Tunggalian Chapter 4

4496 Words
Chapter 4                 Lubos ang nararamdaman kong saya noong makita ko siya. Tulad ng sinabi ni Daddy, baka muli kong makikita ang kaibigan ko kung kailan ay hindi ko inaasahan. Unang araw ng pasukan ngunit kaagad na akong hindi maka-focus sa mga sinasabi ng aming mga guro. Lagi ko siyang tinitignan ngunit malas lang dahil nasa likod ako samantalang siya ay nasa harapan. Tanging likod lang niya ang nakikita ko at ang kaniyang pisngi. Alam kong batid niyang naroon ako sa likod. Bakit hindi man lang ako lingunin? Bakit ni hindi niya magawang tapunan ako ng kahit man lang isang mabilis na sulyap?                 Nang recess na ay mabilis siyang lumabas ng aming classroom. Ako naman ay nagmadali ding kinuha ang  backpack dahil may mga dala ako doong chocolate drinks, sandwich, chocolates at wafer. Sinundan ko siya. Hindi siya pumunta sa aming canteen. Dumiretso siya sa poso. Kinargahan niya ng tubig ang dala niyang lumang bote ng mineral water at tumuloy sa silong ng punong sampalok. Nagtago muna ako. Nang binuksan niya ang kaniyang bag at inilabas niya ang kaniyang baon na nilagang kamote ay noon na ako nagpakita sa kaniya.                 "Dude! Kumusta!" masaya kong bati at itinaas ko ang kamay ko para makipag-apir.                 Ngunit hindi siya nakipag-apir sa akin. Walang ngiti akong nakita sa kaniyang mukha. Nagsalubong ang kaniyang kilay. Tahimik akong tumabi. Muli niyang ibinalik sa bag ang miryenda niya. Tumayo. Nataranta ako. "Dude, sa'n ka pupunta? Di siya sumagot.                 "Bakit ba ganyan ka sa akin?" pinigilan ko siya.                 "Ano ba kasi ang ginagawa mo dito?"                 "Dito ako mag-aaral? Anong masama do'n?"                 "Bakit dito? Bakit hindi sa mga paaralang nababagay sa mga katulad ninyong mayayaman?"                 "Dito ako gustong mag-aral ni Daddy, saka okey naman dito ah. Ayaw mo nun, lagi na tayong magkikita at magkasama!"                 "Ayaw ko. Saka malinaw ang usapan natin noon. Hindi kita gustong kaibigan. Kung gusto mong mag-aral dito, wala akong magagawa pa doon pero kung gusto mo akong kaibiganin, hindi iyon mangyayari." Tinanggal niya ang kamay kong nakahawak sa braso niya. Tumalikod at lumayo ngunit sumunod pa din ako. Hinabol ko siya.                 "May chocolate drinks ako dito at sandwich. Madami naman ito, saluhan mo ako." pangungulit ko.                 "Putang-ina naman!" Inaambaan ako ng suntok. "Tigilan mo ako, okey! Layuan mo ako! Hindi kita gustong kaibigan! Hindi tayo puwedeng maging magkaibigan!" naninigaw na siya. Nakita kong nakatingin ang mga ibang istudiyanteng malapit lang sa amin. Nanginginig ang kaniyang kamao at alam kong handa niyang isuntok iyon sa aking mukha.                 "Okey. Pasensiya na." Maalumanay kong sagot. Nakayuko akong pumunta sa canteen. Masakit ang loob ko sa ginawa niya sa akin. Nawala ang sayang naramdaman ko kanina. Halos hindi ko din makain ang baon ko.                 Pagkatapos ng insidenteng iyon, kahit masakit ay tinanggap kong hindi niya ako gusto bilang kaibigan. Ngunit kahit ganoon siya sa akin ay hindi ko parin mapigilan ang sarili kong pagmasdan siya ng panakaw. Nandiyan lang siya, abot ng aking mga mata ngunit ni hindi ko malapitan at makausap. Dumaan ang dalawang Linggo at nagkaroon ng botohan para sa classroom officers. Nakita ko kung paano siya kagusto ng halos lahat ng kaklase ko. Siya ang nanalong President. Ako? Prince Charming. Syempre. Pinakagwapo e. At dahil hindi niya ako kinakausap o pinapansin, hindi ko na siya pinilit pang kaibiganin, maraming nagkakandarapang makaibigan ako, bukod sa madaming pagkain na puwede kong ibahagi, sisikat pa sila sa buong campus dahil artistahin ang kasa-kasama nilang naglilibot. Ngunit kahit may iba akong mga bagong tropa, iba pa din si Zanjo. Siya parin ang lagi kong pinagmamasdan. Siya parin ang laman ng aking isip bago matulog sa gabi at inaabangan na dumating sa aming classroom kinabukasan.                 Biology class namin. Pangatlong linggo ng aming klase.                 Bubunot sa classcards namin ang aming guro na sasagot sa kaniyang tanong. Ang hindi makakasagot ay manatiling nakatayo pero kung may makakasagot na kaklase namin, siya ang magdedesisyon kung uupo ka o manatiling nakatayo hanggang matapos ang klase.                 Sa malas ay ako ang nabunot. Tumayo ako. Hinintay ang tanong ng aming guro. "What is Biology?" Napalunok ako. Hindi naman ako bobo pero tamad akong mag-aral. Hindi din ako nakikinig ng madalas kasi mas gusto kong patagong maglaro ng snake sa cellphone ko kaya nga ako pumuwesto sa likod. Napakamot ako ng ulo. Nakatingin lahat ang mga kaklase ko sa akin. Parang naghihintay sila na ipakita kong hindi lang ako basta guwapo kundi may laman din ang utak. Ngunit wala talaga akong maisip isagot. "A branch of science..." nag-isip ako ng maaring idugtong. " A branch of science that is systematic." "Sorry, Patrick. Any other answer class?" tanong ng aming teacher. Nakita kong nagtaas ng kamay ang pinakamatalino sa klase. Siyempre. Sino pa nga ba. Ang First Honor nila last year. Si Zanjo. Napangiti ako. Maaring gusto niya akong tulungan, tulad noon. Nang una kaming nagkita. My savior.                 "Biology is a natural science concerned with the study of life and living organisms, including their structure, function, growth, evolution, distribution, and taxonomy." Walang kagatol-gatol niyang sagot.                 Ngumiti ako sa kaniya. "Thank you, dude! Astig!" Wika ko sa kaniya.                        "Very good, Zanjo. What is your decision, Patrick will take his seat or he will remain standing."                 "He'll remain standing ma'am." Sagot niya.                 Napalunok ako. Iyon na 'yun? Namula ako sa pagkapahiya. Narinig ko ang tawa ng iba kong kaklase at tulad ng kasunduan. Tinapos namin ang subject namin na ako lang ang nakatayo dahil ang taong sumagot sa tanong na hindi ko nasagot ay hindi ako pinaupo.                 Algebra. Kinabukasan nang nangyari ang eksena sa Biology class namin.                 May usapan na kung sino ang magiging highest o maka-perfect ng aming quiz ay mamimili  siya sa mga nakakuha ng pinakamababang marka ng magbubura ng aming pisara ng isang buong Linggo pagkatapos ng aming klase o kaya ay sa tuwing mapupuno na ang pisara at kailangang magbura. Pinakamataas na naman siyempre si Zanjo. Isa lang ang mali niya. Pinakamababa? Anim kaming 3 points lang ang score. Ang pinili sa aming anim na magbura? Ako. Tahimik lang ako kahit parang ang labas ay wala talaga kaming pinagsamahan. Ngunit masakit sa akin na sa anim na may pinakamababang nakuha ay ako pa talaga ang piniling tigabura ng pisara. Ayos lang.                 Araling Panlipunan 2. Reporting. Mga suliranin Pangkapaligiran ng Asya.                 Pagkatapos kong basahin ang aking report ay magkakaroon ng pagkakataon ang aming mga kaklase na magtanong. Sinabihan ko na ang ilang mga kaklase ko na huwag akong tanungin kung ako ang magreport. Halos lahat ay nakiisa sa aking pakiusap maliban na naman sa kaniya. Ang tanong niya.                 "Without reading our book, could you please give us the cause of acid rain?"                 English talaga? Tagalog ang subject namin ah? Nganga. Hindi ko memoryado. At dahil pakitang gilas siya, tumayo siyang muli.                 "Do you want me to define it for you Mr. Reporter?"                 Hindi ako sumagot. Yabang talaga. Naramdaman kong nag-init ang aking dalawang tainga at alam kong kapag ganun ay namumula na ang buo kong mukha dahil sa pagkapahiya.                 "Acid rain is caused by emissions of sulfur dioxide and nitrogen oxide, which react with the water molecules in the atmosphere to produce acids." Palakpakan ang mga kaklase ko. siyempre pabida na naman. Siya na ang matalino. Tinignan niya ako. Hindi pa nakuntento. "Sa susunod, pag-aralan mong mabuti ang report mo at dapat, mas marami ka pang alam kaysa sa amin na nakikinig lang sa'yo."                 Physical Education, try-out sa basketball. Kailangan kasi ng dalawa pa sa aming klase ang sumali sa basketball para mabuo ang team namin sa darating na intrams. Matatangkad ang pinili ng coach namin na maglaro at ang team captain, siya na naman. Dalawa ang kukunin sa try-out, isang opisyal na makakasama sa team at isang subtitute pero magiging waterboy kung sakaling kumpleto pa ang buong miyembro ng team. Ang mamimili ng makakapasok ay ang coach na teacher namin sa PE at siya na Team Captain. Naglalaro ako ng basketball noong elementary ako pero naudlot nang nagkahilig ako ng computer games ngunit inaamin ko hindi ako ganoon kahusay. Ngunit sa try-out, ipinakita kong marunong naman ako maglaro. Panay ringless nga ang mga tira ko dahil ginaganahang maglaro, naroon kasi siyang nanonood at kailangan kong magpakitang gilas. Kaya lang ay may nakatapat akong isa pa na nagtry-out din. Mas marami nga akong nashoot, mas mabilis akong kumilos sa pagkakaalam ko at mas matangkad ako sa kaniya. Ngunit nang pipili na sila ay narinig ko ang usapan nila ng coach namin.                 "Kaunting ensayo na lang kay Mr. Ancheta puwede na siya."                 "Sir, tsamba lang yung mga tira niya kanina, ngunit kung kukunin natin lahat pati sa galing sa depensa at marunong ang galaw at pag-aassist, doon ako kay Dindo. Baka puwedeng gawing waterboy muna si Ancheta habang mag-ensayo pa ng mag-ensayo kasi mukhang tagilid tayo sa kaniya, sir."                 "Sige, desisyon mo 'yan. Basta gusto kong pumasok silang dalawa sa anim na nagtry-out sa team." Si Coach.  Kaya ang labas. Waterboy lang ako sa basketball team namin. Pero ayos lang sa akin ang lahat. Ang importante naman kasi sa akin no'n ay makasama siya. Okey na sa akin iyon.                 Lahat ng mga pagpapahiya niya sa akin, kahit hindi niya ako pinapansin ay binabalewala ko lang lahat. Hindi ako nagtanim ng sakit ng loob. Alam ko kasing mabuti siyang tao at sa akin lang bukod tangi siya nagiging matigas. Madalas ko siyang makitang nagtuturo sa iba naming mga kaklase sa Algebra tuwing wala kaming ginagawa. Nadadaanan ko din siya sa hapon na hinahawakan niya ang bag ng isa naming kaklase na disable dahil putol ang isang paa. Kadalasan siya ang takbuhan ng mga kaklase ko sa tuwing may hindi sila naiintindihan sa aming mga assignments. Dahil doon ay nagkaroon ako ng idea na magpaturo sa kaniya para lang makuha ko kahit saglit ang kaniyang atensiyon.                 "Patulong naman ako sa simplification of algebraic expressions na topic natin kanina. Hindi ko kasi makuha-kuha."                 "Hindi mo ako titser! Wala akong panahon. Marami pa akong babasahin. Bakit hindi ka pumunta kay ma'am at sa kaniya ka magpaturo." Tugon niya sa akin saka siya tumalikod.                 "Bakit yung ibang kaklase natin natutulungan mo, e ako, ngayon lang naman ako humingi ng pabor sa'yo... para namang wala tayong pinagsamahan dude."                 Ngunit parang wala siyang narinig. Ni hindi nga niya ako nilingon.                 Nagpatuloy ang ganoon sa pagitan namin. Siya ang iwas ng iwas at ako naman itong si papansin. Mas mabuti na 'yung napapansin niya ang kakulitan ko kaysa sa parang hindi niya ako tuluyang maramdaman. Pasasaan din at tuluyan siyang magsasawa sa katataboy niya sa akin.                 Nakaugalian na ni Mommy magpadala sa akin ng maraming chocolates at pagkain ay naisipan kong magdala lalo pa't hindi ko naman iyon makain ng mag-isa. Dahil hindi naman ako madalas kumain ng chocolates ay minabuti kong dalhin iyon para ipamahagi sa mga kaklase ko. Inutusan ko si Dindo na mamigay. Nakaseperate na sa isang supot ang iaabot niya kay Zanjo. Umupo ako malapit sa kaniya ng palihim nang iabot ni Dindo ang supot ng chocolates.                 "Kanino galing 'yan?"                 "Wala, ipinaabot lang. Lahat naman tayo meron."                 "Kay Ancheta?" muli niyang tanong.                 Tinignan ako ni Dindo. Sinenyasan kong huwag niyang aminin ngunit nang nilingon niya ako ay mabilis niyang kinuha ang chocolate at lumapit sa akin.                 "Isaksak mo sa baga mo ang chocolates mo. Di ba, sinabi ko sa'yo na hindi ko kailangan ang kahit anong galing sa'yo?" mataas ang kaniyang boses kasabay nang pagtapon niya sa supot ng chocolates sa dibdib ko. Dahil napahiya ako sa ginawa niya ay nilingon ko ang mga kaklase ko, nagbabakasakaling walang nakakita sa ginawa niya ngunit kitang-kita ko na lahat sila ay nakatingin sa amin. Pinulot ko ang chocolate na nahulog sa sahig at patay malisya akong tumalikod.                 "Sino pa may gusto ng dagdag?" malakas kong tanong. Ayaw kong siyang patulan. Binuksan ko ang supot ng chocolates at ipinamahagi ko sa mga kaklase kong natahimik sa kanilang nasaksihan. Mula noon ay iniwasan ko na siya. Nagdesisyon akong huwag na lang din siyang pansinin muna.                 Isang umaga ay wala ang teacher namin sa first period. Nagkukuwentuhan kami ni Dindo hanggang sa humarap na rin sa amin ang ilan sa aming barkada. Ang apat ay naging sampu lalo silang natuwa sa mga jokes na aking binibida. Panalo iyon sa aking mga kaklase. Mga jokes na kay daddy ko naririnig noon. Sobrang saya namin na hindi naming mapigilang humalakhak. Dahil sa pag-eenjoy namin ay nagiging maingay na ang grupo kasama ng ilang babaeng may lihim ding crush sa akin.                 Nang biglang nakarinig kami ng malakas na kalabog sa teacher's table. Sinilip ko at baka may teacher na dumating pero si Zanjo, ang Class President namin ang naroon at salubong ang kilay. Huli kong nakita ang galit na galit niyang mukha noong nagkita sila ni Daddy. Ganoon na ganoon ang tingin niya sa akin. Napatingin ang mga kaklase namin sa kaniya.                 "Imbes na igugol natin sa pagrereview o pagbabasa sa next na subject natin ang oras na wala ang teacher natin sa first period ay mas pinipili pa ninyong makinig diyan sa walang kuwentang jokes ni Ancheta. Baka matulad kayo diyan, puro yabang lang kahit halos bagsak na ang mga exam."                 Biglang tumaas ang dugo ko. Parang lahat ng natitira kong pasensiya sa kaniya ay tuluyan nang naglaho. Masyado na niya akong pinapahiya sa mga kaklase ko.                 "Ano bang problema mo sa akin, ha!" singhal ko. Napatayo ako sa inis.                 "Problema ko sa'yo? Masyado kang mayabang! Masyado kang epal! E kung gamitin mo kaya ang yabang at kaepalan mo sa discussion natin, siguro mas bibilib pa ako sa'yo."                 "E, ano kung bobo ako! Inaano ba kita ha! Tinigilan na kita ah! Baka gusto mong pansinin ka lang dahil lahat ng atensiyon nila ay napupunta sa akin."                 "Ulol! Hindi ako ganun kababaw. Nagsisimula ka ng walang kuwentang ingay!"                 "Ulol ka rin! Kung ako nagsisimula ng walang kuwentang ingay, ikaw wala kang kuwentang kaibigan!"                 Dahil doon ay mabilis siyang lumapit sa akin at isang malakas na suntok ang pinakawalan niya sa aking panga. Sumadsad ako sa upuan dahil hindi ko napaghandaan ang kaniyang suntok sa akin. Ang mga barkada ko ay nagulat sa bilis ng pangyayari. Nang ambaan niya pa uli ako ng suntok ay mabilis siyang inawat ng iba naming kaklase. Tumayo ako at inapuhap ko ang labi ko. May dugo. Hindi ko napigilan ang pagbagtas ng luha sa aking pisngi. Unang iyak ko iyon sa kaniya. Noon, nalulungkot lang ako sa mga ginawa niya ngunit hindi ko nagawang iluha ang sakit ng loob ngunit ngayon, tuluyan ng bumuhos ang pinipigilan kong hinanakit sa kaniya.                 "Ano bang kasalanan ko sa'yo ha! Bakit ganito ang ginagawa mo sa akin? Kung may galit ka pa sa akin. Sige, pagsusuntukin mo pa ako. Pero tandaan mo, wala akong ginawa sa'yo para tratuhin mo ako ng ganito. Higit pa sa kaibigan at kapatid ang trato ko sa'yo dude! Kung alam mo lang kung pa'no kita pinahahalagahan bilang kaibigan."                 "Drama mo!" singhal niya. "Hindi mo lang alam kung ano ang pinagdadaanan kong hirap ngayon dahil sa daddy mo!"                 "Ano bang kasalanan ni Daddy sa'yo at sa akin mo ibinubunton ha! Anong kasalanan namin sa'yo!" mataas na ang boses ko.                 "Ancheta! Corpuz! In my office, now!" sigaw ng aming Principal.                 Nang nasa loob na kami ng principal's office ay pinatawag ang iba naming mga kaklase. Kinampihan ako ng mga barkada ko at sinabing wala akong kasalanan. Tahimik lang si Zanjo noon.                 "Anong gusto mong parusa kay Corpuz, Ancheta." Tanong sa akin ng Principal. Alam kong kinakampihan niya ako dahil sa kaniyang narinig bukod sa kaibigan at kababata siya ni Daddy.                 "Wala ho." Maikling sagot ko.                 "Wala e, nasuntok ka niya?" tanong muli ng Principal.                 "Okey lang po. Sana lang huwag na niyang uulitin."                 "Sige, mangako ka Zanjo na huwag mo ng uuliting saktan pa si Patrick."                 Hindi parin kumikibo si Zanjo.                 "Naririnig mo ba ako Corpuz?" mataas na ang boses ng aming Principal.                 Narinig kong bumunot ng malalim na hininga si Zanjo. "Di na mauulit sir."                 "Sabihin mo kay Ancheta. Makipagkamay ka!"                 Nagkatitigan kami. Ayaw kong ako ang unang mag-abot ng kamay ko. Siya man din ay nakikiramdam.                 "Ano, Corpuz! Huwag mong sirain ang mataas na tingin ko sa'yo. Oo nga't matalino ka at responsable na istudiyante namin dito ngunit ayaw ko ng barumbado at matigas ang ulo."                 Muli siyang humugot ng malamim na hininga. Nakita kong tinaas niya ang palad niya. Inabot ko iyon.                 "Pasensiya ka na. Hindi na mauulit."                 Nagpatuloy ang malamig na pakikitungo niya sa akin. Lantaran pa din kung ipamukha niya sa akin na bobo ako. Dahil sa walang tigil niyang pagpaparinig at pagpapamukha sa akin na matalino siya at mapurol ang utak ko ay ipinangako ko sa aking sarili na mag-aaral akong mabuti. Hindi ko lang siya papantayan, lalagpasan ko pa siya.                 Nagsimula akong magbasa gabi-gabi. Tuwing walang pasok ay libro ko lang ang hawak ko at nag-eensayo ng basketball kasama sina Dindo at iba ko pang tropa. Tahimik lang ako sa klase ngunit unti-unting umaangat ang mga scores ko sa mga quiz at exams namin. Hindi pa man ako natatanong sa mga recitation ngunit alam ko ang mga sagot ng tinatanong nila sa mga kaklase ko. Hindi ko kasi ugaling magtaas ng kamay lalo na ang mag-question sa teacher o reporter. Iba ako kay Zanjo.                 Bago ang Christmas vacation noon ay nakita ko ang isang maliit na box na dapat ibibigay ko noon kay Zanjo. Para sa kaniya naman talaga iyon kaya nang nagkaroon kami Classroom Christmas party at abala ang lahat sa paglalaro ng parlor games ay palihim kong inilagay iyon sa butas niyang bag. Mabilis ko lang na-i-shoot iyon dahil sa laki ng butas nito.                 Sa buong Christmas Vacation ay wala akong ginawa kundi ang basahin ng basahin ang aming mga textbooks. Kinatuwa iyon nina Daddy at Mommy kaya naman nagpaconnect na sila ng internet sa computer namin para daw mas mapapabuti ko ang pagbabasa. May mga hindi daw nababasa sa libro na maaring kong maresearch sa internet. Kaya nagiging advance pa ang pagbabasa ko. Namili din si daddy ng karagdagan brochures na magagamit ko daw. Nakatanim sa utak ko ang kagustuhan kong lagpasan si Zanjo. Alam kong mahihirapan ako ngunit pipilitin ko.                 January. Pangalawang Linggo ng aming pasukan. Subject? Biology. Nabunot na ang pangalan niya sa daily  recitation namin. Isang tanong kasi sa isang araw para sa isang istudiyante. Pangatlong round na iyon. Dalawang beses din ako napatayo dahil siya ang sumagot sa mga tanong sa akin na hindi ko noon nasagot.                 "Okey tough question for our top student...  What do you call a natural selection that can lead to the formation of a new species?"                 Lahat ay nakatingin sa kaniya. Alam naming masasagot niya dahil sa bilib kami sa talino niya. Lahat ay naghihintay sa kaniyang sagot lalo pa't 30 seconds lang ang binibigay ni ma'am sa amin para masagot ang bawat tanong niya. Ngunit napakamot siya ng ulo. Lumikot ang kaniyang mga mata. Hanggang sa nakita kong napapailing na siya. Nagsimula ng magcount-down ang mga kaklase ko ng 10, 9, 8, 7... wala parin siyang naisasagot. Nawalan na ng pag-asa ang buong klase na makakasagot pa siya hanggang sa tuluyang naubos ang oras niya.                 "Ifever, one of you could answer the same question, I will give an extra 10 points in your final score sa fourth grading natin."                 Kumakabog ang dibdib ko. Nabasa ko iyon sa internet nang hinanap ko ang mga tough questions in biology. Hindi ko lang masyadong matandaan ang exact word na iyon pero malapit siya sa specialization, special...ahhhhhhh! Alam ko 'yun eh. Hinanap ko pa nga noon ang complete meaning niya.                 "10 seconds class...anybody? 9, 8, 7, 6... Shit, alam ko yun. Di ko lang masyadong matandaan! .. 5, 4, 3..."                 Bahala na! tinaas ko ang kamay ko.                 "Wow! Patrick! Okey, I'll repeat the question, what do you call a natural selection that can lead to the formation of a new species?"                 "Speciation ma'am? I am not that really sure but I guess it's Speciation."                 Tumahimik ang buong klase. Ako man kasi ay hindi din sigurado. At kapag nagkataong mali ako, si Zanjo ang uupo at ako ang mapapatayo. Napapangiti ang mga kaklase ko. Parang hindi ko parin nakukuha ang bilib nila. Hindi ko naman hinihinging magbilib sila. Ang gusto ko lang ay tapatan o ungusan si Zanjo.                 "Correct!" malakas na wika ng teacher namin. Napalakpak ang ibang mga kaklase ko. "You will be rewarded 10 points in our 4th grading final exam." "Yes!" napasuntok ako sa hangin. Nagkatinginan kami ni Zanjo. Alam kong sinasabi ng kaniyang mukhang tsamba lang ang sagot ko.                 "What is your decision Patrick, Zanjo will take his seat or he will remain standing."                 Tinignan ko siya. Nakayuko. Hindi na niya maiharap ang kaniyang mukha sa akin.                 "He can take his seat po. Saka puwede ho bang hati kami sa 10 points?"                 "No, Patrick. Hindi puwede. Sa'yo lang 'yun."                 "Ah okey po. Pero, puwede na ho siyang umupo."                 Ngunit nanatili siyang nakatayo. "Ma'am, I'll remain standing po."                 "Its not your decision to make Zanjo. Take your seat. That's our agreement." Sa Araling Panlipunan subject namin. Siya ang reporter. At ang topic niya ay China. Nang matapos siyang magreport ay nagtanong kung sino sa amin ang may bahaging hindi naintindihan ng aking mga kaklase. Walang gustong magtanong. Ako man din ay hindi ko gustong hamunin siya o kaya tanungin dahil baka pahiyain lang niya ako sa kaklase.                 "May tanong ako, Zanjo." Ang teacher namin. "Puwede bang, sabihin mo kung ano ang pagkakaalam mo batay sa iyong pagbabasa ang tungkol sa Qin Dynasty?"                 Napakamot na naman siya ng ulo. Mabilis kong tinignan ang hawak kong binili ni Daddy na brochure na ako lang ang meron sa klase. Hinanap ko ang China at naka-bold pa iyon. Saglit kong minemorize.                 "Wala? Hindi mo ba nabasa sa textbook natin o kinaligtaan mo lang kasi hindi mo ito naisali sa iyong report e."                 Umiling siya. Ibig sabihin ay hindi niya iyon alam. Nakahanap ako ng pagkakataong magpakitang gilas sa kaniya. Nagtaas ako ng kamay.                 "Patrick! Wow! Okey ah! Sige nga, sabihin mo nga sa amin kung ano ang alam mo sa Qin dynasty?"                 "The Qin Dynasty was the first imperial dynasty of China, lasting from 221 to 206 BC. The Qin state derived its name from its heartland of Qin, in modern-day Gansu and Shaanxi." Sagot ko. Walang kagatol-gatol. Walang mali sa pronunciation. Ang maalala ko noon, nang nagreport ako, English ang definition niya ng Acid Rain kaya English din ang sagot ko sa tanong ni Ma'am na dapat ay siya ang sasagot.                 "Wow! Patrick, you keep on improving. Ituloy-tuloy mo na 'yan ha. Very good." Bati sa akin ng teacher namin. Umupo ako. Alam kong unti-unti ko na siyang uungusan. Simula palang iyon. Humanda siya sa mga susunod pa naming tunggalian. Unti-unti ko siyang patutumbahin sa sinimulan niyang laban.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD