Pagkarating nina Neil at Elise sa bahay, nagulat silang nandoon si Shamcey na halos namamaga na ang mga mata dulot ng pag-iyak.
"Oh! Sa'n kayo nanggaling? Ang tagal naghihintay ng girlfriend mo, Neil. Ang bait niya. Siya pala 'yong kaagawan ni Elise sa rangko noong elementary pa ang kapatid mo. Ang bait niya, naikuwento ko rin sa kanya na hindi talaga kayo magkapatid pero parang totoong magkapatid kung magturingan." Ngumiti si Patricia pagkatapos niya kunin ang baso na ininuman ni Shamcey.
May namuong selos si Elise kaya nagpaalam na lang siyang umakyat pabalik sa kanyang kuwarto.
"Ma, may pag-uusapan muna kaming mahalaga ni Shamcey," pakiusap ni Neil.
"Sige, anak, papainumin ko rin muna ng gamut ang papa mo. Tumataas na naman ang dugo niya dahil sa problema raw sa business natin. Baka sumabay pa sa diabetes niya ang kanyang highblood." Sabay iniwan muna sila ni Patricia.
Nilapitan naman ni Neil si Shamcey habang nakapamulsa ito. "Oh! Bakit ngayon ka lang? Tagal mong 'di nagparamdam."
"Alam ko na ang lahat, Neil. Alam ko na ang lahat dahil dito." Sabay inangat ni Shamcey ang maliit na Diary na pagmamay-ari ni Neil.
"Mabuti naman at alam mo para matapos na 'yang paghihirap mong mahalin ako nang paulit-ulit."
"Neil! Ano ba ang mayro'n siya na wala ako? Hindi mo ba ako kayang mahalin? Ano ba ang dapat kong gawin para mapasaakin ka muli, Neil? Sabihin mo sa akin! Bakit 'di mo 'ko kayang mahalin? Harapin mo ako." Humagulgol si Shamcey pagkatapos niyang lumuhod sa harapan ng binata at yumakap sa binti nito. "Bakit? Bakit 'di mo 'ko kayang mahalin, Neil? Mahal na mahal kita. Ano ang dapat kong gawin? Nababaliw na ako."
"Wala kang dapat gawin."
Biglang napatayo sa pagkaluhod si Shamcey at sumigaw habang sirang-sira na ang kanyang mascara sa kakaiyak. "Then why can't you love me? Lahat binigay ko. Ni wala ako itinira sa sarili ko. Neil, saan ako nagkamali? Inagaw mo na lahat sa akin."
"I didn't ask for it."
"Then why? I am begging you. Just tell me why you can't love me like before at si Elise palagi ang laman niyang manhid mong puso. Bakit 'di mo ko kayang mahalin?" Patuloy sa pagbuhos ang luha ni Shamcey.
"Alam mo kung bakit?"
"Oo, bakit?"
"Dahil hindi ikaw si Elise and Elise will never be you! I've never loved you since from the very start and I am f*****g you, because you're asking for it. Kaya tigilan mo na 'to dahil nababaliw ka na talaga, Shamcey!" seryosong sabi ni Neil kaya't nasampal siya nang 'di oras ni Shamcey.
"Pagsisisihan mo 'to, Neil. Pagsisisisihan mo na 'di mo ako pinili!" Bigla niyang pinalo nang sunod-sunod ang dibdib ng binata at lumayas na tumakbo papalabas sa bahay nila na umiiyak.
Napahilot na lang sa ulo si Neil at napamura. Ang 'di niya alam ay nakasilip sa pinto ng kuwarto si Lanto at pinakinggan lahat ng napag-usapan nila na tila may masamang balak.
~~~
Makalipas ang ilang araw, inaya si Elise ng kanyang kaibigan na pumunta sa bar.
"Uy! Buti naman at dumating kayo," nakangiting bati ni Khien.
"'Di ko nga alam, sis pero first time ko rito," singit ni Angel.
"Ano ba kayo? We're eighteen now. We are too legal for booze, yah know what I mean. 'Tsaka parang ito 'yong parang farewell. Lapit na kasi natin mag-graduate sa high school. Wuhoo!" sabi ni Khien.
"Ang ganda na naman ngayon ni Elise," kantiyaw ni Akira. Nagsigawan at nag-asaran sila at nagtutulakan habang tinitingnan si Elise.
"Kaya nga, Elise. What's with these changes ba? Dati na halos makuba ka na sa school for wearing long sleeves na pang-granny para di mahalata ang laki ng boobs mo pero ngayon, fitted long sleeves na tapos lagi pa nakalugay ang napakahaba mong buhok. Plus, marunong ka na rin mag-makeup ngayon? Come on, girl! 'Kala mo 'di namin napapansin?" asar ni Khien at walang humpay na inaasar nila ang kaibigan.
"Excuse me, girls, this is for you!"
Nagulat na lang sila nang may sumingit sa kanilang nagpapabigay ng bulaklak.
"Kanino? Para ba sa akin 'yan? Sorry, pero taken na ako," pang-aasar ni Khien kaya't nagulat sila dahil ang alam nila ay may manliligaw lang ito. Hindi occupied.
"Hindi, para sa kanya." Sabay ibinigay ang bulaklak kay Elise at umalis ang lalaki.
Mas lalong umingay ang dalawa at nag-asaran pa lalo.
"Okay, let's cheers, girls! Wala nang taguan ng sikreto bago tayo maka-graduate. Dapat makatikim tayo ng tinatawag nilang pampainit ng katawan!" sigaw ni Khien na napatawa kaya medyo nailang ang mga kasama niya. "Joke, tara na! Let's make a toast, girls. This is our first girls' night out. Woohh!" patuloy nito.
Makalipas ang ilang minuto ay may nakita si Elise sa harap ng counter ng mga bartender na medyo malayo sa kanila kaya tumayo muna siya't nagpaalam sa kanila at lumapit doon.
Ito'y walang iba kundi ang Uncle Lanto niya na kinagulat nila.
"Isa pa! Bigyan mo pa ako!" sigaw ni Lanto habang lasing na lasing ito't nagpapakalunod sa alak. Hanggang sa tumayo ito at lumabas.
Nagulat si Elise nang kalabitin siya ni Akira. "Sissy, anong ginagawa mo diyan? Balik ka sa table. 'Di pa tayo tapos."
Pagbalik nila ay tamang-tama din, nalasing na si Khien.
"Uwi na lang tayo. Mukhang may amats na si Khien," suhestiyon ni Elise sabay takbo para sundan ang uncle niya.
"Uy, Elise! Sandali, sama ako. Angel, 'kaw na bahala kay Khien at iuwi mo na siya. Sundan ko lang si Elise," habilin ni Akira.
Pagkatapos masundan ni Elise si Lanto ay naabutan niya ito. Nakatayo sa isang sulok kung saan walang mga tao at nakatutok ang baril sa ulo ng dalawang mag-inang taong grasa.
"Putang ina! Ang iingay n'yo! Hindi ba kayo titigil sa kaiiyak?" 'Di nakapagpigil at pinagbabaril niya ito.
Napatakip ng bibig si Elise sa kahindik-hindik na pagpatay ni Lanto sa dalawang taong grasa. At ang masakit pa ay mag-ina ito. 'Yong bata ay nasa edad na isang taong gulang na tila 'di pa nakakalakad.
~~~
Grabe! Napakawalang puso niya. Uncle ko ba talaga siya. Kahit mga taong grasa sila, wala siyang karapatan tapusin ang buhay nila. Hindi na siya 'yong uncle na kilala ko, isa na siyang demonyo.
Mas natakot si Elise nang humarap ito sa kanya. Dahan-dahang umangat ang dulo ng labi nito na tila ngumiting parang may sungay sa ulo.
Diyos ko.
Ang 'di pa niya inaakala ay biglang itinutok ang baril sa kung saan siya nakatayo kaya't nanginig ang mga tuhod ng dalaga habang bumuhos naman ang malakas na ulan.
Nang hihilain na nito ang gatilyo ay biglang hinarap muli nito iyon doon sa patay na katawan ng mag-ina at mas tinadtad ito ng bala habang nakatingin ito sa kanya nang nakangiti. Kaya't naluha siya, Kahit anong oras, puwede nitong gawin sa kanyang pamilya ang ginawa nito sa mag-inang iyon.
Mamamatay-tao siya. Bakit ba siya pinagkatiwalaan ni Papa? Wala kaming dugo na gano'n.
"Uy!"
Nagulat si Elise dahil kay Akira habang nakahawak siya ng payong upang pasilungin siya.
"Elise, ano ang nangyayari sa 'yo? Namumuti ka at nanginginig. Bakit ka nagpabasa sa ulan?" tanong nito sa kanya kaya't naiyak siya lalo at napaakbay sa kaibigan.
"Si Uncle Lanto, si Uncle Lanto. Pinatay niya 'yong mag-ina roon. Si Uncle Lanto..."
"Huh? Wala naman, ah," wika ni Akira. "Tara, puntahan natin."
"'Wag! Papatayin ka rin niya, Akira! 'Wag!" sigaw ng dalaga habang hinihila ang kamay nito pero 'di ito nagpapigil.
Nang puntahan nito iyon ay nagulat itong may mag-ina ngang nakahandusay roon na wala nang buhay.
~~~
Kinaumagahan...
Sinabi agad ito ni Elise kina Bong at Patricia kaya pinadala nila sa pulis si Lanto.
Nakakatakot ang mga tingin sa kanya ni Lanto. Parang halimaw talaga ang mga mata nito.
"Sinasabi sa akin ng anak ko ay si Lanto raw ang pumatay sa mga taong grasa," paliwanag ni Bong.
"Kuya naman. Nagpapaniwala ka naman sa anak mo. Alam mo ba kung saan siya galing? Pumunta siya sa bar. Malamang ay lasing 'yan kaya kung ano-ano ang mga nakikita. Inaya ko pa nga siyang iuwi pero mas sumama siya sa kaibigan niya," pagsisinungaling ni Lanto.
"Hindi ako nagsisinungaling. Kitang-kita ng dalawang mata ko na tinadtad mo sila ng bala!" sigaw niya sa tiyuhin.
"Saan ba 'yong mga labi no'ng mga namatay?" tanong ni Mama sa mga pulis.
"Wala kasi silang mga kaanak dito sa Maynila kaya dinala na lang 'yong katawan nila sa hospital for donation na rin para sa mga nag-aaral ng medisina. Wala kasi nakakakilala sa kanila," tugon ng pulis
"Hindi porke't wala silang kaanak ay ipinasa na ninyo ang mga katawan nila sa hospital para gawing pang-display o ano. Hindi makatarungan ang pagpatay sa kanila. Ano 'yon? For anatomy studies o kung ano pa? Bakit 'di n'yo na lang sila nilibing pa? Tao rin sila at hindi nila ginustong mamatay!" sigaw ni Elise dahil hindi siya natuwa sa sinabi ng pulis.
"Mas mabuti pa na wala na sila kaysa naghihirap pa sila rito sa mundo at kung saan-saang daan natutulog. Mga taong grasa po iyong pinatay, Ma'am," paliwanag muli ng pulis na parang nakikipag-debate.
"So ibig sabihin ba no'n okay lang ang pagpatay sa kanila ni Uncle Lanto? 'Tsaka, Mamang Pulis naman! May bata! Hindi lang ba kayo naawa sa bata? Ganito na ba sistema sa Pilipinas? Kahit bata, binababoy na!" Mas lalo niyang tinaasan ang boses at tumingin nang matalas kay Lanto at naluha.
"Kuya, sa palagay ko, kailangan na ng anak mo magpa-drug test. Kung ano-ano na ang naiilusyon niya. Nagsisinungaling lang 'yan. Saan naman ako kukuha ng baril, 'di ba, Kuya?" natatawang depensa ni Lanto.
"Hindi po siya sinungaling. Elise never lied to us, Ma and Pa. Posibleng totoo ang sinasabi niya," pagtatanggol sa kanya ni Neil nang tumayo si Bong. "I think we should go home. Wala rin patutunguhan ito. Sorry, chief, pagod lang siguro ang anak ko."
Paglabas nila ay nanggalaiti si Elise sa inis pagkatapos lapitan ni Lanto si Bong at may ibinulong.