"Julie Faye Ramirez!" may gigil sa boses na tawag ni Mommy sa'kin.
Kakarating ko lang galing sa galaan pero alam ko na kung ano ang dahilan nang nakikita kong galit ngayon sa mukha niya. Inaabangan niya pa talaga ako kaya siguradong papasabog na ang bulkang Ramirez at ako yata ang pinakaunang casualty.
"Opo, bumagsak po ulit ako at uulit na naman ako ng second year ngayong pasukan," mahinahon kong wika. Inunahan ko na para di ako ratratin ng built-in armalite niya sa bibig.
"My God!" Napahilot sa noo si Mommy bago ako sinibat nang matalim na titig. "Ikaw lang itong uulit ulit ng isang taon na di kakitaan ng paghihinayang at mukha pang excited!"
"Mommy, relax... ga-graduate rin po ako," natatawa kong pagpapakalma sa kanya.
"Kailan pa?" puno ng frustration niyang tanong. "Kung magigising ka na sa kahibangan mo riyan sa teacher mo?" nandidilat pa niyang dagdag.
"Grabe kayo sa'kin," napasimangot kong saad.
"Mommy, huwag mo masyadong pagalitan iyan... basted pa naman iyan palagi," natatawang sabat ni Kuya Vincent na kakababa lang ng hagdan.
"Pamilya ko ba kayo?" madrama kong sumbat sa kanila. "Wala kayong support sa love life ko," kunwarin ay nagtatampo kong dagdag.
"Wala ka na rin namang pag-asa roon," natatawang sabi ni Kuya. "May girlfriend nga iyon, di ba? Maganda, sexy, mabait at isa ring teacher."
Binato ko ito ng masamang tingin. Kung may hawak lang akong ibang bagay maliban sa cellphone ko ay iyon ang ibabato ko rito. Ipaalala ba naman sa'kin iyong karibal ko!
"Anak naman, hindi dahil hinahayaan ka namin sa lahat ng gusto mo ay aabot ka na sa ganito na paulit-ulit ibinagsak ang second year para lang sa teacher na iyon. Anak, senior high na iyong mga ka-batch mo tapos ikaw malapit na mag-eighteen ay grade 8 ka pa rin," nakukunsuming litaniya ni Mommy.
"Last year na 'to, Mommy. Promise po," nagtaas ng kanang kamay kong pahayag.
Nagdududang sinipat ako ng titig ni Mommy at maging si Kuya ay pinaningkitan ako ng mga mata.
"What's the catch?" naninimbang na tanong ni Kuya.
"Lilipat na si Bebe Labs sa senior high next school year at mas malapit doon iyong building ng Grade 9 at 10," napapalakpak kong sagot.
Sabay na napabuga ng hangin sina Mommy at Kuya habang ako naman ay nakangiti pa rin habang naglalaro sa isip ang mangyayari sa darating na pasukan.
Sinadya ko talagang di kunin iyong report card ko noong distribution dahil sinigurado ko namang babagsak ako sa lahat ng subject. Bakit nga ba hindi eh, klase lang ni Bebe Labs ang pinapasukan ko para lang tumunganga sa mukha niya buong period.
Nagmukha akong baliw alam ko pero ginusto ko pa ring magpakabaliw.
Bago pa dumating si Bebe Labs sa buhay ko ay nawalan na ako ng ganang mag-aral. Kaya lang naman ako pumapasok sa paaralan dahil sa kanya eh. Usap-usapan sa buong paaralan ang pagkakagusto ko sa kanya pero wala akong pakialam doon.
Siguro kung siya nag masusunod ay matagal na akong na-kick sa paaralan pero dahil shareholder ang pamilya ko ay di iyon magagawa ng pamunuan at isa pa, wala naman akong masamang ginagawa maliban na lang sa laging pagtanaw sa lalaking pakakasalan ko balang araw mula sa malayo... mga isa o dalawang metro ang layo.
Sayang nga lang at masyado pa akong bata para sa kanya kaya hinayaan ko muna siyang mag-girlfriend ng iba.
Staying strong sila ngayon dahil di pa ako pwedeng mag-boyfriend pero malapit na magtapos ang 5 years nilang relasyon ni Ma'am Sabrina dahil malapit na akong mag-eighteen.
Kahit naman di ako pumapasok ay nag-a-advace study ako para mapaghandaan ang pagkokolehiyo ko dahil walang Ramirez na kulilat sa klase, meron nga lang pabalik-balik sa grade 8.
"Umayos ka, Julie. Huwag mong hintaying mapuno na sa'yo ang Daddy mo at ipadala ka sa ibang bansa," seryosong saad ni Mommy.
"Kapag ginawa niya iyon ay makikipagtanan ako," nakairap kong sagot.
"Kanino naman? Sa bebe labs mo?" nang-aasar na tanong ni Kuya Vincent.
Siniringan ko ito ng mga mata at dinilaan.
"Sa driver natin!" masungit kong sagot dito sabay irap.
"Isusumbong kita kay Manang Gloria na may masama kang balak kay Mang Poloy," natatawang banta sa'kin ni Kuya.
Ang tinutukoy niya ay ang fifty years old naming driver na asawa ng mayordoma naming fifty years old din.
"Julie, kailan ka ba titino?" nakukunsuming tanong sa'kin ni Mommy.
"Mommy, naman! Kung makapagsalita kayo parang puro sakit sa ulo na lang iyong ibinigay ko sa inyo—" kusa akong tumigil sa pagsasalita dahil sa paraan ng mga titig nila sa'kin.
Marahas akong napabuga ng hangin habang napakamot ng ulo. "Oo na, inaamin ko na puro sakit sa ulo iyong dala ko," sumusuko kong himutok.
"Makuha ka naman pala sa tingin eh," natatawang pahayag ni Kuya Vincent.
Sa dalawa kong kapatid na lalaki ay ito iyong pinakaintrigero at tsismoso kasi updated 'to palagi sa mga kalokohan ko. Pati nga balita sa love life ko ay nangunguna ang isang ito, nangungunang basher!
"Huli na 'to, Julie. Kailangang tuparin mo iyang pangako mong papasa ngayong taon," nandidilat na baling sa'kin ni Mommy.
"Opo," maamo kong sagot.
"Kung hindi pa magpasukan ulit ay di ko malalamang uulit ka na naman. Kung di ko lang alam ay iisipin ko na talagang ikaw iyong pinakabobong Ramirez—"
"Walang bobo sa pamilya namin," bigla ay sabat ni Daddy.
Halatang kakarating lang nito mula sa opisina kaya mabilis akong sumalubong dito at naglambing. Ako iyong bunso kaya ako rin iyong paborito nito.
"Anong gusto mong palabasin na kung bobo iyang anak mo ay sa akin nagmana?" mataray na tanong ni Mommy rito.
Natatawang ginulo ni Daddy ang buhok ko bago nilapitan ang dragon ng aming pamilya.
"Ikaw ang pinakamatalinong babae sa buong mundo dahil ako ang pinili mong pakasalan," malambing na sabi rito ni Daddy.
Agad lumambot ang mukha ni Mommy pero patuloy pa rin itong nakairap.
"Kung sasabihin kong bobo ang mga Ramirez ay dapat umayon ka lang at huwag kang kumontra!" masungit na sabi ni Mommy.
"Yes, master," malambing na sagot ni Daddy at masuyong kinulong sa mga bisig ang nagmamatigas kong ina.
Nakangiti kong pinagmasdan ang paglalambingan ng aking mga magulang. Sa edad na forty-five ay di pa rin nagbabago ang pagmamahal nila sa bawat isa at katulad ng pagmamahalan nila ang gusto kong maranasan.
Kapag nagmahal ang isang Ramirez ay hahamakin nito ang lahat masunod lamang ang dinidikta ng puso.
May pinsan akong pinasok ang polyandry marriage dahil sa pag-ibig.
Kahit ganito magmahal ang mga Ramirez ay wala pa naman kaming naapakang ibang tao.
Pero ngayon yata meron na, iyong girlfriend ni Franz Rafael. Tiyak na masasaktan ito kapag naagaw ko si Franz mula sa kanya.
Wala sa sariling napadako ang tingin ko kay Kuya Vincent na ngayon ay busy sa hawak na cellphone.
Bigla akong napaisip, wala namang girlfriend itong gwapo kong kapatid kaya pwede ko sigurong pakiusapang saluhin iyong girlfriend ni Franz kung sakaling mag-break ang mga ito dahil sa'kin.
Naramdaman siguro ni Kuya ang masama kong binabalak kaya bigla itong nag-angat ng tingin at nagsalubong ang mga mata namin.
"Kung ano mang binabalak mo ay huwag mo akong idamay riyan kung ayaw mong patirahin ko rito sa bahay si Tyron," may pagbabanta niyang pahayag.
Mabilis umasim ang panlasa ko at nabura lahat ng mga namumuong plano sa utak ko pagkaalala ko sa pinsan naming sa edad na limang taong gulang ay kaya nang pakuluin ang dugo ko sa galit.
Di bale nang may ibang malugmok sa kalungkutan dahil sa pagsinta ko kay Franz basta hindi ko lang makakasama sa iisang bubong ang bulating bata na iyon.