ABALA sa pakikipag-usap sa akin si Mrs. Ameerah nang napalingon ako sa direksyon ni Nathaniel. Nakikipagusap siya sa tatlong babae sa accounting department. Hinihimas niya ang likuran ng kanyang batok habang nakangiti sa tatlo. Hindi ko halos maisaulo ang sinasabi ni Mrs. Ammerah dahil nade-distract ako sa gawi nila.
“Excuse me, Ma’am.” Ani ko at humakbang palapit sa kanila. Napansin iyon ng tatlong babae kaya mabilis silang bumalik sa kani-kanilang mga cubicle. Taas noo at mariin akong tumingin sa kanila bago ko ibinalik ang tingin ko sa aking sekretarya.
“12:59 noon na. Isang minuto at matatapos na ang lunch break niyo, dapat pinagpatuloy na ninyo ang mga trabaho ninyo sa mga designated desk ninyo.” Umalingawngaw ang aking boses sa kanilang opisina. Hindi naman ako sumisigaw pero napapansin ko na nasisindak ang iba. Nasulyapan ko pa si Andrew na bagong gising at mabilis na bumangon saka nagpanggap na may tinitimpa sa kanyang computer. Bumaling ako kay Nathaniel, bahagya siyang yumuko at tumaas ang dalawang kilay sa akin.
“Relax, ma’am. Magkakawrinkles ka niyan.” Aniya habang may ngisi sa kanyang mga labi. Umirap ako at nilagpasan siya. Bumalik ako sa pakikipagusap kay Mrs. Ameerah na tila nasisiyahan sa sinabi ni Nathaniel sa akin.
Dalawang buwan simula noong ma hire siya at madalas siyang ganito sa akin. Akala niya siguro porket kilala namin ang isa’t isa at matagal na kaming magkakilala ay hindi na magbabago ang pakikitungo ko sa kanya. Nagkakamali siya, nakakailang ulit ko siyang sinigawan dahil sa kapalpakan. Ang kaibahan niya lang sa mga sekretarya na nauna sa kanya ay ginagawang biro lang ang sinasabi ko. Pasok sa tenga, labas sa kabilang tenga. Kaya siguro siya nagtagal… I mean, di pa naman umaabot ng anim na buwan.
“I like your new secretary. Mukhang nakahanap ka ng katapat mo.” Puri ni Mrs. Ameerah. Pinagkibit balikat ko na lamang iyon at huminga nang malalim.
“DIANNE! Malilintikan ako ng board kapag nakitaan tayo ng mali sa trabaho natin. Nakakahiya!” ani ko sa isa sa mga supervisors ko. Binigyan ko siya ng dalawang araw para tapusin ang kanyang trabaho pero ni isa’y wala siyang natatapos. Simula noong nagka boyfriend siya, hindi na niya halos pagtuunan ng pansin ang mga kailangang gawin at dapat unahin.
“Yes, Ma’am. Gagawin ko po ngayon.” Aniya at mabilis na kinukuha ang mga papel na nilapag ko sa isang mesa. May iba pang nahuhulog sa sobrang pagmamadali niya. Nasapo ko ang ulo ko at napailing na lamang.
“Huy, bilisan mo sa pag-e-encode para hindi ka magsungit ulit si Madam!” narinig kong bulong ng isang staff sa hindi kalayuan ko. Si Andrew ay agad na sinubo at nilunok ang malaking pagkain sa takot na mahuli ko siya.
“Okay ka lang, Andrew?” tanong ng katabi niya nang pinagsusuntok niya ang kanyang dibdib nang mabulunan.
Hindi naman ako magsusungit kung ginagawa lang nila ang trabaho nila, pero madalas na ganito eksena kapag malapit na matapos ang buwan lalo na kapag Disyembre. Hindi pwedeng sumablay ang records kapag may sumabit kahit na pisong duling, hindi lang sila ang malalagot kung hindi ako rin.
“Coffee?” tanong ni Nathaniel nang pumasok na ako sa opisina ko. Naroon siya at naglalapag ng kape at dahil hindi niya kabisado ang tamis na nais ko ay dinadala niya ang lalagyan ng sugar at hinahayaan na ako ang maglagay.
Umupo ako sa swivel chair at hinilamos ang palad ko sa aking mukha. Hindi pa natatapos ang araw ay napapagod na ako. “Madam Sierra…” Bigla niyang sabi. Inangat ko ang paningin sa kanya. Gusto kong mairita sa tuwing nakikita ko ang nakangiti niyang labi habang ako’y stress na stress pero hindi ko magawa.
“Take time to rest. Masyado mong ginagawang buhay ang trabaho mo.” Aniya.
Napangisi ako, hindi makapaniwala. “Nathaniel. I’m your boss and you’re in my office. Anong karapatan mong pagsalitaan ako ng ganyan?” tanong ko sa kanya.
Humalukipkip siya habang tipid na nakangiti ang labi. “Ang sungit naman..,” Hindi niya tuloy ang sasabihin niya. Napansin ko ang kanyang paglunok kaya napaiwas ako ng tingin. “Malaki na talaga ang pinagkaiba mo kumpara dati.” Malumay niyang sabi.
“Matagal ko ng nakalimutan iyon, Nathan.” Ani ko at kinuha ang kapeng nilapag niya sa desk ko. Ang amoy nito at pamilyar na pamilyar sa akin. It brings back old memories na tanging kami lang dalawa ang nakakaalam. Sandali akong natigilan dahil doon.
“I know,” aniya. Hindi ako nagtaas ng paningin sa kanya. Hinintay ko na umalis siya sa harap ko at nagkunwaring inabala ang sarili sa mga papeles. Pagkasara ng pintuan nang lumabas siya ay bumaling ako sa direksyon na iyon.
May mga bagay sa mundo na hindi na kailanman mababalik sa dating ayos. Siguro coincidence lang na pagtagpuin ang landas namin ngayon pero wala talaga ibang kahulugan iyon. Mapaglaro ang kapalaran at ang kailangan mong gawin para hindi ka maloko ay sumabay sa agos nito.
Ilang beses kong itinatak sa isipan ko ang mga bagay na iyan. Walang kahit na anong ibig sabihin ang pagkikita namin ngayon, pero minsan ay tinatraydor ako ng sariling isipan…
“Ano? Pupunta ba kayo, Nathan?” narinig kong tanong ni Andrew nang sumapit ang gabi. Napatingin ako sa gawi ni Nathan na ngayon ay niyayaya ng mga kasamahan niya sa trabaho. Tumango siya habang nagliligpit.
“Susunod ako! Saan nga ulit ‘yon?” tanong niya sa mga ito. Na-e-enganyo akong sumama, maaga kong natapos ang trabaho sa tulong niya pero kilala ko ang mga employees ko. They’re just too afraid to invite me o kung sumama man ako, hindi lang sila magiging komportable kung naroroon ako kaya mas mabuting umuwi na lang at magpahinga.
“Tapos ka na ba sa trabaho mo?” biglang tanong ni Nathan at sumilip sa opisina ko para magpaalam. He’s not married yet, o may girlfriend pero hindi niya sinasabi kahit ilang beses magtanong ang mga katrabaho sa kanya. Madalas niya akong sinasamahan na mag overtime para tulungan ako, at kung may girlfriend o asawa siya, siguro naman hindi niya magagawa iyon. Mag-aaway sila kung hindi siya maglalaan ng oras dito.
Napahawak siya sa kanyang bag at nakasuot ng itim na leather jacket. “Uh, yes.” Tugon ko. Kung hindi dahil sa kanya ay siguro mag o overtime na naman ako. Ikinawit ko ang aking bag sa braso at niyakap ang aking laptop. “Aalis na ako. Mag-iingat kayo sa gala niyo.” Patuloy ko.
It’s saturday, kaya nag-ayang gumalawa sina Andrew. Pinatay ko ang ilaw ng opisina at lumabas na. Nakita ko sa giliran ng aking mga mata na nakatingin lamang siya sa akin habang sinara ang pintuan ng opisina ko. Naging conscious ako sa galaw ko sa mga oras na iyon. Bakit nariyan pa siya? Hinihintay niya ba ako?
Na kumpirma ko ang hinala nang muli siyang nagtanong, “Gusto mo bang sumama sa gala?” tanong niya. Bumaling ako sa kanya at halos iwasan ko ang kanyang mga matang napakalim na tingin sa akin. Gusto kong sumama pero nahihiya ako kasi hindi naman ako inimbita at ano ang iisipin ng mga kasama niya kapag naroon ang presensya ko?
“H-hindi ako pwede,” nauutal kong sabi. Gumuhit ang ngiti sa labi niya saka inagawa sa akin ang laptop kong dala dala. Kumunot ang noo ko sa ginawa niya. “Nathaniel?”
“Kahit nagbago ka na, may ugali pa rin natitira sa ‘yo. Kapag nauutal ka ibig sabihin, gusto mo o nagdadalawang isip ka.” Aniya at nilagpasan ako. “Tara na, isakay mo na lang ako sa sasakyan mo para hindi ka maligaw o makatakas.”
“Paano ka uuwi mamaya?”
“Sa bahay niyo ako matutulog mamaya,” nag echo ang boses niya sa hallway. Ngumisi siya nang lumingin sa akin. “Biro lang, syempre, babalik ako rito para kunin ‘yon.” Sumunod ako sa kanya pagkatapos niyang sabihin iyon.
TAHIMIK ang gawi namin sa lounge nang dumating kami ni Nathaniel. Inexclusive nila ang second floor nang mabalitaang sumama ako sa kanila. Si Nathaniel mismo ang nag suggest. Siguro mamaya ay magbabayad na rin ako para hindi naman nakakahiya.
Rinig ko ang ingay sa baba, ngunit ang mga kasama ko sa sofa a tila naglalamay sa sobrang tahimik. Kung may nagsasalita naman ay pabulong lang sa tenga ng isa’t isa. Tumikhim ako at humalukipkip saka ako napatingin sa mamahaling alak na nasa mesa. Si Nathaniel ang katabi ko sa sofa, malawak naman ito at sa tingin ko kasya ang limang tao pero kami lang dalawa dito. Alam ko na kung bakit nakikipagsiksikan ang mga staff ko sa isang sofa.
“Umiinom ka ba?” tanong sa akin ni Nathaniel. Tumango naman ako sa kanya kaya niya ako binigyan ng isang baso. “Ladies drink. Hindi ‘yan nakakalasing ‘pag hindi ka sumobra.” Patuloy niya at ngumiti. Nilakasan niya ang boses niya sa gitna ng ingay ng musika para marinig ko.
“Ikaw lang talaga may kakayahang magsalita nang kaswal kay Ms. Sierra, Idol!” puri ni Andrew sa kanya at tumawa. “Mabuti naman, ma’am at sumama ka sa amin. Welcome ka po parati dito!” aniya. Lumalabas ang mapuputi ang kumpletong ngipin niya habang ngumingiti.
Tumango ako at tipid na ngumiti. “Medyo naiilang ang mga kasama ko sa inyo, Ma’am. First time nilang makasama ka sa galaan.” Ani naman ni Elisse, ang dati kong sekretarya pero na promote siya bilang marketing supervisor dahil sa sipag magtrabaho at matalino.
“Don’t worry, hindi naman ako magtatagal.” Ani ko. Nanginginig ang labi ko kapag ngumingiti kaya mas mabuting hindi ko na lang gawin.
“Ilang taon ka na po ba Ma’am?” tanong muli ni Andrew pagkatapos tapusin ang alak sa baso niya.
“Thirty,” tipid kong sagot.
Tumango siya at umawang ang labi sa mangha. “Parang bente tres ka lang, Ma’am!” puri niya.
“Malamang! Wala pang asawa at anak. Stress lang sa trabaho at hindi sa bahay. ‘Di po ba, Ma’am?” tanong ni Elisse sa akin. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman, maiinsulto ba ako o sasaya? Sa edad ko ay inaasahan ng lahat na nakahanap na ako ng kabiyak o dalawa na ang supling. Paano ko naman magagawa iyon kung abala ako sa trabaho? At isa pa, wala naman akong interes sa ngayon sa mga relasyon.
I’ve been in a serious relationship before pero pagkatapos noon ay hindi na ako umulit…
Inubos ko ang laman ng baso ko. Napatingin si Nathan sa akin na tila gulat na gulat. This is very easy, mas matapang pa ang iniinom ko sa bahay.
“I want more,” ani ko at nilahad ang baso sa kanya. Agad naman niya itong kinuha ko sa kamay ko para salinan ng panibagong alak.
“Boyfriend po ba, Ma’am? Wala kayo?” tanong muli ni Andrew. Napansin ko ang pagbaling ni Nathan sa akin.
Umiling ako bilang sagot. “Wala pa sa plano ko.” Sagot ko.
“Pero nagkaboyfriend ka na po ba, Ma’am?” muling tanong niya. Sa giliran ng aking mga mata, napansin ko ang pananahimik ni Nathan. Nilalaro niya ang baso sa kanyang kamay habang nakayuko.
Tumango naman ako at tipid na ngumiti sa kanila. “Isang beses,”
“Bakit kayo naghiwalay, Ma’am?” tanong ni Elisse. Nahimigan ko ang pagiging kumportable nila sa akin, taliwas sa kung ano sila sa tuwing nasa opisina kami. Mabuti naman pero ako itong hindi nagiging komportable sa mga tanong nila sa akin. Hindi ko gustong tinatanong ako sa nakaraan ko pero sa tingin ko, sa mga ganitong kaganapan, ay hindi talaga ito maiiwasan.
“Typical reason. I chose my career,” ani ko at nagkibit-balikat.
Tumango ang mga nakatuon ang atensyon sa akin. “Baka nagsisisi si Ma’am kaya hindi pa nagkakaboyfriend ngayon. Kung babalik ‘yong ex mo, Ma’am, jojowain mo ba ulit?” walang prenong tanong ni Andrew. Tinampal siya sa kamay ng katabi niya.
Mas lalo akong hindi naging komportable sa inuupuan ko. Si Nathan ay tumikhim at nilagok ang inumin niya bago yumuko ulit. Para bang nakikinig lang kaya hindi umiimik. “I-I don’t know…” utal kong sabi. Napansin ko ang sandaling pag-lingon ni Nathan sa akin.
“Tama na ‘yan! Masyado mo niyo namang hino-hot seat si Madam. Gusto niyo ba pag initan kayo sa lunes sa opisina?” biglang sambit ni Nathan habang natatawa.
“Ikaw ba, Nathan? May girlfriend ka na?” tanong ni Andrew sa kanya. Siya lang ata maingay at si Elisse, iyong ibang limang kasama namin ay nakikinig lang o nahihiya na magsalita.
“Kung sasabihin ko bang wala, ipe-pair up niyo ako kay Madam Sierra?” tanong ni Nathan. Alam kong biro lang naman iyon pero uminit ang pisngi ko. Natawa si Andrew at tinapunan siya ng pirasong chip.
“Sira! Nagtatanong lang e’!” ani ni Andrew. “Pero parang pwede na rin, mukhang hindi naman magkalayo ang edad ninyong dalawa.” Patuloy niya at bumaling sa akin. Tumikhim ako at nag-iwas ng tingin.
“Mas matanda ako ng isang taon sa kanya,” ani ni Nathan at tumingin sa akin.Agad siyang nag-iwas nang sandaling nagtama ang mga mata naming dalawa.
“Ohh,” tumango tangong sabi ni Andrew. “Pero, Idol Nathan, ‘yong tinatanong ko na kung may girlfriend ka na hindi mo pa rin nasasagutan. Isang buwan na akong nagtatanong sa ‘yo ha! Wala pa rin akong nakukuhang matinong sagot.”
Tumawa si Nathan at tinapunan siya ng chip. Tumawa na rin si Elisse sa kanyang ginagawa. Uminom muli ako ng alak para ikalma ang puso kong panay t***k sa mga oras na iyon. Bakit niya tinatago? Kung wala ay madali lang naman sabihin na wala, unless na lang na ayaw niyang ibalandara sa amin ang girlfriend niya sa takot na istalk-in siya o ang girlfriend niya.
Kung sabagay, Nathan is a protective and secretive friend kahit noon pa man. Hindi na dapat ako magtataka.
NAGSIUWIAN kami nang maghating gabi. Si Andrew ay hinatid si Elisse at iba pang girls na medyo nalasing. Nagpresenta si Nathan na siya ang maghahatid sa akin pero ang ending, ako itong namomroblema kung saan siya ihahatid. Napapikit siya habang nanghihina ang katawan. Kanina niya pa ako pinipilit na ibaba ko siya sa motor niyang nakaparada sa parking lot ng building namin pero sa kalagayan niya, imposibleng iwan ko na lang siya.
Ni hindi nga makapagsalita nang maayos o kahit maglakad man lang tapos hahayaan ko siyang magmotor? Syempre, hindi! I’m his boss at magiging responsibilidad ko pa kung may mangyari mang masama sa kanya.
“Where’s your address, Nathan?” tanong ko sa kanya habang nagmamaneho, hindi ko alam kung saan ako patungo basta ang tinatahak kong lugar ay ang dating bahay kung saan siya namamalagi dati. “Gaya pa rin ba ng dati?” sumulyap ako sa kanya. Dumilat ang isa niyang mata at tumingin sa akin.
“‘Di na tayo tulad ng dati…” Aniya sa lasing na lasing na tono.
Huminga ako nang malalim at pumikit sandali bago muling ipinukol ang atensyon sa kalsada. “Nathan, please.”
“Please stay,” aniya at humalakhak. Bumangon siya at lumapit sa akin. Agad kong naparada ang sasakyan sa gilid ng kalsada dahil sa ginawa niyang paglapit. Halos maramdaman ko ang hininga niya sa leeg ko pero pinilit kong pakalmahin ang aking sarili. “Ilang beses ko ‘yong nasabi sa ‘yo ‘yan noon, Sierra.”
Bumaling ako sa kanya. Nanghihina ang kanyang mapupulang mga mata habang nakatitig sa akin. Tinulak ko siya para lumayo sa akin na siyang ikinatawa niya. “Parati mo na lang akong tinutulak palayo sa ‘yo.”
He’s drunk pero masakit isipin na ganito ang lumalabas sa kanyang bibig. Kung ano ang nasa isipan ay nilalabas daw ng alak, ibig sabihin ba n’yan hindi pa rin siya nakakalimot? Hindi ko gustong mag-assume kaya umiling ako at nilabanan ang naglalarong pakiramdam sa aking dibdib.
Imposible…
Mayamaya ay tumunog ang isang phone na siyang bumasag sa katahimikan. “Do-dont answer…” Aniya habang pilit na tinataas ang mga braso. Kinuha ko iyon sa bulsa niya at tiningnan kung sinong tumatawag. Nagbabakasakali na makahanap ng sagot kung saan ko siya ihahatid…
Babe
Napalunok nang mabasa ang tumatawag. Huminga ako nang malalim at sinagot iyon sa tatlong beses na nag ring. “Hello,” nanginginig ang labi ko nang sagot ang kabilang linya.
“Hello? Who’s this? Nasaan si Nathan?” tanong niya. Ang boses nito ay mahinahong at very feminine.
“This is his boss, Sierra Corteza. Kasama ko siya ngayon, please send me his address. He’s already drunk at hindi ko alam kung saan siya dadalhin.” Ani ko. Sinabi niya kung saan ang address niya. Bagong address at mukhang nagsasama ngayon sila ng girlfriend niya sa iisang bubong dahil hinihintay niya si Nathan at alalang alala.
Ano nga ba ang dapat kong ipagtaka? Noon pa man, hindi niya gustong lumayo sa mga mahal niya sa buhay. He’s a possessive boyfriend sa pagkakakilanlan ko sa kanya.
Binaba ko ang phone at mabilis na pinaharurot ang sasakyan. Binalot ako ng pagsisisi kung bakit ako pa sumama sa kanila... Sa kanya. Kung sa umpisa pa lang ay hindi ko na hinayaan ang sarili ko sa kanya mas madali kong makalimutan ang nararamdaman kong ito o kahit noon pa lang, hindi ko na sana siya nakilala siguro mas madali sa para akin ang piliin ang pangarap ko nang walang pagalinlangan.
He influenced everything at sinikap kong lumayo. Ngayon dito ako babagsak… sa kanya pa rin? Sa kanya ulit?
“Thank you!” ani ng kanyang girlfriend o asawa na pero hindi pa nagpapakasal habang kinukuha siya mula sa loob ng sasakyan.
“I love you,” biglang sabi ni Nathan habang napapikit ang mga mata. Bahagya siyang dumilat at napatingin sa akin habang akay akay siya ng kanyang girlfriend. Mabilis akong nag-iwas ng tingin at napalunok. Mariin kong hinawakan ang manibela.
“I love you too, babe.” ani ng girlfriend niya habang ngumingisi. Nag thank you ulit siya saka isinara ang pintuan. Hindi agad ako umalis. Napako ang mga mata ko sa kanila hanggang tuluyan silang pumasok sa gate.
Lumandas ang luha sa akin mga mata at mabilis ko namang itong pinunasan. “No, Sierra. Lasing lang siya.” ani ko sa aking sarili at natawa. Ang mga alaala noon ay muling sumagi sa aking isipan nang tuluyan kong pinaharurot ang sasakyan paalis.