Bad Trip!
Magsi-second year college ako noon, 18 years old lang noong inilipat ng mommy sa probinsya upang doon na mag-aral. Sa Maynila kasi, kahit magagaling ang mga eskwelahan ay halos wala ding nangyayari sa pag-aaral ko, dahil sa bisyo at barkada. Siguro nakita niya na kapag ipinagpatuloy ko pa sa Maynila ang pag-aaral, wala rin itong patutunguhan dahil na imbes ang mga subjects ang ipasa, kung anu-anong bisyo nalang ang natututunan.
Nag-iisang anak lang ako. Noong paslit pa lamang ay namatay na ang daddy kong kano, kaya’t mom ko na lang ang nag-alaga sa akin. Hindi naman mahina ang ulo ko. Ang totoo, nasa gifted level ang IQ. Sadya lang talagang ayokong mag-aral at ewan ko rin ba, parang may malaking kulang; may kung anong hindi ko matagpu-tagpuan sa aking buhay. Pakiramdam ko, wala akong kakampi. At dahil sa kahit na anong bagay at luho ay naibibigay ng magulang, hindi ko naranasang maghirap. Sa pakiwari ko ay napaka-boring ng mundo; walang ka challenge-challenge. Iyan ang naisiksik sa utak ko simula noong bata pa lamang. Kaya ang aking panahon ay naibaling ko sa barkada, at sa bisyong sugal, droga, at kung anu-ano pang katarantaduhan.
Siguro ay masasabi ko ring ang lahat ng bagay na inaasam-asam ng marami, ay nasa akin na – hitsura, tangkad, at kaginhawahan. Ngunit ang lahat nang ito ay hindi ko binigyang-pansin, hindi naa-appreciate, o ni binigyang-halaga. Parang may iba akong hinahanap-hanap na di ko alam kung ano at kung saan ito matatagpuan. Kaya noong nagdisisyon ang mommy na sa probinsya na ako mag-aaral, pumayag na rin ako. “Ok lang, baka doon ko pa mahanap ang kung ano man iyong gusto ko sa buhay”, sabi ko sa sarili.
Hindi kalakihan ang bago kong eskuwelahan; marahil ay nasa mahigit limang daan lamang ang population ng mga estudyante sa buong college department. Isa itong sectarian na pag-aari ng mga madre. Kahit nasa probinsya siya, kumpleto at state-of-the-art ang mga facilities. Malinis at nasa ayos ang lahat. At ang nagustuhan ko rin ay ang malalaking puno ng kahoy sa loob at paligid ng campus na nakapagbibigay ng lilim at sariwang hangin.
Dahil sa hindi kalakihang population, halos magkakakilala ang mga estudyante rito. Alam nila ang mga transferees, ang mga pamatay sa honor’s list, ang pabalik-balik sa subjects, kung sino ang may ganitong topak, body odor, ugali, karanasan, drama sa buhay, habit, etc. Kaya noong pinaka unang araw ko ng pasukan, sa akin nakatutok ang tingin ng karamihang mga kapwa estudyante. Kumbaga, center of attraction. At marami kaagad akong naging kaibigan.
Simple lang ang paniniwala ko sa buhay; ang lahat ay nakukuha sa pera. Kung hindi man sa pera, sa ibang diskarte kagaya ng pagpapa-cute, pambobola, panliligaw, pagpapa-impress, o sa simpleng pagparamdam na nand’yan lang ako sa tabi, handang magbigay sa kung ano man ang gusto noong tao sa akin, kapalit ng gusto ko. At kapag ayaw pa ring bumigay at masyadong masaktan ang ego, puwede na ang pamatay kong sandata – blackmail. Kumbaga, wala sa bokabularyo ko ang santong dasalan; lahat ay nakukuha sa santong paspasan.
Wala akong problema sa mga estudyante at kaibigan. Unang impression pa lang nila sa akin ay “cool” kaagad; friendly daw ako, mabait, palabiro, at sa tingin ko lang, marami ring chicks ang kinilig. Sa dami ngang nakikipagkaibigan sa akin ay baka kung tumakbo akong presidente ng student council, mananalo kaagad ako nang walang kahirap-hirap.
Ngunit may isa akong problema; ang professor ko sa Sociology – si Sir James.
Si Sir James ay 23 years old lang; matalino, magaling magturo, at non-traditional ang approach niya sa klase. Kung hindi nga lang siya naka-upo sa teacher’s desk sa harap ng classroom ay masasabi mo na talagang isa siya sa mga estudyante sa klase. Matangkad, moreno, guwapo, at estudyanteng-estudyante ang porma sa pananamit at pagdadala. Nakikipag-bonding sa mga estudyante, nakikipagbiruan, nakikipaglaro ng basketball at iba pang sport, at malapit ang loob sa kanila.
Ngunit kung gaano siya kalapit sa mga estudyante sa labas ng klase, kabaligtaran naman kapag nasa loob; mahigpit sa mga rules at disiplina. Pero, patas naman. “Kapag nasa labas, barkada tayo, kahit ano pwedeng sabihin, pwedeng gawin; pero kapag nasa loob na ng klase, ibang usapan na. Ako pa rin ang teacher ninyo.” Iyan ang linya niya para sa mga estudyanteng nakikipagbarkada sa kanya. Kaya gustong-gusto siya ng mga ito. Kasi, klaro ang rules niya, patas sa lahat, at alam ng mga estudyante kung saan sila lulugar. Di kagaya ng ibang teachers na masungit, tyrant, o kaya’y walang pakialam. Parang hindi ka nag-i-exist.
Isang taon pa lang na nagturo si Sir James ngunit kilala na siya bilang isang napakagaling na guro at maraming nalolokong estudyante. Ngunit, marahil ay sadyang hindi maaaring maglapit ang loob namin. Sa unang meeting pa lang ng klase, na-experience ko kaagad ang bagsik niya.
“Class, I’d like you to introduce yourselves. Let’s start with the newcomer here from the big city, Mr. Miller...” iyan ang hindi ko malimutang pambungad na salita niya kung saan nagsimula ang pagka-badtrip namin sa isa’t-isa.
Tumayo nga ako at nagself-introduce. Kaso, nasobrahan yata ang pagka-presko ko. “My name is Carl Miller and, as Sir James said, I’m a transferee, 18 years old, single without experience, never been touched, and never been kissed. In short, I’m a stupid, horny virgin, very much available and am planning to offer myself for auction”
Hiyawan, sipulan, at palakpakan ang buong klase.
“Silence!!!” ang pagsigaw naman ni Sir James na namula ang mukha sabay lingon sa akin. “Mr. Miller, this is a civil class for people who desire to be civil. And I have no intention of turning this into a brothel, an auction, or a s*x shop! We don’t care if you are a virgin, a stupid, or a maniac. We just want to know something civil about you. Do you understand?”
Biglang natahimik ang lahat, at syempre, hiyang-hiya ako sa sarili.
Simula noon, feeling ko ay pinag-iinitan na ako ni Sir James. Parang ang lahat na mabibigat na assignments ay sa akin napupunta. Kapag hindi ako tumataas ng kamay sa klase niya o kaya’y sadyang walang maisasagot, pinapatayo ako niyan at pinipilit upang makapagbigay ng sagot. At kapag may naisasagot naman, sinusupalpal, ginigisa sa kung anu-anong tanong. At hindi lang iyan; ang tawag pa niya na sa akin ay ‘Blessed Virgin Carl’. “And... does Blessed Virgin Carl have something intelligent to add here?” tanong niya sa akin isang beses noong mapansing ang isip ko’y lumilipad at wala sa klase niya.
“A, er... I beg your pardon, Sir?” ang gulat kong sagot na parang biglang binuhusan ng malamig na tubig ang aking ulo.
“As I was saying, tell me what will an idiot say if he doesn’t understand the question because his mind is somewhere else?” paglihis niya sa tanong pagpapatama sa akin.
Syempre, naguluhan ako sa paglihis niya sa tanong kaya, “Excuse me Sir?” ang naisagot ko, pagklaro sa tanong niya.
“Exactly! See???!” ang sarcastic na sagot din niya habang nakamuwestra ang kamay turo sa akin pagpatunay na ang sinabi ko ay tugma nga sa sasabihin ng isang idiot.
Nakakabingi ang tawanan ng buong klase. Feeling ko, pulang-pula ang pisngi ko sa tindi ng hiya.
Hindi ko maintindihan kung bakit ganoon ang turing ni Sir James sa akin. Parang sa lahat ng mga estudyante sa campus, ako ang sini-single out niya at tinitira samantalang napaka-palakaibigan naman niya sa ibang mga estudyante. Pero kahit na masama ang loob ko, iyon ang naging dahilan upang pagbutihan kong maigi ang pag-aaral sa subject niya; upang huwag mapahiya at laging handa sa mga ibabatong tanong niya sa akin, hanggang sa puntong kahit saan-saan nalang ako nanghahagilap ng research materials. Wala na akong ginawa kundi ang magbasa ng magbasa tungkol sa Sociology subject niya, hanggang sa lahat na ng aspeto nito ay naging kabisadong-kabisado ko at lahat ng tanong niya ay nasasagot.
Ngunit sadyang pinipiga pa rin ni Sir ang utak ko, at hindi siya nawawalan ng mga tanong at argumento. Kaya’t kapag ako naman ang naka-porma, ginigisa ko rin siya sa katatanong ng mga bagay na nakukuha ko sa iba kong sources.
Naging maaksyon ang klase namin at puno ng partisipasyon. Sa katatanong ko, na-encourage na rin ang iba pang mga kaklase na mag-follow up. Ito rin ang dahilan kung saan nabubuksan ang iba pang grey areas at related issues sa subject. “Gusto mo ng tagisan ng talino, sige, magtutuos tayo” sabi ko sa sarili.
Dahil dito, humanga sa akin ang mga kaklase ko. “Alam mo Carl, ang galing-galing mo. Dahil sa mga explanations mo sa tanong ni Sir at sa mga tanong mo na rin sa kanya, nagiging interesting ang klase. Iba ka talaga, tol!” sabi ng kaklase at kadikit kong si Ricky. “Pero napansin ko lang pare, ha, bakit parang mainit ang ulo ni Sir James sa iyo? At, sorry din sa tanong na ‘to; bakit sa ibang klase ay parang dini-dedma mo na lang? Di ka ba natatakot bumagsak sa ibang subjects?”
“Sa una mong tanong, heto ang sagot ko: malay ko sa kanya! Siguro insecure iyan sa ka-pogian ko, hehehe. Sa pangalawa mong tanong, di mo ba napansin sina ma’am kapag nagkaklase? Natuturete pag tinititigan ko, nalulusaw, ‘dre! Hehehe” pagmamayabang ko.
“So...?” tanong ulit ni Ricky na naguluhan sa sagot ko.
“So...? You don’t get it, tol? It’s obvious na type ako ng mga iyon!” pag-emphasize ko. “E, kikindatan ko lang ang mga iyan, kikiligin na, at ipapasa na ako e.”
“Matindi ka, dre! E, paano kung di oobra ang plano mo at ibagsak ka pa rin nila?”
“Malabo iyan, tol, dahil proven na sa Maynila ang style ko na iyan. At kapag nagmamatigas pa rin sila, alam ko na ang gusto nila: pera o di kaya, ako... hehehe” Sabi kong naka-ngiting-aso. “Ngunit kung ayaw pa rin talaga nilang bumigay, isa lang ang dahilan niyan, dre, love nila ako at hindi nila kayang mawalay ako sa mga paningin nila – hahahaha! Atsaka, problema ba iyan. Pag bumagsak, e di balik ulit next semester. Chicken feed lang iyan sa akin, tol. No big deal.”
“Iba ka talaga, pareng Carl. Ok, balik tayo doon kay Sir James. Di kaya may iba siyang motibo kung bakit pinag-iinitan ka niya palagi? U-oww! I smell something” sabay bitiw ng nakakalokong ngiti.
Hindi ko na inintindi pa ang ipinahiwatig na iyon ni Ricky. Pero sa loob-loob ko, talagang nag-isip ako ng paraan upang makaganti. Di ko lang alam kung paano.
Sa mga nagdaang araw, hindi pa rin nagbago ang pag-trato sa akin ni Sir James. Bagkus, lalo pang lumala ito. Kaya dahil sa inis at sama ng loob na hindi man lang na-appreciate ang ginawa kong pagsisikap, naisipan kong hindi na sisipot sa klase niya at hayaan na lang na i-drop niya ako.
May mga anim na sunod-sunod na sessions iyon na hindi na ako nagpakita pa sa klase noong may natanggap akong note. “Carl, I would like to talk to you today at 4:30 pm; conference room – Sir James”
Expected ko na ang sulat na iyon. Kaya sinagot ko, “Sir, I will talk to you only in a private venue, not in school. Ayokong teacher-student ang turing ng usapan ‘coz I’m dropping my subject. I suggest na magharap tayong lalaki-sa-lalaki; hindi guro-estudyante. Kahit saang venue, huwag lang sa school” sagot ko sa note niya.
Kinabukasan, may note ulit ako, “Sa apartment ko na lang bukas; 8 pm.”
“Good!” sabi ko sa sarili. “Magtutuos tayo, Mr. Cruz. Tingnan natin kung hanggang saan ang galing mo.”
Syempre, pinaghandaan ko iyon. Nag-research ako tungkol sa buhay-buhay niya at tinanong si Ricky sa mga nalalaman niya tungkol kay Sir James.
“Alam mo, dre, kung personal na aspeto tungkol kay Sir, meron akong nalalamang kaunti. Aside sa pagiging malapit niya sa mga estudyante, pagiging matalino, at guwapo, meron siyang isang bagay na hindi naman confirmed ngunit sikreto – sikretong alam ng buong campus, hehehe” sabi niyang pabiro.
“Anong ibig mong sabihin?”
“Si Sir James ay... silahis – daw ha, dahil hindi naman napatunayan talaga iyan e. Pero syempre, nagtataka din ang marami dahil sa kabila ng pamatay na hitsura at porma niyang iyan, hayup na appeal, at maraming chick ang naloloko, ay wala namang girlfriend o nililigawan, di ba? At ang na-involved daw sa kanya ay isang nagngangalang Henry, mestiso Chinese na nagturo din sa school natin last year pero nasa US na ngayon. Kaya nga, iyang naiibang pagtrato niya sa iyo ngayon, naisip ko lang ha... U-uhhh!” Hindi na ni Ricky itinuloy ang sasabihin sabay bitiw ng isang nakakalokong ngiti. “Iba talaga ang level ng ka-gwapuhan mo, tol - hahaha!”
“Ganoon ka pala ha...” sabi ng utak kong nanggagalaiti. At sumiksik sa isipan ang isang maitim na balak.