Chapter 2
Niyanig ng isang matinding pagsabog ang iba’t iba na parte ng Void City na labis na ikinabahala ng mga tagaroon. Minsan lamang nangyayari ang ganoon kalakas na pagyanig. Wala namang naidulot na malaking pinsala ang biglaang pangyayari, subalit naging alerto pa rin ang mga hukbo ng Void Clan. Maliban sa mga nasirang kabahayan ng mabababang uri ng mga nilalang na naninilbihan sa mga Void ay wala nang ibang naapektuhan.
Simula nang mawasak ang dating siyudad na pinamumunuan ng makatarungang hari ng Spirit Clan ay nawalan na rin ng karapatang mamuhay nang normal ang mga nilalang na may dugong Spirit sa Lower Blood World. Naging iba na ang takbo ng kanilang mga buhay ngayon, sapagkat sila ay nabibilang na sa mga utusan at alipin. Malayo sa kanilang kinagisnang masaganang pamumuhay. Dahil sa natural na may mabuting puso ang dating hari ng Lower Blood World ay hinayaan na lamang niyang mabuhay ang ibang mga nilalang na Half Blood Spirit at Half Void-blooded. Hanggang sa paglabas ng kautusan ng council na lipulin ang mga Half Blood Spirit dahil naging problema na ito ng kanilang lipunan. Ngunit huli na nang mapagpasyahan nila ito. Lumabas ang pagiging traydor na dugo ng mga Void na siyang dahilan upang makapasok ang mga pureblood sa depensa ng Spirit Clan.
Nang masakop ng Void Clan ang Spirit Clan ay pinaslang nila ang hari at lahat ng kasapi ng council. Mula sa pinakamalakas hanggang sa mahihinang mamamayan. Itinira lamang nila ang mga kababaihang may sanggol sa sinapupunan. Ngunit nang ipinanganak ang mga sanggol ay pinaslang ang mga lalaki at mga babaeng sanggol lamang ang hinayaang mabuhay. Sa mga panahong iyon ay gumawa ng paraan ang reyna ng Spirit Clan na maitakas ang anak nang mailuwal niya ang isang babae at isang lalaking sanggol. Sa kasamaang-palad ay wala nang buhay nang ipinanganak ang sanggol na babae. Hindi ito malabong mangyari dahil sa mas malakas ang lalaking sanggol kaya ay hinihigop nito ang lakas ng mas mahinang kakambal.
Nang sumiklab ang labanan ng dalawang lahi ay nagdadalantao na ang reyna.
Isa siya sa mga pinalad na buhayin dahil sa sanggol sa kanyang sinapupunan.
Dahil sa kagawian ng mga Spirit Clan na takpan ang mukha ng mga kababaihang nabibilang sa royal family kapag sila ay lumalabas sa maraming pagtitipon, ay ilan lamang ang nakakakilala sa mukha ng reyna. Malaya siyang nakakasalamuha sa mga ordinaryong mga utusan. Gamit ang kaniyang mga nakatagong matataas na uri ng kagamitan ay pansamantala niyang naitago ang anak.
Ang kanyang taglay na kakaibang kagandahan ay naging susi upang maging isa siya sa harem ng hari ng Void Clan. Ito ang pagkakataon na ginamit niya upang maitakas si Logan at dalhin sa ibang mundo . . . ang mundo ng mga tao.
Mula noon ay itinuloy niya ang paninilbihan sa hari ng mga Void bilang isa sa mga kababaihan nito. Dahil natural sa kanya ang pagiging kalmado, maging ang pagbibigay-ginhawa at kakaibang kapayapaan ng kanyang ganda ay naging paborito siya ng hari. Nang malaman niya kung ano ang nagagawa ng Mixed Blood System dahil aksidente niyang narinig ang isang pagpupulong ay gumawa siya ng paraan upang nakawin ito. Sa panahong iyon ay nasa isandaang porsyento na ang effectivity nito.
Dumating ang panahon na kanyang hinihintay nang gumana ang itinanim sa anak na spiritual connection at tinawag siya nito. Ngunit isa lamang ang ipinahihiwatig ng pagtawag na iyon. Nanganganib ang buhay ng anak. Pinilit niyang ikonekta ang sarili sa kinalalagyan ni Logan. Dahil hindi stable ang kanilang koneksyon ay nanganib ang kanyang buhay sa paglalakbay sa kawalan. Nang tuluyang masilayan ang anak ay wala na rin siyang ibang nagawa kung hindi ang ialay ang kaniyang natitirang lakas upang makaligtas ito sa nalalapit na kamatayan.
Ginawa ng reyna ang lahat upang sa pagbabalik ng anak sa kanilang mundo ay malaki ang posibilidad na maagaw nito ang mundong para sa kanila.
Unti-unting iminulat ni Logan ang kanyang mga mata. Ramdam niya ang p*******t ng kanyang buong katawan na siyang dahilan upang maghabol siya ng hininga. Ikinurap-kurap niya ang kanyang mga mata habang sinusubukan igalaw ang mga kamay at paa.
“Na-nasaan ako?” tanong ni Logan sa sarili na mistulang naguguluhan.
‘System recovering . . . system restored.’
“Si-sino ’yan? Magpakita ka!” sigaw ni Logan habang maiging sinusuyod ng kanyang mga mata ang paligid.
‘Welcome! You acquired the mixed blood system . . . please register your name, dear host.’
Saglit na natigilan si Logan. Naalala niyang nasa kuweba siya at iniinom ang pulang likido na nakuha mula sa kagamitan ng kanyang ina. Ngunit nang tumingin siya sa paligid ay wala siyang ibang makita kung hindi ang malalim at nangingitim na hukay at nasa gitna siya nito. Gutay-gutay na rin ang kanyang kasuotan. Habang nakatingin sa kanyang mga palad ay nakikita ni Logan kung paano maghilom nang unti-unti ang kanyang mga sugat. Naguguluhan man ay nakaramdam siya ng matinding enerhiya na nananalaytay sa kanyang buong katawan. Iniisip niya kung ito na ang simula ng kanyang lubusang pagbangon.
“Mixed blood system,” bulong ni Logan habang iniisip kung gumana ba talaga sa kanya ang pulang likido. Base na rin sa natatandaan niyang sinabi ng ina sa hologram ay hindi ito sigurado kung gagana ang Mixed Blood System. Dalawa lamang ang kahihinatnan ng mga test subject: ang mabuhay o ang mamatay.
Ang Mixed Blood System ay ang bunga ng mahabang taong pag-aaral ng apat na mga angkan sa Lower Blood World.
Ito ang kauna-unahang positibo ang lahat ng resulta sa kanilang mga eksperimento. Sa madaling sabi ay higit na mahalaga sa anumang kayamanan ang Mixed Blood System. Sapagkat ginawa nila ito upang mas palakasin ang puwersa ng kanilang mga sundalo, lalo na ang Void Clan. Dahil sa matinding kagustuhan ng hari ng Void na tapatan ang Middle Heaven ay ginawa ang Mixed Blood System. Ito ay ang pinagsamang dugo ng Lower, Middle, at Supreme Blood. Mga dugo na matagal nang pinangangalagaan ni Haring Voldron.
‘Please register your name, dear host.’
Nang muling may nagsalita ulit ay maayos na iyong narinig ni Logan.
“Logan Spien,” wala sa loob na tugon ni Logan.
‘Name— Logan Spien, analysis . . .
Bloodline— unknown.
Ability—Heaven defying.
Agility— Heaven defying.
Dexterity— Heaven defying.
Vitality— Heaven defying.
Lifespan—100 years.
Skill—Heavenly absorber.
Bond—None.
Foundry—No access.
Matrix—No access.
Inventory—No access.
Family—Level up for privilege.
Store—Earn privilege points.
Equipments:
Cloak—None.
Boots—None.
Sword—None.
Armor—Heavenly tier, invisible.
Privilege points: Complete quest to earn points.
Points variation:
Low grade.
Middle grade.
High grade.
Bloodline privilege item:
Mixed blood invisible storage ring.
Core vessel.
Points variation is the currency used in the Lower Blood World.
First quest: Collect poisonous plants for low grade points.’
“Ano? Poisonous? Tapos low grade . . .” bulong ni Logan sa sarili habang pinoproseso ang mga nangyayari.
Hindi makapaniwala si Logan sa unang gagawin niya. Sa pangalan pa lang nito ay mistulang nanganganib na agad ang kanyang buhay. Pailing-iling siyang tumayo galing sa pagkakasalampak sa hukay.
“Paano ako aakyat gayong ang lalim nitong kinalalagyan ko?” bulong niya habang sinisipat ang kinaroroonan kung saan siya magsisimula.
‘Earth blood activating . . . nature manipulation.’
Napangiti si Logan sa kanyang narinig at agad na pinosisyon ang sarili.
“Make me fly!” sigaw ni Logan sa katamtamang boses habang nakapikit at hinihintay ang mangyayari. Ngunit lumipas na lamang ang ilang minuto ay wala pa ring nangyayari sa kanya. Nagtataka siyang nagmulat ng mata.
“Elevate!” sigaw niyang muli, ngunit nadismaya siya nang wala pa ring nangyayari.
‘Don’t be an idiot dear host. Take a deep breath and think about what you want to happen.’
“Akala ko, system ito. May kakayahan din pala itong mag-isip at manglait,” bulong ni Logan sa kanyang sarili.
‘I can clearly hear you dear host.’
Hindi na lamang kumibo si Logan at ginawa kung ano ang sinabi ng system sa kanya.
Huminga siya nang malalim at iniisip na tumataas ang lupa nang paunti-unti hanggang sa maging kasintaas na siya ng lupain sa ibabaw. Muntik na siyang matumba nang wala pang isang segundo ay ganoon nga ang nangyari.
“Nakamamangha!” di-mapigilang bulalas ni Logan. Hindi lubusang makapaniwala na bigla na lang siyang nagkaroon ng kakayahang kontrolin ang kalikasan. Tumigil lamang ang pagtaas ng lupa ng naging kapantay na ito ng lupain sa ibabaw.
Nang makarating sa ibabaw ay Unti-unti niyang nilibot ang paningin sa paligid. Nakikita niya ang makapal at mapunong parte sa unahan ng madamong lupain na kanyang kinatatayuan. Nilakad niya ang madamong daanan at pinasok ang masukal na kagubatan nang biglang . . .
‘Emergency alert! Inuutusan ang lahat ng pinuno ng mga sektor na magtungo sa bulwagan ng Void City. Lahat ng mga alipin ay magtungo sa iyong bulwagan pati na rin ang mga may dugong Void.’
Umalingawngaw sa buong paligid ang malaking boses na may dala ng mensahe. Naririnig ito sa apat na sulok ng Lower Blood World. Kaya nang marinig ito ni Logan ay dali-dali niyang pinasok ang gubat upang gawin ang kanyang unang quest. Hindi niya maiwasang isipin na baka nalaman na ng mga tagaroon na may nakapasok sa kanilang mundo. Tumatayo ang kanyang mga balahibo habang binibilisan ang mga hakbang. Hindi man niya masisiguro ang kanyang kaligtasan, subalit wala siyang pagpipilian.