mong grado maliban sa kanya – incomplete, hahaha!”
Sa sobrang hiya, dali-dali kong tinalikuran si Ricky at deretsong tinumbok ang faculty room. “Magtutuos tayo ngayon, Mr. James Cruz. Talagang gusto mo akong kalabanin ha? Sige...” ang sigaw ng utak kong nanggagalaiti.
Dinatnan ko si Sir James sa faculty room; nagliligpit ng mga personal na gamit, pansin ang sobrang lungkot sa kanyang mukha.
“James! Don’t do this to me, ok! I attended your stupid class based on what we agreed. Remember noong mag-inuman tayo? Why didn’t you comply with our agreement? What did you do to my grade? Answer meee!!!” Ang sigaw ko habang nasa pintuan palang ng faculty room, hindi alintana ang iba pang mga guro at madre sa paligid na lahat ay nagulantang sa bigla kong pagsulpot at pagsigaw.
“Hey, hey! Let’s talk this over at the conference room, ok? Come follow me.” Ang kalmante niyang sagot.
Tinungo niya ang pintuan ng faculty room at dali-daling binaybay ang hallway papuntang conference room. Sumunod ako.
Noong nasa loob na kami, agad niyang ini-lock ang pinto. “Ok, Mr. Miller, you are free to scream on top of your lungs or hit me. Come on, give me your best shot!” Ang pasigaw niyang sabi sabay hila pataas ang mga sleeves ng polo pagpahiwatig na handa siyang makipag-suntukan.
Mabilis ang sumunod na mga pangyayari. Nag-init kaagad ang dugo ko sa inasta niyang iyon kayat sinugod ko siya upang paulanan ng suntuk ang mukha. Ngunit naunahan niya ako. Pinilipit niya ang isa kong braso na pakiramdam ko ay mabali na ito sa tindi ng sakit habang ang isang braso naman niya ay ini-lock sa leeg ko. Hindi ako halos makahinga. Nasa likuran ko siya, ang katawan namin ay nagdikit. Hindi ako makapaniwala sa bilis at galing niya sa martial arts.
“Ok, Mr. Miller, you want to talk things over the easy way or the hard way?” Ang matigas niyang boses, habol-habol ang paghinga.
Sa eksenang iyon, kahit ako nasa ganoong katinding galit, biglang pumasok sa isip ang nangyari sa amin sa flat niya. Nalasing siya noon, umihi sa CR, at sa sobrang kalasingan, isinandal niya ang katawan niya sa katawan ko. Baligtad nga lang ang puwesto namin sa pagkakataong iyon dahil siya na ang nasa likod ko. Tila may sumundot na kiliti sa akin na unti-unting nagpalusaw ng galit ko.
“Urkkk! James, pakawalan mo ako please… Nasasakal ako. I’ll talk to you, I’ll talk to you!”
“Marunong ka naman palang mag-please.” Ang sabi niyang ramdam ang pagmamalaki sa natamong tagumpay. “Ok, then let’s do it the easy way. Shoot your question!” At pinakawalan niya ako.
Naupo kaming dalawa, magkaharap. Kitang-kita ko pa rin sa mukha at titig niya ang panggagalaiti.
“Why did you give me an INC?” ang tanong ko kaagad.
“Owww, good question, Mr. Miller... Very interesting!” Ang sarcastic niyang tugon. “Sa tingin mo ba, kung ikaw ang nasa kalagayan ko at ako ang nasa iyo, would you give me a good grade? Pasalamat ka’t INC lang iyon, not an outright failure.” dugtong niya.
“Di ba ang usapan lang naman natin ay mag-attend ako sa subject mo?”
“Exactly! But remember Carl, hindi sinehan or some kind of a theater show ang pinasukan mo. It’s a damn class! And what do you expect to do in a stupid class? Siguro naman alam mo, di ba? Do I need to remind?”
Hindi ako nakapagsalita. Naisip ko na lang na kahit kailan, hindi ako nakakalusot sa mga katuwiran niya. Palagi akong pinapahirapan, palagi nalang ako ang talunan. Naisip ko ang cp at kinapa iyon sa bulsa ko. “OK, fine. Pero heto, may ipakita ako sa yo. Easy ka lang...” At binuksan ko nga ang video clip.
Tiningnan niya itong maigi. Ramdam ko ang pagkagulat niya, hindi makapaniwalang kinunan ko ang eksenang may nangyari sa amin sa flat niya noong malasing siya. Ngunit sa kabila ng nakita kong ngitngit sa kanyang mga mata, halatang pigil na pigil siya sa sarili.
Ibinaling niya ang tingin sa akin. “Ah, blackmail?” Sambit niya.
Binitiwan ko ang isang ngiting pang-aasar, ramdam sa sarili ang pagkapanalo. “Kind of… Ikaw kasi, di mo muna tinitingnan kong sino ang makakalaban mo. Tingnan mo tuloy. Ikaw din, kakalat ito sa campus at masisira ang maganda mong record” dugtong kong nangungutya.
Binitiwan din niya ang isang pilit na ngiti. “Ow come on, Carl, don’t be so hard on yourself. Alam mo, dapat magpakalalaki ka e. If you want to achieve something, then work hard for it. Napakaganda ng feeling kung ang isang bagay ay nakuha mo dahil pinaghirapan mo ito, o pinagpawisan. Napakadaming tao sa mundo na deprived sa mga bagay na nasa iyo na, naghirap, nagbuwis ng dugo at pawis para lamang makamit ang kahit na mga simpleng bagay na kagaya ng damit o sapatos. Karamihan nga ay hindi na makapag-aral. May iba nga d’yan, hindi makakain kung hindi binibilad ang katawan sa araw o magbanat ng buto. Iyong iba, ni hindi na iniisip ang ibang bagay na taken for granted na lang ng mga taong katulad mong spoiled brat dahil ang mas mahalaga sa kanila ay kung ano ang ilalagay nilang pagkain sa mesa. Iyong iba nga e kahit mesa wala, at iyong iba naman ay natutulog na lang sa gabi ng walang laman ang sikmura. Alam ko iyan dahil isa ako sa kanila noong maliit pa ako. Pero ikaw, heto, blackmail ang puhunan sa isang napakaliit na bagay na kayang-kaya mong makamit sa malinis na paraan. Don’t you feel guilty and ashamed? Wow naman... Na-experience mo na ba ang tinatawag nilang ‘peace of mind’ and ‘inner satisfaction’? O kaya’y kahit iyon nalang sarap ng feeling sa pagkamit ng isang bagay na pinaghirapan at pinagpawisan? Itanong mo nga minsan iyan sa sarili mo para magkaroon ka naman kahit papaano ng silbi sa mundo.”
Nabigla ako sa narinig, hindi makaimik.
Nagpatuloy siya. “Anyway, whatever makes you happy, then go for it; I don’t care a bit. At oo nga pala, today is my last day. I am leaving this school dahil... sabihin nalang nating I failed as a teacher. May isang estudyante akong in the beginning I thought kaya kong baguhin ang baluktot na pananaw. Nagkamali ako sa challenge na iyon para sa sarili. I guess I was too ambitious. Hindi ko alam kung saan pupunta after today but kaya ko naman sigurong mabuhay sa isang malinis na pamamaraan; na hindi gagamit ng dahas, intimidation, o pambablackmail. Sanay ako sa hirap; sanay ako sa mabibigat at mahirap na trabaho. Ang importante, wala akong natatapakang tao, walang naaagrabyado.”
Nahinto siya ng saglit at binitiwan ang napakalalim na buntong-hininga. Hindi pa rin ako nakaimik; tulala pa rin sa di inaasahang marinig.
“Sayang lang ang lahat ng nasimulan ko dito. Anyway, I guess it’s goodbye, Mr. Miller; nice meeting you here” dugtong niya sabay tayo, tinungo ang pintuan ng conference room at binuksan iyon. “A few words of advice: napaka-swerte mo sa buhay, Carl, I think it’s time for you to count your blessings, learn to appreciate the things that you have, and be a positive contribution to society.” Pahabol niyang sabi bago tuluyang isinara ang pinto.
Mistulang napako ako sa pagkakaupo at sinampal ng maraming beses, hiyang-hiya sa sarili, di lubos maisalarawan ang pagkaantig ng damdamin.
Umuwi ako ng bahay na puno ng kalituhan, pagsisisi at panghihinayang. Di ko alam kung bakit ako nalungkot. At namalayan ko na lang ang mga luhang dumaloy sa pisngi. Marahil ay dahil sa mga binitiwan niyang salita na tumagos sa puso at isipan ko, lalo na noong malaman kong galing din pala siya sa kahirapan; naghirap at nagbanat ng buto para lamang makamit ang tagumpay. At naalala ko ang mom ko, ang mga paalala niya, ang mga pinagdaanan niyang hirap sa buhay sa pagkamatay ng daddy; ang mga paghihirap niya sa pagpapalaki sa akin. At ngayon heto ako, malaki na sana at imbes na tatayong katuwang at kakampi niya sa dinaanang hirap, ako pa itong nagdagdag-pahirap sa kanya at binale-wala ang mga bagay na nasa akin bunga ng pagsisikap niya.
“Tama si Sir James... napakaganda ng mga sinabi niya” ang bulong ko sa sarili.
Kinaumagahan, sinadya kong pumunta ulit ng school. Bulong-bulungan na ang pag-resign ni Sir James. Marami ang nanghinayang. Biglang lumakas ang kabog ng dibdib ko, di maipaliwanag ang nararamdaman.
Halos tumulo na ang luha ko noong maisipang puntahan ang faculty room at alamin kung umalis na ba talaga si Sir.
“I think that by now, he’s still at the bus terminal on his way to the airport.” ang sabi ng isang gurong napagtanungan ko.
Dali-dali akong pumuntang terminal. Hindi ako nahirapang hanapin si Sir James doon dahil pinapaligiran siya ng maraming mga estudyanteng naghatid sa kanya. Malulungkot ang mga mukha nila; ang iba ay nag-iyakan.
Noong mapansin nilang nandoon ako, nagbigay-daan sila para makalapit ako kay Sir. Ramdam ko sa mga tingin nila ang galit sa akin.
Lumakas ang kabog ng dibdib noong magkaharap na kami, di malaman kung ano ang sasabihin. Hiya, panghihinayang, lungkot at pagsisisi ang naghalong naramdaman. Di ko rin maintindihan ang excitement na nadama noong makitang nakangiti siya sa akin. Tila gusto kong umiyak. Dahan-dahan akong lumapit sa kanya. “Hi James...” ang nasambit ko.
“Hi, Carl!” ang maigsi rin niyang tugon.
“E... Sorry nga pala sa lahat. Marami akong mga pagkakamali at hindi ko alam kung paano papatunayan ang pagsisisi ko. Sana, nandito ka pa sa school. Dito, maraming nagmamahal sa iyo. Dito marami ka ring nagawa at nasimulan. Nahirapan akong patawarin ang sarili dahil sa pagiging dahilan ng iyong pag-alis. Hiyang-hiya ako sa iyo, sa mga estudyanteng nagmamahal sa iyo.” Ang paliwanag ko, di makatingin ng diretso sa kanya, ramdam ang pamumuo ng mga luha sa mga mata ko.
“Hahaha! Wag ka ngang mag-drama d’yan Carl. Wala na sa akin iyon. Pinatawad na kita at masaya ako at nakapag-isip-isip ka rin. At, tungkol d’yan sa patunay na nagsisi ka na, isa lang ang gusto kong gawin mo: puntahan mo si Prof. Fuentes, nandoon lahat ang instructions ko; kung ano ang dapat mong gawin para mabura ang INC mong grado. Pag naipasa mo iyon ng maigi, maniwala na ako na nagsisisi ka na talaga.”
Sobrang tuwa ang naramdaman ko sa narinig at sa pagbigay niya sa akin ng pagkakataon. “I’ll do it, James, thank you.” Ang nasambit ko.
“And I want your best, Carl. Show it to me!”
“Yes Sir!”
Dahil umandar na rin ang bus, kinamayan niya na ako. Ngunit imbis na tanggapin ko ang pagkamay niya, niyakap ko siya ng mahigpit. Natawa nalang siya at tinugon niya na rin ang yakap ko.
Nagpalakpakan ang mga estudyanteng nakapaligid at nakatingin sa amin.
Papalayo na ang sinakyang bus noong binuksan niya ang bintana at pahabol siyang sumigaw sa akin, “Hey, hindi nga pala tinanggap ang resignation ko!”
“Ha? T-talaga?” ang sagot kong pagkabigla at patakbong hinabol ang sinasakyan niya.
Hindi ko na rin narinig pa ang sagot niya. Umaksyon na lang siyang parang ang ibig sabihin ay “Sa pagbalik na lang.”
Naglulundag ako sa tuwa sa narinig na pahabol niyang sinabi. Itatanong ko pa sana kung bakit pa siya aalis kung hindi naman pala tinanggap ang resignation niya ngunit hinayaan ko nalang ito gawa ng napakalayo na ng bus. Ang importante para sa akin, ay hindi pa rin pala siya mawawala sa sunod na pasukan.
Sa oras na iyon pa lang hindi ko na mapigilan ang excitement na makita siyang muli, at ma-ipakita sa kanya kung paano ko galingan ang task na ibinigay niya sa akin.