CHAPTER 25
Tahimik na nag-aaral si Oliver sa loob ng maliit niyang kwarto nang makatanggap siya ng mensahe sa dalawang kaibigan niya. Nagpapatulong si Samuel dahil lasing na si Henry at medyo nakainom siya kaya hindi siya pwedeng mag drive. Halos mapahilot sa sentido si Oliver dahil sa kagagawan ng dalawa niyang kaibigan, parang nagkaroon siya kaagad ng dalawang anak dahil sa kanila.
Hindi na lang sana papansinin ni Oliver ang message ni Samuel kaso ay nagpadala ulit ito ng mensahe kaya mukhang wala siyang choice kung hindi puntahan sila sa club. Nakapantulog na siya kaya kumuha na lang siya ng kanyang pants tiyaka isang leather na jacket since nakasuot naman siya ng puting t-shirt.
Pagkalabas niya sa kwarto ay narinig niya ang pagtili ng kanyang kapatid mula sa kwarto nito kaya napakunot siya ng noo, imbis na dumeretso palabas ay kinatok niya ang pinto ng kanyang kapatid para siguradong ayos lang ito.
Hindi mawala ang ngiti sa labi ni Lianna habang nakatitig sa kanyang cellphone kung saan may notification ang kanyang twitter account dahil hineart ni Avery ang kanyang tweet at ni-retweet niya pa ito! Alam niyang umabot sa lagpas isang libo ang mga nag heart at retweet pero iba ang pakiramdam nang si Avery ang gumawa. Ibig sabihin non ay nagustuhan niya ang kanyang tweet at isa pa natandaan niya ang pangalan nito dahil may caption ang retweet niya na ‘See you again, Lianna’ kaya alam niya na hindi nasayang ang kanyang data load sa twitter dahil nakita ni Avery iyon.
“Lianna.” Narinig niya ang pagtawag ng kanyang kuya sa labas habang kinakatok nito ang kanyang pinto. Kaya naman mula sa pagkakaupo sa kanyang study desk na ginawa ng kanyang tatay ay tumayo na siya para pagbuksan ng pintuan ang kanyang kuya habang ang kanyang cellphone ay nasa bandang dibdib niya na para bang yakap-yakap niya ito.
Pagbukas niya ng pinto ay sumalubong sa kanya ang kuya niya na nakakunot noo dahil nagtataka siya sa biglaang pagtili ni Lianna kanina. Tinignan niya pa ang maliit na kwarto ng kanyang kapatid para matignan kung may kasama ba ito. Habang nakakunot noo si Oliver ay siya naman malawak na ngiti ng kanyang kapatid kaya napatingin ngayon ito sa cellphone niya na nasa bandang dibdib niya.
“Bakit ka tumitili, anong oras na?” Istrikto ang pagkakatanong niya sa kanyang kapatid dahil kung siya ang tatanungin ay ayaw niya munang magkaroon ng boyfriend ang kanyang kapatid dahil minor de edad pa lang ito at dahil sa pagtili niya kanina tapos ay mahigpit ang pagkakayakap niya sa kanyang cellphone ay hindi maiwasan ni Oliver na baka nakikipag ligawan na ang kanyang kapatid o di kaya nama ay nakikipag-boyfriend na ito.
“Kasi kuya! Ahhhh!” Muling tumili si Lianna dahil hindi niya maiwasan na kiligin sa pagpansin sa kanya ni Avery. Para sa isang fangirl na kagaya niya ay hindi niya maiwasan na kiligin sa simpleng pagpansin sa kanya ni Avery. Sa dami niyang fans ay nakita niya pa talaga ang kanyang tweet at isa pa, naalala niya pa ang pangalan nito! Iba ang username niya sa twitter kaya kinikilig siya dahil tanda pa ni Avery ang kanyang pangalan.
“Napano ka? May boyfriend ka na ba?” Diretsong tanong ni Oliver sa kanyang kapatid dahil tumili pa talaga ito sa kanyang harapan. Sinabayan pa niya ng pagtalon ang tili niya kanina na halatang kilig na kilig. Hindi pa man niya nasasabi o nagkukuwento kung bakit siya tumili kanina ay muli pa siyang tumili kaya hindi maiwasan ni Oliver na mawerduhan sa kanyang kapatid.
“Kuya!” Umaktong nandidiri si Lianna dahil sa sinabi ng kanyang kapatid. Wala pa sa utak niya ang pakikipag relasyon dahil alam niyang kailangan muna niyang makapagtapos sa kanyang pag-aaral, makapagtrabaho, at matulungan ang kanyang mga magulang bago siya mag boyfriend. “Wala pa sa isip ko iyan no!” Dagdag na depensa pa nito.
“Oh e, napano ka nga?” Pagtatanong ni Oliver sa kanyang kapatid. Alam niyang hindi naman nagsisinungaling si Lianna kaya nang sinabi niyang wala ay naniniwala na siya. Isa pa, may tiwala siya sa kanyang kapatid at alam niyang hindi sisirain ng kanyang kapatid ang tiwala nito.
“Kasi, kasi, kuya!” Sa sobrang tuwa ng kanyang kapatid ay halos tumalon-talon pa siya habang nagsasalita kaya hindi niya maiwasan na hingalin. Napailing na lang siya at hindi maiwasan na ngumiti dahil don niya palang nakitang ganon kasaya ang kanyang kapatid liban kapag nakikipag tawanan siya sa kanilang mga magulang.
“Huminga ka nga muna.” Pagpapakalma niya rito dahil mukhang pati ang paghinga ay makakalimutan pa ni Lianna dahil sa excitement, kilig, at saya na halo-halo sa kanyang boses.
“Avery noticed me on twitter, kuya!” Mabilis na wika ni Lianna tiyaka siya muling tumili at nagtalon-talon. Pinakita ni Lianna ang kanyang notification sa twitter na kanina ay in-screenshot niya para hindi ito matabunan.
Biglang natigilan si Oliver pagkarinig pa lang ng pangalan ng dalaga. Para siyang na-estatwa habang nakatingin sa magalaw na kamay ng kanyang kapatid habang pinapakita ang screenshot nito kung saan ni-love at ni-retweet ni Avery ang kanyang tweet. Muli siyang napatingin sa kanyang kapatid na sobrang saya at kilig, napapatakip pa ito sa kanyang bibig dahil halos mapunta na sa kanyang mata ang kurba ng kanyang labi. Hindi niya maiwasan na ngumiti dahil masaya ang kanyang kapatid sa simpleng pagpansin sa kanya ni Avery.
“You adore her so much, huh?” Komento ni Oliver habang may multong ngiti sa kanyang labi dahil alam niyang kailangan niyang pigilan ang kanyang sarili bago siya mamangha kay Avery katulad na lang ng pagkamangha ng kanyang kapatid.
“Of course, kuya! She’s so sweet and kind! She’s so beautiful and a great writer! Who wouldn’t adore her?” Pagtatanong ni Lianna na halos mahalikan niya ang screen ng kanyang cellphone. Muling naalala ni Oliver ang mensahe sa kanya ni Avery kanina at may isang katanungan ang naglalaro sa kanyang isip.
“Why bloodvery is her pen name?” Takang tanong ni Oliver hindi niya alam kung bakit naging curious siya bigla sa buhay o kung ano man ang ginagawa sa buhay ni Avery.
“Paano mo nalaman ang kanyang pen name?” Pagtatanong ni Lian tiyaka tinignan mabuti ang kanyang cellphone pero hindi naman pen name ni Avery ang gamit niyang username sa twitter kaya ganon na lang ang pagtataka niya kung paano nalaman ng kanyang kuya.
“Ha?” Mukhang natauhan si Oliver dahil hindi nga pala nabanggit kahit kailan ng kanyang kapatid ang pen name ni Avery. Si Avery mismo ang nagpakita ng kanyang libro kaya nakita niya ang pen name niya.
“Ikaw ha, kuya!” Ngumingisi si Lian habang inaasar niya ang kanyang nakakatandang kapatid na lalaki. “Crush mo na rin si Miss Avery no?” Pabiro pa siyang sinundot sa bewang ni Lianna kaya umiwas siya tiyaka niya binawal ang kanyang kapatid. “Makipag-break ka muna kung sa tingin mo mas gusto mo si Miss Avery.” Ngisi ni Lianna sa kanyang kuya.
Alam naman ni Lianna na napilitan lang ang kanyang kuya dahil sa nanay nila na jowain si Elisa. Maganda at mabait naman ang dalaga, approachable at down to earth din ito. Pwede na nga siyang maging sister-in-law niya kung tutuusin pero ramdam niya na hanggang kaibigan lang ang kayang ibigay ng kanyang kuya kay Elisa. Ayaw niya naman na makasal ang kanyang kuya sa babaeng hindi naman talaga niya gusto o kaya ay napipilitan lang siya dahil iyon ang sinabi ng kanilang magulang. Masunurin pa naman ang kanyang kuya kaya alam din niyang hindi siya bibiguin ang nanay nila.
“Tigilan mo nga ang kahibangan mo.” Pambabawal ni Oliver kay Lian na ikinatawa naman ng dalagita. “Tiyaka isa pa, imposible namang maging kami niyan.” Nagulat na lang din si Oliver sa mga salitang lumabas sa kanyang bibig pero hindi na niya ito kaya pang bawiin dahil baka magduda lalo si Lianna kapag binawi pa niya.
“Anong imposible? E nagkikita naman kayo sa campus.” Pagtatanggol ni Lianna dahil hindi niya nakitang ganito ang kanyang kuya kay Elisa. Para ngang kapatid lang din ang turing niya sa kasintahan kaya nasisigurado niyang hindi sila pareho ng nararamdaman ng kanyang kuya.
“Stop it.” Sambit ni Oliver kaya natawa si Lianna. Medyo napataas pa ang kilay ni Lianna nang hindi pa umaalis sa tapat ng kwarto niya ang kanyang kapatid kaya muli siyang natawa.
“Hinihintay mo ang sagot ko kung bakit ganun ang pen name niya, diba?” Pang-aasar pa niya kaya suminghal si Oliver na kahit gusto man niyang umalis sa kinatatayuan niya ay hindi niya magawa dahil tama ang hinala ng kanyang kapatid. “Pero paano mo muna nalaman na iyon ang pen name niya?” Nakangiting aso si Lian kaya bumuntong hininga si Oliver para sagutin ang tanong ng kapatid at nang masagot na rin ang tanong niya simula kanina.
“I saw it in your book and your shared post.” Tamad na sagot ni Oliver kahit na hindi iyon totoo.
“Hmmmm.” Tila nang-aasar pa si Lianna at kunwaring pinag-iisipan niya pa kung sasabihin ba niya ito sa kanyang kapatid o hindi.
“Lianna.” Tawag ni Oliver na may halong pambabanta dahil kailangan niya pang puntahan ang dalawa niyang loko-lokong kaibigan at baka kung ano pang gawin nila habang lasing sila o kaya ay maglasing din si Samuel ay mahihirapan na siyang iuwi ang dalawa.
“Okay okay!” Tawa-tawang sagot ni Lianns dahil biglang nawalan ng pasensya ang kanyang kapatid na dati ay kahaba ng pasensya nito. “Sabi niya sa interview niya noon…” Muling inalala ni Lian ang sinabi noon ni Avery.
“Because blood gives us energy that is why she chose blood plus her name as her pen name. Itinuturing niyang dugo ang pagsusulat dahil sa pagsusulat siya kumukuha ng enerhiya.” Napatango si Oliver sa paliwanag ng kanyang kapatid kaya ngumisi si Lianna dahil sa naging ekspresyon ng kanyang kuya.
“Saan ka pupunta?” Si Lianna naman ngayon ang nagtanong nang mapansin niyang hindi nakapantulog ang kanyang kuya at mukhang may pupuntahan.
“Sunduin ko lang ang mga kaibigan ko, lasing na sila at hindi na makapag-drive ng maayos. Hatid ko lang sila. Pasabi kina tatay kapag tinanong nila.” Tumango si Lianna sa paliwanag ng kanyang kuya kaya nagpaalam na si Oliver sa kanya.
Pero bago pa siya tuluyang makalabas ng pintuan ay bahagyang humakbang si Lianna para makita niya ang kanyang kuya at mapagsabihan niya rin ito.
“Kung may iba ka ng gusto, makipag break ka na kay ate Elisa dahil hindi niya deserve maloko. Huwag ka rin maging manloloko!” Sigaw nito kaya sandaling natigilan si Oliver sa sinigaw ng kanyang kapatid.
“Matulog ka na lang, kung ano-ano pumapasok sa isipan mo.” Pagbabawal nito bago siya naglakad papunta sa kanilang kanto dahil doon ang sakayan ng taxi. Sisingilin na lang niya ang dalawa sa nagastos niyang pamasahe dahil allowance niya iyon.
Samantala, nakatingin si Marina sa isang IG story ng kaibigan ni Hanzo at nakita niyang nasa club ang mga ito. Mukhang hindi kasama ang bruhildang si Alice kaya pinag-iisipan niya kung pupunta ba ito o hindi. Aaminin niya na mayroon pa siyang nararamdaman na kaunti para sa binata tiyaka isa pa, gusto niya itong maagaw kay Alice dahil hindi kaya ng pride niya na matapakan lang ng ganun ng babaeng iyon.
Isa pa, gusto niya rin na siya ang makipaghiwalay at magtapon kay Hanzo na parang basura kaya kailangan niyang mabawi ulit ang lalaki. Hindi na niya tinawagan si Elisa dahil alam niyang hindi pabor ang kanyang kaibigan sa naisip niya tiyaka hindi rin ito sanay sa mga ganoong klaseng lugar kaya kinuha na niya ang isang crop top white spaghetti strap tiyaka isang black leather skirt. Kinuha niya rin ang kanyang hoodie pero hindi niya zinipper ang gitna nito dahil sayang naman ang kanyang outfit.
Maingat siyang naglalakad palabas ng kanilang bahay dahil alam niyang hindi siya papayagan ng kanyang ama kaya napili niyang tumakas. Laking pasasalamat din niya nang makita niyang mukhang nag take ng nap ang kanilang guard kaya mabilis siyang tumakbo palabas ng subdivision para maka-abang ng taxi.
Pagdating niya sa club ay hindi niya muna hinanap ang lalaking pinunta niya sa halip ay uminom muna siya nang hindi niya mabilang na shot para kumuha ng lakas ng loob. Alam niyang hindi nag bar hopping sina Hanzo kaya nandito pa siya dahil ito ang paboritong club nilang magbabarkada. Kaya nang naramdaman niya na mayroon na siyang tama ay kaagad niyang hinanap ang lalaki.
Natigilan si Oliver dahil sa biglaang pag sigaw ni Avery at mukhang hirap na hirap siyang tanggalin ang pagkakahawak ng isang lalaki sa kanya kahit na ang totoo ay umaarte lang si Avery na nasasaktan at hindi niya talaga inalis ang pagkakahawak ng lalaki para mapansin siya ni Oliver. Kaya niyang alisin iyon at alam niya rin sa kanyang sarili na kaya niyang balian ng buto ang lalaking may hawak dito.
Hindi nagdalawang isip si Oliver dahil mukhang nababastos ang dalaga kaya nilapitan niya ito. Kung mangyari man sa pinsan o sa kapatid niya iyon ay alam niyang kaagad siyang dadalo lalo na’t halos lahat ng populasyon ng lalaki sa mundo ay mga gago at nagpapadala sa tawag ng laman kaya hindi niya maiwasan mag-aalala na nasa kapahamakan si Avery.
“Dude,” Malamig na sambit ni Oliver sa lalaki tiyaka niya hinawakan ang kamay nito na may hawak sa braso ni Avery. Lihim na napangiti si Avery dahil inaasahan naman niya na dadaluhan siya ng lalaki.
“See? I told you, I’m with my boyfriend.” Ngisi ni Avery. Badtrip na tinanggal ng lalaki ang pagkakahawak niya kay Avery tiyaka na lang siya umalis.
“What are you doing here?” Tanong ni Oliver sa kanya kahit na natutulak na siya ng ibang sumasayaw sa dance floor.
“I’m having fun, how about you? What are you doing here?” Sinabayan ni Avery ang pagsayaw habang nasa tapat niya si Oliver kaya napahawak si Oliver sa kanyang sentido. Mukhang nahulog siya sa trap ng dalaga.
“I’m looking for my friends.” Tipid na sambit nito pagkatapos ay tinalikuran na niya si Avery, wala na siyang oras dahil baka mapagalitan siya sa kanyang ina kapag anong oras na ay hindi pa rin siya nakakauwi.
Pero kaagad na hinawak ni Avery ang kanyang kamay sa braso ni Oliver, kunot noong tiningnan ni Oliver ang kanyang kamay bago dumapo ang tingin nito sa magandang mukha ng dalaga na ngayon ay marahan niyang ginagalaw ang talukap ng kanyang mga mata para magpa-cute kay Oliver.
“Can I come with you, I’m scared.” Pag-iinarte ni Avery. Suminghap si Oliver dahil mukhang hindi niya matatanggihan ang dalaga kahit na ramdam niyang nag-iinarte lang ito base sa pagpapacute ng kanyang mukha. “Please?” Dagdag pa ni Avery gamit ang malambing niyang boses at para bang sasabog ang puso ni Oliver nang marinig niya ang marahan na pagbanggit ng dalaga sa salitang iyon at alam niyang hindi na siya makakatanggi.
Suminghap siya tiyaka dahan-dahan na tumango kaya kaaagad na lumawak ang ngiti ni Avery. Sabay silang umalis sa dance floor, gusto man niyang tanggalin ang pagkakahawak ni Avery sa kanya ay baka mabastos na naman ito katulad na lang nang nangyari kanina.
Kaagad silang nag-ikot para hanapin sa mga upuan ang dalawa niyang kaibigan, tahimik lang na nakangiti si Avery habang nakahawak pa rin sa braso ng binata hanggang sa nakita niya si Henry na halos natutulog na sa sofa.
“That’s Henry.” Turo ni Avery kay Henry sa isang sofa habang siya lang mag-isa. Mabilis ang kanilang paglakad para malapitan si Henry na nakapikit na ang kanyang mga mata at bumubulong-bulong.
“Where the f**k is Samuel?” Pagtatanong ni Oliver habang tinutulungan niyang makaupong maayos ang kanyang kaibigan. Lumapit si Avery para matulungan niya si Oliver at napangiwi ito nang maramdaman niya ang bigat ni Henry.
“The f**k is your problem?!” Sabay silang napalingon ni Oliver sa isang babaeng pamilyar na boses.
“What the f**k are you doing?!” Isa pang lalaking pamilyar ang boses habang hila-hila niya ang lalaki dahil kinagat siya ng babaeng hila-hila niya.
At halos ma-estatwa silang lahat pwera lang kay Avery nang magtinginan sila dahil sa gulat. Lalong namuo ang inis ni Marina nang makita niyang magkasama ang kanyang pinsan at si Avery. Hindi niya macontrol ang kanyang inis kaya sumigaw siya para tanungin ang kanyang pinsan.
“Why the f**k are you together?!”