Vizier

1692 Words
Chapter 3 Nagkalat ang dugo at mga parte ng tao sa paligid. Magulo at nakasusulasok ang amoy na ibinibigay ng dating maayos na lugar. Puro basag na mga aparatos at sira-sirang parte ng laboratoryo ang nakikita ng lahat ng natitira pang humihingang mga tauhan sa loob ng kuwarto. “Ibalik ninyo sa akin ang Mixed Blood System! Wala akong pakialam kung bali-baliktarin n’yo ang buong Lower Blood Word at pumatay kayo. Isa lang ang gusto ko! Ang maibalik ang aking Mixed Blood. Kung hindi—” Muli na namang naulit ang senaryo kanina kung saan nagliliparan ang mga sunog na parte ng katawan ng tao. Wala kang maririnig na hiyaw o 'di kaya ay pag-alma. Tahimik lamang ang lahat na mistulang normal lang para sa kanila ang mga nangyayari. “Morgan!” Patakbo nang lumapit si Morgan sa naggagalaiting hari ng mga Void. “Yes, My Lord,” wika ni Morgan sa kalmado at mahinahong boses. “Tell me what happened,” mahina ngunit may diing pagkakasabi ng hari. Tumikhim muna si Morgan at inayos ang kanyang itim na roba. “May nakapasok po sa loob ng laboratoryo at ninakaw ang pulang likido, My Lord. Base po sa aking mga nakalap na imahen at nakaraang tala ng mga crystal ay lumalabas na may kinalaman si Fairy Amalilia sa mga nangyari.” Agad na tumayo ang hari nang marinig ang pangalan ng paborito niyang babae sa kanyang harem. Tanging si Amalilia lamang sa lahat ng mga babae niya ang binigyan niya ng karapatang magparoon at parito sa loob ng kaharian.  “Proceed,” turan ng hari na siyang dahilan ng pagpapatuloy ni Morgan sa pagsasalita. “Nalaman ko rin po na siya ang reyna ng Spirit Clan.” “Why didn’t you tell me this beforehand?” bulyaw ng hari sa kanyang vizier. Wala nang nagawa si Morgan kundi ang yumuko na lamang. Hindi niya maaaring ipangalandakan na ‘Mahal na hari, utos n’yo pong hayaan si fairy Amalilia sa kanyang mga nais gawin at ’wag siyang pakialaman hangga’t wala namang nasasaktan sa iyong harem.’ Nilunok na lamang ng vizier ang kanyang nais sabihin na mga saloobin at muling itinuon ang atensiyon sa seryoso niyang problema.  “Nakatago po ang tunay na kapangyarihan ni Fairy Amalilia sa likod ng ginamit niyang mataas na uri ng kayamanan, My Lord. Hindi po maramdaman ng mga crystal ang kanyang tunay na bloodline. Nalaman ko rin po na mayroon siyang anak na lalaki.” “Ano?”  Yumanig ang buong palasyo ng Void nang maglabas na naman ang hari ng mas matindi at mas mabigat na enerhiya kumpara kanina. Ito ang dahilan upang maglupasay at magdugo ang mga tainga at mata ng mga nasa kaharian na may mababang antas ng kakayahan. Halos sumabog ang mga ugat sa ulo ni Haring Voidron nang marinig ang sinabi ng vizier. Hindi niya mapapayagang may naiwang royal blood at tagapagmana ang Spirit Blood Clan. Isa lamang ang ibig sabihin nito, hindi pa lubusan ang kanyang pagiging hari sa Lower Blood World. Gamit ang nahihirapan na boses ni Morgan dahil sa pressure na direkta nilang nararanasan ay nagsalita siyang muli. “My Lord, na-nandito po ngayon sa Lower Blood World ang tagapagmana ng Spirit clan.” Matapos bitiwan ang mga salitang iyon ay nawala ang matinding enerhiya na bumalot sa buong palasyo kanina at napalitan ng malakas na tawa ng hari. Umalingawngaw ang masaya niyang tawa sa buong palasyo na labis na nagpakalma sa mga pagkakagulo na mga tao kanina “Find him!” saad ng hari na bumalik na sa pagiging walang emosyon ang kanyang nakakaakit na mukha. Nang marinig ang mando ng hari ay agad na nagsialisan ang mga seeker upang hanapin ang tagapagmana ng Lower Blood World na nabibilang sa Spirit Blood Clan.Tanging ang mabibilis na yapak ng mga paa ang iyong maririnig hanggang sa nagsalita muli ang hari. “And the Mixed Blood System, Morgan?” Hindi makatingin nang deretso sa hari si Morgan. Hindi niya alam kung sasabihin ba niya sa hari ang kanyang hinala o itatago na lang niya ito sa kanyang kaibuturan. “Speak,” turan ng hari na mas lalong nagpagulo sa isipan ng vizier. “Sa tingin ko po, My Lord, ay ginamit ng anak ni Fairy Amalilia ang red liquid. Ito ang naging dahilan ng matinding pagyanig ng Lower Blood World kahapon,” mahinang turan ni Morgan habang nakayuko. Hindi niya nais na maranasan ulit ang karahasan ng kanilang hari. “Huh! Sa madaling salita, labis akong naloko sa taglay na kamandag ng reyna ng Spirit Clan. Mas lalo lang nilang dinagdagan ang kanilang atraso sa akin. Mas lalo akong nasuklam sa kanilang lahi! Morgan, ipunin mo lahat ng may dugong Spirit. Wala kang pipiliin, Mixed o Pure Blood Spirit. Pahirapan mo silang lahat hanggang sa may magsalita. Ipatawag mo rin ang lahat ng pinuno ng apat na lahi sa Lower Blood.” Ramdam ng vizier ang matinding galit sa bawat pagbibitiw ng hari sa kanyang mga salita. Naaamoy niya na mayroong pagdanak muli ng dugo na mangyayari sa kanilang lupain. Mga dugo na sa paglipas ng panahon ay natutuhan niya na ring mahalin. Sapagkat ang babaeng kanyang itinatangi at ina ng kanyang nag-iisang supling ay isang Pureblood Spirit. Pakiramdam niya ay mistulang ibinaba na ng Supreme Blood ang hatol sa kanya. Iyon ay ang kaparusahan na habambuhay niyang pagsisisihan. Hindi niya maaaring talikdan ang habambuhay na tungkulin. Ang pagiging vizier ng hari ay tungkulin na siyang dahilan kung bakit isinilang ang kanilang angkan. Alam man niya ang batas na kalakip ay buhay na kaparusahan, hindi pa rin niya napigilan ang sarili na umibig sa isang mortal na kaaway. Mabigat man ang kanyang loob sa naging hatol ng hari ay wala siyang magagawa.  Matapos magbigay-pugay sa hari ay mabibigat ang kanyang hakbang na tumungo sa main crystal upang ipaabot ang utos nito. Ngunit bago pa man siya tuluyang makapasok sa bulwagan ay tinungo muna niya ang isang sikretong silid. Nang makapasok siya roon ay agad na binuksan ang kaniyang communication ring. Wala pa mang ilang segundo ay tumambad na sa kanyang harapan ang isang hologram ng dalagang nakangiti. “Maligayang pagbati sa ’yo, mahal kong ama,” turan ng dalaga na animo’y musika sa pandinig ni Morgan ang malamyos na boses nito. “Mahal kong Gamiya, anak ko . . .” bulong ni Morgan na hindi mapigilang mahabag sa sitwasyon at itsura ng anak. Simula noong bata pa si Gamiya ay sa isang barong-barong na siya nakatira. Humaharap sa araw-araw na hirap ng buhay dahil sa may dugo siyang Spirit. Kasama ang ina na naninirahan sa mapanganib na lugar ng palasyo ay pinagsisilbihan nila ang mamamayan ng Void, lalo na ang malupit na hari nito. Sa gitna ng maruming kasuotan at magulong buhok ng anak ay nakikita pa rin ni Morgan ang taglay nitong kakaibang kagandahan na taglay ng isang Royal Spirit Blood. Sapagkat ang ina ng anak na si Tamaya ay may lahi ring Royal Spirit. Hindi man gaanong lumabas kay Tamaya ang kakaibang ganda at alindog ng isang Royal Spirit, lumabas naman ito sa kanyang anak. “Ama? mayroon ka bang dinaramdam?” tanong ng anak matapos mailapag sa mesa ang hawak niyang tela na pantakip sa kanyang mukha. Hinuhubad lamang ng dalaga ang telang ito sa tuwing nasa isang tagong lugar siya at nakikipag-usap sa ama.  “Magmadali ka, lisanin mo ang lugar na iyan at magtungo ka sa puso ng kagubatan. Inumin mo ang ibinigay ko sa ’yong asul na likido. Sa pamamagitan niyan ay magkakaroon ka ng kakayahang itago ang iyong sarili sa mababangis na mga demon beast sa kagubatan. Ngunit pansamantala lamang ang epekto niyan. Matapos ang dalawang oras ay kailangang nakatago ka na sa isa sa mga liblib na kuweba sa loob. Gamitin mo ang mapang nakapaloob sa storage ring. Ibinaon ko ito sa ilalim ng iyong suot na botang yari sa balat ng middle grade beast.” “Ngunit, Ama, hindi ko kasama ang aking ina. Mamayang pagbaba pa siya ng araw makababalik,” malungkot na turan ni Gamiya. Naguguluhan man ay alam niyang may mangyayaring hindi kanais nais kung kaya’t ganito ang mga salita ng kanyang ama. “Alam ko, anak, subalit wala nang panahon. Kumilos ka na. Susubukan kong gawan ng paraan ang maging sitwasyon ng iyong ina. Kailangan ko nang umalis. Tandaan mo, kahit na ano’ng mangyari ay pilitin mong makarating sa isa sa mga yungib sa puso ng gubat. Alam kong doon ka lang magiging ligtas sa galit ng hari. Sikapin mong ’wag lumabas at gumawa ng anumang makakapag-alerto ng mga berserker. Mahal kita, anak ko.” “Ama, kai—” Hindi na natapos ni Gamiya ang kanyang mga nais pa sanang sabihin. Naguguluhan at nag-aalala siya sa kanyang ina, ngunit nangako naman ang ama sa kanya at kailangan niyang sundin ang mga bilin nito.  Gamit ang kanyang kaalaman sa paghiwa ng karne ng mga berserker ay hiniwa niya ang takong ng suot na bota. Mula sa hiwa ay tanaw niya ang maliit na bote na may halos gapatak na asul na likido sa loob. Dali-dali niya itong ininom at isinuot sa daliri ang nakatagong singsing sa loob ng bota.  Agad siyang nagpalinga-linga sa paligid nang makaramdam siya ng kaginhawaan at gaan ng katawan na animo’y nagiging parte siya ng kalikasan. Bitbit ang lalagyan sa pangunguha ng mga halaman ay mabilis ang mga hakbang ni Gamiya na tinungo ang daan papasok sa kagubatan.  Sa may di-kalayuan ay tanaw niya ang dalawang tagabantay na mga Pureblood Void.  “Mga mahal na tagapagbantay, meron po akong naiwan na mga halaman na maaaring mawalan ng halaga kapag hindi ko ito nailagay sa sisidlan,” wika ni Gamiya na alam niyang mabisang dahilan upang palabasin siya agad ng mga ito. “Kailangang makabalik ka bago bumaba ang araw.”  “Opo.”  Sa una ay katamtaman lamang ang mga hakbang ni Gamiya. Ngunit nang marating niya ang gubat ay walang lingon-lingon siyang tumakbo. Tumatakbo ang dalaga na parang hinahabol siya ng kamatayan. Hindi naglaon ay narinig niya ang boses ng ama na umalingawngaw sa buong kalupaan ng Lower Blood World. Ito ang naging hudyat upang mas lalo pa niyang bilisan ang pagtakbo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD