Poot Chapter 3

3612 Words
                Nang makita kami ni Daddy ay nakita ko ang saya sa kaniyang mukha kahit alam kong naroon ang kaniyang pag-aalala sa akin. Mabilis siyang lumapit at lumuhod sa harapan namin ni Zanjo na nakayakap pa din sa akin. Bigla akong humawak kay Daddy. Kahit papaano ay nabawasan ang nararamdaman kong takot.                 "Salamat sa pag-alalay mo sa kaniya balong ha. Mula kasi nang may nakita siyag tinamaan ng kidlat noong pitong taong gulang siya dito sa atin ay nagka-phobia na siya sa kidlat at kulog. Kaya ako nagmamadali kaninang hanapin kayo dahil alam kong maghihisterikal siya ng walang yayakap sa kaniya."                 Hinihintay kong sumagot si Zanjo kay Daddy ngunit hindi niya iyon ginawa. Nilingon ko siya. Titig na titig siya sa mukha ni Daddy na para bang may pilit siyang inaalala.                 "Ania nagan mu itayen, balong?" (Anong pangalan mo?") nag-ilokano si Daddy dahil siguro iniisip niyang hindi nakakapagsalita o nakakaintidi ng tagalog si Zanjo.                 "Zanjo." Matigas ang pagkakasabi no'n. May kakaibang bigat. Pilit.                 "Taga-anu ka ngay balong?" (Tiga saan ka)                 Mabigat na buntong-hininga ang isinagot niya.                 Dahil patila na din ang ulan at wala na din gaanong kulog at kidlat ay minabuti ni Daddy na mauna na kaming umuwi.                 "Ket kasanu ngarud ngayen Zanjo. Umuna kamin a nga agawiden, nakkung." (Paano din yan Zanjo, mauna na kaming umuwi sa'yo ha, anak?) Nakangiting paalam ni Daddy kay Zanjo. Nakangiti din akong tumingin sa kaniya ngunit wala akong nakitang expression sa mukha niya.                 "Dad, marunong ho siyang magsalita ng tagalog."                 "Ah ganun ba? Sinong mga magulang mo Zanjo at baka kilala ko sila?"                 Pagkatanong iyon ni Daddy ay namula ang mga mata nito ngunit naroon ang galit. Alam kong napansin din iyon ni Daddy.                 "May mali ba akong nasabi sa'yo anak?" si Daddy muli.                 Ngunit hindi na sumagot pa si Zanjo. Tumalikod na ito at mabilis na naglakad palayo sa amin.                 "Anong problema nu'n?" tanong ni Daddy.                 "Sandali lang Dad, kakausapin ko." hinabol ko siya.                 "Zanjo, Dude! Sandali lang!" patuloy parin sa mabilis niyang paghakbang.                 "Sandali lang!" pinigilan ko ang kaniyang braso.                 "Bitiwan mo ako!" may luha ang kaniyang mga mata ngunit mas nangingibabaw ang pagpupuyos.                 "Anong problema mo dude?" "Wala." Hindi siya nakatingin sa akin. "Galit ka ba kay Daddy o sa akin?" Nagsalubong ang kaniyang kilay. Bumunot ng malalim na hininga ngunit nakita kong namuo ang kaniyang kamao na parang gusto niyang sumuntok.                 "Mula ngayon, kalimutan mo nang magkakilala tayo." "Ano? Bakit?" Nagulat kong mga tanong. "Bukas bago sumikat ang araw, pumunta ka doon sa malaking puno."                 "Ano bang problema mo, ha?" Naiinis na din ako.                 "Basta, pumunta ka doon bukas. Baka kasi hindi ako makapagtimpi ngayon!"                 Pagkatapos niyang sinabi iyon ay tumalikod na ako sa inis. Baka kasi hindi ako makapagpigil din ay masalubong ko ang kaniyang galit na hindi ko alam kung iyon nagmumula. Napakabigat ng pakiramdam kong bumalik kay Daddy na noon ay nagtataka din sa inasal ng kaibigan ko.                 "May topak yata ang tropa mo anak ano?"                 "Ewan ko du'n. Okey naman siya kanina." "Bagay kayo. May topak ka din naman minsan e, lalo na kapag may ayaw ka na hindi mo madiretsong masabi sa amin ng Mommy mo. Baka may ayaw siyang nasabi ko. Tara na nga." Inakbayan ako ni Daddy. May patak-patak pa kasi ang mga dahon dahil sa katatapos na ulan kaya ako pinayungan. Nang naglalakad kami ay nilingon ko si Zanjo. Nakatutok sa amin ni Daddy ang hawak niyang pellet gun na binigay ko sa kaniya. Napakagat pa siya sa kaniyang labi at nagsalubong ang kaniyang kilay. Nang makita niya akong lumingon ay mabilis niyang ibinaba iyon. Tinignan ko din siya ng masama.                 "Ano daw ba ang problema niya?" Tanong ni Daddy nang malapit na kami sa bahay nina Lola. "Malay ko dun. Baka nga may topak din siya Dad. Hayaan na nga natin." Ngunit ang sinabi kong hayaan na lang namin ay hindi bukal sa aking kalooban. Hindi ko kasi alam kung bakit biglang nagbago ang timpla niya nang makita niya si Daddy? Nadagdagan na tuloy ang iniisip ko. Naiinis ako sa sarili ko. Dati naman puro computer games lang ang nasa isip ko kapag ganitong bago matulog, hindi ako makatulog kung may mga tumatalo sa akin sa mga barkada ko, bakit ngayon, isang tropa ko mismo ang iniisip ko. Bakit ngayon iba yung nararamdaman ko? Kinabukasan ay maaga akong pumunta sa silong ng puno. Madilim-dilim pa ay naroon na ako. Si Lolo at lola palang nga ang gising no'n kaya para hindi nila ako makita ay dumaan ako sa likod bahay ng patago.  Nakadama ako ng takot lalo pa't madilim-dilim pa nang tinatalunton ko ang madamong daan papunta sa puno pero dahil sa excitement ay tuluyang natatabunan ang aking naramdamang takot. Sumakit na ang puwit ko sa kauupo at ang aking leeg sa kalilingon pero hindi pa siya dumadating. Pasikat na din ang araw. Tumayo na ako. Kung hindi siya marunong tumupad sa usapan e, di huwag. Naglalakad na ako pabalik ng bahay nang marinig kong may sumisipol. Sipol na parang sa ibon ko lang naririnig. Nilingon ko. Naroon na siya. Ngumiti ako. "Dude! Okey ka na?" masaya kong bati sa kaniya habang mabilis akong lumapit sa kaniya. Tinaas ko ang kamay ko para makipag-apir ngunit hindi niya iyon tinanggap. Minabuti kong ibaba na lang ang kamay ko. "Oh heto, binabalik ko na ang mga binigay mo sa akin." "Bakit. Sa'yo na 'yan ah. Bakit mo binabalik." Nagulat ako sa reaksiyon niya. "Hindi ko na kailangan ang mga iyan. Saka mula ngayon, kalimutan mo ng magtropa tayo. Kalimutan mong nakilala mo ako. O heto na yung mga binigay mo." "Sa'yo nga 'yan. Anong sinasabi mo? Hindi kita maintindihan, Dude." "Basta! Huwag ka na kasing magtanong." "May ginawa ba akong hindi mo nagustuhan, o may nagawa ba si daddy o nasabi si Daddy na ayaw mo?" "Ikaw, wala. Daddy mo? Meron!" "Ano 'yun? Sabihin mo para alam ko." "Basta, huwag ka na kasing makulit." "Paanong hindi ako makulit e, pagkakaibigan natin 'yung gusto mong kalimutan ko. Wala naman akong alam na kasalanan sa'yo." "E, sa ito yung alam kong makakabuti sa atin." "Makakabuti? Paaanong makakabuti ito sa atin?" "Basta!" "Basta? Ang gulo mong kausap." "Sige na. Aalis na ako. Salamat na lang pero hindi ang katulad mo ang gusto kong maging tropa." "Uyyy! Dude! Wala namang ganyanan oh!" Hinawakan ko ang braso niya. Ngunit nagpumiglas siya. Naiwan ako doon na parang nalilito sa mga nangyayari. Lumingon siya at bumalik sa akin. Nakita niyang namumula na ang aking mga mata. Hindi ko alam pero parang ambigat ng loob ko at dahil doon ay napapaiyak ako. Ngunit ayaw ko naman siyang iyakan. "Sorry na dude, kung anuman yung nagawa ni daddy sa'yo ako na humihingi ng tawad." Desperado na ako. Ayaw kong magkalayo kami ng hindi malinaw ang lahat sa pagitan namin. "Sorry? Sorry lang ta's okey na lahat? Hindi ganun lang kadali 'yun. Lintik lang ang walang ganti. O heto, saksak mo sa baga mo ang mga binigay mong 'yan sa akin!" malakas ang pagkakatulak niya sa hawak niyang nakaplastik na damit na binigay ko sa kaniya kasama nang naka-box na pellet gun. Napaatras ako. Nasaktan ako sa lakas ng pagkakatulak niya sa dibdib ko ngunit mas masakit sa akin ang ipinapakita niyang pangit niyang inaasal sa akin. "Zanjo! Dude! Uyy! Wala namang ganyanan. Dude!" nakikiusap ako nang tumalikod na siya. "Kalimutan mo na ako. Kalimutan mo ng nagkakilala tayo!" Hindi siya lumingon nang sinabi niya iyon. Mabilis siyang naglakad hanggang sa tuluyan na siyang nawala sa masukal na gubat.                 Bumalik ako sa bahay na hindi ko alam kung kailangan ko bang tanungin si Daddy kung bakit nasabi ni Zanjo sa akin iyon. Ngunit naroon ako noon nang unang nagkita sina Daddy at Zanjo. Wala akong matandaan na ginawa ni Daddy o kaya ay nasabi na maaring ikinagalit ni Zanjo. Kung sakali mang may nagawa si Daddy sa kaniya bago ko pa siya nakilala, bakit hindi siya kilala ni Daddy?                 Tahimik ako nang pabalik na kami sa Manila. Napakabigat ng nararamdaman ko. Hindi naman ako puwedeng iiyak. Bakit naman kasi ako iiyak sa tropa ko lang? Napansin na naman ni Mommy ang pananahimik ko.                 "Papa, anong nangyari diyan sa favorite son mo?" tanong ni Mommy.                 Tinignan ako ni Daddy sa salamin. Kinindatan ako. Hindi ko sinagot ang kindat niya. "May topak na naman yata. Ano pa nga ba." Tinignan niya si Claire sa salamin. "Ano bunso, may topak na naman si kuya?"                 Tinignan ako ni Claire. Magsasalita pa lang sana siya pero pinandilatan ko na kaagad. "Ayaw ko magsalita Dad. Baka anuhin na naman niya ako."                 "Sino may gusto ng Chicken Joy at ng Spaghetti!" tanong ni Daddy nang nasa Solano, Nueva Vizcaya na kami, nakatingin siya sa akin sa salamin. Nakangiti.                 "Ako dad! Tigil mo na sa tabi! Bilis!" sigaw ko. Nagulat sila sa biglang pagbago ng mood ko. E, sa paborito ko talaga 'yun. Baka mamaya magbago pa ang isip ni Daddy.                 "See? 'Yun lang ang katapat niyan." Kumindat siya kay Mommy. Masaya na kaming nagsalu-salo. Ngunit naroon pa din si Zanjo sa aking isip.                 Mabilis na dumaan ang araw. Masakit man pero kailangan kong iwaglit si Zanjo sa utak ko. Kung wala akong ginagawa, naiisip ko siya at nalulungkot ako. Kung naglalaro kami ng computer kasama ng mga tropa ko, ni kahit isang saglit hindi siya pumapasok sa utak ko. Kaya naging regular na ang paglalaro ko ng computer kasama ng mga kaklase ko at kapitbahay.                 First year high school na ako noon nang tuluyan na akong nawili sa paglalaro sa computer. Iba kasi ang naibibigay sa akin na excitement ang paglalaro. Lalo na kung nananalo na ako. Pagkatapos ng klase ay diretso na agad kami sa computer shop para maglaro. Sa paraang gano'n ay nawawala siya sa isip ko.                 Dumating ang December at muli kaming dumalaw kina Lola at Lolo. Kakaiba ang nararamdaman kong saya noong binabagtas namin ang daan pauwi. Nagkakantahan pa nga kami nina Mommy at Claire samantalang si Daddy naman ang sumasakit ang ulo sa walang pinatutunguhang tono ng bawat isa sa amin. "Utang na loob. Pahingain ninyo ang tainga ko." Reklamo niya nang malapit na kami sa Sta. Fe. Masaya ako dahil puno ako ng pag-asang magkikita kami ni Zanjo. Sana kung may galit man siya ay tuluyan nang hinilom ng panahon. Katunayan nga niyan, bumili pa ako ng Christmas Gift ko sa kaniya. Isang bracelet. Pareho kami. Silver nga lang pero pinag-ipunan ko din naman iyon. Sana magustuhan niya.                 Pagkadating namin ay agad akong pumunta sa silong ng puno. Hawak ang maliit na box ng regalo ko sa kaniya. Umaasang dumaan siya doon. Kung sana alam ko lang kung saan siya nakatira. Ngunit hindi ko siya nahintay nang mag-iisang oras na ako doong nakaupo at panay na ang tingin ni Daddy sa malayuan ay ipinasya kong pumunta na lang sa batis. Mag-aalas dos na ng hapon. Katulad nang dati, noong aksidente kong nakitang naliligo siya doon. Ngunit halos isang oras na ako doon na nakaupo pero hindi pa din siya nagpapakita. Malamig ang hangin ngunit mainit ang sinag ng araw. Ipinasya kong magtanggal ng ang aking damit at nagdive ako mula sa sanga ng puno. Kakaiba ang lamig ng tubig. Mainit sa ibabaw ngunit sobrang lamig sa loob nito. Sana ganoon si Zanjo. Sana kahit galit siya sa akin noon, kahit nag-iinit ang kaniyang hitsura, sana nanatili akong kaibigan sa loob niya kasi kahit anong gawin ko, hindi ko kayang magalit sa kaniya. Dahil hindi ko makayanan ang ginaw ay muli akong umahon, nagdamit, umupo sa sanga at nagmasid. Naghintay sa hindi naman yata dadating.                 Nang bigla akong nakarinig ng kaluskos ng mga tuyong dahon. Napangiti ako. Nabuhayan ako ng pag-asa. Lumakas ang kabog ng aking dibdib. Habang palapit sa akin ang yabag at lalo namang bumilis ang t***k ng aking puso.                 "Halika na anak. Magtakip-silim na. Umuwi na tayo. Malay mo, magkikita kayong muli ng tropa mo sa hindi inaasahang pagkakataon. Tulad ng pagkikita ninyo noon." Si Daddy. Tumigil ang kanina'y naramdaman kong kabog sa dibdib at excitement. Napapaluha akong humawak sa baywang ni Daddy habang akbay-akbay niya ako. Kinalimutan na nga yata niya ako. Siguro nga hindi na niya ako kaibigan pa.                 Tatlong araw parin akong umasa. Tatlong araw parin na wala akong ibang ginawa kundi tumambay at maghintay ngunit walang Zanjo ang nagpakita sa akin. Hanggang sa araw na babalik na kami ng Manila. Ang dati'y saya ko nang pauwi kami ay napalitan ng matinding pagkabigo.                 "Chicken joy at Spaghetti?" tanong ni Daddy. Nakatingin sa akin sa salamin nang natapat kami sa may Solano. Ngunit dinaanan ko lang siya ng tingin.                 "Matindi ang topak. Kaibigan mo lang ang nawala anak. Hindi kami. Nandito kami oh! Kahit kailan hindi ka namin iiwan. Pansinin mo naman kami." Si Mommy. Sa totoo lang natamaan ako sa sinabi niyang iyon. Nagkaroon ng kakaibang kirot sa akin.                 "Ayaw ko ng chicken joy. Gusto ko pizza." Sagot ko.                 "Pizza naman pala ang gusto. Naging mas sosyal na ang panlasa ni kuya Daddy" si Claire.                 "Sus, 'unyari ka pa, favorite mo kaya ang pizza."                 "Salamat kuya. Doon na lang nga tayo Dad." Lambing ni Claire.                 Masakit man ang di kami muling nagkita ni Zanjo ay tinanggap ko na lang ang lahat. Bata pa ako. Marami pa akong makikilalang magiging tunay na kaibigan. Iyon ang lagi kong ipinapaintindi sa sarili ko. Para tuluyang siyang maiwaksi sa aking isipan ay mas natuon ang aking utak ko sa paglalaro kasama ng aking mga tropa.  Ang tuwing pagkatapos ng aming klase ay nagiging tuwing may pagkakataon na. Lumiliban kami ng mga tropa ko para lamang makapaglaro.  Hanggang sa paminsan-minsan na  lang ako pumapasok sa aming klase. Ngunit dahil malaki mag-donate si Daddy ay nakakapasa naman ako ng hanggang third grading. Ngunit bago mag 4th grading ay tinawag na si Mommy sa school dahil sa madalas ko nang pagliliban sa klase.                  Nang dumating si Daddy mula sa isang buwan niyang pagkawala dahil sa kaniyang trabaho ay kinausap niya ako ng masinsinan.                 "Anong gusto mo, tumigil sa pag-aaral o doon ka sa Vizcaya magpatuloy ng iyong pag-aaral?" tanong ni Daddy sa akin. Pinipigilan niyang magalit ngunit halata iyon sa panginginig ng kaniyang kamay at pagsalubong ng kaniyang kilay.                 Ayaw kong tumigil sa pag-aaral kasi alam kong hindi din naman ako palalabasin ni Mommy sa bahay. Guwardiyado na niya ako.                 "Ano! Sumagot ka bago ako magalit, Patrick!"                 "May mga private schools naman sa Vizcaya anak. Basta ang mahalaga ay maiwasan mo na yang pagkalulong mo sa computer." Singit ni Mommy.                 "Anong sa private siya mag-aaral. Doon siya sa public para maranasan niya ang pinagdaanan kong hirap. Kaya siya nagkakaganyan dahil mula pagkabata niya ay puro lang madali at marangyang buhay ang dinanas niya. Hindi ka na bata, Patrick. Hindi sa lahat ng pagkakataon kailangan ka naming suyuin, kailangan ka naming intindihin. Magkaiba ang nagmamahal sa nangungunsinti. Sa tuwing ganyang pinapatawag ang mommy mo o nakakatanggap kami ng sulat at hindi ka namin napapangaralan o pinaparusahan sa maling nagawa mo, pakiramdam ko lalo ka lang namin kinukunsinti. Pag-aaral mo lang ang gusto naming atupagin mo hindi mo pa magawa. Paano na lang iyong iba diyan na kahit kainin nila ay kailangan pa nilang paghirapan maghapon ngunit salat pa din. Ano, huminto ka sa pag-aaral at mabuburo ka dito sa loob ng bahay o doon ka sa lola mo sa Diadi mag-aral."                 "Paano ako do'n, wala kayo ni Mommy" sagot ko.                 "Sana inisip mo 'yan sa tuwing lumiliban ka sa klase mo at naglalaro kasama ng mga barkada mo. Saka alam mo bang wala kang karapatan magreklamo? Binigyan ka namin ng madaling buhay dito pero hindi mo pinahalagahan. Kaya doon ka sa Diadi para maramdaman mo kung gaano kahirap ang mabuhay. Ano! Sagot! Tigil o Diadi?"                 "Diadi po." Maikli kong sagot.                 Second year. Diadi National High School. Diadi, Nueva Vizcaya.                 Unang araw ng klase. Kailangan kong magising ng maaga para makisabay na sumakay sa trysikel na parang chistmas tree sa dami ng istudiyanteng nakasabit.                 "Apo, ganyan talaga dito. Ma-late ka kung maghihintay ka ng trysikel na walang laman." Puna ni lolo sa akin. Kaya wala akong magawa kundi ang makipagsiksikan sa mga kasama kong mag-aaral.                 Pagdating ko sa loob ng aming paaralan ay parang iba ako sa mga naroong istudiyante. Lahat halos lalaki man o babae ay nakatingin sa akin. Maputi ako, makinis, maayos ang uniform, magara ang sapatos at bag at higit sa lahat dahil lumaki sa Manila ay sunod sa uso ang mga accessories sa katawan. Kung ikaw pala ang tinitignan ng ganoon, nakakailang din. Parang walang gustong kumausap sa akin. Hindi ko alam kung nahihiya sila o naalangan sa akin samantalang kung dinadaanan ko sila at nakalagpas na ako ay naririnig ko ang kanilang pagkakakilig. Dahil napaaga yata ang dating ko ay umupo ako sa likod ng aming classroom. Dahil panay ang tingin sa akin ng mga iba kong makaklase at ibang dumadaan sa classroom namin ay minabuti kong yumuko na lang. Inilabas ko ang bago kong 5110 na cellphone at naglaro ng snake.                 Tumunog ang bell. Lumingon ako. Nagsisilabasan ang mga kaklase ko. Naisip kong flag ceremony na. Kaya sumunod na ako sa kanila. Ngayon, nang pumipila na ako ay lalo na akong parang kinukuryente sa tingin ng halos lahat ng estudiyante. Naisip ko. Daig ko pa pala ang artista. Ngunit sa totoo lang, hindi ko gusto yung pakiramdam na tinitignan ako ng marami. Kahit pa pinupuri ako sa pisikal kong kaibahan sa karamihan sa kanila ay nakakatunaw din pala sa hiya. Minabuti kong yumuko na lang muli hanggang matapos ang flag ceremony kasi sa tuwing lumingon ako parang meron at meron mga matang nakamasid sa akin.                 Pagpasok namin sa aming classroom ay nakita kong magkakilala lahat sila. Maingay silang lahat ngunit nang dumaan ako ay parang bigla silang natahimik lahat. Umupo ako sa napili kong puwesto kanina at muli kong inilabas ang cellphone ko. Hindi ko naman pala magamit dahil pawala-wala naman ang mahinang signal ng network ko. Pero sa panahong iyon, maaring ako pa lang ang istudiyanteng may cellphone.                 Dumating ang Adviser namin. Tumahimik lahat.                 "Class, as I call your name, raise your hand and say present."                 Ilang sandali pa ay tinawag na ang pangalan ko. "Patrick Ancheta" Tinaas ko ang kamay ko. "Present ma'am." "Class, transferee si Patrick dito sa school natin. Galing siya sa Manila at nag-aral sa isang private school doon kaya sana alalayan natin siya hanggang sa tuluyan na siyang masanay sa school natin ha?" "Yes ma'am." Sagot ng karamihan pagkatapos ng ilang kilig na tawa ng ilang mga babae. Itinuloy ng advicer namin ang pagtawag sa mga pangalan ng iba ko pang kaklase hanggang sa may pangalan akong narinig na kinagulat ko. "Zanjo Corpuz"                 "Present ma'am." "Zanjo?" Napalunok ako.                 Mabilis na tumibok ang aking puso. Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman. Magkaklase kami ni Zanjo? Ang matagal ko ng hinahanap na tropa ko. Napangiti ako. Nabuhayan ako ng loob.  Muli na kaming nagkita ng lalaking mabilis na nagpapatibok sa aking puso at nagpapakaba sa akin ng madalas. Dito ba magsisimula ang maging masaya ang aking mundo o tuluyang tutupukin ako ng mga mas matitindi pang pagsubok sa aking buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD